PANGATNIG: Ano ang Pangatnig, Halimbawa ng Pangatnig, Uri, Atbp.

Katulad ng pandiwa, panghalip, pang-uri, at pang-abay, ang pangatnig ay isa rin sa mga bumubuo sa bahagi ng pananalita.

Sa pahinang ito ay tatalakayin natin kung ano ang pangatnig, mga pangkat, gamit, at uri ng pangatnig. Matututunan mo rin kung anu-ano ang mga halimbawa ng pangatnig at kung paano ito ginagamit sa pangungusap.


Ano ang Pangatnig?

Ang pangatnig o conjunction sa wikang Ingles ang tawag sa mga kataga o lipon ng mga salitang nag-uugnay sa dalawang salita, parirala, o sugnay upang mabuo ang diwa o kaisipan ng isang pahayag.

Karaniwan itong makikita sa simula o kalagitnaan ng pangungusap. Ang pangatnig ay maaari ring magbukod, manalungat, maglinaw, manubali, magbigay halintulad, magbigay sanhi, at magbigay ng pagtatapos sa isang kaisipan o pangungusap.

Ano ang Pangatnig? Image

Mga Halimbawa ng Pangatnig sa Pangungusap

Narito ang sampung (10) mga halimbawa ng pangatnig at kung paano ito gamitin sa pangungusap.

Mga Halimbawa ng Pangatnig sa Pangungusap Image
  1. Ang aking nanay at tatay ay mahal ko.
  2. Maglalaro sana ako ngunit tinawag ako ni ate.
  3. Ano ba ang mas masarap, lumpia o pritong manok?
  4. Gusto kong bumait pero di ko magawa.
  5. Bibigyan kita ng lobo kung bibigyan mo rin ako ng laruan.
  6. Pag-usapan natin ang bukas habang tayo’y namamasyal.
  7. Magtanim ka ng puno upang di bumaha.
  8. Magdala ka ng pala saka walis.
  9. Pupunta ka lang kina Mylakapag kasama ako.
  10. Kinagigiliwan ng lahat si Aira dahil masayahin siyang dalaga.

Uri ng Pangatnig

Mayroong sampung (10) mga uri ng pangatnig: ang panlinaw, panubali, paninsay, pamukod, pananhi, panapos, panimbang, pamanggit, panulad, at pantulong.

Uri ng Pangatnig Image

1. Pangatnig na Panlinaw

Ginagamit ito upang ipaliwanag ang bahagi o kabuuan ng isang banggit. Maaari itong gamitan ng mga salitang kung kaya, kung gayon, o kaya.

Mga Halimbawa ng Pangatnig na Panlinaw sa Pangungusap

  • Nag-usap na kami sa baranggay kung kaya ang ang kasong ito ay tapos na.
  • Umamin na si Mando kaya makakalaya na ang napagbintangang si Rico.
  • Ang prinsipal ay umuwi na, kung gayon ay maaari na rin tayong umuwi.
  • Nagpaalam na si Ambo sa mga magulang ni Selya kung kaya silang dalawa ay magpapakasal na.
  • Ginawa ko na sa paaralan ang aking takdang aralin kaya pag-uwi sa bahay ay maglalaro na lang ako.
Pangatnig na Panlinaw Image

2. Pangatnig na Panubali

Ito ay nagsasabi ng pag-aalinlangan. Maaari itong gamitan ng mga salitang kung, sakali, disin sana, kapag, o pag.

Mga Halimbawa ng Pangatnig na Panubali sa Pangungusap

  • Gawin mo na agad ang sinabi ni itay kung ayaw mong mapalo.
  • Sakaling hindi ako makapunta bukas, sabihin mo na lang sa akin ang mapag-uusapan sa pulong.
  • Tinanggap mo na sana ang alok niyang trabaho, disin sana‘y may maiipon ka bago mag-pasko.
  • Hindi naman mahirap ang buhay kung marunong ka lang dumiskarte.
  • Kapag sumama si Judy ay sasama na rin ako.
Pangatnig na Panubali Image

3. Pangatnig na Paninsay

Ito ay ginagamit kapag sinasalungat ng unang bahagi ng pangungusap ang pangalawang bahagi nito.

Maaari itong gamitan ng mga salitang ngunit, datapwat, subalit, bagaman, samantala, kahiman, o kahit.

Mga Halimbawa ng Pangatnig na Paninsay sa Pangungusap

  • Nakasama ako sa kanila ngunit pag-uwi ko ay pinagalitan ako ni Nanay.
  • Yumaman si Arriane kahit galing siya sa hirap.
  • Nakakuha ako ng mataas na marka sa pagsusulit bagaman hindi ako nakapag-review.
  • Magarbo ang handaan ngunit baon naman sa utang.
  • Nakapag-asawa siya ng mayaman kahit siya ay mahirap lamang.
Pangatnig na Paninsay Image

4. Pangatnig na Pamukod

Ginagamit ito upang ihiwalay, itangi, o itakwil ang isa o ilang bagay o kaisipan. Maaari itong gamitan ng mga salitang o, ni, maging, at man.

Mga Halimbawa ng Pangatnig na Pamukod sa Pangungusap

  • Ni tumawag ni mangumusta ay di man lang nya ginawa.
  • Ako man ay ayaw rin sa liderato niya.
  • Mahal kita maging sino ka man.
  • Ako ba o siya ang pipiliin mong makapareha sa sayaw?
  • Mapa-luma o bagong empleyado ay ayaw sumali sa Christmas party presentation.
Pangatnig na Pamukod Image

5. Pangatnig na Pananhi

Ito ay ginagamit upang magbigay ng dahilan o katwiran para sa pagkaganap ng kilos. Maaari itong gamitan ng mga salitang dahil sa, sanhi sa, sapagkat, o mangyari.

Mga Halimbawa ng Pangatnig na Pananhi sa Pangungusap

  • Nagkasira-sira ang bahay ni Ka Pilo dahil sa bagyo.
  • Sanhi sa pabago-bagong panahon kaya siya nagkasakit.
  • Marumi sa Pilipinas sapagkat ang ibang Pinoy ay walang disiplina.
  • Walang kuryente dahil sa pagkasira ng poste sa tapat ng bahay.
  • Bumagsak ka sapagkat hindi ka nag-aaral ng mabuti.
Pangatnig na Pananhi Image

6. Pangatnig na Panapos

Ito ay nagsasaad ng nalalapit na katapusan ng pagsasalita. Maaari itong gamitan ng mga salitang sa lahat ng ito, sa di-kawasa, sa wakas, o sa bagay na ito.

Mga Halimbawa ng Pangatnig na Panapos sa Pangungusap

  • Sa wakas ay makakauwi na rin tayo.
  • Sa di-kawasa, ang klase ngayong araw ay tapos na.
  • Sa bagay na ito, hayaan nating ang Diyos ang magpasya.
  • Sa lahat ng ito, ang mabuti’y maging handa anumang oras.
  • Sa wakas, tapos na ang pulong.
Pangatnig na Panapos Image

7. Pangatnig na Panimbang

Ito ay ginagamit sa paghahayag ng karagdagang impormasyon o kaisipan. Maaari itong gamitan ng mga salitang at, saka, pati, kaya, o anupa’t.

Mga Halimbawa ng Pangatnig na Panimbang sa Pangungusap

  • Ikaw at ako ay mahilig kumain.
  • Pati tindahan ng matanda ay kanyang ninakawan.
  • Singkamas at saka talong ang mga paborito kong gulay.
  • Anupa’t sa lakas ng hangin ay halos tangayin ang aming bubungan.
  • Pati ang aso ay kanyang inampon.
Pangatnig na Panimbang Image

8. Pangatnig na Pamanggit

Ito ay nagsasabi o gumagaya lamang sa pananaw ng iba. Maaari itong gamitan ng mga salitang daw, raw, sa ganang akin/iyo, o di umano.

Mga Halimbawa ng Pangatnig na Pamanggit sa Pangungusap

  • Ako raw ang dahilan ng kanyang pagbagsak.
  • Sa ganang akin, ikaw ang pinakagwapo sa lahat.
  • Si Jessica di umano ang unang bumato sa puno ng bayabas.
  • Maaasahan daw ang mga mag-aaral sa Baitang 8.
  • Sumama ka na raw sabi ni Ginang Perez.
Pangatnig na Pamanggit Image

9. Pangatnig na Panulad

Ito ay tumutulad ng mga pangyayari, kilos o gawa. Maaari itong gamitan ng mga salitang kung sino… siyang, kung ano… siya rin, o kung gaano… siya rin.

