Home » Literature » Tula Tungkol sa Ina (17 Tula)

Tula Tungkol sa Ina (17 Tula)

Sa pahinang ito ay mababasa mo ang labing pitong tula tungkol sa ina mula sa iba’t ibang mga makatang Pilipino.

Inay, Nanay, Mama, Mommy, Mudra. Ilan lamang ang mga ito sa mga kadalasang tawag natin sa ating Ina. Ang ating nanay ang pinakaunang tao na nagparamdam sa atin ng wagas na pag-ibig. Walang kapantay ang sakripisyo nila sa ating buhay. Ang dalhin pa lamang tayo ng siyam na buwan sa kanyang sinapupunan ay isang malaking sakripisyo na hindi natin kayang tumbasan ng pera. Kaya naman habang may pagkakataon pa, iparamdam mo sa iyong ina kung gaano mo siya kamahal.

Tiyak na makatutulong din sa iyo ang mga tula tungkol sa ina na aming kinalap at pinagsama-sama upang lalo mong maintindihan ang hindi matatawarang sakripisyo at pagmamahal ng isang ina para sa kanyang pamilya. Sa iyong pagbabasa ng mga tulang ito, itanim sa puso at isip ang bawat aral na mapupulot mo dito at magsilbi nawa itong inspirasyon sayo upang lalo mong mahalin ang iyong nag-iisang ilaw ng tahanan.

SEE ALSO: Mga Tula Tungkol sa Pamilya


Mga Halimbawa ng Tula Tungkol sa Ina


Duyan ng Bulaklak Para kay Inay

ni Rolando S. Soliven

Nais kong magtanong sa lahat ng dilag,
Pa’no ba uuriin ang ganda ng bulaklak?
Sa bango bang angkin na hatid ay galak
O sa rikit na taglay na nakabibhag?

Ang bango’t samyo ba ay makasasapt
Sa lahat ng hirap pwede bang itapat?
Sa pagod at pagal ba ay mailalapat.
Matatanggal nga ba, papawiin lahat?

Kay raming bulaklak na nagwawagayway
Ang angking karikitan ay abot ng kamay
Nguni pa’no pipiliin ang dapat na alay
Sa babaeng nagtangig ang tawag ay “Inay”?

Sa lahat ng hirap, sa lahat ng pagod
Lahat niya’y binigay sa anak na lingkod.
Dusa’y ‘di iindahin kahit na hilahod
Kahit pa bagsak na, bali ang gulugod.

Ang luha sa mata ng anak na irog
Kanyang pupunasan ng kamay at hagod
At saka hahagkan ng labing malambot
Upang takot sa dibdib mabaon sa limot.

Ikaw ang sandigan mula ng maliit,
Ikaw ang panangga kay Tatay na galit.
Lahat ng hiniling ibinigay pilit
Kahit ayaw at masakit mata ay pinikit.

Ang pagmamahal mo ay walang kawangis
Ikaw ang lunas ko sa aking pagtangis
Sa lahat ng supling walang ninais,
Kundi ang mahalin, arugaing labis.

Hindi man sumapat, lahat ng bulaklak
Nawa ang tula ko’y magdulot ng galak.
Maging “Duyan” nawa ng diwa mo “Nanay”
Payapang sandali… makamtan sa alay…


Kay Inay

ni Emelita Perez Baes

Sa aking kamusmusang
balot ng kalungkutang iniwanan ni Itay,
sa mulat kong paningi’y
naiwanan ang latay na naumang kay Inay;
labing-anim na matang
ipinauunawa’y lantay na pagmamahal,
ang kanyang kinapiling sa pakikipaghamok sa kinaparoonan!

May aninaw ng dilim
ang wisik ng siphayong sa puso ay pangwindang,
na kanyang katuusan
upang ang mga bunso sa aral ay tustusan;
ito’y mga gawing
di malirip ng diwa’t di mabata ng laman ngunit magpapayabong
ng walong pintig buhay at walong kaisipan.

Haba ngang nagtatagal
ay lalong bumibigat iyang mga dalahin
nitong mahal kong Inang
may matibay na. dibdib sa dusa at tiisin;
at iyang mga supling
na kulang pa ang malay ay kung pakaisipin
kanyang naitaguyod
sa sipag at tiyagang kay hirap patigilin!

