Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang isang mahalagang bahagi ng ating gramatika—ang Panghalip. Aalamin natin ang kahulugan ng panghalip, ang ilang mga halimbawa nito sa pangungusap, ang iba’t ibang uri, ang gamit, at ang kaukulan ng panghalip. Layunin ng artikulong ito na mabigyan kayo ng sapat na kaalaman at gabay sa paggamit ng wikang Filipino, lalo na sa aspeto ng mga panghalip. Sana ay makatulong ito sa pagpapalawak ng inyong kaalaman at kasanayan sa paggamit ng ating pambansang wika. Tara na at simulan na natin ang pag-aaral tungkol sa kagandahan at kabuluhan ng mga panghalip!
Mga Nilalaman
- Ano ang Panghalip?
- Uri ng Panghalip
- Gamit ng Panghalip
- Kaukulan ng Panghalip
- Mga kaugnay na aralin
Ano ang Panghalip?
Ang panghalip o pronoun sa wikang Ingles ay ang salitang humahalili o pamalit sa ngalan o pangngalan na nagamit na sa parehong pangungusap o kasunod na pangungusap.
Mga Halimbawa ng Panghalip sa Pangungusap
Narito ang sampung halimbawa ng panghalip sa pangungusap.
- Ako ay Pilipino.
- Saan ka pupunta?
- Akin ang saranggolang ito.
- Ang iyong damit ay bago.
- Sa kanya ang payong na ‘to.
- Ilan ang itlog sa basket?
- Iyon ang nawawalang aso ni Ramil.
- Sinu-sino ang tauhan sa kwento?
- Lumapit ka dito.
- Ligtas diyan ang alaga mong ibon.
Uri ng Panghalip
May pitong (7) uri ng panghalip: ang panghalip panao, pamatlig, panaklaw, pananong, paari, pamanggit, at patulad.
Panao
Ang panghalip panao ay nakikilala sa Ingles bilang personal pronoun. Ito ay mula sa salitang ‘tao’, kaya nagpapahiwatig ito na ‘para sa tao’ o ‘pangtao’. Ipinapalit ito sa ngalan ng taong nagsasalita, sa taong kausap, o sa taong pinag-uusapan.
Ilan sa mga halimbawa ng panghalip panao ay ang mga salitang ako, ko, akin, amin, kami, kayo, atin, inyo, kita, kata, mo, siya, kanila, at kanya.
Mga Halimbawa ng Panghalip Panao sa Pangungusap
- Sa akin ang tuwalyang pula.
- Ako ay kumain ng sopas.
- Sa inyo kami kakain ng hapunan.
- Binili ko ang sumbrero sa mall.
- Sa akin ang laruang kotse.
- Doon kayo magbakasyon sa Tagaytay.
- Sa kanila ay maraming manggang hinog.
- Tingnan mo ang hawak kong lobo.
- Siya ang kumuha sa bata.
- Sa ating bansa ay maraming magagandang tanawin.
Kailanan ng Panghalip Panao
Narito ang tatlong kailanan ng panghalip panao.
Isahan
Ang mga halimbawa nito ang mga salitang ako, ko, akin, kita, ka, iyo, mo, siya, kanya, at niya.
Dalawahan
Ang mga halimbawa nito ang mga salitang atin, at natin.
Maramihan
Ang mga halimbawa nito ang mga salitang inyo, kayo, ninyo, sila, kanila, at nila.
Read more: PANGHALIP PANAO: Kailanan, Panauhan, at Mga Halimbawa
Pamatlig
Ang panghalip pamatlig o demonstrative pronoun sa wikang Ingles ay inihalili sa pangngalang nagtuturo ng lugar na kinalalagyan ng pangngalan. Ito ay inihahalili rin sa pangngalan na malapit o malayo sa nagsasalita, kinakausap, o nag-uusap.
Uri ng Panghalip Pamatlig
May apat na uri ang panghalip pamatlig. Ito ay ang mga sumusunod:
Pronominal
Ang mga halimbawa nito ay ang ito, nito, dito, iyan, niyan, diyan, iyon, roon, at doon.
Mga Halimbawa ng Panghalip Pamatlig sa Pangungusap (Prominal)
- Ang payong na ito ay kay Sandara.
- Iyon ang mga saging.
- Doon nakatira si Perla.
Panawag Pansin
Ang mga halimbawa nito ay ang eto, heto, ayan o hayan, at ayun o hayun.
Mga Halimbawa ng Panghalip Pamatlig sa Pangungusap (Panawag Pansin)
- Eto ang hinahanap kong laso.
- Ayan ang regalo ko sa iyo.
- Ayun ang asawa mo.
Patulad
Ang mga halimbawa nito ay ang ganito, ganiyan o ganyan, at ganoon o gayon.
Mga Halimbawa ng Panghalip Pamatlig sa Pangungusap (Patulad)
- Ganyan ang aklat na nais kong basahin.
- Ganito ang gagawin natin mamaya.
- Ganoon mo ilagay ang mga plato.
Panlunan
Ang mga halimbawa nito ay ang narini, nadini, narito, nandiyan, nariyan, naroon, at nandoon.
Mga Halimbawa ng Panghalip Pamatlig sa Pangungusap (Panlunan)
- Narini ang sulat ni Lita.
- Ang pitaka ni Paula ay narito.
- Nandiyan sa silid ang hinahanap mong baro.
Panaklaw
Ang panghalip panaklaw na tinatawag na indefinite pronoun sa Ingles ay salitang panghalili o pamalit sa pangngalan na sumasaklaw sa kaisahan, dami, bilang, o kalahatan.
Mula ito sa salitang ‘saklaw’ kaya’t may pahiwatig na ‘pangsaklaw’ o ‘pangsakop’. Tumutukoy ito sa isang pangngalan na di tiyak o walang katiyakan kung sino o ano ito.
Ilan sa mga halimbawa ng panghalip na panaklaw ang mga salitang lahat, madla, sinuman, bawat isa, alinman, anuman, saanman, at ilan.
Mga Halimbawa ng Panghalip Panaklaw sa Pangungusap
- Ang sinumang hindi sumunod sa utos ng hari ay parurusahan.
- Bawat isa ay may tatanggaping tulong mula sa gobyerno.
- Ang ilan sa inyo ay sumama sa akin.
- Alinman sa mga prutas ay maaari mong kainin.
- Lahat ng tao at hayop ay binigyang buhay ng Diyos.
- Matigas ang ulo ng madla.
- Saanman kayo magpunta ay mahahanap pa rin kayo.
- Hindi lahat ng matalino ay mayaman.
- Ilan lang ang nakatapos ng pag-aaral.
- Anumang gawin ninyo ay ipagsusulit ninyo sa Diyos.
Pananong
Ang panghalip pananong na kilala sa Ingles bilang interrogative pronoun ay mula sa salitang ‘tanong’, kaya’t may pakahulugan itong ‘pantanong’.
Maari itong isahan o maramihan na ginagamit sa pagtatanong tungkol sa bagay, tao, hayop, pook, gawain, katangian, panahon at iba pa.
Ang mga halimbawa ng salitang pananong sa isahan ay ang ano, sino, nino, alin, ilan, magkano, gaano, at kanino. Sa maramihan naman ay ang mga salitang anu-ano, sinu-sino, ninu-nino, alin-alin, ilan-ilan, magka-magkano, gaa-gaano, at kani-kanino.
Mga Halimbawa ng Panghalip Pananong sa Pangungusap (Isahan)
- Saan galing si Marga?
- Sino ang kumuha ng pera?
- Ano ang pangalan mo?
- Ilan ang anak ni Berta?
- Magkano ang kilo ng manok?
Mga Halimbawa ng Panghalip Pananong sa Pangungusap (Maramihan)
- Anu-ano ang kinain mo kanina?
- Sinu-sino ang kasama mo sa Luneta?
- Alin-alin ang maaari pang gamitin?
- Magka-magkano ang ipapamili mong damit sa Divisoria?
- Kani-kanino mo ibibigay ang mga regalo?
Read more: PANGHALIP PANANONG: Kahulugan, Uri, at Mga Halimbawa
Paari
Ang panghalip na paari o possessive pronoun sa Ingles ay mga salitang ipinapalit sa pangngalan ng taong nagmamay-ari ng bagay.
Ang mga salitang halimbawa nito sa isahan ay ang akin, iyo, at kanya. Sa maramihan naman ay ang atin, amin, inyo, at kanila.
Mga Dapat Tandaan:
- Wala dapat itong “sa” sa unahan.
- Dapat ay hindi ito sinusundan ng pangngalan
- Ito ay laging nakikita sa bahaging panaguri o pagkatapos ng panandang “ay“ at sa unahan ng pangungusap kung walang “ay“.
Mga Halimbawa ng Panghalip na Paari sa Pangungusap (Isahan)
- Ang lumang aklat ay akin.
- Iyo ang plumang ito.
- Kanya ang bestidang pula.
- Akin ang basong puno ng tubig.
- Kanya ang nakita mong baunan ng pagkain.
Mga Halimbawa ng Panghalip na Paari sa Pangungusap (Maramihan)
- Kanila ang lupaing natatanaw mo.
- Ang inyong proyekto ay maganda.
- Amin ang bahay na ‘yan.
- Atin ang bansang Pilipinas.
- Ang malawak na bukirin ay kanila.
Pamanggit
Ang panghalip pamanggit o relative pronoun sa Ingles ay mula sa salitang ‘banggit’ na may pakahulugang ‘pambanggit’ o ‘pangsabi’. Ito ay parirala o kataga na tagapag-ugnay ng dalawang kaisipan o pananalita.
Ang ilan sa mga halimbawa nito ay daw, raw, umano, diumano, ani, at sa ganang akin o iyo.
Mga Halimbawa ng Panghalip na Pamanggit sa Pangungusap
- Ang bata raw ay kinurot mo.
- Sa ilog daw ang piknik sa Sabado.
- Kinuha umano ni Rey ang payong mo.
- Ang sanggol diumano ay tinangay ng babaeng mahaba ang buhok.
- Ako raw ay ipinatatawag ni Binibining Malabanan.
Patulad
Ang panghalip na patulad ay ginagamit sa pagkukumpara, paghahambing, at pagtukoy ng bagay, salita, gawain, o kaisipan. Ito ay nagpapakilala ng pagkakawangis ng dalawang bagay.
Ang mga halimbawa nito ay ganito o ganire, ganyan, at ganoon.
Mga Halimbawa ng Panghalip na Patulad sa Pangungusap
- Ganito ang dapat nating gawin bukas.
- Ganyan ang gusto kong kulay ng buhok.
- Ganoon ang sinasabi kong nais na matanggap sa pasko.
- Ganito kami sa Makati.
- Ganyan ang larawan ng masayang pamilya.
Gamit ng Panghalip
May pitong (7) gamit ng Panghalip: bilang simuno, bilang panaguri, bilang panaguring pangngalan, bilang pantawag, bilang kaganapang pansimuno, bilang layon ng pang-ukol, at bilang tagaganap ng pandiwa sa balintiyak na ayos.
Ginagamit Bilang Simuno o Paksa ng Pangungusap
Mga Halimbawa
- Ako ay Pilipino.
- Ikaw ay mabait at matalino.
Ginagamit Bilang Panaguri ng Pangungusap
Mga Halimbawa
- Ang kotse ay kanya.
- Ang bukid ay kanila.
Ginagamit Bilang Panuring Pangngalan
Mga Halimbawa
- Ang ganitong prutas ay masarap.
- Ang ganiyang damit ay maganda.
Ginagamit Bilang Pantawag
Mga Halimbawa
- Kayo, hindi ba kayo papasok?
- Ikaw, hindi ka pa ba maliligo?
Ginagamit Bilang Kaganapang Pansimuno
Mga Halimbawa
- Tayo ay lalakad na.
- Iyan ang kakainin mo.
Ginagamit Bilang Layon ng Pang-ukol
Mga Halimbawa
- Bumili ako ng sapatos para sa iyo.
- Para sa akin ang tinapay na ito.
Ginagamit Bilang Tagaganap ng Pandiwa sa Balintiyak na Ayos
Mga Halimbawa
- Ang prutas na kinain ko ay matamis.
- Binigyan namin sila ng bigas.
Kaukulan ng Panghalip
May tatlong (3) kaukulan ang panghalip: ang palagyo, paari, at palayon.
Kaukulang Palagyo
Kung ang panghalip ay ginagamit bilang paksa o simuno ng pangungusap.
Mga Halimbawa
- Tayo ang nagwagi sa patimpalak.
- Siya ay mahusay umawit.
- Tayo ay magtipid ng tubig.
- Sila ay pumunta sa bayan
- Siya ang huwarang guro ng taon.
Kaukulang Paari
Nagsasaad ito ng pang-aangkin ng isang bagay sa loob ng pangungusap. Halimbawa nito ang mga salitang akin, ko, amin, atin, namin, natin, mo, iyo, ninyo, inyo, niya, kaniya, nila, at kanila.
Mga Halimbawa
- Ang bag na asul ay kaniya.
- Puntahan ninyo si Alex.
- Akin ang sinturong itim sa kabinet.
- Samahan natin si Larry.
- Ang kurtina namin ay makulay.
Kaukulang Palayon o Paukol
Ginagamit ito bilang layon ng pang-ukol at sumusunod sa pandiwang nasa tinig ng balintiyak. Kung minsan ay ginagamitan ito ng palatandaang ‘sa’.
Mga Halimbawa
- Ang batas na ito ay makakabuti sa lahat.
- Si Elaine ay papuntahin mo sa amin.
- Ang bahay ni Magda ay malapit sa inyo.
- Ang makapal na libro ay kunin mo sa kanya.
- Si Lyka ay magpupunta sa kanila.
Sa kabuuan, ang panghalip ay isa sa mga susi sa pagpapayaman ng ating mga pangungusap. Sa pagkaunawa sa kahalagahan, gamit, at iba’t ibang uri ng panghalip, mas magiging matatas tayo sa paggamit ng ating sariling wika. Ang panghalip ay hindi lamang basta salita na pampalit, ito rin ay isang makapangyarihang kasangkapan sa pagsasabi ng ating mga saloobin at kaisipan na hindi na kailangang ulit-ulitin ang pangngalan.
Sana’y naging kapaki-pakinabang ang ating talakayan tungkol sa panghalip. Patuloy na mag-aral at magpursigi sa pagpapayaman ng ating kaalaman sa wikang Filipino!
Inaanyayahan ka namin na ibahagi ang araling ito sa iyong mga kaibigan at kaklase upang sila rin ay matuto. I-click lamang ang share button na makikita sa screen para i-share ito sa iyong mga social media accounts.
Download the PDF version of this post by clicking this link.
Mga kaugnay na aralin
PANGNGALAN: Kasarian ng Pangngalan, Kailanan, Gamit, Uri, Atbp.
PANG-URI: Halimbawa ng Pang-uri, Uri ng Pang-uri, Antas, Atbp.
PANDIWA: Halimbawa ng Pandiwa, Aspekto ng Pandiwa, Pokus, Uri, Atbp.
PANG-ABAY: Halimbawa ng Pang-abay, Uri ng Pang-abay, Atbp.
PANG-ANGKOP: Kahulugan, Uri, at Mga Halimbawa ng Pang-angkop
PANG-UKOL: Kahulugan, Layon, at Mga Halimbawa ng Pang-Ukol
Alpabetong Filipino: Ang Kabuuang Gabay sa mga Letra ng ating Wika
TAYUTAY: Halimbawa ng Tayutay, mga Uri ng Tayutay, Atbp.
PANGUNGUSAP: Mga Halimbawa, Bahagi, Kayarian, Ayos, Uri, Atbp.
SIMUNO AT PANAGURI: Kahulugan at Mga Halimbawa sa Pangungusap