Mga Halimbawa ng Pangatnig na Panulad sa Pangungusap

  • Kung sino ang may sala, siyang dapat managot.
  • Kung gaano kalaki ang inumit, siya ring dapat bayaran.
  • Kung ano ang puno, siya ring bunga.
  • Kung sino ang nag-aral, siyang tiyak ang makakapasa.
  • Kung ano ang ginawa mo, siya rin ang babalik sa’yo.
Pangatnig na Panulad Image

10. Pangatnig na Pantulong

Nag-uugnay ito ng nakapag-iisa at hindi nakapag-iisang mga salita, parirala o sugnay. Maaari itong gamitan ng mga salitang kung, kapagupangpara, nangsapagkat, o dahil sa.

Mga Halimbawa ng Pangatnig na Pantulong sa Pangungusap

  • Ginagalingan niya sa klase para mataas ang gradong makuha niya.
  • Makakapaglaro lang ako kapag natapos ko ang aking takdang aralin.
  • Nag-aaral siyang mabuti upang matuwa ang kanyang mga magulang.
  • Mag-ehersisyo ka para lumakas ang iyong katawan.
  • Kumain ka ng kamatis upang gumanda ang iyong kutis.
Pangatnig na Pantulong Image

Pangkat ng Pangatnig

Mayroong dalawang pangkat ng pangatnig: ang nag-uugnay sa magkatimbang na yunit at ang nag-uugnay sa di-magkatimbang na yunit.

Pangkat ng Pangatnig Image

1. Pangatnig na Nag-uugnay sa Magkatimbang na Yunit

Sa pangkat na ito pinagbubuklod ang kaisipang pinag-uugnay. Ginagamitan ito ng mga salitang o, ni, maging, at, ‘t, at kundi.

Ang pangkat ding ito ng pangatnig ay maaaring pasalungat. Sinasalungat ng ikalawang kaisipan ang ipinahahayag ng nauuna.

Ilan sa mga halimbawa ng salitang maaaring gamitin dito ay ang ngunit, subalit, datapwat, bagamat, at pero.

Mga Halimbawa sa Pangungusap

  • Bumili ako ng ubas at mansanas.
  • Maging ang lupaing iyan ay sa aming angkan.
  • Ano ang makakatalo sa gunting, bato o papel?
  • Matalino sana si Buboy ngunit tamad mag-aral.
  • Maliligo sana kami bukas sa sapa subalit hindi ako pinayagan ni tatay.

2. Pangatnig na Nag-uugnay sa Di-Magkatimbang na Yunit

Ang pangkat na ito ay maaaring nagpapakilala ng sanhi o dahilan gaya ng mga salitang dahil sa, sapagkat, o palibhasa. Maaari ring gumamit ng mga salitang kung, kapag, pag, at mga pangatnig na panlinaw gaya ng kaya, kung gayon, o sana.

Mga Halimbawa sa Pangungusap

  • Dahil sa maulang panahon kaya nagkandasira ang pananim namin.
  • Ubus-ubos biyaya si Arnel palibhasa anak-mayaman.
  • Dadalo lang ako sa party kung nandoon si Vina.
  • Mahirap ang buhay kaya nagsisikap siyang makapagtapos ng pag-aaral.
  • Bibilhin ko ‘yan kapag hindi ka na makulit.

Gamit ng Pangatnig

Narito ang dalawang (2) gamit ng pangatnig.

Gamit ng Pangatnig Image

1. Gamit bilang Pag-ugnay sa Dalawang Salita

Mga Halimbawa:

  • Sina Ate at Kuya ay mabait sa akin.
  • Gusto ko ng bola saka lobo.
  • Ang relo at singsing ay regalo sa akin ni Nanay.
  • Pupunta kami sa Baguio at Ilocos sa susunod na taon.
  • Bibili ako ng damit saka sapatos.

2. Gamit bilang Pag-ugnay sa Dalawang Parirala

Mga Halimbawa:

  • Ang pag-awit sa entablado at paglalaro ng basketbol ang paborito kong libangan.
  • Mayroon akong mga alagang hayop at mga tanim na halaman sa aming bakuran.
  • Ayaw kumain saka nagkasakit ng malubha ang aso kaya namatay.

Download the PDF version of this post by clicking this link.

Share this: