Tula Tungkol sa Edukasyon (10 Tula)

Sa pahinang ito ay mababasa mo ang sampung tula tungkol sa edukasyon mula sa iba’t ibang mga makatang Pilipino.

Sabi nila, ang edukasyon daw ang kayamanang maipapamana ng mga magulang sa kanilang anak at ito ay hindi kailanman mananakaw ninuman. Ang makapagtapos ng pag-aaral ay maaaring maging tulay upang maabot mo ang iyong pangarap sa buhay. Bilang mag-aaral, pahalagahan mo ang edukasyon na tinatamasa mo. Hindi lahat ng tao ay may kakayahang makapag-aral at mabigyan ng kalidad na edukasyon tulad ng nararanasan mo.

Samantala, narito ang 10 tula tungkol sa edukasyon na isinulat ng iba’t ibang tao sa Pilipinas. Sa pagbabasa mo ng mga tulang ito, nawa’y matutunan mong pahalagahan at lalo mong pagyamanin ang edukasyong mayroon ka.

SEE ALSO: Mga Tula Tungkol sa Pangarap


Mga Tungkol sa Edukasyon


Ang Mahiwagang Edukasyon

ni Medyobadgerl

Mahiwagang edukasyon
Nagbibigay impormasyon
Upang matapos ang misyon
At maabot ang ambisyon

Ito ay pahalagahan
Nagbibigay kaalaman
Pumapasok sa isipan
Tulong sa pangangailangan

Solusyon sa kahirapan
Susi sa kinabukasan
At tungo sa kaunlaran
Tagumpay ay makakamtan

Ito ay tanging pamana
Ng ating ama at ina
Bigay ng Poong Maykapal
Dapat ay minamahal


Edukasyon

ni Lorna C. Cantes

Edukasyon ang daan tungo sa tagumpay,
Sa isang lipunang matatag at matibay.
Sandalan at sandata sa kinabukasan,
Ang siyang maghuhubog ng mga kaisipan.

Kung ang edukasy0n ay matatamasa,
Tiyak ang liwanag, matatanaw mo na.
Matutunan nating gamitin sa tama,
Kaalamang taglay ito ang tunay na panangga.

Gabay ng PANGINOON lagi sana’y hingin,
Ng taong katulad mong may mabuting layunin.
Hangad ay mapaunlad ang buhay na angkin,
Makapaglingkod din sa mga taong ginigiliw.

Pinanday sa mag-aaral, de kalidad na edukasyon,
Heto na’t makakamit sa buhay na may layon.
Pagkat dito sa MHS na nagsilbing kaagapay,
Upang gintong aral ay tumatak sa buhay.


Susi sa Kinabukasan

ni Remarkable Jose

Kaalamang taglay kailangang tunay
Sandatang dapat taglayin ninunman
Dahil gamit natin sa pang araw-araw
Na matatagpuan sa edukasyon lang

Edukasyong hanap nasa eskwelahan
Tinuturong ganap ng gurong mahusay
Sa mag-aaral sa iba’t ibang lugar
Taglay ang araling mahalagang tunay

Makamit ito ay walang kasing saya
Sapagkat dala ay magandang simula
Simula sa isang magandang biyaya
Dala ay tagumpay maging dalubhasa

Kahit mahirap babatain tunay
Makamit lamang ang tamang kaalaman
Na magiginng daan sa ating tagumpay
Dahil ito’y susi sa magiging buhay

Natutunan natin gamitin sa tama
Upang ang tadhanang nakatakday saya
Kaalamang taglay ito ang panangga
Sa buhay natin na puro na problema


Edukasyon

ni Meric B. Mara

Tandang-tanda ko pa ABAKADA ni ama at ina
na siyang unang nagbukas ng isip sa letra
edukasyon ko noon ay sa kanlungan pa nila
may piso akong baon at kendi sa twina.

Lumipas ang ilang taon ako ay kanilang itinuon
sa paaralan, may pormal na edukasyon
at may guro nasa akin ay gagabay doon
at ang piso kong baon, dalawang piso na ngayon.

Sa eskwela hinubog ang isipan kong tulog
tinuruan mag isip ng tama at angkop
dito ko rin naranasan ang hirap na lugod
nasa kinabukasan ko ay siyang papalaot

Kagandahang asal dito rin naturuan
ng mga propesor na tunay na huwaran
sa araw ng pag-susulit kahit na nahihirapan
pagnaipasa naman ibang klaseng pakiramdam

Kay sayang alalahanin lahat ng nagdaang tambing
ukol sa edukasyon na nagbibigay giliw
mula elementarya hanggang sa ngayon aliw
dahil ilang panahon nalang ay iba na ang darating.

Kaya sa napipinto kong pagtatapos alay ko po na lugod
ang aking natutunan sa paaralan kong tibobos
lubos-lubos na pasasalamat aking ipinaaabot
sa aking mga magulang, guro, at sa ating Diyos!!!


Susi sa Tagumpay

mula sa Facebook

Ang edukasyon ay susi sa tagumpay,
Ang lahat ng pagsubok ay naghihintay
Kaya estudyante sunog ang kilay,
Para pagdating ng araw buhay ay makulay.

Sina nanay at tatay patuloy ang kayod,
Upang pangangailangan ay maibigay
Sakripisyo at pawis lahat ibinuwis,
Sa minamahal na anak pawis.

Ang sakripisyo ng magulang ay dapat suklian,
Dapat Anak, matutong magpasalamat!
Sa magandang buhay na natanggap,
At pagsasaludo sa magulang ang dapat.

Ginhawa sa buhay kunin mo,
Mag – aral mabuti ang katapat nito
Magsumikap ka’t magsakripisyo!
Ng sa gayon buhay na maginhawa makamit mo.


Edukasyon

ni Angelbless

Edukasyon mahalagang bagay sa bawat nilalang;
Nagsisilbing sandata para kahirapan ay mapaglabanan;
Maghahatid tungo sa landas ng karangyaan at karalitaan;
Kayamanan na hindi maagaw at mapawi magpakailanman.

Pagtiyagaan at pagsikapan na ito ay iyong makamtan;
Tiisin ang puyat at pagod na pagdadaanan;
Ano mang balakid piliting ito’y mawaglit at malampasan;
Habang buhay mo itong kaakibat at pakikinabangan.

Kabataan makiramdam at magmasid ka sa iyong bayan;
Taong namumuno taglay ang malawak na kaalaman;
Iginagalang, pinapakinggan at pinapahalagahan sa lipunan;
Tinitingala at hindi pwedeng aapakan ng sino man.

Pangarap ng iyong magulang iyo nawang tugunin;
Pag aaral ay pagsisikapan at iyong pagbubutihin;
Ito ang tanging kayamanang sa iyo’y kanilang ihahabilin;
Hirap man ay dadanasin magtiis ka huwag mo sila biguin.

Magulang ang sayo ay umaalalay at gumagabay;
Igagalang at sila’y huwag bigyan ng lumbay;
Huwag aksayahin ang oras sa mga bagay na walang kabulohan;
Bagkus ito ay ibuhos sa pagtuklas at pagtaglay ng karunungan.

Mga kabataan payo at saway ng iyong magulang pakinggan;
Pahalagahan at itatak sa puso at musmos mong isipan;
Adhikaing maibigay ang buhay na may kaginhawaan;
Makita kang sagana dulot sa kanila ay wagas na kaligayahan.


Edukasyong Mahalaga

ni Nathaniel Ignacio

May isang batang bumili ng babasa
Sya ay nagbasa at naging dalubhasa
Sya’y naging matalino sa pagbabasa
Sa ideya ng edukasyon, nahasa.

Minsan ang edukasyon ay nasasayang
Ng mga pamilya at taong mayaman
Mga mahihirap, di nanghihinayang
Kung sa pag-aral, ay nagiging matapang.

Ang tunay na edukasyon ay mahalaga
Ang katangahan ay tinataga
Minsan kailangang magtiyaga at di higa
Hanggang mawalan ka ng hangin sa baga.

Sa edukasyon wag kang huminto
Dahil mas mahalaga pa to sa ginto
Wag kang magmadali sa tunog ng pinto
Upang may matutuhan ka at di lito.


Para sa mga Paaralan

ni Joshua Rommel H. Vargas

Hindi pareho ang lahat
sa alam at kakayahan
May mga magaling sa Math
o, kundi, sa kasaysayan.

May mga estudyanteng mahusay
sa iba’t-ibang gawain sa buhay
ngunit wala silang pakialam
para sa mga detalye ng agham.

May hustisya ba sa sistema
para sa mga estudyanteng ito?
Walang kuwenta na ba ang isda
na hindi kayang mag-akyat ng puno?

Hindi pareho ang lahat
sa alam at kakayahan
Sana nga, may pakialam
ang lipunan sa kanila.


Ang Bituin Sa Karimlan

ni Nishel Dulalia

Ilang taon narin tayo naghihirap
Tayo’y nag-aaral at nagsusumikap
Iyon ay ang mga pangunahing sangkap
Upang maabot ang mumunting pangarap

Doktor, Abogado, Sundalo at Guro
Ilan lang sa mithiin ng mga tao
Sila’y tinuturing na bagong bayani
Hatid ala’y kapwa baya’y nagbubunyi

Sa ngayo’y mas mahalaga ang numero
Ang nais ay pumasa kaysa matuto
Ito ba tinatawag na edukasyon?
Pano na ang susunod na henerasyon?

O, pangarap paano ka makakamtan
Kung ganito ang sistema ng paaralan
Mithiin nating kasingtaas ng bituin
Na tila ba ay mahirap ng abutin

Huwag susuko sa’yong pangarap
Pagkat matutumbasan lahat ng hirap
Gamit ang tulong ng bagong kaalaman
Kabataan maging pag-asa ng bayan


Edukasyon

ni Panyaaaaang

Kailangan ng edukasyon ng buong bayan
Ng mga isyu at usaping pang kalikasan
Sa gayo’y mamulat ang maraming mamamayan
Na ang kalikasan pala’y dapat alagaan

Ang edukasyon nga naman
Ang edukasyon nga naman
Isa itong yaman na dapat ingatan
At ipalaganap sa buong sandaigdigan

Edukasyon ay isang regalo
Bigay ng ating mga magulang
Na hindi mananakaw at mapapalitan
Upang maabot ang pangarap na inaasam

Kaya’t pakahusayan natin ang edukasyon
Hinggil sa kabataan at gawin itong misyon
Upang maraming masa’y matuto sa paglaon
At malaki nang ambag ito sa nasyon


SEE ALSO: Mga Tula Tungkol sa Guro

At iyan ang mga tula tungkol sa edukasyon na aming nakolekta mula sa iba`t ibang mga makatang Pilipino. Alin sa mga tulang ito ang pinakagusto mo?

Mayroon ka bang sariling likhang tula tungkol sa edukasyon na nais mong isama sa pahinang ito? Ipaalam sa amin sa pamamagitan ng pag-iwan ng komento sa ibaba! 🙂