Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang maikling buod ng El Filibusterismo Kabanata 1 – Sa Ibabaw ng Kubyerta. Bukod pa d’yan, pag-aaralan din natin ang mga mahahalagang pangyayari, mga tauhan, tagpuan, talasalitaan, at mga aral, mensahe, o implikasyon na makukuha sa kabanatang ito.
Related: El Filibusterismo Buod ng Buong Kwento (Maikling Buod) »
Mga Nilalaman
Buod ng El Filibusterismo Kabanata 1 – Sa Ibabaw ng Kubyerta
Isang umaga ng Disyembre, ang bapor tabo ay naglalayag sa liku-likong landas ng Ilog Pasig papunta sa Laguna. Sa kubyerta ng bapor ay naroon sina Donya Victorina, Don Custodio, Ben Zayb, Padre Salvi, Padre Sibyla, Padre Camorra, Padre Irene, at Simoun. Ang kanilang tinalakay ay ang mga plano para sa pagpapaganda ng Ilog Pasig at mga proyekto ng Obras del Puerto.
Nagbigay ng mungkahi si Simoun na maghukay ng isang diretso at tuwid na daan mula sa simula hanggang sa dulo ng Ilog Pasig. Ang lupa na mahuhukay ay gagamitin upang ibara ang dati nitong daan. Inirekomenda ni Simoun na gawing mga trabahador ang mga bilanggo upang makatipid sa gastos. Kung hindi pa rin sapat, maaaring pagtrabahuhin ang mga mamamayan nang sapilitan at walang kabayaran.
Ngunit, hindi sumang-ayon si Don Custodio sa plano ni Simoun dahil sa posibilidad na ito ay magdulot ng rebelyon. Sa halip, iminungkahi ni Don Custodio na pilitin ang mga naninirahan malapit sa Ilog Pasig na mag-alaga ng mga itik. Ang layunin ay mapalalim ang ilog sa pamamagitan ng pagkuha ng suso o snail na kinakain ng mga itik. Hindi rin ito sinang-ayunan ni Donya Victorina dahil sa posibilidad na dumami ang itlog ng itik na kanyang pinandidirihan.
Mga Mahahalagang Pangyayari
- Nagsimula ang kwento sa bapor Tabo na naglalayag sa ilog Pasig patungong Laguna. Ang bapor ay simbolo ng Pilipinas sa ilalim ng pamamahala ng Espanya—mabagal, marumi, at hindi epektibo, ngunit pinipilit magmukhang maayos sa pamamagitan ng pag-aayos sa panlabas na anyo.
- Sa itaas ng kubyerta ay mga prayle, mga opisyal, at mayayaman na naka-upo ng kumportable habang ang mga Indio, mestizo, at Tsino ay nagsisiksikan sa ibabang bahagi ng bapor. Ipinapakita nito ang malinaw na pagkakahati ng lipunan.
- Si Simoun, ang mayamang alahero na kilala bilang tagapayo ng Kapitan Heneral, ay ipinakilala. Siya ay may kakaibang hitsura dahil sa kanyang puting buhok at itim na balbas, at lagi niyang suot ang kanyang malalaking salamin na nagtatago sa kanyang mata.
- Nagkaroon ng diskusyon ang mga pasahero tungkol sa mga proyekto para sa pagpapaunlad ng bansa, kabilang ang mga plano para sa pag-aayos ng ilog Pasig at pagpapatayo ng mga imprastruktura. Si Simoun ay nagmungkahi ng radikal na solusyon: paggawa ng bagong kanal upang palitan ang ilog Pasig.
- Tinuligsa ni Don Custodio ang plano ni Simoun na gumawa ng kanal dahil ito raw ay magastos at maaaring magdulot ng pag-aalsa ng mga tao at sa halip ay nagbigay ng kanyang suhestyon.
See also: El Filibusterismo Buod ng Bawat Kabanata 1-39 w/ Talasalitaan »
Mga Tauhan sa El Filibusterismo Kabanata 1
Ito ang mga tauhang nabanggit sa unang Kabanata ng El Filibusterismo:
Simoun
Siya ang nagbabalik na si Juan Crisostomo Ibarra sa nobelang Noli Me Tangere. Isa siyang mag-aalahas na sa kabanatang ito ay ang nagmungkahi ng radikal na solusyon na maghukay ng isang tuwid na daan para sa Ilog Pasig. Ito’y magiging isang malaking proyekto na gagamitin ang mga bilanggo bilang mga manggagawa.
Donya Victorina
Isang Pilipinang nagpapanggap na Espanyola. Sa kabanatang ito, kinuwestiyon niya ang ideya ni Don Custodio na mag-alaga ng itik ang mga residente sa paligid ng Ilog Pasig dahil ayaw niya sa balot.
Don Custodio
Isa sa mga principalia na kumakatawan sa mga mamamayan ng Pilipinas. Hindi niya sinang-ayunan ang mungkahi ni Simoun na maghukay ng isang tuwid na daan sa Ilog Pasig dahil maaaring magdulot ito ng himagsikan. Nagmungkahi siya ng alternatibong paraan – ang pag-aalaga ng itik para lumalim ang ilog.