May kurus s’ya sa dibdib
handang magpakasakit at handa ring magtiis,
mayroon siyang sagot
at laging handang tugon sa mga suliranin;
mapagpala n’yang kamay
panghaplos ng dusa at panlunas sa sakit,
mapagmahal na dibdib
ay mapagsusukdulan ng mga hinanakit.

Kinalong niyang lahat
iyang kapalaluang katambal ng pagluha
at sa silid ng puso’y
binigyang puwang niya, lahat ng mga hiwa;
may hapdi man ang sugat
na wala ng panlunas sa gasgas na hiwaga,
karamay pa rin siya
sa lahat ng sandaling pagkapariwara.

Ngayon nga’y kaarawan
ng aking sintang ina . .. ika-limampu’t siyam,
may putong siyang koronang
mula sa ating Poong sa kanya ay gumabay;
sa nagdaang panahon
ng pagpapakasakit at tinamong tagumpay
marmol siyang bantayog
niyang kadakilaang walang makakapantay!

Siya nga ang babaing
aking dadakilain sa lahat ng panahon,
ngayong may isip na ko’y karapatan ko lamang na siya’y ipagtanggol;
ipalasap sa kanya —
itong pasasalamat na sa puso ay taos,
ang kumot ng ginhawa’y
ilulukob sa kanya ng buong pagkalugod!

Sa kanya ay alay ko
ang halik ng pagsinta at ng mga pag-irog
at mga panalanging
nawa’y pagkalooban ng dugong dumadaloy
ang nalalabing buhay
na sa ugat ng puso ay pait ang bumalong
nang kahit na sang saglit
banaag na ligaya sa kanya’y mapakalong!


Ilaw ng Tahanan

ni Florimae Janiel

Ang sabi sa akin ng aking ina
Ako ay galing sa sinapupunan niya;
Sa bahay-bata niya kanya akong dala-dala
Siyam na buwang singkad kanya akong inalala…

Nang ako’y magkaisip aking nasilayan
Kung paanong mga anak kanyang alagaan;
Sa langaw at lamok ‘di hahayaang madapuan
Babantayan niya paglalaro mo sa lansangan…

Bago ka mag-aral tuturuan ka niya
Sisimulan sa tama gamit yaong “Abakada”;
Hindi ka niya kukurutin o kaya’y babatukan
Ni luluhod sa asin o didipa sa harapan…

Ang pagluluto niya ay ubod ng sarap
Piniritong bangus, sinigang na apahap;
Bulanglang na gulay, pinangat na sapsap
Adobo, mechado, afritada, at maski-pap…

Sa pananamit ay kanya kang iyaayos
Plantsadong mga damit, malilinis na sapatos;
Mamahaling medyas sa iyo’y kanyang isusuot
Nang ang mga paa mo ay hindi magkapaltos…

Kahit nang magbinata ang anak niyang mahal
Walang tigil ang pagpayo upang ‘di mapahamak;
Sabi n’ya, “Sa ‘yong sinta’y ‘wag lubos na magmahal,
at baka mabigo ka, puso mo ay mawasak!”

Kapag sumapit na ang anak sa graduation
Ang ina niyang mahal ay full of appreciation;
“Anak, ang galing mo, you did it, please go on”
Siya ay nagsisilbing palaging inspirasyon…

Kahit mga anak niya ay mag-asawa na
Naroon pa ring sumusubaybay sa kanila;
Sukdulang tumulong galing sa kanyang bulsa
Huwag lang maghirap ka sa pagpapamilya…

Ang aking masasabi ay iisa lamang
Gaano man kalaki natamong katagumpayan;
Sa likod ng anak ay may isang kaakbay
Walang iba kundi ang mahal niyang Nanay!


Dakila Ka Ina!

ni Dan Rogayan

Ilaw ng tahanan kung siya’y tagurian
Dakilang handog ng Diyos sa tanan;
Sinuman ay tiyak na maliligayahan
Sa taglay na buti ng kanyang katauhan.

