Sa pahinang ito ay matututunan mo kung ano ang pandiwa, aspekto, pokus, uri, gamit, kaganapan, at mga halimbawa nito sa pangungusap.
Ano ang Pandiwa?
Ang pandiwa o verb kung tawagin sa wikang Ingles ay isang salita o bahagi ng salita na nagsasaad ng kilos o galaw, pangyayari, o katayuan ng isang tao, hayop, o bagay.
Ito ay binubuo ng salitang ugat at panlapi.
Mga Halimbawa ng Pandiwa sa Pangungusap
- Mahusay umawit si Kuya Ramil.
- Tumatawa ng mag-isa si Erly sa sulok.
- Hindi ko alam kung bakit ako malungkot.
- Kumakain na pala kayo?
- Tumakbo ng matulin si Rico.
Related: PANG-ABAY: Halimbawa ng Pang-abay, Uri ng Pang-abay, Atbp.
Aspekto ng Pandiwa
May apat (4) na aspekto ang pandiwa. Ang Perpektibo o naganap, Imperpektibo o nagaganap, Kontemplatibo o magaganap, at Perpektibong Katatapos o kagaganap.
1. Perpektibo (Naganap na o Pangnagdaan)
Ang kilos o galaw ay nagawa na, tapos na o nakalipas na. Ginagamitan ito ng mga panlaping na, nag, um, at in.
Mga Halimbawa ng Pandiwa sa Pangungusap sa Aspektong Perpektibo
- Inayos ko na ang mga gamit na dadalahin ko para bukas.
- Tapos na akong kumain.
- Nagpunta ako sa simbahan.
- Natapon ang tubig sa lamesa.
- Tumakbo ako ng mabilis.
2. Imperpektibo (Nagaganap o Pangkasalukuyan)
Ang kilos o galaw ay kasalukuyang ginagawa, ginaganap o nangyayari. Ito ay ginagamitan ng mga panlaping na, nag, um, at in.
Mga Halimbawa ng Pandiwa sa Pangungusap sa Aspektong Imperpektibo
- Ang sanggol ay natutulog.
- Natutunaw ang sorbetes na kinakain mo.
- Nag-aaral ako ng mabuti.
- Umiiyak ang bata sa lansangan.
- Bilisan mo’t umuulan na!
3. Kontemplatibo (Magaganap o Panghinaharap)
Ang kilos ay hindi pa nagagawa, nagaganap, o gagawin pa lamang. Ginagamitan ito ng mga panlaping ma at mag.
Mga Halimbawa ng Pandiwa sa Pangungusap sa Aspektong Kontemplatibo
- Matutulog ako ng maaga mamayang gabi.
- Bukas ay magpupunta kami sa parke ng aking mga kaibigan.
- Sa aking kaarawan ay magluluto si Nanay ng spaghetti at pansit.
- Maglalaba ako mamaya pag-uwi ko galing sa eskwelahan.
- Maliligo kami sa ilog.
4. Perpektibong Katatapos (Kagaganap)
Ang aspektong ito ng pandiwa ay nagsasaad ng kilos na sandali lamang pagkatapos ito ginawa. Nabubuo ito sa pamamagitan ng paggamit ng unlaping ka- at pag-uulit ng unang katinig-patinig o patinig ng salitang ugat.
Mga Halimbawa ng Pandiwa sa Pangungusap sa Aspektong Perpektibong Katatapos
- Katatapos ko lamang kumain.
- Kagagaling ko lang sa paaralan.
- Katutula lang ni Binibining Reyes.
- Kasusulat ko lang kay Presidente Duterte ng ating mga hinaing.
- Kabibili ko lang ng baka sa palengke.
Pokus ng Pandiwa
Pokus ang tawag sa relasyon ng pandiwa sa paksa o simuno ng pangungusap. Ito ay naipapakita sa pamamagitan ng taglay na panlapi ng pandiwa.
May pitong pokus ang pandiwa: ang Aktor-pokus, Pokus sa layon, Lokatibong pokus, Benepaktibong pokus, Instrumentong pokus, Kosatibong pokus, at Pokus sa direksyon.
1. Aktor-pokus (Pokus sa tagaganap)
Sa aktor-pokus, ang simuno o paksa ang gumaganap ng kilos sa pangungusap. Sinasagot nito ang tanong na “sino?”
Ginagamitan ito ng mga panlaping mag-, um-, mang-, ma-, maka-, makapag-, maki-, o magpa-.
Mga Halimbawa:
- Maglilinis ng silid-aklatan si Ginang Torres bukas.
- Nagluto ng masarap na kaldereta si Lola Carmen.
