Sa pahinang ito ay mababasa mo ang walong tula tungkol sa pamilya mula sa iba’t ibang mga makatang Pilipino.
Ang pamilyang Pilipino ay binubuo ng ama, ina, at mga anak. Ito ang bumubuo sa lipunan. Hindi lahat ng pamilya ay laging buo at masaya. Ngunit kung ikaw ay biniyayaan ng isang buo at masayang pamilya ay dapat mo itong ipagpasalamat sa Diyos.
Sa mga tula tungkol sa pamilya na iyong mababasa, makikita mo kung paano inilarawan ng may akda ang kani-kanilang pamilya. May masaya at mayroon din namang malungkot na tema. Anumang klase ng tula ang mabasa mo rito, nawa’y makatulong sa iyo ang mga ito upang lalo mong mahalin at pahalagahan ang pamilyang kinabibilangan mo.
SEE ALSO: Mga Tula Tungkol sa Magulang
Mga Halimbawa ng Tula Tungkol sa Pamilya
- Ang Aking Pamilya
- Ang aking Pamilya
- Pamilya
- Kanlungan
- Ang Aming Mag-anak
- Isang Tula Para sa Aking Pamilya
- Ang Aking Pamilya
- Ang Ibon na Kinulong sa Haula
Ang Aking Pamilya
mula sa suezylle.blogspot.com
Siguro, hindi na ako makakakita pa
Ng pamilyang kasimbuo ng isang tula,
Yung sama-sama ang mga talinghaga
Sa hirap man o sa ginhawa
Yung kapag binabasa mo’y kumakanta
Sa sala’y naglalaro’t nagpapatawa
May pag-ibig na nadarama
Sa bawat pahayag o taludtod nya.
Yung hindi kayang ilipad ng hangin
Ang kanyang himig o adhikain
May bagyo man o may rilim
Matatag, umiindayog pa rin.
Yung ang mga salita ay may bisa
Sa isip at galaw ng mga bata
May paggalang sa mga matatanda
Mga kapitbahay at mga bisita.
Pero ako ay nalulungkot
Panahon nati’y iba ang ikot
Sa mga makata ay may dulot
Na paglayo at pagkalimot.
Ang aking Pamilya
ni Julie Ann F. Rosario
Sa mundong ito, simula nang ako’y mabuhay,
Ang mga magulang ko ang aking taga gabay.
Sa mundong puno ng lungkot at problema,
Hindi nila ko hinayaang mag-isa at walang kasama.
Sa loob ng labing-anim na pagkabuhay ko sa mundo,
Nagpapasalamat ako sa mga magulang ko.
Mula sa araw ng aking pagsilang, sila’y nasa tabi.
Hindi nila ko hinayaan hanggang sa ako’y lumaki.
Laking pasasalamat ko sa kanilang pag-aalaga
Pagkat ako’y lumaki nang maayos at may kwenta.
Kapag may problema, laging nariyan para umalala
Dahil sa ako’y mahal at anak nila.
Bilang isang anak, hindi man ako perpekto.
Ayos lang dahil sila nama’y mahal ko.
Hindi ko man ipakita ang pagmamahal na ito
Alam kong nararamdaman ito ng kanilang puso.
Salamat sa inyo, aking ama’t ina.
Sa walang sawa niyong pagsuporta.
Alay ko sa inyo ang matatanggap na medalya,
Kapalit ng inyong maayos na pag-aaruga.
Pamilya
ni Julyhet Roque
Kay sarap pagmasdan ng masayang pamilya,
Si ama’t si ina’y responsable sa tuwina
Ang Diyos ang sandigan sa tuwi-tuwina.
Mga anak pinalaki nang may takot sa Diyos,
Tinuruang gumawa, magpawis at mapagod
Pagkat puhunan daw iyon sa paglaking lubos.
Edukasyon ng anak ay itinaguyod
Kahit na mangapal ang palad sa pagod
Basta sa pamilya ay may maitustos.
Di nag aaway sa harap ng supling,
Kapakanan lagi ng anak na hirang ang nasa at pansin
At pagmamahalan ang laging inaangkin.
Kanlungan
mula sa takdangaralin.ph
Paano ko nga ba makalilimutan
Ang napakainit na bisig ng aking mga magulang
Na siyang aking naging kanlungan
magmula ng ako ay isinilang
Tuwing ikinukwento ng aking mahal na ina
Ang mga panahon na ako ay kanyang inaaruga
Pawang ngiti lamang ang nakikita sa labi niya
At maging sa kanyang mga mata
Akin ding inaaalala kung paano ako alagaan ni ama.
Na walang kasing higpit at bibihirang tumawa
Tuwing ako’y umiiyak dahil sa mga kalaro
Nandoon siya upang akoy’ patawanin gamit ang kanyang mga biro.
Ngayon ako’y malaki na at ang aking magulang ay matatanda na,
Ako naman ang magsisilbing kanlungan nila.