Ako, ikaw at siya, sadyang mamamangha
Sa mapag-arugang puso niya na isang biyaya;
Alin pa kayang pag-ibig ang makahahangga
Sa ganoong pag-ibig na batbat ng hiwaga.

Saanman at kailanman, siya’y masasandalan
Kandili niya sa atin, di mapapantayan;
Mahal na ina, ikaw ang aming kahilingan
Sakripisyo mo, kalian pa naming matutumbasan?

Lahat ng hilahil, iyong nilalagpasan
Ito’y kadakilaan na alay kaninuman;
Tigib ng galak, bawat isa sa tahanan
Sa pagmamahal mo na ipinararamdam.

Dakila ka ina, higit ninuman
Dito sa puso namin, ikaw ay mananahan
Salamat sa lahat, sadyang di malilimutan
Inyong mga bigay mula nang kami’y isilang.


Dakilang Ina

ni Theresa Baniquid

Pano ba kita pasasalamatan aking inang mahal?
Na nagtanim sa akin ng magagandang asal
Biyaya ka sa akin ng Poong Maykapal
Dito sa mundo ako’ y iyong niluwal.

Hindi masukat ang tuwa ninyo ni itay
No’ng una akong makita ngiti ay sumilay
Tuwa at saya ay sadyang walang kapantay
Samahan ninyo’y lalo pang tumibay.

Sa gitna ng hatinggabi lagi mong nilalambing
Hinahaplos mo ko habang tulog na nahihimbing
Hindi mo hahayaan na ako’y lamukin
Lahat ng pag-aalaga ay iyong gagawin.

Sa aking paglaki nasaksihan ko
Ang iyong hirap pati lahat ng sakripisyo
Kahit kailan hindi narinig ang iyong pagsuko
Kahit na nga ang palad ay nangapal na sa kalyo.

Natatandaan ko pa nung munti pang bata
Walang kaming baon na papasok sa eskwela
Ang pangungutang ay hindi mo inalintana
May maibigay lang sa mga anak mong sinta.

No’ng makita ko yun sinabi ko sa sarili
Kapag ako’y nagkatrabaho kapag ako’y lumaki
Hindi na yun hahayaan na maulit pang muli
Darating ang araw kami sa iyo’y magsisilbi.

Puso mo’y dinurog nung makitang ako’y umiiyak
Dulot ng pag-ibig ang hatid sa akin ay masaklap
Wala kang nagawa kundi sa akin ay yumakap
Pinisil aking kamay at sa akin ay nahabag.

Hndi ka ipagpapalit sa lahat ng sinuman
Mawala na silang lahat,manatili ka lamang
Walang katumbas ang humilig sa ‘yong kandungan
Tila isang sanggol noong ako’y nasa ugoy ng duyan.


Salamat Aking Ina

ni Mkabataan

Sa’yong tiyan ako’y iyong inalagaan
Buhay mo ay nilagay sa alinlangan
Una kong salita’y inabangan
Unang hakbang ako’y inalalayan.

Ni sa lamok ay ayaw ipakagat
Todo asikaso kapag may lagnat
Karga-karga alintana aking bigat
Sa pagmamahal hindi ako sinalat.

Nang makitang ako’y lumuluha
Sabi mo’y buhay ‘di laging masaya
Ngunit hindi ako nag-iisa
Pagkat sa tabi ko’y nandyan ka.

Nang lumaki’y naging palasagot
Ikaw ay madalas nalilimot
Atensyon sa’yo ay pinagdamot
Kami pa’y nagtanim sa’yo ng poot.

Nang tumanda’y sinasabihang alagain
Dulot mo lang ay puro pasanin
Hindi ka man lang nagsalita laban samin
Sunukli mo pa ay kami’y mahalin.

Pagmamahal ay sa iba hinahanap
Nandyan lang pala sa aking harap
Nang maranasan iyong yakap
Sa puso ko’y nagdulot ng sarap.

Ngunit panahon ay di na sapat
Upang sabihin sa’yo ang lahat
Sa pagmamahal mong walang katapat
Ito ay aking pinagpapasalamat.

Kalungkutan pilit iniibsan
Nang aking masaksihan
Ang taong nagmahal sa’kin ng lubusan
Ngayo’y tuluyan na akong nilisan.


Para Sayo Nanay

ni Estrelita Vargas

Nanay, mama, mommy
Anumang itawag sa kanila
Hindi matatawaran
kanilang pag-aalaga

Pag-aaruga’t pagmamahal
Sa ami’y ipinaranas
Iyon ang aking ina
At wala ng iba

Lahat ay tiniis
Kahit pa nasasaktan
Sa aming kakulitan
Minsa’y napapaluha

Bilib ako sa nanay ko
Dahil kahit kami’y magugulo
Pasensya nya’y
Abot hanggang dulo

Kaya naman, sa araw na ito
Ikaw, aking ina ay pahahalagahan ko
Masiyahan ka sana
Sa munting mensaheng ito

Laking pasasalamat ko
Sa ating Panginoon
Dahil nilikha Niya kayo
Upang magsilbing instrumento

Ay ayaten ka Nanay!
Nahugugma Kita Nanay!
I Love You Mommy!
Mahal Kita Akin Nanay!

At aking buong
Pagmamalaking sasabihin
YOU’RE THE BEST, NANAY!


Pag-Ibig na Tunay: Anak Para sa Ina

ni Courageous101

Patuloy kong hawak ang iyong kamay, sa aking paglalakbay
Baon ko ang lahat ng iyong kalinga inay
Tungo sa aking inaasam na tagumpay
Mahal kong ina, ikaw ang aking buhay

Marami mang pagsubok na haharapin
Ika’y nariyan upang ako’y kalingain
Sa araw-araw, hindi ko sukat akalain,
Ika’y nariyan gumagabay palagi para sa’kin.

Madalas ako ay pasaway, ngunit pasensya mo’y singhaba ng tulay
Di mo iniinda pagod na iyong ramdam, o inay
Iba ka sa lahat, kalakasan mong taglay
Para sa iyong anak, pagmamahal na walang kapantay

Mananatili akong, sayo’y maging tapat
Lahat ng karanasan, kasama kang dapat
Upang matunghayan, ang iyong anak na inspirasyon sa lahat.
Di ka iiwan, hanggang sa aking pag angat.

Lahat ng pangarap, sisikaping matupad
Ako’y patuloy bawat hakbang at lakad
Upang matuto, naghahanda sa unang paglipad.
At upang maging handa kasabay ka, saan man mapadpad.


Dakilang Ina

ni IAmCherryPie

Salamat kay Nanay
Lagi kang nakaalalay
Mula pagkabata’y
Hawak mo aking mga kamay

Idolo kita
Pagkat ika’y dakila
Hindi ka man perpekto
Busilak naman ang puso mo

Sa mga panahong nagagalit ka
Ako’y sobrang nakokonsensya
Gustong-gusto kitang yakapin
Pero alam mong ako’y sobrang mahiyain

Sugat na aking natatamo
Malaki man, o maliit ito
Agad mong ginagamot
Sa mukha mo’y di nakikita ang yamot

Pawis na tumatagaktak sa noo ko,
Siguradong iyong sinasalo
Ng hawak-hawak mong bimpo
Imbis na punasan ang sariling pawis mo

Gatas na iyong tinitimpla
Pagtulog at paggising sa umaga
Ito’y hindi nakakasawa
Dahil ikaw ang may gawa

Mga damit kong puno ng mantsa
Katapat ay iyong paglalaba
Mukha mo’y parin ay masaya
Kahit mga kamay mo’y napapasma na

Habang ako’y nagdadalaga
Laging nariyan ka
Kahit minsan ay pasaway ako
Salamat Nay sa pagtitiis mo

Yung mga oras na nagalit ako sayo
Sobra-sobra ang pagsisi ko
Pagkat alam kong ako ang mali
Hindi dapat ikaw ang sinisisi

Tuwing luho ay hinihingi
Ikaw ay laging tumatanggi
Ngunit pag meron nang pera
Agad ay bumabawi ka

Noo’y hindi ka nakapunta sa graduation ko
Sobrang lungkot ang nadama ko
Pero alam kong kailangan na kailangan mo
Ang pag-intindi kong ito

Nung nalaman mong may gusto ako,
Parati ako’y iyong tinutukso
Puso ko nama’y lumulundag nang husto
Pagkat kitang-kita ko ang suporta mo

Kapag sumasali ako sa mga paligsahan,
O mga aktibidad sa paaralan
Ang suporta iyong inilalaan
Higit na aking pinasasalamatan

Sa tuwing sasapit ang gabi
Lagi akong nagmumuni
At Sinasabi sa sariling
“Salamat at natupad ang aking hiling.”

