Sa pagpasok sa mundo ng Panitikan at Gramatika, isa sa pinakamahalagang bahagi ay ang pang-unawa sa mga bahagi ng pananalita. Isang halimbawa nito ay ang ‘Pang-abay‘. Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung ano nga ba ang pang-abay, iba’t ibang uri nito, at magbibigay din kami ng mga halimbawa ng pang-abay upang mas mabilis mong maunawaan ang araling ito.
See Also: PANGHALIP: Uri ng Panghalip, Halimbawa ng Panghalip, Gamit, Atbp.
Mga Nilalaman
- Ano ang Pang-abay?
- Mga Uri ng Pang-abay
- Mga Kaugnay na Aralin
Ano ang Pang-abay?
Ang pang-abay in english is adverb. Ito ay mga salitang nagbibigay turing o naglalarawan sa pandiwa, pang-uri, o kapwa pang-abay.
Mga Halimbawa ng Pang-abay sa Pangungusap
Narito ang ilan sa mga halimbawa ng pang-abay sa pangungusap.
- Hindi maikakaila ang kabutihang taglay ni Mary.
- Niyakap ko siya nang mahigpit.
- Pupunta ako bukas sa parke.
- Walong basong tubig ang iniinom ko araw-araw.
- Tila mahina na si Ka Pedring.
- Talagang hanga ako sa galing mong umawit.
- Mula ngayon ay kakain na ako ng gulay.
- Nagpaluto ako ng biko kay Aling Marta.
- Kailan po ang balik ninyo?
- Uuwi ako mamayang gabi.
Mga Uri ng Pang-abay
May 17 uri ng pang-abay: ang pang-abay na pamanahon, panlunan, pamaraan, pang-agam, ingklitik, benepaktibo, kusatibo, kondisyonal, pamitagan, panulad, pananggi, panggaano, panang-ayon, panturing, pananong, panunuran, at pangkaukulan.
Pamanahon
Ang pang-abay na pamanahon ay nagsasaad kung kailan naganap o magaganap ang kilos na taglay ng pandiwa sa pangungusap.
May tatlong uri ang pang-abay na pamanahon: ang may pananda, ang walang pananda, at ang nagsasaad ng dalas.
Pamanahong may Pananda
Ito ay ginagamitan ng mga panandang nang, sa, noon, kung, kapag, tuwing, buhat, mula, umpisa, o hanggang.
Mga Halimbawa ng Pang-abay na Pamanahon na may Pananda
- Umpisa bukas ay gigising ako ng maaga.
- Naaalala ko ang aking kamusmusan tuwing umuuwi ako sa probinsya.
- Kapag Mayo ay dinadalaw ko ang aking Lola.
- Kung araw ng Linggo lang ako ay pumupunta sa simbahan.
- Nabuhayan ako ng loob nang aking masilayan ang kanyang ngiti.
- Natutuhan kong pahalagahan ang bawat oras sa mga sandaling ito.
- Mahilig kami maglaro ng taguan noong kami’y bata pa.
- Malamang ay iba na ang takbo ng aking buhay kung sakali man na hindi tayo nagtagpo.
- Inaasam-asam ko ang aroma ng kape mula sa kusina tuwing umaga.
- Dumarating ang mga mandirigma mula sa kaharian ng hilaga.
- Hanggang sa ngayon, hindi ko pa rin alam kung bakit mo ako iniwan.
- Nang makita ko ang inyong bahay, naramdaman kong at home ako.
- Naririnig ko ang musika mula sa kapitbahay tuwing hatinggabi.
Pamanahong Walang Pananda
Ito ay ginagamitan ng mga panandang kahapon, kanina, ngayon, mamaya, bukas, sandali, atbp.
Mga Halimbawa ng Pang-abay na Pamanahon na walang Pananda
- Pupunta kami bukas sa palengke.
- Kunin mo mamaya ang telang ipinatago ko sa’yo.
- Sandali na lang at magsisimula na ang palabas.
- Si Alden ay kanina pa naghihintay kay Maine.
- Kahapon ka sana umuwi dito.
- Kahit kahapon lang tayo nagkita, tila ang tagal na nating hindi nagkikita.
