SAWIKAIN: 200+ Mga Halimbawa ng Sawikain at Kahulugan

Sa pahinang ito ay malalaman mo kung anu-ano ang mga halimbawa ng sawikain at kanilang kahulugan. Matututunan mo rin dito kung paano ginagamit ang sawikain sa isang pangungusap.

See also: 550+ Mga Halimbawa ng Salawikain (Filipino Proverbs)

Ano ang Sawikain?

Ang mga sawikain o idioms sa wikang Ingles ay salita o grupo ng mga salita na patalinghaga at ‘di tuwirang naglalarawan sa isang bagay, sitwasyon o pangyayari.

Ito ay matatalinghagang pahayag na kung minsan ay nagpapahiwatig ng sentimyento ng isa o grupo ng mga tao.

Nakakatulong ang paggamit ng mga sawikain upang mas lalong mabigyang-diin ang isang pahayag o pangungusap. Ito ay nakakapukaw sa damdamin ng mga nakikinig o nagbabasa.

Mga Halimbawa ng Sawikain at Kanilang Kahulugan

Narito ang mahigit 200 na mga halimbawa ng sawikain, kahulugan, at kung paano ito ginagamit sa pangungusap.

1. Abot-tanaw

Kahulugan: Naaabot ng tingin
Halimbawa: Abot-tanaw ko na ang aking pangarap.

2. Agaw-buhay

Kahulugan: Naghihingalo; malapit nang mamatay; muntik nang maputulan ng hininga
Halimbawa: Agaw-buhay na nang dalhin sa ospital ang lola ni Andrea.

3. Agaw-dilim

Kahulugan: Malapit nang gumabi
Halimbawa: Bilisan na natin dahil mag-aagaw dilim na.

4. Ahas

Kahulugan: Taksil, traydor
Halimbawa: Alam mo namang ahas iyang si Belinda, bakit kinaibigan mo pa?

5. Alilang-kanin

Kahulugan: Utusang walang bayad, pakain lang, pabahay at pakain ngunit walang suweldo.
Halimbawa: Kawawa naman ang alilang-kanin na si Perla.

6. Alog na ang baba

Kahulugan: Matanda
Halimbawa: Alog na ang baba ngunit ayaw pa rin tumigil sa pagta-trabaho ni Lolo Lito.

7. Alsa balutan

Kahulugan: Naglayas
Halimbawa: Nabalitaan ko na nag-alsa balutan daw ang anak mo.

8. Amoy pinipig

Kahulugan: Mabango, nagdadalaga
Halimbawa: Hindi na daw kasi amoy pinipig si Aling Grasya kaya iniwan na ng asawa.

9. Amoy tsiko

Kahulugan: Lango sa alak, lasing
Halimbawa: Bakit amoy tsiko ka na naman?

10. Anak-dalita

Kahulugan: Mahirap
Halimbawa: Kahit anak-dalita ay naabot pa rin ni Abel ang kanyang pangarap.

11. Anak-pawis

Kahulugan: Manggagawa, pangkaraniwang tao
Halimbawa: Walang masama sa pagiging anak-pawis.

12. Anghel ng tahanan

Kahulugan: Maliit na bata
Halimbawa: Si Mikay ang anghel ng tahanan namin.

13. Asal hayop

Kahulugan: Masama ang ugali
Halimbawa: Ang pinaka-ayaw ko sa lahat ay yung taong asal hayop.

14. Bahag ang buntot

Kahulugan: Duwag
Halimbawa: Akala mo’y kung sinong matapang, bahag naman ang buntot!

15. Bakas ng kahapon

Kahulugan: Nakaraan, alaala ng kahapon
Halimbawa: Ang mga nangyari noon ay bakas ng kahapon na lamang.

16. Balat kalabaw

Kahulugan: mahina ang pakiramdam, di agad tinatablan ng hiya
Halimbawa: Binalaan na kita noon pa na balat kalabaw talaga yang si Marta.

17. Balat-sibuyas

Kahulugan: maramdamin o sobrang sensitibo ang damdamin
Halimbawa: Napaka balat-sibuyas mo naman.

18. Balik-harap

Kahulugan: Mabuti ang pakikitungo sa harap ngunit taksil sa likuran
Halimbawa: Nakakainis talaga ang mga taong balik-harap.

19. Balitang kutsero

Kahulugan: Maling balita, hindi totoong balita
Halimbawa: Hindi ako naniniwala sa mga balitang kutsero ni Aries.

20. Bantay-salakay

Kahulugan: Hindi mapagkakatiwalaan
Halimbawa: Bantay-salakay iyang apo ni Ka Doray.

21. Basa ang papel

Kahulugan: Bistado na
Halimbawa: Basa na ang papel ngunit ayaw pa ring aminin ni Roy ang kanyang kasalanan.