Ang hiling na ito
Ay ikaw mismo
Salamat Nanay ko
Nag-iisa ka sa aking puso

Hindi ako kumpleto
Kung mawawala ka sa buhay ko
At kapag nangyari ang pagkakataong ito
Dadalhin ko ang mga aral na pamana mo


Ina

ni Jenijoycegarciarollo

Nang dahil sa iyo, ako’y pinanganak
Inakay at binigyan ng mga patnubay
Nag-iisa ang aking ina, siya lamang
Pag-aaruga mo ay walang katulad

Gustuhin ko mang lumisan at lumayo,
Pag-ibig mo’y di-matatamo saanman
Kilala kita, mas kilala mo ako
Kailangan mo ako, mas kailangan kita

Salamat ina! Ako’y malaki na nga
Ang dating sanggol, ngayo’y naglalakad na
Hindi na inaakay, ni binubuhat
Ngunit tamis ng yakap mo’y hinahanap

Ina, pagpapalaki mo’y tagumpay nga
Ako’y napabuti at naliwanagan
Tunay akong nagpapasalamat ina
Nang dahil sa iyo’y kalinga’y nadama


Pagmamahal ng isang Ina

mula sa Mga Tula ni Mama Rose

Talaga nga yatang ang isang Ina ay wala ng kapantay
Sa pag-aalala at pag-aalaga sa kanyang inakay,
Wari ay inahin kung siya’y kumipkip at magpahingalay
Kung kandungin sila’y parang mga ibong doon mahihimlay.

Ngunit bakit merong mga anak tayong tila alibugha
Wari’y nalilimot kung paano’t saan siya ay nagmula,
Kung minsan pa nga ay kanyang pinagmulan laging dinudusta
Ay napakasakit kung iyong anak ay ganito kasama.

Pag nagkakamali itong mga anak ating tinutuwid
Ang kasinungalingan para sa kanila madaling maglubid,
Ngunit kapag sila’y nakakaranas ng matinding hagupit
Bakit nadarama’y parang tinarakan itong ating diddib.

Bakit ba ganito ang naging damdamin ng isang magulang?
Sa simula pa nang siya ay mabuo at siya’y isilang,
Nadarama’y takot pag-aala-ala, pag-aagam-agam
Itong mga anak ay baka madurog at grabeng masaktan.

May hihigit pa ba sa pagmamahal ng tulad kong magulang?
Lahat gagawin mo sa ‘yong mga anak h’wag lang masaktan,
Ngunit bakit sila’y tila walang pusong kibit balikat lang?
Kahit naghihirap ang kanilang Ina’y walang pakialam.

Sa maghapong araw pilit kinakaya ang mga gawain
Kahit na sikmura wala pa mang lama’t ‘di pa kumakain,
Dinadalas-dalas walang katapusan na mga gawain
Gayong bukas nama’y gayon din karami kung iyong malasin.

Ngunit pag ka minsan ay sumasabog din ang matinding galit
Lalo na’t pag likod ay ‘di maiunat at ‘di makatindig,
Laman kumikiro’t parte ng katawan lahat sumasakit
Sakit ng matanda, na sa bawat tao tiyak ang pagsapit.

Kung alam lang nila itong dinaranas sobrang kahirapan
Pilit tinitiis mapagsilbihan lang ang anak at laman,
Kahit sa maghapon wala kang pagkain o meryenda man lang
Minsa’y nahihilo na parang bibigay mahinang katawan.

Maraming araw na nagmumuni-muni’t ako’y nagtatanong
Sa ating lumikha kung bakit lahat na sa ami’y naipon,
Nadirimlang-isip at sa kaluluwa’y may ibig lumambong
Tila malapit nang bumigay ang utak luha’y bumabalong.