- Ikinalulungkot ko ang ating hindi pagkikita kanina.
- Ngayon ko lang naranasan ang ganitong kasiyahan.
- Mamaya, pag-uwi ko, sana ikaw ang una kong makita.
- Bukas, magiging mas maayos ang lahat, tiwala lang.
- Nag-usap tayo kanina at hindi ko na malilimutan ang mga salitang binitiwan mo.
- Pagkatapos ng mga pangyayari ngayon, sana matutunan nating higit na pahalagahan ang bawat sandali.
- Sana bukas, mas maging maaliwalas ang panahon para sa ating piknik.
- Mahalaga ang bawat sandali na tayo’y magkasama.
- Balak kong bumisita sa’yo mamaya pagkatapos ng trabaho.
- Kahit na nangyari ito kahapon, hindi ko pa rin mapigilan ang aking mga luha.
- Siguraduhin mong maihahatid mo ang sulat ko para sa kanya bukas.
- Kanina ko pa iniisip kung paano ko sasabihin sa iyo ang aking nararamdaman.
- Ngayon, natutunan kong tanggapin ang mga bagay na hindi ko mabago.
Pamanahong Nagsasaad ng Dalas
Ito ay ginagamitan ng mga salitang nagsasaad ng dalas. Halimbawa nito ay ang mga salitang araw-araw, taun-taon, tuwing, oras-oras, linggo-linggo, atbp.
Mga Halimbawa ng Pang-abay na Pamanahon na Nagsasaad ng Dalas
- Magsipilyo ka araw-araw.
- Pumupunta kami sa Japan taun-taon.
- Oras-oras ay inaabangan mo ang pagbabalik niya.
- Linggo-linggo kami naliligo sa talon.
- Tuwing Byernes ay maaga akong gumigising.
- Ang araw-araw na gawain sa bahay ay nakakapagod pero kailangan.
- Tuwing bakasyon ay pumupunta kami sa probinsya.
- Ang taun-taon na selebrasyon ng fiesta sa aming bayan ay laging masaya at makulay.
- Sa tuwing nagbubukas ako ng libro, nadarama ko ang bawat salita.
- Nagkikita kami ng aking mga kaibigan para maglaro ng basketball linggo-linggo.
- Tuwing aking maalala ang iyong ngiti, lalong bumibilis ang tibok ng aking puso.
- Naghihintay ako tuwing hapon sa iyong pagbabalik.
- Araw-araw kong pinapangako na ako’y magbabago para sa ating kinabukasan.
- Nagbibigay tayo ng tulong sa mga nangangailangan tuwing pasko.
- Oras-oras kong sinusubaybayan ang kalagayan mo sa ospital.
- Minu-minuto, nagbabago ang takbo ng ating mundo, kaya’t ating pahalagahan ang bawat sandali.
Panlunan
Ang pang-abay na panlunan ay tumutukoy sa pook o lugar na pinangyarihan, pinangyayarihan, o pangyayarihan ng kilos sa pandiwa.
Ilan sa mga panandang ginagamit dito ay ang mga salitang sa, kina, o kay.
Mga Dapat Tandaan:
Sa – ginagamit kapag ang kasunod ay isang pangngalang pambalana o isang panghalip.
Kay o Kina – ginagamit kapag ang kasunod ay pangngalang pantangi na pangalan ng isang tao.
Mga Halimbawa ng Pang-abay na Panlunan sa Pangungusap
- May nakita akong masarap na ulam sa karinderya.
- Ang aking bahay ay malapit sa simbahan.
- Pupunta ako kina Mang Tomas bukas.
- Pakikuha mo kay Cherry ang aking kaldero.
- Maraming nais maging iskolar sa UP.
- Dumaan ako kina Lisa at John upang magsabi ng pasasalamat.
- Nakakita ako ng bulaklak na gusto mong ilagay sa iyong buhok.
- Tuwing hapon, naglalaro kami kina Juan at Pedro.
- Nagpapasalamat ako kay Lolo dahil sa kanyang mga payo at tulong.
- Kina Maria at Jose tayo ay tumutuloy tuwing fiesta.