22. Basag-ulo

Kahulugan: Away
Halimbawa: Huwag kang sumama sa mga taong ang laging hanap ay basag-ulo.

23. Bilang na ang araw

Kahulugan: Malapit ng mamatay
Halimbawa: Bilang na ang araw mo.

24. Buhok anghel

Kahulugan: May magandang buhok
Halimbawa: Buti pa si Dinah buhok anghel.

25. Bukal sa loob

Kahulugan: Taos puso
Halimbawa: Bukal sa loob ko ang pagtulong sa’yo.

Enjoy reading at your own pace? Click here to get a PDF version of this article, perfect for offline viewing and sharing.

26. Bukang liwayway

Kahulugan: Malapit nang mag-umaga
Halimbawa: Bukang-liwayway na ako umuwi.

27. Bukas ang isip

Kahulugan: Tumatanggap ng opinyon ng kapwa
Halimbawa: Buti pa si Diego, bukas ang isip sa mga ganyang usapin.

28. Bukas na kaban

Kahulugan: Mapagkawanggawa
Halimbawa: May bukas na kaban sa mga mahihirap si Aling Maria.

29. Bulaklak ng dila

Kahulugan: Pagpapalabis sa katotohanan
Halimbawa: Hindi mainam ang bulaklak ng dila ng mga reporter.

30. Bulaklak ng lipunan

Kahulugan: Sikat at respetadong babae sa lipunan
Halimbawa: Si Agnes ay itinuturing na bulaklak ng lipunan.

31. Bulang-gugo

Kahulugan: Galante, laging handang gumasta
Halimbawa: Masarap kasama ang taong bulang-gugo.

32. Bumangga sa pader

Kahulugan: Lumaban sa makapangyarihan at mayamang tao
Halimbawa: Ang sinumang bumangga sa pader ay tiyak na matatalo lamang.

33. Bungang-araw

Kahulugan: Isang sakit sa balat na makati
Halimbawa: Tuwing tag-init ay pinapawisan at nagkakaroon ng bungang-araw ang aking anak.

34. Bungang-tulog

Kahulugan: Panaginip
Halimbawa: Bungang-tulog lang pala ang lahat.

35. Buntong hininga

Kahulugan: Mahaba at malalim na paghinga na kung minsan ay nagpapakita ng kalungkutan, pagod, o kaluwagan
Halimbawa: Napa-buntong hininga na lang si Ruben nang malaman niyang wala na siyang babalikang trabaho.

36. Busilak ang puso

Kahulugan: Malinis ang kalooban
Halimbawa: Sa panahon ngayon ay masasabi kong marami pa rin naman ang mga taong busilak ang puso.

37. Butas ang bulsa

Kahulugan: Walang pera
Halimbawa: Mahirap talaga kapag butas ang bulsa.

38. Buto’t balat

Kahulugan: Sobrang kapayatan
Halimbawa: Malakas naman siyang kumain pero bakit buto’t balat pa rin ang itsura niya?

39. Buwaya sa katihan

Kahulugan: Ususera, nagpapautang na malaki ang tubo
Halimbawa: Kilalang buwaya sa katihan itong si Violeta.

40. Daga sa dibdib

Kahulugan: Takot
Halimbawa: Nadarama ko ang daga sa dibdib ni Pedro kaya ayaw na niyang tumuloy sa Maynila.

41. Dalawa ang bibig

Kahulugan: Mabunganga, madaldal
Halimbawa: Ayoko siyang kasama dahil dalawa ang bibig niya.

42. Dalawa ang mukha

Kahulugan: Taksil, balik-harap
Halimbawa: Binalaan na kita noon na dalawa ang mukha ni Jesie pero hindi ka nakinig sakin.

43. Dapit-hapon

Kahulugan: Malapit ng dumapo ang hapon
Halimbawa: Dapit-hapon na ng makauwi ako galing sa trabaho.

44. Di mahapayang gatang

Kahulugan: Sobrang yabang
Halimbawa: Kung ako sa’yo ay hindi ko kakaibiganin si Letty dahil siya ay di mahapayang gatang.

45. Di makabasag-pinggan

Kahulugan: Mahinhin
Halimbawa: Si Victor pala ang napangasawa ng di makabasag pinggan na si Leny.

46. Di malaglagang karayom

Kahulugan: Napakaraming tao
Halimbawa: Ang sabi sa balita ay di malaglagang karayom na daw ngayon sa EDSA.

47. Galit sa pera

Kahulugan: Gastador
Halimbawa: Talaga namang galit sa pera si Tricia.

48. Ginintuang tinig

Kahulugan: Maganda ang boses
Halimbawa: May ginintuang tinig ang anak mo.

49. Guhit ng tadhana

Kahulugan: Itinakdang kapalaran
Halimbawa: Ito na yata talaga ang aking guhit ng tadhana.