Minsa’y ‘di maalis mata sa pagtitig doon sa kawalan
Pagkat marami ang naglalaro dito sa aking isipan,
Laging ang tanong ko’y kaylan mamumulat sa katotohanan
Pagtanda ko kaya ako ay akayin saka pagsilbihan?.

At kung sakali mang ako ay tumanda at malilimutin
Huwag naman sanang ako ay bulyawan at saka murahin,
Itatak sa isip na baka anak n’yo kayo ay gantihin
Alalahanin n’yo ang araw na kayo ay aking mahalin.

Sa oras na sila’y aking minumura’t pinagsasabihan
Iniisip nilang ang ginagawa ko’y hindi makatwiran,
Hindi nila alam pag sila’y naalis hatid ko ng tanaw at may agam-agam
At baka hindi na makabalik dito sa aming tahanan.


Salamat Ina

ni princessninann

Bente kwatro oras ang kilos
Mga gawain na tila’ di natatapos
Pagtitimpi na hindi nauubos
Ano pa mahal kong Ina ang kaya **** ibuhos?

Hindi ka ba napapagod?
Araw-araw kang kumakayod
Walang day off, walang bonus, walang sahod.
Hindi ba nanghihina ang iyong mga tuhod?

Tinanggap mo ang pagiging ina
Kahit sa mga anak mo’y ikaw ay balewala.
Pagkaing isusubo na lang, ibinigay mo pa,
Sa bawat hakbang nila hindi ka nawala.

Tinanggap mo ang pagiging kahalili
Inalay sa’yong asawa ang buong sarili
Sa mga desisyon nya, ikaw ay walang masabi
Sa bawat hakbang nya ikaw ang katabi.

Hindi sapat ang salamat
Sa mga kalyo sa’yong palad
Sa hindi maindang sakit sa balikat
Kahit kailan wala kang sinumbat

Alam ko hindi sapat ang aking salamat
At hindi ka kayang tumbusan ng anumang salita
Mahal kong Ina, salamat po sa lahat lahat
Salamat po sa puso nyong ‘di napapagod nagmamahal.


Patawad… Hindi ko Alam

ni Eugene

Patawad, o aking Ina,
kung ako ay hindi pinayagang Makita ka.
Patawad, o aking Ina,
sa maraming taong sa aki’y nawalay ka.

Kung alam ko lang kung saan ka hahanapin,
Kung alam ko lang na malapit ka lang sa ‘kin,
Kung alam ko lang na kung saan ka susunduin,
Nakita pa sana kita at nahagkan bago ka inilibing.

Patawad, o aking Ina,
dahil hindi mo nasilayan ang panganay mo.
Patawad, o aking Ina,
dahil ipinagkait sa akin ng oras na makausap ka.

Kung nalaman ko lang sana, naalagaan pa kita.
Kung nalaman ko lang sana, masaya na tayong nagsasama.
Kung nalaman ko lang sana, inalalayan pa kita.
Ngayon, pangalan mo na lamang sa puntod ang aking makikita.

Patawad, o aking Ina.
Alam mo bang sabik akong mayakap ka?
Patawad, o aking Ina,
Alam mo bang mahal na mahal na mahal kita?

Patawad… hindi ko alam.


Sampung Taong Pangungulila

ni Shai Avecilla-Riofrio

Sampung taon na ang nagdaan
nang huli kong natikman
ang sarap ng mga putaheng
hinahanda niya sa hapag-kainan

Sampung taon na ang nagdaan
nang huli kong nasilayan
ang ngiti niyang nakapapawi
ng pagod at kalungkutan

Sampung taon na ang nagdaan
nang huli kong narinig
ang mga salitang mahal kita
mula sa ina kong tangan

Sampung taon na ang nagdaan
nang huli kong naramdaman
ang higpit ng kanyang yakap
at haplos na kinagigiliwan

Sampung taon…
kay tagal na panahong nagdaan
wala na muling natikman, nasilayan, narinig at naramdaman,
pagmamahal ng isang ina na kinasasabikan.


Hinagpis, Pagtangis, Pangungulila

ni Eugene

Siyam na buwan sa iyong sinapupunan.
Nang mailuwal mo’y sabik akong mahagkan,
Tumulo ang luha ng walang humpay na kaligayahan.

Ngiti sa mga labi’y hindi maipinta,
Nang munting anghel ay naglalakad na.
Ginabayan, tinuruan, at minahal niyong dalawa.

Lumipas ang tatlong taon, kasiyaha’y naglaho.
O aking ina, ako’y iniwan mo’t lumayo.
Aking ama’y nagtangis ng todo.

Naglasing, nambabae, kinalimutan ako.
Sinaktan, inapi, inalila ng kung sino.
Muntik pang ibenta sa Muslim na kalaguyo.

Dekada ang dumaan, si Ama’y namatay.
Puso ko’y napisa’t tuluyan ng nalumbay.
Mag-isang hinarap ang malungkot na buhay.

Naghinagpis sa inyong pagkawala.
Nagtangis, mugtong-mugto ang mata.
Nangungulila dahil wala nang nag-aruga.


Aking Ina

ni Arnina Joy Mendoza

Hindi mo ba alam na ako’y nasasaktan,

Sapagkat hindi ko makalimutan ang mga pinagdaanan,

Palimos naman ng pagtingin mo,

Bigyan mo ako kahit na kapiraso.

Ni minsa’y hindi mo tinanong kung ano ang lagay ko,
Pagkaing mga niluto mo ay hindi mo hinahain sa harap ko,

Lumaki akong may hinanakit sa buong mundo,

Kung tutuusin, itong lahat ay kasalanan mo.

Kung minahal mo lang sana ako at tinanggap,

Hindi ka na sana nahihirapang magpanggap,

Sa ibang tao kapag ika’y nakaharap,

Walang bakas ng kahit na anong pangyayaring masaklap.

Ang tanong ko palagi’y bakit binuhay mo pa ako?
Gayong palagi mo namang ipinadarama na hindi mo ako ginusto,

Kahit anong galing, kahit na anong pagbida ang gawin,

Pipikit ka upang hindi mo ako mapansin.

Hindi mauubos ang aking mga bakit,
Dahil sa kabila ng lahat ay mahal kita kahit na anong sakit,
Sa aki’y ipukol mo ang lahat ng iyong galit,
Sasaluhin ko ang hinaing sa mundo mong mapait.


Ilaw ng Tahanan

ni J

Nakapag sulat na ako ng maraming tula,
Tulang para sa iba ngunit para sakanya’y wala,
Ang taong ini-alay ang buhay para lang sakin,
Na minsa’y dinadaanan ko lang na parang hangin.

Nakakalimutan na siya ang dahilan kaya ako’y buhay,
Buong buhay niya ang kanyang ibinigay,
Mga panahong ako’y nagpapakasaya,
Habang siya’y nasa bahay nag-aalala.

Ang oras at panahon ay napupunta sa iba,
Ngunit sakanya ang mga ito ay para lang sa mga anak niya,
Hindi mapakali dahil iniisip ang susunod na alis,
Hindi ko namamalayan na sa aking pag-alis may isang taong nangungulila sakin ng labis.

Inaantay ang aking pag balik mula sa eskwela,
Ngunit sa aking pag dating hindi ko manlang siya makamusta,
May mga oras na hindi nagkakaintindihan,
Subalit sa huli ikaw ay kanyang pinapatahan.

Mahal kong ina gusto ko iyong madama,
Ang tulang ito ang magsisilbing paalala,
Madami mang problema at tampuhan,
Sa huli ikaw parin ang mahal kong **ilaw ng tahanan


SEE ALSO: Mga Tula Tungkol sa Magulang

At iyan ang mga tula tungkol sa ina na aming nakolekta mula sa iba`t ibang mga makatang Pilipino. Alin sa mga tulang ito ang pinakagusto mo?

Mayroon ka bang sariling likhang tula tungkol sa ina na nais mong isama sa pahinang ito? Ipaalam sa amin sa pamamagitan ng pag-iwan ng komento sa ibaba! 🙂

Tula Tungkol sa Ina (17 Tula)
  • Save
78 Shares
78 Shares
Share via
Copy link