- Bumili si Carlo ng bulaklak.
- Nanood ng sine si Carla.
- Maliligo raw sa sapa si Mang Basilio mamaya.
2. Pokus sa Layon
Sa pokus sa layon, ang paksa ang layon ng pandiwa sa pangungusap. Sumasagot ito sa tanong na “ano?”
Ginagamitan ito ng mga panlaping -in-, -i-, -ipa-, ma-, na-, o -an.
Mga Halimbawa:
- Lutuin mo ang manok na nasa lamesa.
- Kainin mo ang balot.
- Ang ulam ay niluto ni Nanay para sa akin.
- Itago mo ang pera.
- Nakita ni Mel ang nawawalang aso.
3. Lokatibong Pokus (Pokus sa Kaganapan)
Ang paksa o simuno ang lugar na ginaganapan ng pandiwa sa pangungusap. Sinasagot nito ang tanong na “saan?”
Ginagamitan ito ng mga panlaping pag-/-an, -an/-han, ma-/-an, pang-/-an, mapag-/-an, pinag/an, o in/an.
Mga Halimbawa:
- Pinagdausan ng binyag ang bagong simbahan.
- Pinagtaniman ko ng gulay ang malawak na bukid ni Tatay.
4. Benepaktibong Pokus (Pokus sa Tagatanggap)
Ang simuno o paksa ang tumatanggap sa kilos ng pandiwa sa pangungusap. Sinasagot nito ang tanong na “para kanino?”
Ginagamitan ito ng mga panlaping i-, -in, ipang-, o ipag-.
Mga Halimbawa:
- Ibinili ni Selya ng pasalubong si Lolo.
- Kami ay ipinagluto ni Tiyo ng lugaw.
- Tinahi niya ang pantalon ni Pablo.
5. Instrumentong Pokus (Pokus sa Gamit)
Ang simuno o paksa ang kasangkapan o bagay na ginagamit upang maisagawa ang kilos ng pandiwa sa pangungusap. Sumasagot ito sa tanong na “sa pamamagitan ng ano?”
Ginagamitan ito ng mga panlaping ipang- o maipang-.
Mga Halimbawa:
- Ang mahabang stik ang ipinanungkit niya ng bayabas.
- Ipinampunas ni Carla sa mukha ang relago kong panyo.
6. Kosatibong Pokus (Pokus sa Sanhi)
Ang simuno o paksa ang nagpapahayag ng sanhi ng kilos ng pandiwa sa pangungusap. Sinasagot nito ang tanong na “bakit?”
Ginagamitan ito ng mga panlaping i-, ika-, o ikina-.
Mga Halimbawa:
- Ikinatuwa namin ang pagpunta sa parke kahapon.
- Ikinalungkot ni Vicky ang hindi pagpunta ni Berto.
- Ikinainis ni Shiela ang pang-aasar sa kanya ni Wendy.
7. Pokus sa Direksyon
Ang simuno o paksa ang nagsasaad ng direksyon ng kilos ng pandiwa sa pangungusap. Sumasagot ito sa tanong na “tungo saan o kanino?”
Ginagamitan ito ng mga panlaping -an, -han, -in, o -hin.
Mga Halimbawa:
- Sinulatan niya ang kanyang nobyo.
- Pinuntahan ni Jerry ang hardware para mamili ng mga bato.
Uri ng Pandiwa
May dalawang uri ng pandiwa: ang palipat at katawanin.
1. Palipat
Ang uri ng pandiwang ito ay may tuwirang layon na tumatanggap ng kilos. Ang layon ay karaniwang kasunod ng pandiwa at pinangungunahan ng mga salitang na, ng, mga, sa, sa mga, kay, o kina.
Mga Halimbawa:
- Kumain ng saging si Binoy.
- Nagbilad ng damit sa labas ng bahay si Nanay.
- Makikipagkita kina Daniel at Gerald sina Maine at Julia.
2. Katawanin
Ito ang uri ng pandiwa na hindi nangangailangan ng tuwirang layon na tatanggap ng kilos o galaw dahil ganap na ang diwang ipinapahayag at nakakatayo na itong mag-isa.
Mga Halimbawa:
- Lumilindol!
- Umuulan!
- Nabuhay si Hesus.
- Tumatawa ang bata.
Gamit ng Pandiwa
Mayroong tatlong gamit ng pandiwa: ang pandiwang nagpapahayag ng aksyon, karanasan, at pangyayari.
1. Gamit ng Pandiwa bilang Aksyon
Kapag ito ay may aktor o tagaganap ng kilos. Maaaring tao o bagay ang aktor.
Sa tulong ng mga panlaping -um, mag-, ma-, mang-, maki-, o mag-an ay mabubuo ang mga pandiwang ito.
Mga Halimbawa:
- Tumalima si Laura sa lahat ng gusto ni Adolfo.
- Nagtakbuhan sina Delia ng tumahol ang aso.
2. Gamit ng Pandiwa bilang Karanasan
Maaaring magpahayag ang pandiwa ng karanasan, damdamin o emosyon. Sa ganitong sitwasyon, may nakararanas ng damdamin o saloobing inihudyat ng pandiwa.
Mga Halimbawa:
- Nagulat ang lahat sa inasal ni Jasmin.
- Namangha si James sa kagandahan ni Kiray.
- Naawa ang lola sa sinapit ng kanyang apo.
3. Gamit ng Pandiwa bilang Pangyayari
Ito ay resulta ng pangyayari. Maaaring may mga ekspresyon ng sanhi at bunga.
Mga Halimbawa:
- Naglayas si Sara dahil sa pagmamalupit ng kanyang ama.
- Nagpatiwakal si Minda sa labis na kalungkutan.
- Nalunod ang bata dahil sa kapabayaan ng kanyang mga magulang.
Kaganapan ng Pandiwa
Ang kaganapan ng pandiwa ay ang relasyon ng pandiwa sa panaguri ng pangungusap.
May pitong kaganapan ng pandiwa. Ito ang kaganapang tagaganap, kaganapang layon, kaganapang tagatanggap, kaganapang ganapan, kaganapang kagamitan, kaganapang direksyunal, at kaganapang sanhi.
1. Kaganapang Tagaganap
Ito ang bahagi ng panaguri na gumaganap ng kilos na isinasaad ng pandiwa.
Ang pananda na ginagamit dito ay ni o ng.
Mga Halimbawa:
- Ikinatuwa ng mga Pilipino ang pagkapanalo ni Catriona Gray sa Miss Universe.
- Kinakain ni Mila ang sopas na luto ng kanyang ina.
2. Kaganapang Layon
Ito ang bahagi ng panaguri na nagsasaad kung ano ang bagay o mga bagay na tinutukoy ng pandiwa.
Ginagamit dito ang panandang ng.
Mga Halimbawa:
- Si Juan ay bibili ng iPhone sa mall.
- Namigay ng salapi si Pacquiao sa mga mahihirap.
3. Kaganapang Tagatanggap
Bahagi ito ng panaguri na nagpapahayag kung sino ang tumatanggap ng kilos ng pandiwa.
Kalimitan ditong ginagamit ang panandang para sa o para kay.
Mga Halimbawa:
- Nagbigay ng donasyon ang GMA para sa mga nasalanta ng malakas na lindol.
- Nagbuwis ng buhay si Simoun para sa mga Pilipino.
4. Kaganapang Ganapan
Bahagi ito ng panaguri na nagsasaad ng lugar o pook na ginaganapan ng kilos ng pandiwa.
Panandang sa ang ginagamit dito.
Mga Halimbawa:
- Nanood ng sine si Lara sa mall.
- Pupunta kami sa Korea.
5. Kaganapang Kagamitan
Nagsasaad ang bahaging ito ng panaguri ng bagay o instrumentong ginagamit upang maisagawa ang kilos ng pandiwa.
Ginagamitan ito ng panandang sa pamamagitan ng.
Mga Halimbawa:
- Nilinis niya ang mga kalat sa pamamagitan ng walis at pandakot.
- Gumawa siya ng banga sa pamamagitan ng luwad.
6. Kaganapang Direksyunal
Bahagi ito ng panaguri na nagtuturo sa direksyon ng kilos na taglay ng pandiwa.
Ginagamit na pananda ang pang-ukol na sa.
Mga Halimbawa:
- Namasyal sila sa BGC buong araw.
- Nagliwaliw sila sa Pasig kagabi.
7. Kaganapang Sanhi
Ang bahaging ito ng panaguri ay nagsasaad ng dahilan ng pagkakaganap ng kilos ng pandiwa.
Ginagamit na pananda ang pariralang dahil sa.
Mga Halimbawa:
- Napaiyak si Jose dahil sa matinding kalungkutan.
- Nagtagumpay siya dahil sa kasipagan at diskarte sa buhay.
Kung ang pahinang ito ay nakatulong sa iyo mangyaring ibahagi ito sa iyong mga kaibigan upang matuto rin sila tulad mo. Salamat! 🙂
See also: PANG-URI: Halimbawa ng Pang-uri, Uri ng Pang-uri, Antas, Atbp.
Download the PDF version of this post by clicking this link.