Sa pag-aaral ng wikang Filipino, isa sa pinakamahalagang konsepto na kailangan nating maunawaan ay ang pangungusap. Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang iba’t ibang aspekto ng pangungusap, kabilang ang kahulugan, mga halimbawa, bahagi, kayarian, ayos, ang iba’t ibang uri nito ayon sa gamit, mga uri ng pangungusap na walang paksa, mga bantas na maaaring gamitin, at mga tips kung paano gumawa nito.
Mga Nilalaman
- Ano ang Pangungusap
- Bahagi ng Pangungusap
- Kayarian ng Pangungusap
- Ayos ng Pangungusap
- Mga Uri ng Pangungusap Ayon sa Gamit
- Mga Uri ng Pangungusap na Walang Paksa
- Mga Bantas sa Pangungusap
- Paano Gumawa ng Pangungusap
- Mga kaugnay na aralin
Ano ang Pangungusap
Ang pangungusap o sentence sa wikang Ingles ay isang yunit ng wika na nagpapahayag ng isang kaisipan, karanasan, damdamin, at iba pang impormasyon. Ito ay maaaring magsimula sa isang salita lamang o maging lipon ng mga salita na magkakaugnay upang magpahayag ng kumpletong diwa o kaisipan. Ito ay binubuo ng panlahat na sangkap, ang simuno (paksa) at panaguri (naglalarawan sa simuno), na buo ang diwa.
Mga Halimbawa ng Pangungusap:
- Magandang umaga sa lahat.
- Saan ka pupunta?
- Maglinis ka ng kwarto mo.
- Ang lola ay mapagmahal.
Bahagi ng Pangungusap
Mayroon itong dalawang bahagi; ang simuno at panaguri.
Simuno
Ang simuno ay ang bahagi ng pangungusap na nagsasabi kung sino o ano ang paksa. Ito ay maaaring tao, bagay, lugar, o pangyayari. Ang simuno ay madalas na nasa unahan ng pangungusap, ngunit maaari rin itong matagpuan sa ibang bahagi.
Halimbawa ng simuno
- Ang mga unggoy ay kumakain ng saging.
- Nagbigay ng grocery si Mayor Armando.
Panaguri
Ang panaguri naman ay nagbibigay ng karagdagang impormasyon tungkol sa simuno. Ito ay maaaring isang aksyon, katangian, o kondisyon ng simuno. Ang panaguri ay karaniwang matatagpuan pagkatapos ng simuno.
Halimbawa ng panaguri
- Ang mga unggoy ay kumakain ng saging.
- Nagbigay ng grocery si Mayor Armando.
Kayarian ng Pangungusap
Ang mga pangungusap ay maaaring pangkatin ayon sa bilang o uri ng diwa na bumubuo sa mga ito:
Payak na Pangungusap
Ito ay binubuo ng isang buong diwa o isang sugnay na makapag-iisa na mayroong:
- Payak na simuno at payak na panaguri (PS-PP)
- Halimbawa:
- Si Juan ay matalino.
- Ang aso ay mataba.
- Halimbawa:
- Payak na simuno at tambalang panaguri (PS-TP)
- Halimbawa:
- Ang halaman ay lumalago at namumulaklak.
- Si Carmen ay mabait at maganda.
- Halimbawa:
- Tambalang simuno at payak na panaguri (TS-PP)
- Halimbawa:
- Sina Maria at Pedro ay magkaibigan.
- Ang daga at pusa ay magkaaway.
- Halimbawa:
- Tambalang simuno at tambalang panaguri (TS-TP)
- Halimbawa:
- Ang mga ibon at isda ay lumilipad at lumalangoy.
- Ang mga lolo at lola ay maglalakad at mamamasyal sa parke.
- Halimbawa:
Tambalang Pangungusap
Ito ay binubuo ng dalawang buong diwa o sugnay na makapag-iisa na pinag-uugnay ng pangatnig. Maaaring magkaugnay o magkasalungat ang dalawang diwa nito na pinag-uugnay ng pangatnig tulad ng at, ngunit, subalit, datapwat, pero, samantala, at habang.
- Halimbawa:
- Ang aso ay tumatakbo samanatalang ang pusa ay natutulog.
- Si nanay ay nagluluto ng hapunan habang si tatay ay pauwi na galing trabaho.
Hugnayang Pangungusap
Ito na binubuo ng isang buong diwa o sugnay na makapag-iisa at isang hindi buong diwa o sugnay na di-makapag-iisa (lipon ng mga salitang may simuno at panaguri na hindi buo ang diwa dahil sa pangatnig sa unahan nito). Ang dahil, kasi, sapagkat, kung, kapag, pag, kaya, upang, at para ay mga pangatnig na ginagamit sa hugnayang pangungusap.
- Halimbawa:
- Mag-aaral siya ng mabuti upang makapasa sa pagsusulit.
- Nagutom ang bata kaya kumain siya.
Ayos ng Pangungusap
Ang pangungusap ay may dalawang ayos, ang di-karaniwan at karaniwan ayos:
Karaniwang Ayos
Kung ang panaguri ay nauuna kaysa simuno, ito ay nasa karaniwang ayos.
- Halimbawa:
- Nagpapalabas ng balita ang telebisyon.
- Naglaba ng damit si Aling Maria.
Di-Karaniwang Ayos
Kung ang simuno naman ang nauuna kaysa sa panaguri, ito ay nasa di-karaniwang ayos.
- Halimbawa:
- Ang kotse ay umandar nang mabilis.
- Si Liza ay nagluluto ng hapunan.
Mga Uri ng Pangungusap Ayon sa Gamit
Ang pangungusap ay mayroong iba’t ibang gamit o tungkulin, tulad ng pasalaysay, patanong, pautos, padamdam, at pakiusap. Narito ang ilan sa mga halimbawa ng bawat uri:
Pasalaysay o Paturol
Ang pangungusap na pasalaysay o paturol ay nagbibigay ng impormasyon, opinyon, pahayag, o kaisipan. Ito ay karaniwang nagtatapos sa tuldok (.).
- Halimbawa:
- Maraming magagandang lugar na mapuntahan sa Pilipinas.
- Ang bola ay bilog.
Patanong
Ang pangungusap na patanong ay ginagamit upang magtanong o humingi ng impormasyon. Ito ay nagtatapos sa tandang pananong (?).
- Halimbawa:
- Sino ang paborito mong awtor ng nobela?
- Paano gumawa ng bangkang papel?
Padamdam
Ang padamdam na pangungusap ay nagpapahayag ng matinding damdamin tulad ng galak, pagkagulat, paghanga, o pagkadismaya. Ito ay nagtatapos sa tandang padamdam (!).
- Halimbawa:
- Nakakagulat ang balitang ito!
- Tulungan nyo kami!
Pautos
Ang pautos na pangungusap ay ginagamit upang mag-utos o magbigay ng direksyon. Ito ay maaaring magtapos sa tuldok (.) o tandang padamdam (!).
- Halimbawa:
- Maghugas ka ng kamay bago kumain.
- Matulog ka na.
Pakiusap
Ang pangungusap na pakiusap ay isang uri ng pautos na nagpapahayag ng pakiusap o kahilingan. Ito ay karaniwang nagtatapos sa tuldok (.) o tandang pananong (?).
- Halimbawa:
- Pakiabot ng aking bag.
- Pakitapon ang basura.
Mga Uri ng Pangungusap na Walang Paksa
May mga pangungusap na walang tiyak na paksa at panaguri o alinman sa mga sangkap nito pero buo pa rin ang diwang ipinapahiwatig. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang mga sumusunod:
Eksistensyal
Nagpapahayag ng pagkakaroon o pagkawala ng pinag-uusapan.
- Halimbawa:
- Mayroon pa bang tiket para sa konsiyerto?
- May ulam pa?
Temporal
Nagsasaad ng kalagayan o panahong panandalian lamang.
- Halimbawa:
- Umaga na.
- Bukas.
Penomenal
Nagpapahayag ng kalagayan ng panahon o kapaligiran.
- Halimbawa:
- Mainit ngayon.
- Umulan kanina.
Panawag
Nagpapahiwatig na nais kausapin ang tinawag o kumukuha ng atensyon.
- Halimbawa:
- Teka!
- Hoy!
Sambitla
Isang salita na nagpapahayag ng matinding damdamin.
- Halimbawa:
- Wow!
- Aray!
Pormularyong Panlipunan
Mga ekspresyon na ginagamit sa pakikipagkapwa at nagpapahayag ng mensahe sa isang maayos na paraan, tulad ng pagbati, pasasalamat, paggalang, o iba pang ekspresyong bahagi na ng kultura.
- Halimbawa:
- Kumusta?
- Paalam.
Sagot Lamang
Ito ang sagot sa mga tanong na hindi na kailangan ng paksa.
- Halimbawa:
- Hindi.
- Sige.
Pautos/Pakiusap
Mga pangungusap na pautos o pakiusap.
- Halimbawa:
- Pakitapon.
- Pakikuha.
Mga Bantas sa Pangungusap
Ang bantas ay mahalagang bahagi ng pagsulat upang mabasa at maunawaan ng maayos ang isang teksto. Ito ay tumutulong sa pagbibigay-linaw sa mga ideya, paghihiwalay ng mga salita at parirala, at pagtukoy sa tamang tono o damdamin ng pangungusap. Narito ang ilang halimbawa ng bantas at ang kanilang gamit:
Tuldok (.)
Ang tuldok ay ginagamit sa dulo ng isang tapos na pangungusap.
- Halimbawa:
- Kumain ako ng kanin.
- Bumili siya ng libro.
Kuwit (,)
Ang kuwit ay ginagamit sa paghihiwalay ng mga salita o parirala sa isang pangungusap.
- Halimbawa:
- Si Ana, Maria, at Liza ay magkakaibigan.
- Pagod na ako sa trabaho, pero kailangan kong magpursige.
Tandang Pananong (?)
Ang tandang pananong ay ginagamit sa dulo ng isang pangungusap na nagtatanong.
- Halimbawa:
- Saan ka pupunta?
- Anong oras na?
Tandang Padamdam (!)
Ang tandang padamdam ay ginagamit sa dulo ng isang pangungusap na may matinding damdamin o emosyon.
- Halimbawa:
- Ang ganda ng lugar na ito!
- Tumakbo ka na!
Paano Gumawa ng Pangungusap
Basahin ang ilang tips sa paggawa nito:
1. Mag-umpisa sa isang malinaw na paksa
Ang unang hakbang ay ang pagtukoy sa paksa. Ang paksa ay ang pangunahing ideya na gusto mong ipahayag.
- Halimbawa:
- Ang aso (paksa) ay tumalon (aksiyon).
- Ang mga bata (paksa) ay naglalaro (aksiyon) sa parke (lugar).
2. Gumamit ng pandiwa
Ang pandiwa ay ang aksyon o kilos na ginagawa ng paksa. Ito ang nagbibigay-buhay sa iyong pangungusap.
- Halimbawa:
- Umiyak siya nang malakas.
- Kumakain ang pamilya sa hapag-kainan.
3. Isama ang panuring
Ang panuring ay naglalarawan sa paksa o sa pandiwa, tulad ng pagtukoy sa dami, uri, o katangian.
- Halimbawa:
- Ang mabait na bata ay tumulong sa matanda.
- Nag-aral sila ng mabuti para sa pagsusulit.
4. Tandaan ang wastong bantas
Huwag kalimutan ang tamang bantas upang maiwasan ang kalituhan at maging malinaw ang iyong mensahe.
- Halimbawa:
- Sunog! Tulungan n’yo kami!
- Mahilig ka ba sa adobo, sinigang, at kare-kare?
5. Iwasan ang mahabang pangungusap
Ito ay maaaring magdulot ng kalituhan sa mambabasa. Mas mainam na gumawa ng maikli at malinaw upang madaling maunawaan ang iyong mensahe.
- Halimbawa:
- Mahirap: Ang guro na nakasuot ng puting damit na may bulaklak ay nagturo sa amin ng bagong aralin sa asignaturang Filipino na tungkol sa mga bantas.
- Mas Maikli at Malinaw: Ang guro na may bulaklak sa damit ay nagturo sa amin ng bagong aralin tungkol sa mga bantas sa Filipino.
Sa pagtatapos ng ating talakayan, inaasahan namin na mas naging malinaw at malalim ang iyong pag-unawa sa konsepto ng pangungusap. Sana ay magamit mo ang mga kaalaman na ito sa iyong mga gawain sa araw-araw at sa pag-aaral ng iba pang aspekto ng wika.
Huwag kalimutang ibahagi ang artikulong ito sa iyong mga kaibigan at kakilala upang mas marami pang tao ang maunawaan at matuto rin ng kahalagahan ng pangungusap sa pagpapayaman ng ating wikang Filipino. Maraming salamat sa iyong pagbabasa.
Mga kaugnay na aralin
Alpabetong Filipino: Ang Kabuuang Gabay sa mga Letra ng ating Wika
PANTIG: Ano ang Pantig, Kayarian, at Mga Halimbawa Nito
SIMUNO AT PANAGURI: Kahulugan at Mga Halimbawa
TAYUTAY: Halimbawa ng Tayutay, mga Uri ng Tayutay, Atbp.
PANGNGALAN: Kasarian ng Pangngalan, Kailanan, Gamit, Uri, Atbp.
PANG-URI: Halimbawa ng Pang-uri, Uri ng Pang-uri, Antas, Atbp.
PANDIWA: Halimbawa ng Pandiwa, Aspekto ng Pandiwa, Pokus, Uri, Atbp.
PANG-ABAY: Halimbawa ng Pang-abay, Uri ng Pang-abay, Atbp.
PANGHALIP: Uri ng Panghalip, Halimbawa ng Panghalip, Gamit, Atbp.
PANG-ANGKOP: Kahulugan, Uri, at Mga Halimbawa ng Pang-angkop