Dahan-dahang susuklian ang mga kabutihan,
At di magsasawang sila ay pagsilbihan.
Ang Aming Mag-anak
mula sa scribd.com
Ang aming mag-anak ay laging Masaya,
Maligaya kami nina ate at kuya.
Mahal kaming lahat ina ama’t ina,
Mayroon ba kayong ganitong pamilya?
Kahit sa paggawa’y pagod ang katawan,
Tulong ni ama ay laging nakaabang
Suluranin ni ate ay nalulunasan,
Sa tulong ni inang lagging nakalaan.
Isang Tula Para sa Aking Pamilya
ni Marlyn Adame Autor
Mula ng ako ay isilang
ako ay nagkaroon ng muwang
upang paglaki ko’y
makapagpasalamat sa aking magulang…
Sa aking AMA na siyang dahilan
kung bakit ako ay may pangalan
salamat sa iyo
ako ay naging tao…
Sa aking INA na siyang nagpalaki
upang pagtanda ko’y maipagmalaki
salamat sa’yo
nagkaroon ako ng magandang mundo…
Sa aking mga KAPATID na mahal ako
salamat sa inyo lumaki ako
binihisan ako para maging katulad nyo
at maipagmalaki pati ng ibang tao…
Hindi man ako perpekto
minsan may pusong bato
pero alam ko dito sa puso ko
walang makakapantay sa inyo…
Ipinagmamalaki ko kayo
dahil ako’y minahal nyo
ng walang kapalit kahit ano
kahit pa madalas selfish ako…
Hindi nyo ako iniwan
sa ano man laban
kasama ko kayo
matalo manalo man ako…
Kung lumaki man ako
sa paraang hindi nyo gusto
pasensya na kayo
dahil may sariling desisyon din ako…
Ssahan nyong sa dulo ng buhay ko
ay mayroon ding pangarap ang katulad ko
nasaktan o nasugatan ko man ang puso nyo
patawad ang pagsamo ko…
Sa aking mga magulang at kapatid
asahan nyong ating pisi ay di mapapatid
dahil sila, kayo at ako ay magiging isa
para magbuklod at maging isang masayang pamilya…
Mahal ko kayo
gumuho man ang mundo
matuyo man ang dagat
kayo pa rin ang hahanapin ko…
Upang paglingkuran lahat kayo
ako ay magbabago
ng pagdating sa dulo
sama-sama pa rin tayo…
Ang Aking Pamilya
Sa mundong ito, simula nang ako’y mabuhay,
Ang mga magulang ko ang aking taga gabay.
Sa mundong puno ng lungkot at problema,
Hindi nila ko hinayaang mag-isa at walang kasama.
Sa loob ng labing-anim na pagkabuhay ko sa mundo,
Nagpapasalamat ako sa mga magulang ko.
Mula sa araw ng aking pagsilang, sila’y nasa tabi.
Hindi nila ko hinayaan hanggang sa ako’y lumaki.
Laking pasasalamat ko sa kanilang pag-aalaga
Pagkat ako’y lumaki nang maayos at may kwenta.
Kapag may problema, laging nariyan para umalala
Dahil sa ako’y mahal at anak nila.
Bilang isang anak, hindi man ako perpekto.
Ayos lang dahil sila nama’y mahal ko.
Hindi ko man ipakita ang pagmamahal na ito
Alam kong nararamdaman ito ng kanilang puso.
Salamat sa inyo, aking ama’t ina.
Sa walang sawa niyong pagsuporta.
Alay ko sa inyo ang matatanggap na medalya,
Kapalit ng inyong maayos na pag-aaruga.
Ang Ibon na Kinulong sa Haula
Ako ay katulad sa ibong kinulong sa haula.
Kinulong ako dito ng aking sariling pamilya.
Pinanganak at lumaki, malungkot at magisa.
Tanging ako ng, nagtanda ng walang kasama.
Ang aking haula ay maganda.
Iwan ng magulang, ito ay pamana.
Perpekto itong lahat sana,
kung meron akong kasama.
Lumaking malamig sa tao, kahit sa sariling pamilya,
ayaw kong ganito, magbago ako sana,
sa salang ito ako ay nakokonsensiya,
Puso ko tigilan mo na ito, ako’y nagmamakaawa.
Nayong panahon nakalaya na ako sa haula,
pero di ko parin matigil ang panlalamig sa aking pamilya.
Ito ang pagsisikapan ko, ito ang aking pangako.
Ang relasyon ko sa aking pamilya ay magbabago.
SEE ALSO: Mga Tula Tungkol sa Ina
At iyan ang mga tula tungkol sa pamilya na aming nakolekta mula sa iba`t ibang mga makatang Pilipino. Alin sa mga tulang ito ang pinakagusto mo?
Mayroon ka bang sariling likhang tula tungkol sa pamilya na nais mong isama sa pahinang ito? Ipaalam sa amin sa pamamagitan ng pag-iwan ng komento sa ibaba! 🙂