Ben Zayb
Isang mamamahayag na nasa ibabaw rin ng bapor Tabo.
Padre Salvi, Padre Sibyla, Padre Camorra, Padre Irene
Mga miyembro ng simbahan at kasama sa paglalakbay sa Ilog Pasig.
Read more: El Filibusterismo Tauhan at mga Katangian ng Bawat Isa »
Tagpuan sa El Filibusterismo Kabanata 1
Ang tagpuan ng kabanata ay sa isang Bapor Tabo na naglalakbay sa Ilog Pasig papuntang Laguna. Ang mga pangunahing kaganapan sa kuwentong ito ay naganap habang sila’y naglalakbay sa ilog at nag-uusap tungkol sa mga isyung kinakaharap ng kanilang komunidad, partikular na ang problema sa Ilog Pasig at ang mga gawain ng Obras del Puerto.
Talasalitaan sa El Filibusterismo Kabanata 1
- Bapor Tabo – isang uri ng sasakyang pangtubig na hugis tabo, pangunahing ginagamit sa mga ilog at lawa
- Himagsikan – rebelyon o pag-aalsa
- Principalia – isang termino na ginamit noong panahon ng Espanyol upang tukuyin ang lokal na mga piling tao o mga namumuno sa komunidad sa Pilipinas
- Balot – ito ay isang uri ng pagkaing Pilipino galing sa itlog ng pato o itik
- Ilog Pasig – isang mahalagang ilog na dumadaloy sa gitnang rehiyon ng Luzon sa Pilipinas, na kung saan nagmumula sa Laguna de Bay at dumadaloy papunta sa Look ng Maynila.
- Sapilitan – hindi kusang loob o pinipilit
Mga Aral, Mensahe, at Implikasyon sa El Filibusterismo Kabanata 1
Narito ang mga aral at mahahalagang kaisipan na maaaring mapulot sa Kabanata 1 ng El Filibusterismo:
- Ang klase ng pamumuno ng mga Kastila noon sa Pilipinas, kung saan ang mabagal na bapor Tabo ay inihambing sa pamahalaan. Ang mabagal na pag-unlad ay dahil sa pagkakapokus ng mga namumuno sa sariling interes at ang pagpigil sa edukasyon ng mga Pilipino upang manatiling sunod-sunuran sa kanila.
- Huwag maliitin ang ating kapwa, kung saan ang mga Kastila noon ay may mababang pagtingin sa mga Pilipino, na itinuring lamang bilang mga utusan at inaakalang sila ay ipinanganak para maging alipin lamang ng mga Kastila.
- Ang diskriminasyon na makikita sa pagkakahati ng mga sakay sa bapor Tabo. Ang mga mayayaman at dugong Kastila ay nasa itaas na bahagi, kung saan komportable sila at hindi pinapawisan. Samantala, ang mga Pilipino, Indio at mga Intsik ay nasa ilalim ng kubyerta, nagtitiis sa init, ingay ng makina, pawis at siksikan sa kanilang kinatatayuan.
- Ang kabanata ay nagpapakita rin ng pagiging makasarili at bulag sa katotohanan ng mga nasa kapangyarihan. Halimbawa, iminungkahi ni Simoun na pagtrabahuhin ang mga bilanggo at mamamayan nang sapilitan, na hindi iniisip ang mga epekto nito sa mga mamamayan. Sa kabilang banda, ang mungkahi ni Don Custodio ay nagpapakita ng kamangmangan sa pagpapahalaga sa kalikasan at mga mamamayan. Ang hindi pagkakasundo nila ay nagpapahiwatig na ang kanilang mga interes ay hindi para sa kapakanan ng bayan, kundi para sa kanilang pansariling kapakanan.
- Mensahe ng kabanata ay ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang tapat at may malasakit na pamumuno. Ipinapakita din ng kabanata na ang pagpapasya ay hindi dapat mabulag sa pansariling interes, kundi dapat isaalang-alang ang kapakanan ng lahat, lalo na ang mga mahihirap at naaapi.
At dito nagwawakas ang ating aralin patungkol sa El Filibusterismo Kabanata 1 Buod, mga Tauhan, Tagpuan, Talasalitaan, at Aral. Naging kapaki-pakinabang ba sa iyo ang araling ito? Kung oo ang iyong sagot, ibahagi mo din ito sa iyong mga kaklase at kaibigan para sila din ay matuto sa unang kabanata ng nobelang ito.
Samantala, maaari mo din itong i-share sa iyong mga social media account. I-click lamang ang share button na makikita sa iyong screen. Para sa karagdagang mga tanong tungkol sa ating aralin, mangyaring mag-iwan ng komento sa ibaba.
Read next: El Filibusterismo Kabanata 2 Buod, Tauhan, Aral, atbp. »