50. Halang ang bituka

Kahulugan: Salbahe, desperado, hindi nangingiming pumatay ng tao
Halimbawa: Halang ang bituka ng taong gumawa niyan kay Mario.

51. Halang ang kaluluwa

Kahulugan: Masamang tao
Halimbawa: Titiyakin kong mabubulok ka sa kulungan dahil halang ang kaluluwa mo!

52. Haligi ng tahanan

Kahulugan: Ama o Tatay
Halimbawa: Responsable at mapagmahal ang aming haligi ng tahanan.

53. Hampas ng langit

Kahulugan: Ngitngit ng Diyos
Halimbawa: Hindi ka makakatakas sa hampas ng langit.

54. Hampas-lupa

Kahulugan: Lagalag, busabos, mahirap
Halimbawa: Hindi ako makakapayag na sa hampas-lupang iyan ka lamang mapupunta.

55. Hawak sa leeg

Kahulugan: Sunud-sunuran
Halimbawa: Si Ramil ay hawak sa leeg ng kanyang asawa.

56. Hinahabol ng karayom

Kahulugan: May sira ang damit
Halimbawa: Hindi man lang napansin ni Minda na hinahabol ng karayom ang asawa niyang si Berto.

57. Hindi madapuan ng langaw

Kahulugan: Sobrang pinoprotektahan
Halimbawa: Hindi madapuan ng langaw ang batang si Baste.

58. Ibaon sa hukay

Kahulugan: Kalimutan
Halimbawa: Ibaon mo na lang sa hukay ang pangako niyang babalik siya.

59. Ibong mandaragit

Kahulugan: Mananakop
Halimbawa: Ang dating ibong mandaragit na Estados Unidos ang isa sa may pinakamalaking naitulong sa mga nasalanta ng lindol sa Nepal.

60. Ikrus sa noo

Kahulugan: Tandaan
Halimbawa: Kaya dapat lang na ikrus sa noo ang lahat ng sinasabi ng iyong Lola.

61. Ilaw ng tahanan

Kahulugan: Ina o Nanay
Halimbawa: Mahal na mahal ko ang aming ilaw ng tahanan.

62. Isang bulate na lang ang hindi pumipirma

Kahulugan: malapit ng mamatay
Halimbawa: Sinabi ng doktor na isang bulate na lang ang hindi pumipirma kay Marlou kaya nag-iyakan na ang pamilya nito.

63. Isang kahig, isang tuka

Kahulugan: Nabubuhay sa hirap
Halimbawa: Dati kaming isang kahig, isang tuka.

64. Isulat sa tubig

Kahulugan: Kalimutan
Halimbawa: Isulat mo na lang sa tubig ang mga pinag-usapan natin.

65. Itaga sa bato

Kahulugan: Tandaan
Halimbawa: Itaga mo sa bato, hindi na ako magpapakita sa’yo kahit kailan!

66. Itim na tupa

Kahulugan: Masamang anak
Halimbawa: Itim na tupa kung ituring ng mga kapitbahay ang pangalawnng anak ni Silvia.

67. Kabiyak ng dibdib

Kahulugan: Asawa
Halimbawa: Si Alyana ang kabiyak ng dibdib ni Cardo.

68. Kakaning-itik

Kahulugan: Walang gaanong halaga, hindi maipagpaparangalan
Halimbawa: Palibhasa’t matanda na kaya kakaning-itik na lang para sa mga anak ang kanilang ina.

69. Kalapating mababa ang lipad

Kahulugan: Babaeng nagbibili ng aliw
Halimbawa: Nabalitaan ko na marami daw kalapating mababa ang lipad Pampanga?

70. Kamay na bakal

Kahulugan: Mahigpit na pamamalakad; malupit
Halimbawa: Totoo ba na may kamay na bakal daw si Pangulong Duterte?

71. Kape at gatas

Kahulugan: Maitim at maputi
Halimbawa: Madaling malaman kung sino sa kambal sina Melai at Melanie dahil sa kulay nilang kape at gatas.

72. Kapit tuko

Kahulugan: Mahigpit ang hawak
Halimbawa: Kung kapit tuko sa iyo ang iyong nobya, malamang ay natatakot iyan na maagaw ka ng iba.

73. Kaututang dila

Kahulugan: Katsismisan
Halimbawa: Tuwing umaga ay kaututang dila ni Linda si Cely.

74. Kidlat sa bilis

Kahulugan: Napakabilis
Halimbawa: Kidlat sa bilis nang ikalat ni Amber ang balitang hiwalay na sina Dong at Yan.

75. Kilos pagong

Kahulugan: Mabagal kumilos
Halimbawa: Ayaw isama ni Carding si Harmon dahil kilos pagong daw kasi ito.

76. Kumukulo ang dugo

Kahulugan: Naiinis, nasusuklam
Halimbawa: Kumukulo ang dugo ko sa tuwing nakikita kita.

