Tula Tungkol sa Kalayaan (5 Tula)

Sa pahinang ito ay mababasa mo ang limang tula tungkol sa kalayaan mula sa iba’t ibang mga makatang Pilipino.

Tunay nga na ang bansang Pilipinas ay malaya na mula sa pananakop ng mga mapang-aping dayuhan. Salamat sa mga bayaning nagbuwis ng kanilang buhay para sa kalayaang ating tinatamasa ngayon.

Gayunpaman, may mga nagsasabi na ang Pilipinas ay hindi pa rin ganap na malaya. Maraming isyu sa lipunan ang dapat bigyang pansing hindi lang ng pamahalaan kundi pati ng rin ng ordinaryong mamamayan. Upang mamulat ka sa mga ito, narito ang mga tula tungkol sa kalayaan na naglalarawan sa mga usaping ito.

SEE ALSO: Mga Tula Tungkol sa Wika


Mga Halimbawa ng Tula Tungkol sa Kalayaan


Nasaan ang Kalayaan?

ni Kamalayang Kalayaan

Isang daang taon ang nakalilipas
Marami pa rin ang naghihirap
Isang daang taon ng pakikibaka
Para sa ating ganap na paglaya

Tingnan mo sila walang pinagkaiba
Sa mga dayuhan sa atin umalipusta
Pinagdidiwang ang kalayaan
Na hindi nila alam ang kahulugan

Nasaan ang kalayaan?
Kung ang tiyan ay walang laman
Nasaan ang kalayaan?
Kung wala kang katarungan

Nasaan ang kalayaan?
Nasaan ang kalayaan?
Nasaan ang kalayaan?
Aking Kababayan

Malaya na ba ang pilipino?
Tanong ko sa sarili ko
Malaya na ba ang pilipino?
Itanong mo sa sarili mo

Sa ating mga ninuno na lumaban
At nagbuwis ng buhay para sa bayan
Ipagpatuloy natin ang laban
Totoong kalayaan ng Anak ng Bayan

Nasaan ang kalayaan?
Kung lupa mo’y kinakamkam
Nasaan ang kalayaan?
Kung wala kang karapatan

Nasaan ang kalayaan?
Nasaan ang kalayaan?
Nasaan ang kalayaan?
Aking Kababayan


Sa Kalayaan ng Aking Bayan

ni Spie Principio

Sa isip ko, di yata
natatamo ‘tong kalayaan
ng aking bayang sinilangan
sa kamay ng dayuhan.

Kahit na ilang taon
ang nagdaan sa kasaysayan
s’yang kaakibat pa rin
paghihimasok ng dayuhan.

Sa ‘ting pangangalakal
maging sa ‘ting pamamahala
boses ng mga dayuhan
siyang may timbang at halaga.

Paano na tayo at ang bukas
patuloy ang hikahos
pagdiriwang ng kalayaan
kawalan, siyang saysay.


Kalayaan!!!

ni Sheila Magpantay

Mga bayani’y nagpakasakit
Kalayaan ng bansa’y makamit lang nang pilit
Karapatan ay ipinaglaban
Makalaya lang sa dayuhang kumamkam

Buhay at dugo’y kanilang iniaalay
Sa lupa’t bayang kanilang sinilangan
Upang huwag maagaw mga likas na yaman
Kanilang ipinaglaban mailigtas lang ang bayan

Kulay namin ay kayumanggi
Ibinigay ng Diyos na kayangi-tangi
Katangiang maipagmamalaki ninuman
Sa lahat ng tao lalo na sa mga dayuhan

Sina Rizal at  Bonifacio ilan sa mga bayaning totoo
Ginamit ay katalinuhan pati sandata ng bayan
Mga dayuhan napahangang tunay
Sa murang edad buhay ay inialay sa bayan

Pilipino man ay nagkawatak-watak
Pinagbuklod ng katarungan
Pagka makasarili nilimot nang tuluyan
Para sa kaligtasan ng  buong sambayanan


Kalayaan para sa Bayan

ni Jazmin Escover

Noong panahon ng kastila nagkaroon ng digmaan
Para lang makamit ang inaasam na kalayaan
Malaking pasasalamat ng mga Pilipino
Dahil nakalaya tayo na parang bilanggo

Si Bonifacio ay isang bayani ng ating bansa
Ipinaglaban niya ang ating kalayaan laban sa mga kastila
Baril at itak ang kanyang sandata
Na hindi tinatablan parang, walang kalawang na lata

Maraming Pilipinong nasawi at namatay
Sa mapang-aping kastila na mapang-away
Tatlong daang taon sinakop ang ating bansa
Kay tagal bago tayo’y makalaya

Sana huwag natin kalimutan
Ang mga bayaning hindi pwedeng makalimutan
Na lantay at walang anumang kopya
Sila ang dahilan ng bansang malaya


Malaya Ka Na Pilipinas

ni Nickalou C. Orantes

Kalayaa’y nakamtan ng ating bayan
Nang tayo’y nagkaisa at nagtulungan
Iisa ang hangarin sa pakikipaglaban
Kaya tayo’y nagtagumpay sa laban.

Lahat ng bagay ay may katapusan
Kaya pananakop nila’y nalampasan
Sa tulong na rin ng ating kababayan
Kaya dapat sila’y ating pasalamatan.

Sina Luna, Gregorio, at Bonifacio pati Silang, Rizal, at Aquino
Nagbuwis ng buhay para sa bayan
Silang lahat ay di dapat kalimutan
Dahil buhay nila’y ipununla sa bayan

Kaya’t kalayaan ingatan at mahalin
Upang ang bayang iniibig di na uli maangkin
At di mawalan ng saysay ang ipinaglaban sa atin
At sa pagkakaisa laging isisigaw ang salitang…

Malaya ka na Pilipinas!


SEE ALSO: Mga Tula Tungkol sa Bayan

At iyan ang mga tula tungkol sa kalayaan na aming nakolekta mula sa iba`t ibang mga makatang Pilipino. Alin sa mga tulang ito ang pinakagusto mo?

Mayroon ka bang sariling likhang tula tungkol sa kalayaan na nais mong isama sa pahinang ito? Ipaalam sa amin sa pamamagitan ng pag-iwan ng komento sa ibaba! 🙂

Share this: