Bukod sa kasarian, ang pangngalan o noun ay mayroon ding kailanan. Sa pahinang ito, tatalakayin natin at matutunan ninyo kung ano ang kailanan ng pangngalan. Gumawa rin kami ng mga halimbawa sa bawat kailanan ng pangngalan upang mas madali mong maintindihan ang paksang ito.
Ano ang Kailanan ng Pangngalan?
Ang kailanan ng pangngalan ay tumutukoy sa dami o bilang ng ngalan ng tao, bagay, hayop, lugar o pangyayari.
Mayroong tatlong kailanan ng pangngalan. Ito ay ang isahan, dalawahan, at maramihan.
1. Isahan
Ang kailanang isahan ay tumutukoy sa pangngalang likas na nag-iisa lamang ang bilang. Upang mabilis na matukoy kung isahan ang isang pangngalan, maaaring gamitin ang mga panandang si, kay, ni, ang, ng, sa, at isa.
Mga Halimbawa ng Kailanang Isahan
Narito ang sampung halimbawa ng kailanang isahan sa pangungusap.
- Si Berta ay mabait.
- Kumain ng saging ang bata.
- Maaliwalas ang panahon.
- Bumili kami ng gulay sa palengke.
- Si Mario ay mapagbigay.
- Ibalik mo ang lapis kay Lito.
- Ang lalaki ay matipuno.
- Sumama ka kay Roda.
- Ang aklat na ito ay kay Myla.
- Tawagan mo si Paul mamaya.
2. Dalawahan
Ang kailanang dalawahan ay tumutukoy sa pangngalan na may dalawang bilang. Ginagamitan ito ng mga pantukoy na sina, nina, kina kasama ang dalawang tiyak na pangngalan, pamilang na dalawa, salitang pares at kambal, at pang-ukol na mag-.
Mga Halimbawa ng Kailanang Dalawahan
Narito ang sampung halimbawa ng kailanang dalawahan sa pangungusap.
- Pumitas ako ng dalawang bayabas.
- Sina Tom at Tim ay naglalaro.
- Pupunta kami kina lolo at lola.
- Ang magkapatid ay nagbibigayan.
- Mayroon akong pares ng sapatos.
- Ang kambal ay hindi magka-mukha.
- Sina Miko at Mika ay magkasintahan.
- Dalawa ang anak ni Yolie.
- Ang magkaibigan ay namasyal sa mall.
- Bibisita kami kina Ryan at Rica bukas.
3. Maramihan
Ang kailanang maramihan ay tumutukoy sa pangkalahatan o mahigit sa dalawang bilang ng ngalan.
Ginagamit ang mga pantukoy at panandang ang mga, mga, kina, sina, nina, kayo, tayo, sila kasama ang mahigit sa dalawang tiyak na pangngalan, pang-ukol na ng mga, panlaping mag+unang pantig ng pangngalang isahan (halimbawa: magkakapatid, magkakapitbahay), mga pang-uring marami, iba-iba, sari-sari, at iba pang mga pamilang na higit sa dalawa tulad ng tatlo, apat-apat, at marami pang iba.
Mga Halimbawa ng Kailanang Maramihan
Narito ang sampung halimbawa ng kailanang dalawahan sa pangungusap.
- Ang mga ibon ay lumilipad.
- Bumili ako ng mga lapis.
- Sina Jeff, Jack, at Jill ay mahusay sa Math.
- Ang magkakapatid ay natutulog.
- Mayroon akong tatlong lobo.
- Sina Mama, Papa, at Lola ay pupunta sa Maynila.
- Sari-sari ang mabibili sa tindahan.
- Tayo ay Pilipino.
- Ang punong mangga ay maraming bunga.
- Ang magkakapitbahay ay naglinis ng bakuran.
At ‘yan ang aralin tungkol sa kailanan ng pangngalan. Kung naging kapaki-pakinabang sa’yo ang araling ito, mangyaring ibahagi sa iyong mga kaklase at kaibigan upang sila din ay matuto.
Para ibahagi ito sa iyong mga social media account, i-click ang share button na makikita sa’yong screen. Maraming salamat!
Mga kaugnay na aralin
Kasarian ng Pangngalan at mga Halimbawa nito
PANG-URI: Halimbawa ng Pang-uri, Uri ng Pang-uri, Antas, Atbp.
PANDIWA: Halimbawa ng Pandiwa, Aspekto ng Pandiwa, Pokus, Uri, Atbp.
PANG-ABAY: Halimbawa ng Pang-abay, Uri ng Pang-abay, Atbp.
PANGHALIP: Uri ng Panghalip, Halimbawa ng Panghalip, Gamit, Atbp.
PANGATNIG: Ano ang Pangatnig, Halimbawa ng Pangatnig, Uri, Atbp.