77. Kumukulo ang sikmura

Kahulugan: Nagugutom
Halimbawa: Kumukulo ang sikmura ko kanina pa.

78. Kusang palo

Kahulugan: Sariling sipag
Halimbawa: Kung ako sa’yo ay magkukusang palo ako at hindi aasa sa iba.

79. Kutsarang ginto sa bibig

Kahulugan: Lumaki sa yaman
Halimbawa: Kung ako ang ay lumaking may kutsarang ginto sa bibig, hindi ko na sana kaylangang magtrabaho.

80. Lahing kuwago

Kahulugan: Sa umaga natutulog
Halimbawa: Si Cindy ay may lahing kuwago.

81. Lakad pagong

Kahulugan: Sobrang bagal na pag-usad tao man o sasakyan
Halimbawa: Araw-araw na iniinda ni Selya ang lakad pagong na trapiko sa EDSA.

82. Laman ng lansangan

Kahulugan: Laging istambay sa kalye
Halimbawa: Si Berting ay laman ng lansangan.

83. Lamog ang katawan

Kahulugan: Sobrang pagod
Halimbawa: Lamog ang katawan at laging puyat si Mang Arman kaya siya nagkasakit.

84. Lantang gulay

Kahulugan: Halos hindi na maigalaw ang katawan sa sobrang pagod
Halimbawa: Dahil sa walang tigil na pagta-trabaho ay lantang gulay na nang umuwi si Ka Petra sa kanyang bahay.

85. Lawit ang dila

Kahulugan: Sobrang pagod
Halimbawa: Tumakbo ng matulin si Randy kaya lawit ang dila niyang umuwi sa bahay.

86. Laylay ang balikat

Kahulugan: Bigong-bigo
Halimbawa: Napansin ni Aling Judy na laylay ang balikat ng kanyang anak kaya agad niya itong kinausap ng masinsinan.

87. Luha ng buwaya

Kahulugan: Hindi totoong nag-dadalamhati, pakitang taong
Halimbawa: Animo’y totoo pero luha ng buwaya lang naman ang ipinakita niya sa’yo.

88. Lumagay sa tahimik

Kahulugan: Magpakasal
Halimbawa: Inay, nais ko na po sanang lumagay sa tahimik

89. Lumaki ang ulo

Kahulugan: Nagyayabang dahil sa nakamit na tagumpay o pangarap
Halimbawa: Wala pa ngang nararating pero lumaki agad ang ulo ni Jetro.

90. Lumang tugtugin

Kahulugan: Laos na o alam na ng lahat ang ibinalita o ikinukuwento
Halimbawa: Hindi mo na kami maloloko dahil lumang tugtugin na yan!

91. Lumuha man ng bato

Kahulugan: Hindi mapatawad
Halimbawa: Kahit lumuha man ng bato si Billy ay hindi na kailanman magbabago ang desisyon ni Kiray.

92. Maaliwalas ang mukha

Kahulugan: Masayahin, taong palangiti
Halimbawa: Maaliwalas ang mukha ni Rudy sa tuwing papasok siya sa paaralan.

93. Maamong kordero

Kahulugan: Mabait na tao
Halimbawa: Papaano naging maamong kordero ang dating basagulerong si Bitoy?

94. Maanghang ang dila

Kahulugan: Bastos magsalita
Halimbawa: Kung palaging maanghang ang dila ni Biboy ay kaiinisan siya lagi ng mga tao sa paligid niya.

95. Mababa ang loob

Kahulugan: Maawain
Halimbawa: Si Karen ay kilala sa pagiging mababa ang loob sa mga mahihirap.

96. Mababaw ang luha

Kahulugan: Iyakin
Halimbawa: Mababaw ang luha ni Mila lalo na kung ang paksa ay ang kanyang pamilya.

97. Mabigat ang dugo

Kahulugan: Di makagiliwan
Halimbawa: Bakit kaya mabigat ang dugo ng aking Tatay sa akin?

98. Mabigat ang kamay

Kahulugan: Tamad magtrabaho
Halimbawa: Mabigat ang kamay ni Ambo kaya tinanggal na ng kanyang amo sa construction.

99. Mabigat ang loob

Kahulugan: Di-makagiliwan
Halimbawa: Kung maayos sanang makisama itong si Rica, ‘di sana mabigat ang loob ko sa kanya.

100. Mabilis ang kamay

Kahulugan: Mandurukot
Halimbawa: Pabalik-balik siya sa kulungan dahil mabilis ang kamay niya.

101. Madilim ang mukha

Kahulugan: Taong simangot, problemado
Halimbawa: Noon ko pa napapansin na tila madilim ang mukha ni Armando.

102. Magaan ang dugo

Kahulugan: Madaling makapalagayan ng loob
Halimbawa: Magaan ang dugo ko sa batang iyan.

103. Magaan ang kamay

Kahulugan: Laging nananakit
Halimbawa: Magaan ang kamay at lagi akong sinisigawan ni Mang Ambo.

104. Magaling ang kamay

Kahulugan: Mahusay gumuhit o magpinta
Halimbawa: Si Petra ay magaling ang kamay kaya laging kasali sa mga “Poster Making Contest”.

105. Magdilang-anghel

Kahulugan: Magkatotoo sana
Halimbawa: Sana nga’y magdilang-anghel ka ng maranasan ko namang yumaman bago man lang bawian ng buhay.

106. Maghalo ang balat sa tinalupan

Kahulugan: Maglabu-labo, mag-away-away
Halimbawa: Talagang maghahalo ang balat sa tinalupan kapag hindi ka umayos!

107. Magkataling-puso

Kahulugan: Nag-iibigan, mag-asawa
Halimbawa: Kailan pa naging magkataling-puso sina Jeff at Lea?

108. Maglaro ng apoy

Kahulugan: Magtaksil
Halimbawa: Napakabait ng asawa ni Andong pero nakuha pa rin nitong maglaro ng apoy.

109. Maglubid ng buhangin

Kahulugan: Magsinungaling
Halimbawa: Kahit maglubid ng buhangin si Ara ay sigurahong lalabas din ang katotohanan.

110. Mahaba ang buntot

Kahulugan: Laging nasusunod ang gusto, kulang sa palo, salbahe
Halimbawa: Hindi dapat kunsintihin ang batang mahaba ang buntot.

111. Mahabang dulang

Kahulugan: Kasalan
Halimbawa: Ang mahabang dulang sa Batangas ay sadyang magastos.

112. Mahangin

Kahulugan: Mayabang
Halimbawa: Kilala sa pagiging mahangin si Don Pepot.

113. Mahangin ang ulo

Kahulugan: Mayabang
Halimbawa: Siya na yata ang pinaka-mahangin ang ulo na nakilala ko.

114. Mahapdi ang bituka

Kahulugan: Nagugutom
Halimbawa: Mahapdi na ang bituka ko.

115. Mahina ang loob

Kahulugan: Duwag
Halimbawa: Mahina ang loob ni Charlie kaya ni hindi niya nagawang lakaran ang kanyang pangarap.

116. Mainit ang ulo

Kahulugan: Hindi maganda ang “mood”, magalitin
Halimbawa: Huwag kang lalapit kay Nanay kapag mainit ang ulo niya dahil tiyak na masisigawan ka lang.

117. Maitim ang budhi

Kahulugan: Tuso, masama ang ugali
Halimbawa: Maitim ang budhi ng lalaking iyan!

118. Maitim ang dugo

Kahulugan: Salbahe, tampalasan
Halimbawa: Palibhasa’t maitim ang dugo kaya walang gustong makipagkaibigan sa kanya.

119. Makalaglag-matsing

Kahulugan: Nakaka-akit
Halimbawa: Sadya namang makalaglag-matsing ‘yang si Bianca.

120. Makapal ang bulsa

Kahulugan: Maraming pera, masalapi, mayaman
Halimbawa: Pasalamat ka’t makapal ang bulsa ng napangasawa mo.

121. Makapal ang mukha

Kahulugan: Di marunong mahiya
Halimbawa: Kahit ano pang sabihin mo ay sadyang makapal ang mukha ni Petra.

122. Makapal ang palad

Kahulugan: Masipag
Halimbawa: Hindi lang dapat makapal ang palad. Samahan mo din ng tamang diskarte para mas maganda ang iyong kinabukasan.

123. Makati ang dila

Kahulugan: Madaldal, mapunahin
Halimbawa: Masyadong makati ang dila ni Mimi.

124. Makati ang paa

Kahulugan: Mahilig sa gala o lakad
Halimbawa: Hindi na dapat makati ang paa ng mga taong may asawa.

125. Makitid ang isip

Kahulugan: Mahinang umunawa, walang gaanong nalalaman
Halimbawa: Palibhasa’t makitid ang isip kaya kahit humingi ng pasensya ay hindi niya magawa.

126. Makuskos-balungos

Kahulugan: Mareklamo, mahirap amuin, mahirap pasayahin
Halimbawa: Hindi nakakatuwa ang taong makuskos-balungos.

127. Malakas ang loob

Kahulugan: Magiting, matapang, buo ang loob
Halimbawa: Malakas ang loob ko na harapin ang anumang pagsubok na darating sa aking buhay.

128. Malaking isda

Kahulugan: Mayaman
Halimbawa: Buti pa si Enchang nakapag-asawa ng malaking isda.

129. Malamig ang ulo

Kahulugan: Maganda ang “mood”, nasa magandang kondisyon ang pakiramdam
Halimbawa: Mabuti na lang at malamig ang ulo ni tatay ngayon. Nakahingi tuloy ako ng pera.