- Ang mga salita mo kay Ana ay nagbigay ng liwanag sa kanyang landas.
- Kina Lily at Liza ako natutong mag-bake ng cake.
Pamaraan
Ang pang-abay na pamaraan ay naglalarawan kung paano naganap, nagaganap, o magaganap ang kilos na ipinapahayag ng pandiwa.
Ginagamitan ito ng mga panandang nang, na, o -ng.
Mga Halimbawa ng Pang-abay na Pamaraan sa Pangungusap
- Sumigaw ako nang malakas.
- Bakit siya umalis na masaya?
- Kumain kami nang mabilis.
- Niyakap ni Nanay ang aming bunso nang mahigpit.
- Umalis tayo nang maaga.
- Bumagsak ang kanyang mga luha nang marinig ang balita.
- Bumaba na ang araw nang makauwi tayo galing sa mahabang biyahe.
- Nang tumama ang bola sa goal, na-realize ng lahat na kami na ang panalo.
- Na-homesick ako nang malaman kong may handaan pala sa bahay.
- Nang maalala ko ang mga salitang binitawan mo, napangiti ako.
Pang-agam
Ang pang-abay na pang-agam ay nagbabadya ng di-katiyakan o pag-aalinlangan sa pagganap sa kilos ng pandiwa.
Ginagamitan ito ng mga pariralang marahil, siguro, tila, baka, wari, o parang.
Mga Halimbawa ng Pang-abay na Pang-agam sa Pangungusap
- Marami na marahil ang nakaaalam ng sikreto niya.
- Siguro ay bukas na tayo umalis.
- Ang sabi ni Jose ay baka di tayo matuloy dahil umuulan.
- Ang batang ito ay parang walang magulang.
- Umuulan kaya marahil walang namimili sa palengke.
- Marahil ay makakarating siya sa oras para sa miting.
- Siguro ay mas mainam kung bibili tayo ng mas murang produkto.
- Tila nagsusumikap siya sa kanyang pag-aaral.
- Baka nasa bahay pa lang siya at hindi pa nakaalis.
- Wari ko’y wala siyang interes sa aking ipinapakita.
- Parang nagbabago na ang panahon, malamig na ang simoy ng hangin.
- Marahil hindi natin malalaman ang katotohanan hanggang sa huli.
- Siguro ay masaya siya ngayon na nasa tabi ng kanyang pamilya.
- Tila ba umuulan sa labas base sa tunog ng mga patak sa bubong.
- Baka hindi ko na matandaan ang pangalan niya, matagal na kaming hindi nagkikita.
- Wari ko’y nawawala na ang kanyang pagmamahal sa akin.
- Parang may nagbago sa iyo, hindi ko lang maipaliwanag.
- Marahil ay hindi pa ito ang tamang panahon para magdesisyon.
- Siguro mas magiging masaya ako kung magkakaroon ako ng panahon para sa aking sarili.
- Tila gusto niya na rin matapos ang lahat ng ito.
Ingklitik o Kataga
Ang pang-abay na ingklitik ay maikling kataga na walang kahulugan kung nag-iisa lamang ito ngunit nakakapagpabago ng kahulugan ng pangungusap. Inilalagay ito sa pagitan ng pangungusap upang mas lalong luminaw ang kahulugan nito.
Karaniwan itong nakikita pagkatapos ng unang salita sa pangungusap.
Ilan sa mga halimbawa nito ay ang man, kasi, sana, nang, kaya, yata, tuloy, lamang/lang, din/rin, ba, pa, muna, pala, na, naman, at daw/raw.
Mga Halimbawa ng Pang-abay na Ingklitik o Kataga sa Pangungusap
- Alam pala ni Brando ang lihim ni Brenda.
- Bakit daw ngayon ka lang?
- Saan pa kayo pupunta?
- Siya muna ang pag-igibin mo ng tubig.
- Manatili ka man dito o hindi, nirerespeto namin ang iyong desisyon.
- Ayaw niya kasi na mabasa sa ulan.
- Sana ay matapos na ang pandemya para makabalik na tayo sa normal na buhay.
- Nag-aral siya ng mabuti kaya siya pumasa sa exam.
- Hindi ko yata natandaan kung saan ko inilagay ang susi ko.
- Na-late tuloy ako dahil sa trapik.
- Para lamang sa mga estudyante ang seminar na iyon.
- Gusto lang niya ng kaunting katahimikan.
- Umuwi din siya kahapon mula sa bakasyon.
- Nagpaalam rin siya sa akin bago umalis.
- Malapit na ba tayong makarating?
- May pasok pa siya kaya hindi siya makakasama sa atin.
- Magpahinga ka muna bago ka magsimula ng iyong trabaho.
- Nakalimutan ko pala na may meeting ako ngayong hapon.
- Malakas daw ang bagyong parating ayon sa balita.
- Nabanggit niya raw na pupunta siya ng palengke ngayong hapon.
Benepaktibo
Ito ay nagsasaad ng benepisyo para sa isang tao dahil sa pagkaganap sa kilos ng pandiwa o layunin ng pandiwa.
Ginagamitan ito ng panandang para sa.
Mga Halimbawa ng Pang-abay na Benepaktibo sa Pangungusap
- Magbenta ka ng balot at penoy para sa matrikula mo.
- Kumain ng gulay para sa ikalalalaks ng katawan.
- Si Tatay ay naghahanapbuhay para sa aming pangkain.
- Ang mga bayani ay nag-alay ng buhay para sa bayan.
- Si Mila ay nanahi ng damit para sa kanyang anak na si Sam.
- Nagluto siya ng adobo para sa kanyang pamilya.
- Nag-aral siya ng mabuti para sa kanyang nalalapit na pagsusulit.
- Mayroon tayong responsibilidad para sa ating kapaligiran.
- Ang mga binili kong gulay ay para sa ating hapunan mamaya.
- Nakita ko ang isang magandang regalo para sa iyong kaarawan.
- Bumili ako ng ticket para sa concert ng ating paboritong banda.
- Ang kanyang mga sakripisyo ay para sa kanyang mga anak.
- Ginagawa ko ito para sa ating kinabukasan.
- Nagsimula na siyang mag-ehersisyo at kumain ng masusustansyang pagkain para sa kanyang kalusugan.
- Ang mga pagkakamali ay para sa ating pagkatuto.
- Ang buong linggong trabaho ay para sa kanyang pangarap na bahay.
- Naghahanda siya ng mga dokumento para sa kanyang aplikasyon sa trabaho.
- Naglakad siya papuntang simbahan para sa misa ng Linggo.
- Ibinoto niya ang kandidatong ito para sa kanyang adhikain para sa bayan.
Kusatibo o Kawsatibo
Ito ay nagsasaad ng dahilan sa pagganap ng kilos ng pandiwa.
Ginagamitan ito ng parirala na pinangungunahan ng dahil sa.
Mga Halimbawa ng Pang-abay na Kusatibo o Kawsatibo sa Pangungusap
- Dahil sa iyo ay pinalabas din ako ng ating guro.
- Dahil sa hindi ko pagsama sa field trip ay may proyektong pinagawa sa akin si Ginang Robles.
- Dahil sa kapalpakan ng pinuno ay nagdusa ang mga mamamayan.
- Dahil sa hindi pakikinig ng leksyon kaya ako bumagsak sa pagsusulit.
- Dahil sa kaingayan kaya nagalit si Ginoong Santos sa akin.
- Hindi ako makakapunta sa party dahil may pasok ako bukas.
- Nagkasakit siya dahil sa sobrang pagod.
- Naging matagumpay ang proyekto dahil sa ating sama-samang pagtutulungan.
- Pinalitan ang sistema dahil hindi ito epektibo.
- Napalayas sila sa kanilang tinitirhan dahil sa kawalan ng pambayad sa upa.
- Hindi natuloy ang aming biyahe dahil sa malakas na bagyo.
- Napabilis ang kanyang paggaling dahil sa maagap na medikal na interbensyon.
- Sumikat siya sa industriya dahil sa kanyang natatanging talento.
- Naiwan niya ang kanyang cellphone sa bahay dahil sa kanyang pagmamadali.
- Hindi ko naubos ang aking ulam dahil busog na ako.
- Hindi ako nakatulog nang maayos dahil sa ingay ng kapitbahay.
- Sinabi niya ang kanyang totoong nararamdaman dahil sa takot na mawala ang taong mahal niya.
- Nalungkot siya dahil wala siyang makausap tungkol sa kanyang problema.
- Namasyal kami sa parke dahil maganda ang panahon.
Kondisyonal
Nagsasaad ito ng kondisyon para maganap ang kilos na isinasaad ng pandiwa.
Ito ay may pariralang kung, kapag/pag, o pagka.
Mga Halimbawa ng Pang-abay na Kondisyonal sa Pangungusap
- Bibilis kang magbasa kung magsasanay ka palagi.
- Bibilihan kita ng laruan kapag marunong ka ng magsulat ng pangalan mo.
- Lalaki kang marunong kung nakikinig ka sa mga sinasabi ko.
- Hindi ka magkakasakit kung marunong kang mag-ingat sa katawan mo.
- Aalis lang tayo kapag naubos mo na ang kinakain mo.
- Nakikita ko ang kanyang kasiyahan kapag ngumingiti siya.
- Lumalakas ang aking loob kapag naaalala ko ang aking mga pangarap.
- Huwag kang mag-alala kung hindi mo pa alam ang sagot, matutunan mo rin iyan.
- Umiinit ang panahon pag tanghali na.
- Nagugutom ako tuwing umaga pagka gising ko.
- Mas naiintindihan ko ang leksyon kapag binabasa ko ito ng paulit-ulit.
- Mapapansin mong mas madali ang trabaho kung mahal mo ito.
- Nahihirapan ako sa pagtulog kung mainit ang panahon.
- Umiinom ako ng kape kapag kailangan kong magpuyat.
- Tumatawa siya kapag naririnig niya ang paborito niyang joke.
- Naramdaman ko ang kanyang pagmamahal kapag hawak niya ang aking kamay.
Pamitagan
Ito ay nagsasad ng paggalang. Ginagamitan ito ng mga salitang po, opo, ho, o oho.
Mga Halimbawa ng Pang-abay na Pamitagan sa Pangungusap
- Saan po kayo pupunta?
- Opo, maliligo na po ako.
- Bakit ho kayo bumalik?
- Ang kinakain ko po ay prutas at gulay.
- Mahilig po akong sumayaw.
- Kumusta na po kayo?
- Saan po kayo nagtratrabaho?
- Kailangan ko po ng tulong niyo.
- Gusto ko po sanang humingi ng pabor.
- Salamat po sa inyong tulong.
- Napakaganda po ng inyong bahay.
- Maari ko po bang malaman ang inyong pangalan?
- Napakasarap po ng luto niyo.
- Hindi ko po inaasahan ang iyong pagdating.
- Napakabait ho ng inyong anak.
- Opo, ako po ang nagluto ng hapunan natin ngayon.”
- Hindi ho ba tayo maliligaw sa ruta na ito?
- Pupunta po ba tayo sa palengke bukas?”
- Opo, nag-aaral po ako ngayon para sa aking pagsusulit bukas.
Panulad
Ginagamit ito sa pagtutulad ng dalawang mga bagay. Ito ay ginagamitan ng salitang kaysa, higit, di hamak, di gaya, labis, di gaano, o lalong–lalo.
Mga Halimbawa ng Pang-abay na Panulad sa Pangungusap
- Mahusay umawit si Jona kaysa kay Kyla.
- Mas gusto kong maglaro kaysa magbasa.
- Ang gusto ko ay kumain kaysa matulog.
- Magaling sumayaw si John kaysa kay Camille.
- Ang pagkain ay higit na mahalaga kumpara sa laruan.
- Mas gusto ko pang maglakad papuntang trabaho kaysa mag-commute.
- Napatunayan niya na higit siyang matalino kumpara sa kanyang mga kaklase.
- Ang pag-ibig niya ay di hamak na mas malalim kaysa sa inaakala ko.
- Labis kong pinagsisihan ang mga nagawang mali noong kabataan ko.
- Mas gusto ko ang lasa ng tsokolate kaysa sa vanilla.
- Higit kong pinahahalagahan ang aking pamilya kumpara sa anumang materyal na bagay.
- Ang mga tula niya ay di hamak na mas malalim at makabuluhan kumpara sa iba.
- Di gaya ng kanyang kapatid, siya ay tahimik at mahiyain.
- Labis kong minahal ang aking unang aso.
- Mas pinahahalagahan ko ang kanyang mga gawa higit pa sa kanyang mga salita.
Pananggi
Nagsasaad ito ng pagtanggi o pagtutol. Ito ay ginagamitan ng mga pariralang hindi, di, at ayaw.
Mga Halimbawa ng Pang-abay na Pananggi sa Pangungusap
- Hindi na ako kakain.
- Ayaw kong sumama sa inyo.
- Di na ako pupunta sa palaruan bukas.
- Hindi kita mahal.
- Ayaw ko na sa’yo.
- Kailangan kong malaman kung hindi mo na ako mahal.
- Sa kabila ng lahat, hindi pa rin siya sumusuko.
- Kung hindi ka sigurado, huwag mong pilitin ang sarili mo.
- Hindi siya nagsasalita ngunit sa kanyang mga mata, ramdam ko ang kanyang kalungkutan.
- Di ko inakala na ganito pala kahirap ang maging isang magulang.
- Sa kabila ng lahat ng kanyang pinagdaanan, di siya nawawalan ng pag-asa.
- Kahit saan man siya magpunta, di niya maiiwan ang kanyang nakaraan.
- Hindi lang siya basta pintor, siya ay isang alagad ng sining.
- Sa kabila ng kanyang kahinaan, di niya ito hinayaang maging hadlang sa kanyang mga pangarap.
- Ayaw niyang ipahalata sa iba na nasasaktan siya.
- Alam ko na ayaw mong magpatulong pero nandito lang ako para sa iyo.
- Ayaw niya sa mga taong hindi tumutupad sa kanilang pangako.
- Kahit alam kong ayaw mo, kailangan kong sabihin ang katotohanan.
- Nagulat ako nang sabihin niyang ayaw na niya sa akin.
- Di ko maintindihan kung bakit ayaw mo sa akin.
Panggaano o Pampanukat
Nagsasaad ang pang-abay na panggaano ng timbang, bigat, o sukat. Ito ay sumasagot sa tanong na gaano o magkano.
Mga Halimbawa ng Pang-abay na Panggaano sa Pangungusap
- Nadagdagan ang timbang ko ng tatlong kilo.
- Uminom ka ng dalawang basong tubig kada umaga.
- Bumili ka ng sampung kilong baboy sa palengke.
- Inabot ako ng kalahating araw sa paghihintay sa iyo.
- Bibigan kita ng apat na kilong mangga.
- Tumagal ng isang oras ang aming pag-uusap sa telepono.
- Naglalakad siya ng limang kilometro para makarating sa kanyang trabaho.
- Nag-eehersisyo siya ng apat na beses sa isang linggo para mapanatili ang kanyang kalusugan.
- Kumakain siya ng tatlong beses sa isang araw para mapanatili ang kanyang enerhiya.
- Bumili siya ng dalawang dosenang itlog sa palengke.
- Uminom siya ng anim na basong tubig bawat araw.
- Nag-aral siya ng walong oras para sa nalalapit na pagsusulit.
- Nagluto siya ng sampung kilong spaghetti para sa birthday party ng kanyang anak.
- Nag-impake siya ng limang maleta para sa kanyang paglalakbay.
- Naglakbay siya ng tatlumpung minuto para makarating sa kanyang destinasyon.
- Nagbayad siya ng isang libong piso para sa kanyang biniling grocery.
- Nagsulat siya ng dalawampung pahina para sa kanyang thesis.
- Pumupunta siya sa gym ng apat na beses sa isang linggo.
- Nagtanim siya ng limampung punong kahoy para sa kanyang proyekto sa kalikasan.
- Binasa niya ang isang daang pahina ng libro bago siya matulog.