130. Malapad ang papel

Kahulugan: Maraming kakilala na makapagbibigay ng tulong
Halimbawa: Palibhasa’t malapad ang papel kaya madaling nakakuha ng lisensya sa LTO.

131. Malawak ang isip

Kahulugan: Madaling umunawa, maraming nalalaman
Halimbawa: Malawak ang isip ni Jepoy kaya siya ang laging nilalapitan ng kanyang mga kaibigan na may problema.

132. Malikot ang kamay

Kahulugan: Kumukuha ng hindi kanya, kawatan, magnanakaw
Halimbawa: Malikot ang kamay ng anak ni Aling Berta.

133. Manipis ang mukha

Kahulugan: Mahiyain
Halimbawa: Manipis ang mukha ng dalaga ni Aling Linda.

134. Mapait na lunukin

Kahulugan: Kahiya-hiyang pagkabigo
Halimbawa: Mapait na lunukin ang nangyari sa pamilya ni Rico.

135. Mapurol ang utak

Kahulugan: Bobo
Halimbawa: Baka tamad mag-aral kaya mapurol ang utak ni Cory.

136. Maputi ang tainga

Kahulugan: Kuripot
Halimbawa: Maputi ang tainga ni Nena.

137. Masama ang loob

Kahulugan: Nagdaramdam
Halimbawa: Kahit masama ang loob ni Abi kay Ara ay nakuha pa rin niya itong patawarin.

138. Masama ang panahon

Kahulugan: May bagyo
Halimbawa: Kanselado ang mga klase bukas dahil masama ang panahon.

139. Matalas ang dila

Kahulugan: Masakit mangusap
Halimbawa: Matalas ang dila ni Mona kaya marami ang naiinis sa kanya.

140. Matalas ang mata

Kahulugan: Madaling makakita
Halimbawa: Pagdating sa pera ay matalas ang mata ni Berta.

141. Matalas ang tainga

Kahulugan: Madaling makarinig o makaulinig
Halimbawa: Matalas ang tainga ng aso ni Awra.

142. Matalas ang ulo

Kahulugan: Matalino
Halimbawa: Mahilig mag-aral kaya matalas ang ulo ng aking anak.

143. Matamis ang dila

Kahulugan: Mahusay mangusap, bolero
Halimbawa: Matamis ang dila ng mga pulitiko sa aming bayan.

144. Matandang kalabaw

Kahulugan: Taong may edad na
Halimbawa: Bagamat matandang kalabaw ay napakasipag pa rin ni Lola Eden sa trabaho.

145. Matigas ang buto

Kahulugan: Malakas
Halimbawa: Kahit papayat-payat ay matigas ang buto ni Lisa.

146. Matigas ang katawan

Kahulugan: Tamad
Halimbawa: Tiyak na di ka gaganahan kung matigas ang katawan ng kasama mo sa bahay.

147. Matigas ang leeg

Kahulugan: Mapag-mataas, di namamansin
Halimbawa: Ayoko sa taong matigas ang leeg.

148. Matigas ang ulo

Kahulugan: Ayaw makinig sa pangaral o utos
Halimbawa: Ang batang matigas ang ulo ay malapit sa kapahamakan.

149. May ipot sa ulo

Kahulugan: Taong pinagtaksilan ng asawa
Halimbawa: Kawawang Bitoy, may ipot sa ulo.

150. May krus ang dila

Kahulugan: Taong may alam sa kung ano ang mangyayari sa hinaharap
Halimbawa: May krus ang dila ni Vicky kaya hindi na ako magtataka kung magkatotoo ang mga sinabi niya.

151. May magandang hinaharap

Kahulugan: May magandang kinabukasan
Halimbawa: Kung di magbabago ay sigurado akong may magandang hinaharap ang batang si Maria dahil ngayon pa lang ay masipag at madiskarte na siya sa buhay.

152. May sinasabi

Kahulugan: Mayaman, may likas na talino
Halimbawa: May sinasabi ang pamilya Reyes kaya huwag mo silang kakalabanin.

153. Nag-aapoy sa init

Kahulugan: Mataas na mataas ang lagnat
Halimbawa: Kung sana’y dinala agad sa ospital ang nag-aapoy sa init na sanggol ay naagapan sana ang kanyang malalang sakit ngayon.

154. Nagbabatak ng buto

Kahulugan: Nagtatrabaho ng higit sa kinakailangan
Halimbawa: Bata pa’y nagbabatak ng buto na itong si Danny.

155. Nagbibilang ng poste

Kahulugan: Naghahanap ng trabaho
Halimbawa: Akala ko’y kung saan na nagpupunta itong si James, nagbibilang pala ng poste.

156. Nagbukas ng dibdib

Kahulugan: Nagtapat na nais pakasalan ang kasintahan
Halimbawa: Sa wakas, nagbukas na ng dibdib si Leo kay Lea.

157. Nagmumurang kamatis

Kahulugan: Matandang lalaking nag-aayos binata, matandang babae nag-aayos dalaga
Halimbawa: Simula ng mabyuda ay napapansin ng kanyang mga kapitbahay na tila nagmumurang kamatis si Ising.

158. Nagpupusa

Kahulugan: Nagsasabi ng mga kuwento ukol sa isang tao
Halimbawa: Nagpupusa na naman itong si Jesica.

159. Nagsaulian ng kandila

Kahulugan: Nagkagalit ang magkumpare o mag-kumare, di nagkasundo
Halimbawa: Alam mo ba ang dahilan kung bakit nagsaulian ng kandila sina Cristy at Kyla?

160. Nagsusunog ng kilay

Kahulugan: Masipag mag-aral
Halimbawa: Kasama ka sana sa nakatanggap ng parangal kung sa simula pa lang ay nagsusunog ka na ng kilay.

161. Nakahiga sa salapi

Kahulugan: Mayaman
Halimbawa: Ipinanganak si Josua na nakahiga sa salapi.

162. Nakapinid ang tainga

Kahulugan: Nagbibingi-bingihan
Halimbawa: Laging nakapinid ang tainga ni Marla sa tuwing inuutusan siya ng kanyang ina.

163. Namamangka sa dalawang ilog

Kahulugan: Salawahan
Halimbawa: Totoo kaya ang usap-usapan na namamangka raw sa dalawang ilog itong si Mang Pablo?

164. Namuti ang mata

Kahulugan: Nainip sa kahihintay, matagal nang naghihintay
Halimbawa: Namuti na ang mata ni Biboy ngunit hindi sumipot sa kanilang tagpuan si Hershey.

165. Naniningalang-pugad

Kahulugan: Nanliligaw
Halimbawa: Itong si Berto ay naniningalang-pugad sa anak ni Ka Pedring.

166. Natuka ng ahas

Kahulugan: Hindi nakakibo, nawalan ng lakas magsalita
Halimbawa: Nang makita ko si crush ay para akong natuka ng ahas.

167. Ningas-kugon

Kahulugan: Panandalian, di pang-matagalan
Halimbawa: Totoo ba na maraming Pilipino ang ningas-kugon?

168. Pag-iisang dibdib

Kahulugan: Kasal
Halimbawa: Bukas na ang pag-iisang dibdib nina Jessa at Jimuel.

169. Pagkagat ng dilim

Kahulugan: Pag lubog ng araw
Halimbawa: Pagkagat ng dilim bumababa ang mga bandido mula sa bundok.

170. Pagputi ng uwak

Kahulugan: Walang maaasahan, walang kahihinatnan
Halimbawa: Sa wari ko’y mababayaran ka niya pagputi ng uwak.

171. Panakip butas

Kahulugan: Panghalili, pamalit
Halimbawa: Minahal ng labis ni Inday si Dudong ngunit panakip butas lang pala siya.

172. Panis ang laway

Kahulugan: Taong di-palakibo
Halimbawa: Talaga namang mapapanis ang laway mo kapag si Lyka ang kasama mo.

173. Pantay ang mga paa

Kahulugan: patay na
Halimbawa: Pantay ang mga paa nang datnan ni Bimbo ang kanyang Lola sa kwarto.

174. Parang aso’t pusa

Kahulugan: Laging nag-aaway
Halimbawa: Parang aso’t pusa itong si Karla at Karlo.

175. Parang kiti-kiti

Kahulugan: Malikot, galaw nang galaw
Halimbawa: Parang kiti-kiti na naman kung kumilos itong si Biboy.

176. Parehong kaliwa ang paa

Kahulugan: Hindi marunong sumayaw
Halimbawa: Huwag mo na akong yayain dahil parehong kaliwa ang paa ko.

177. Patabaing baboy

Kahulugan: Walang hilig magtrabaho, tamad
Halimbawa: Kung alam ko lang na patabaing baboy ka pala ay hindi sana kita pinakasalan.

178. Patay-gutom

Kahulugan: Matakaw
Halimbawa: Nakita ko kung paano umiyak si Carla nang sabihan siyang patay-gutom ni Vice.

179. Pinagbubuhatan ng kamay

Kahulugan: Pinapalo, sinasaktan
Halimbawa: Palaging pinagbubuhatan ng kamay ni Milagros ang mga anak niya.

180. Pulot-gata

Kahulugan: Pagtatalik ng bagong kasal
Halimbawa: Saan ba ang pulot-gata ninyong dalawa?

181. Pusong mamon

Kahulugan: Maramdamin
Halimbawa: May pagka-pusong mamon pala kung pagsabihan itong si Elsa.

182. Pusong-bakal

Kahulugan: Hindi marunong magpatawad
Halimbawa: Ang taong pusong-bakal ay hindi magiging masaya kaylan man.

183. Putok sa buho

Kahulugan: Anak sa labas, anak ng taong nagsama ng hindi kasal
Halimbawa: Madalas na pinag-uusapan ng kanyang mga kapitbahay ang putok sa buhong si Lea.

184. Saling-pusa

Kahulugan: Pansamantalang kasali
Halimbawa: Bata pa kasi ang anak niya kaya saling-pusa muna siya sa eskwela.

185. Samaing palad

Kahulugan: Malas na tao
Halimbawa: Hindi ako naniniwala na may samaing palad.

186. Sampay-bakod

Kahulugan: Taong nagpapanggap, hindi mapagkakatiwalaan ang sinasabi
Halimbawa: Mag-ingat ka d’yan kay Cora. Balita ko’y sampay-bakod yan.

187. Sampid-bakod

Kahulugan: Nakikisunod, nakikikain, o nakikitira
Halimbawa: Sampid-bakod lang din naman pero akala mo’y siya ang may-ari ng bahay.

188. Sanga-sangang dila

Kahulugan: Sinungaling
Halimbawa: Sanga-sangang dila talaga ‘yang si Rufa.

189. Sariling pugad

Kahulugan: Sariling tahanan
Halimbawa: Bakit hindi ka manatili sa sarili mong pugad?

190. Sariwa sa alaala

Kahulugan: Palaging naaalala, hindi makalimutan
Halimbawa: Sariwa pa sa aking alaala ang masasayang sandali noong kami pa ng aking nobyo.

191. Sira ang tuktok

Kahulugan: Gago, loko-loko
Halimbawa: Sira kasi ang tuktok niya kaya laging napapa-away kahit saan pumunta.

192. Sukat ang bulsa

Kahulugan: Marunong gumamit ng pera; marunong mamahala ng ari-arian o kayamanan
Halimbawa: Kung ikaw ba naman ay sukat ang bulsa, hindi ka sana naghihikahos ngayon.

193. Sukat ang bulsa

Kahulugan: Marunong gumamit ng pera; marunong mamahala ng ari-arian o kayamanan
Halimbawa: Kung ikaw ba naman ay sukat ang bulsa, hindi ka sana naghihikahos ngayon.

194. Takaw-tulog

Kahulugan: Mahilig matulog
Halimbawa: Kahirapan ang kinabukasang sasapitin ng taong takaw-tulog.

195. Talusaling

Kahulugan: Manipis ang balat
Halimbawa: Huwag mong kurutin si Gina talusaling yan.

196. Talusira

Kahulugan: Madaling magbago
Halimbawa: Akala ko’y iba siya, kagaya lang din pala siya ng iba na talusira.

197. Tatlo ang mata

Kahulugan: Maraming nakikita, mapaghanap ng mali
Halimbawa: Iyang si Becky ay tatlo ang mata kaya walang gustong makipag-kaibigan sa kanya.

198. Tawang-aso

Kahulugan: Nagmamayabang, nangmamaliit
Halimbawa: Tawang-aso na naman si Andeng sa mga kaibigan nya.

199. Tengang kawali

Kahulugan: Nagbibingi-bingihan
Halimbawa: Mahilig magtengang-kawali ang anak ni Aling Iska.

200. Tinik sa lalamunan

Kahulugan: Hadlang sa layunin
Halimbawa: Si Florante ang tinik sa lalamunan ni Adolfo.

201. Tulak ng bibig

Kahulugan: Salita lamang, di tunay sa loob
Halimbawa: Kung ako sayo’y sasamahan ko ng gawa at hindi puro tulak ng bibig lamang ang aking paiiralin.

202. Umaalon ang dibdib

Kahulugan: Kinakabahan
Halimbawa: Umaalon ang dibdib ko sa tuwing may biglaang pagsusulit.

203. Utak-biya

Kahulugan: Walang nalalaman
Halimbawa: Kung tawagin ng ilan ay utak biya itong si Caloy.

204. Utang na loob

Kahulugan: Malaking pasasalamat na hindi kayang bayaran ng ano pa man
Halimbawa: Utang na loob ko sa kanya ang aking buhay.

205. Walang bahid

Kahulugan: Walang maipipintas
Halimbawa: Mahirap pabagsakin ang taong walang bahid ng anumang kasalanan.

At iyan nga po ang 205 mga sawikain o idyoma na aming kinalap, pinagsama-sama, at nilagyan ng mga halimbawa kung paano ito gamitin sa isang pangungusap o pahayag.

Kung nakatulong sa iyo itong aming ginawang mga halimbawa ng sawikain, mangyaring ibahagi sa iyong mga kaibigan o kamag-aaral upang maging sila ay matuto rin kagaya mo.