Panang-ayon
Ito ay nagsasaad ng pagsang-ayon. Ginagamit dito ang mga salitang oo, opo, tunay, sadya, talaga, syempre.
Mga Halimbawa ng Pang-abay na Panang-ayon sa Pangungusap
- Oo, sasama ako sa inyo bukas.
- Tunay ngang tama ang iyong hinala sa kanya.
- Talaga palang galing sa nakaw ang perang dala niya.
- Oo, ibibili kita ng pasalubong pag-uwi ko.
- Sadya namang walang galang ang batang si Ramon.
- Oo nga, iyon ang aking ibig sabihin.
- Opo, ako ang magluluto ng hapunan ngayong gabi.
- Tunay na minamahal kita, hindi ito biro.
- Kahit na marami akong ginagawa, talagang naglaan ako ng oras para sa iyo.
- Talaga palang hindi mo na ako kilala.
- Syempre, ikaw pa rin ang pinakamahalaga sa akin.
- Opo, ako po yung tumawag kanina.
- Tunay na nagbunga ang lahat ng ating paghihirap at sakripisyo.
- Oo, ikaw pa rin ang laman ng aking puso.
- Syempre, hindi ko hahayaan na ikaw ay masaktan.
- Tunay na hindi ko alam na ikaw pala ang nasa likod ng lahat.
- Talaga palang hindi madali ang lahat ng ito.
- Oo, nakita ko siya kanina sa tindahan.
- Syempre, gusto ko na makita ka ulit.
Panturing
Ito ay nagpapahayag ng pagkilala o pagtanaw ng utang na loob.
Mga Halimbawa ng Pang-abay na Panturing sa Pangungusap
- Mabuti na lang at dumating ka dahil ikaw lang ang hinahanap ni Jesa.
- Nang dahil sa’yo ay natapos ko ang aking takdang aralin.
- Mabuti na lang at pinahiram mo ako ng pera dahil makakabayad na kami sa ospital.
- Nang dahil kay ate ay nakatapos ako ng pag-aaral.
- Mabuti na lang at dumating ka.
Pananong
Ito ay ginagamit sa pagtatanong hinggil sa pandiwa, pang-uri, o pang-abay.
Mga Halimbawa ng Pang-abay na Pananong sa Pangungusap
- Berta, ano’t masama raw ang loob mo sa akin?
- Gaano karami ang sumalubong kay Presidente?
- Kanino nanggaling ang pulang sapatos si Becky?
- Paano kaya pumunta sa Baguio?
- Saan ang daan patunong Sorsogon?
- Bakit mo ginawa ang mga bagay na iyon?
- Paano mo nasabi na siya ang may kasalanan?
- Saan mo nakita ang susi ng kotse?
- Kailan ka huling naglaro ng basketball?
- Saan ka pupunta pagkatapos ng trabaho?
- Paano mo nalaman na ako ang hinahanap mo?
- Bakit mo ako iniwan ng walang pasabi?
- Kailan ka balak umuwi sa atin?
- Saan mo gustong magdiwang ng iyong kaarawan?
- Bakit mo binili ang sapatos na yan kung hindi mo naman pala gagamitin?
- Paano mo naintindihan ang komplikadong konsepto na iyon?
- Saan mo tinapon ang basura?
- Kailan ka nagplano na mag-resign sa iyong trabaho?
- Paano kita matutulungan kung ayaw mong magsalita?
- Bakit mo pinili na mag-aral sa paaralang iyon?
Panunuran
Ito ay nagpapahayag ng pagkakasunod-sunod sa panahon o pagkakalagay. Maaaring gamitin ang mga salitang muna, bago, saka, at marami pang iba na nagpapahiwatig ng pagkakasunod ng mga kaganapan.
Mga Halimbawa ng Pang-abay na Panunuran sa Pangungusap
- Panunod lamang dumating si Ana kay Claire.
- Sunud-sunod ang pila ng mga tao sa NFA rice.
- Kahuli-hulihan si Kelly sa pila.
- Kumain muna ako ng hapunan bago ako nagtrabaho.
- Nagsaing ako bago ako naglinis ng bahay.
- Sa kauna-unahang pagkakataon, nanalo siya sa paligsahan.
- Naisipan niyang magpahinga bago simulan ang proyekto.
- Nag-aral siya bago sumali sa kompetisyon.
- Bumili ako ng mga kailangan sa palengke bago ako umuwi.
- Naghintay kami nang matagal bago dumating ang biyahe namin.
- Kinuha niya ang mga kagamitan bago pumasok sa silid-aralan.
- Dumaan muna kami sa mga pagsubok saka namin makamit ang tagumpay.
- Binasa muna niya ang mga gabay saka niya sinimulan ang pag-aayos ng kanyang gamit.
Pangkaukulan
Ito ay ginagamitan ng mga salitang tungkol, hinggil, o ukol.
Mga Halimbawa ng Pang-abay na Pangkaukulan sa Pangungusap
- Ang plano ko tungkol sa bayan ay madali lamang.
- Hinggil saan ang pagpupulong ngayon?
- Ang palabas ay tungkol sa buhay ni Charo.
- Ipinahayag niya ang kanyang saloobin tungkol sa isyung pulitikal.
- Nakipagtalo siya hinggil sa tamang paraan ng pagsasaayos ng mga dokumento.
- Sumulat siya ng isang talumpati ukol sa kahalagahan ng edukasyon.
- Ang pag-uusap namin ay ukol sa aming mga plano para sa susunod na taon.
- Mayroon akong ilang tanong tungkol sa iyong huling presentasyon.
- Isinalaysay niya ang kanyang karanasan tungkol sa paglalakbay sa ibang bansa.
- Nagkaroon kami ng mahabang diskusyon hinggil sa mga isyung pang-ekonomiya.
- Ipinagtanggol niya ang kanyang pananaw tungkol sa karapatang pantao.
- Nagbigay siya ng payo ukol sa pag-aaral ng mga bata.
- Nagtanghal siya ng awitin tungkol sa pag-ibig at pagsasakripisyo.
- Nakinig ako sa kanyang pahayag tungkol sa kanyang mga pangarap.
- Nagbahagi siya ng kanyang kaalaman hinggil sa pagsasaka.
- Ipinakita niya ang mga larawan tungkol sa kanyang paglalakbay sa buong mundo.
- Nag-organisa kami ng isang forum ukol sa mga isyung pangkapaligiran.
Sa pagwawakas, nawa’y naging malinaw sa’yo ang kahulugan, mga halimbawa at iba’t ibang uri ng Pang-abay. Nakita natin na malaki ang papel na ginagampanan ng pang-abay sa pangungusap at ito ay nagbibigay-buhay at kahulugan sa ating wika. Sa ating pag-aaral ng Panitikan at Gramatika, dapat natin isaisip na ang mga Pang-abay ay hindi lamang simpleng salita, kundi ito ay nagdadala rin ng malalim na kahulugan at kaalaman sa ating wika. Sa pagsusulat at pagsasalita, huwag nating kalilimutan ang kahalagahan ng pang-abay sa pagpapahayag ng ating mga saloobin at kaisipan.
Mangyaring ibahagi ito sa iyong mga kaibigan at kaklase upang sila rin ay matuto sa araling ito. Maaari mo din itong i-share sa iyong mga social media account. I-click lamang ang share button na makikita sa iyong screen. Para sa karagdagang mga tanong tungkol sa ating aralin, maaari kang mag-iwan ng komento sa ibaba.
Mga Kaugnay na Aralin
PANGATNIG: Ano ang Pangatnig, Halimbawa ng Pangatnig, Uri, Atbp.
PANG-UKOL: Kahulugan, Layon, at Mga Halimbawa ng Pang-Ukol
PANG-UGNAY: Kahulugan, Uri, at Mga Halimbawa ng Pang-Ugnay
PANGUNGUSAP: Mga Halimbawa, Bahagi, Kayarian, Ayos, Uri, Atbp.
SIMUNO AT PANAGURI: Kahulugan at Mga Halimbawa sa Pangungusap
Alpabetong Filipino: Ang Kabuuang Gabay sa mga Letra ng ating Wika