Sa pahinang ito ay mababasa mo ang dalawampu’t anim na tula tungkol sa pag-ibig mula sa iba’t ibang mga makatang Pilipino.
Ang umibig lalo na ang maranasang ibigin ng taong iyong iniibig ang isa sa pinakamasayang pakiramdam na nais maranasan ninuman. Nakakakilig at sobrang saya kapag ito ay naranasan mo na. Kung minsan, dahil rin sa pag-ibig kaya mararanasan mo ang malungkot, lumuha, at masaktan. Ngunit gayunpaman, ang pag-ibig kapag iyong naranasan ay i-enjoy mo lang.
Tamang-tama ang mga tula tungkol sa pag-ibig na aming kinalap at pinagsama-sama. Sa iyong pagbabasa ng mga tulang ito, maaaring malaman mo ang kahulugan ng tunay na pag-ibig. Halo-halong emosyon ang mararamdaman mo dito base na din sa karanasan ng may akda ng tulang iyong mababasa.
Nawa’y ma-inspire ka sa bawat tula tungkol sa pag-ibig na iyong mababasa at huwag ka nawang tumigil na umibig kung sakaling makaranas ka na masaktan dahil dito.
SEE ALSO: Mga Tula Tungkol sa Sarili
Mga Halimbawa ng Tula Tungkol sa Pag-ibig
- Sa Pamilihan ng Puso
- Pag-Ibig
- Kalupi ng Puso
- Kamay ng Birhen
- Puso, Ano Ka?
- Sa Bilangguan ng Pag-ibig Walang Sala’y Napipiit!
- Ang Pagbabalik
- Kahit Saan
- Awa sa Pag-ibig
- Ang Lalaki’t Babae Kung Umibig
- Kung Ikaw’y Umibig (Sa aking Reyna)
- Noo’y Isang Hapon
- Kundiman ng Puso
- Unang Damdamin
- Oh, Pag-ibig
- Ang Kanyang mga Mata
- Kunware Lang
- Alon
- Paalam
- Bagong Ako
- Tinding
- Ang Mga Kamay Mo
- Kundiman
- Sa Tabi ng Dagat
- Ang Matampuhin
- Dahil Sa Pag-ibig
Sa Pamilihan ng Puso
Huwag kang iibig nang dahil sa pilak
Pilak ay may pakpak
Dagling lumilipad
Pag iniwan ka na, ikaw’y maghihirap.
Huwag kang iibig nang dahil sa ganda
Ganda’y nagbabawa
Kapag tumanda na
Ang lahat sa mundo’y sadyang nag-iiba.
Huwag kang iibig sa dangal ng irog
Kung ano ang tayog
Siya ring kalabog
Walang taong hindi sa hukay nahulog.
Huwag kang iibig dahilan sa nasang
Maging masagana
Sa aliw at tuwa
Pagkat ang pag-ibig ay di nadadaya.
Kung ikaw’y iibig ay yaong gusto mo
At mahal sa iyo
Kahit siya’y ano,
Pusong-puso lainang ang gawin mong dulo.
Kung ikàw’y masawi’y sawi kang talaga
Ikaw na suminta
Ang siyang magbata;
Kung maging mapalad, higit ka sa iba.
Sa itong pag-ibig ay lako ng puso
Di upang magtubo
Kaya sumusuyo
Pag-ibig ay hukay ng pagkasiphayo.
Pag-Ibig
Isang aklat na maputi, ang isinusulat: luha!
Kaya’t wala kang mabasa kahit isa mang talata.
Kinabisa at inisip mulang ating pagkabata,
tumanda ka’t nagkauban, hindi mo pa maunawa.
Ang pag-ibig, isipin mo, pag inisip, nasa puso;
pag pinuso nasa isip, kaya’t hindi mo makuro.
Lapitan mo nang matagal ang pagsuyo… naglalaho,
Layuan mo at kay lungkot, nananaghoy ang pagsuyo.
Ang pag-ibig na dakila’y aayaw ng matagalan,
Parang lintik kung gumuhit sa pisngi ng kadiliman.
Ang halik na ubos-tindi, minsan lamang sa halikan,
At ang ilog kung bumaha, tandaan mo’t minsan lamang.
Ang pag-ibig kapag duwag ay payapa’t walang agos,
Walang talon, walang baha, walang luha, walang lunos.
Ang pag-ibig na matapang ay puso ang inaanod
Pati dangal, yama’t dunong nalulunod sa pag-irog.
Ang pag-ibig na buko pa’y nakikinig pa sa aral,
Tandang di pa umiibig, nakikita pa ang ilaw,
Ngunit kapag nag-alab na’t pati mundo’y nalimutan
Iyan, ganyan ang pag-ibig, damdamin at puso lamang!
Kapag ikaw’y umuurong sa sakuna’t sa panganib
Ay talagang maliwanag at buo ang iyong isip.
Takot pa ang pag-ibig mo, hindi ka pa umiibig,
Pag umibig, pati hukay ay aariin mong langit.
Iyang mga taong duwag na ang puso’y mahihina,
Umibig man ay ano pa, di pag-ibig, kundi awa.
Kailangan sa pag-ibig ay hirap at mga luha
At ang duwag ay malayong sa pag-ibig dumakila.
Ang pag-ibig ay may mata, ang pag-ibig ay di bulag,
Ang marunong na umibig, bawat sugat ay bulaklak.
Ang pag-ibig ay masakim at aayaw sa kakabyak,
O wala na kahit ano, o ibigay mo nang lahat!
“Ako’y hindi makasulat at ang nanay, nakabantay.”
Asahan mo, katoto ko, hindi ka pa minamahal.
Ngunit kapag sumulat na sa ibabaw man ng hukay
Minamahal ka na niya nang higit pa kaysa buhay.
Kayo mga kabataang pag-ibig ang ninanais,
kayo’y mga paruparong sa ilawan lumiligid.
Kapag kayo’y umibig na, hahamakin ang panganib,
At ang mga pakpak ninyo’y masusunog sa pag-ibig!
Kalupi ng Puso
Talaan ng aking mga dinaramdam,
Kasangguning lihim ng nais tandaan,
Bawat dahon niya ay kinalalagyan
Ng isang gunitang pagkamahal-mahal.
Kaluping maliit sa tapat ng puso
Ang bawat talata’y puno ng pagsuyo,
Ang takip ay bughaw, dito nakatago
Ang lihim ng aking ligaya’t siphayo.
Nang buwan ng Mayo kami nagkilala
At tila Mayo rin nang magkalayo na;
Sa kaluping ito nababasa-basa
Ang lahat ng aking mga alaala.
Nakatala rito ang buwan at araw
Ng aking ligaya at kapighatia.
Isang dapithapo’y nagugunam-gunam
Sa mga mata ko ang luha’y umapaw.
Anupa’t kung ako’y tila nalulungkot
Binabasa-basa ang nagdaang lugod;
Ang alaala ko’y dito nagagamot,
Sa munting kaluping puno ng himutok.
Matandang kalupi ng aking sinapit
Dala mo nang lahat ang tuwa ko’t hapis;
Kung binubuksan ka’y parang lumalapit
Ang lahat ng aking nabigong pag-ibig.
Sa dilaw mong dahong ngayon ay kupas na
Ang lumang pagsuyo’y naaalaala,
O, kaluping bughaw, kung kita’y mabasa
Masayang malungkot na hinahagkan ka.
May ilang bulaklak at dahong natuyo
Na sa iyo’y lihim na nangakatago,
Tuwi kong mamasdan, luha’y tumutulo
Tuwi kong hahagkan, puso’y nagdurugo.
Kamay ng Birhen
Mapuputing kamay, malasutla’t lambot,
Kung hinahawi mo itong aking buhok,
Ang lahat ng aking dalita sa loob
Ay nalilimot ko nang lubos na lubos.
At parang bulaklak na nangakabuka
ang iyong daliring talulot ng ganda,
Kung nasasalat ko, O butihing sinta,
Parang ang bulaklak kahalikan ko na.
Kamay na mabait, may bulak sa lambot,
May puyo sa gitna paglikom sa loob;
Magagandang kamay na parang may gamot,
Isang daang sugat nabura sa haplos.
Parang mga ibong maputi’t mabait
Na nakakatulog sa tapat ng dibdib;
Ito’y bumubuka sa isa kong halik
At sa aking pisngi ay napakatamis.
Ang sabi sa k’wento, ang kamay ng birhen
Ay napababait ang kahit salarin;
Ako ay masama, nang ikaw’y giliwin,
Ay nagpakabait nang iyong haplusin.
Puso, Ano Ka?
Ang puso ng tao ay isang batingaw,
Sa palo ng hirap, umaalingawngaw
Hihip lang ng hapis pinakadaramdam,
Ngunit pag lagi nang nasanay, kung minsan,
Nakapagsasaya kahit isang bangkay.
Ang puso ng tao’y parang isang relos,
Atrasadong oras itong tinutumbok,
Oratoryo’y hirap, minutero’y lungkot,
At luha ang tiktak na sasagot-sagot,
Ngunit kung ang puso’y sanay sa himutok
Kahit libinga’y may oras ng lugod.
Ang puso ay ost’ya ng tao sa dibdib
Sa labi ng sala’y may alak ng tamis,
Kapag sanay ka nang lagi sa hinagpis
Nalalagok mo rin kahit anung pait,
At parang martilyo iyang bawat pintig
Sa tapat ng ating dibdib na may sakit.
Kung ano ang puso? Ba, sanlibrang laman
Na dahil sa ugat ay gagalaw-galaw,
Dahil sa pag-ibig ay parang batingaw,
Dahil sa panata ay parang orasan,
At mukhang ost’ya rin ng kalulwang banal
Sa loob ng dibdib ay doon nalagay.
Sa Bilangguan ng Pag-ibig Walang Sala’y Napipiit!
Lumuluhang isinasayapak ng dalagang walang awa: kay A.
Isang tao ang mag-isang lumuluhang walang tigil
Sa silong ng sakdal dilim na piitan ng Paggiliw;
Sa labi ay tumatakas ang mga ay! ng damdamin
At sa anyo’y tila mayr’ong nilalagok na hilahil.
Para niyang nakikitang siya’y ayaw nang lapitan
Ng dalagang lumalayo sa tawag ng kanyang buhay.
Palibhasa, siya yata’y hinding-hindi nababagay
Na umibig sa dalagang mayr’ong matang mapupungay.
Nagdaan ang mga araw. Ang bilanggo’y nagtitiis
Sa pagtawag sa pangalan ng diwatang naglulupit
Samantalang ang diwata’y patuloy sa di-pag-imik.
Ngunit sino kaya yaong naglulupit na diwata?
Walang salang iya’y ikaw, dalaga kong walang-awa
At ako ang bilanggo mong hanggang ngayo’y lumuluha.
Ang Pagbabalik
Babahagya ko nang sa noo’y nahagkan,
Sa mata ko’y luha ang nangag-unahan;
Isang panyong puti ang ikinakaway,
Nang siya’y iwan ko sa tabi ng hagdan:
Sa gayong kalungkot na paghihiwalay,
Mamatay ako, siya’y nalulumbay!
Nang sa tarangkahan, ako’y makabagtas
Pasigaw ang sabing, “Magbalik ka agad!”
Ang sagot ko’y “Oo, hindi magluluwat!”
Nakangiti akong luha’y nalaglag…
At ako’y umalis, tinunton ang landas,
Nabiyak ang puso’t naiwan ang kabiyak;
Lubog na ang araw, kalat na ang dilim,
At ang buwan nama’y ibig nang magningning:
Maka orasyon na noong aking datnin,
Ang pinagsadya kong malayang lupain:
Kuwagong nasa kubo’t mga ibong itim,
Ang nagsisalubong sa aking pagdating.
Sa pinto ng naro’ong tahana’y kumatok,
Pinatuloy ako ng magandang loob;
Kumain ng konti, natulog sa lungkot,
Ang puso kong tila ayaw nang tumibok;
Ang kawikaan ko, “Pusong naglalagot,
Mamatay kung ako’y talaga nang kulog!”
Nang kinabukasang magawak ang dilim,
Araw’y namimintanang mata’y nagniningning;
Sinimulan ko na ang dapat kong gawin:
Ako’y nag-araro, naglinang, nagtanim;
Nang magdidisyembre, tanim sa kaingin,
Ay ginapas ko na’t sa irog dadalhin.
At ako’y umuwi, taglay ko ang lahat,
Mga bungang-kahoy, isang sakong bigas;
Bulaklak na damo sa gilid ng landas,
Ay pinupol ko na’t panghandog sa liyag;
Nang ako’y umalis, siya’y umiiyak…
O, marahil ngayon, siya’y magagalak!
At ako’y lumakad, halos lakad takbo,
Sa may dakong ami’y meron pang musiko,
Ang aming tahana’y masayang totoo
At nagkakagulo ang maraming tao…
“Salamat sa Diyos!” ang nabigkas ko,
“Nalalaman nila na darating ako.”
At ako’y tumuloy… pinto ng mabuksan,
Mata’y napapikit sa aking namasdan;
Apat na kandila ang nangagbabantay;
Sa paligid-ligid ng irog kong bangkay;
Mukha nakangiti at nang aking hagkan;
Para pang sinabi “Irog ko, paalam!”
Kahit Saan
Kung sa mga daang nilalakaran mo,
May puting bulaklak ang nagyukong damo
Na nang dumaan ka ay biglang tumungo
Tila nahihiyang tumunghay sa iyo…
Irog, iya’y ako!
Kung may isang ibong tuwing takipsilim,
Nilalapitan ka at titingin-tingin,
Kung sa iyong silid masok na magiliw
At ika’y awitan sa gabing malalim…
Ako iyan, Giliw!
Kung tumingala ka sa gabing payapa
At sa langit nama’y may ulilang tala
Na sinasabugan ikaw sa bintana
Ng kanyang malungkot na sinag ng luha
Iya’y ako, Mutya!
Kung ikaw’y magising sa dapit-umaga,
Isang paruparo ang iyong nakita
Na sa masetas mong didiligin sana
Ang pakpak ay wasak at nanlalamig na…
Iya’y ako, Sinta!
Kung nagdarasal ka’t sa matang luhaan
Ng Kristo’y may isang luhang nakasungaw,
Kundi mo mapahid sa panghihinayang
At nalulungkot ka sa kapighatian…
Yao’y ako, Hirang!
Ngunit kung ibig mong makita pa ako,
Akong totohanang nagmahal sa iyo;
Hindi kalayuan, ikaw ay tumungo
Sa lumang libinga’t doon, asahan mong…
Magkikita tayo!
Awa sa Pag-ibig
ni Jose de la Cruz
Oh! Kaawa-awang buhay ko sa iba
Mula at sapol ay gumiliw-giliw na,
Nguni’t magpangayon ang wakas ay di pa
Nagkamit ng tungkol pangalang ginhawa.
Ano’t ang ganti mong pagbayad sa akin,
Ang ako’y umasa’t panasa-nasain,
At inilagak mong sabing nahabilin,
Sa langit ang awa saka ko na hintin!
Ang awa ng langit at awa mo naman
Nagkakaisa na kaya kung sa bagay?
Banta ko’y hindi rin; sa awa mong tunay,
Iba ang sa langit na maibibigay.
Ano ang ganti mo sa taglay kong hirap,
Sa langit na hintin ang magiging habag?
Napalungi namang patad yaring palad,
Sa ibang suminta’t gumiliw ng tapat.
Ang Lalaki’t Babae Kung Umibig
ni Manuela Amorsolo
Alam baga ninyo kung paano umibig
Kung paano lumiyag, kung paano magsulit,
Kung paano maghandog
Ang isang lalaki ng kanyang pag-ibig
Sa isang babaing maganda’t marikit?
Alam baga ninyo kung paano suminta
Kung paano umibig ang isang dalaga
Kung paano “umoo”
Sa isang lalaking may hawak na lira
Na nagtutumaghoy sa kanyang Pag-asa?
Mayroon lalaking mahigpit lumiyag
Ngunit kung bago lang ating namamalas
At ang lalaking ito
Na nagsusumugod, na nagmamatigas
Ay siyang masamang umibig sa lahat.
Mayroon babaing madaling “omoo”
Madaling umayon kahit na kanino
Ito’y tatandaan
Kaikailan ma’y isang manloloko:
Maraming inoohang hindi natatamo.
Mayroong lalaking kung umibig lamang
Sa tunog ng pilak o kaya’y sa yaman…
At ito’y kawangis
Kawanki’t katulad ng ibon sa parang
Kung hindi humuni’y walang pananghalian.
Ninibig din naman ang mga lalaki
Hindi sa salapi o ano mang buti
Alam baga ninyo?
Ang pag-ibig na ito’y na nasa babae
Ayoko, ayoko: hindi ko masasabi.
Maalala ko pala: mayroon pang isa:
Kung paano umibig ang mga dalaga,
O kahit na balo.
Ah, katawatawa!: di pag-alipusta:
Sapagka’t mabigat sa lalaking bulsa…
Marami pang lubha, aking isasaysay
Isaisahin ko’t nang lalong luminaw
Ang mga lalaki
Maging ang babae, kung gabi at araw
Walang pinangangarap kundi PARALUMAN.
At di ba totoo, lalo na kung gabi
Mahimbing na ang tulog ibig pa’y humele…
At di ba totoong
Laging magka-isa? Di ko sinisisi
Ang kahit na sino’y lumiyag at kumasi.
Ang lahat ng ito’y di dapat pagtakhan
Pagka’t katutubo sa lahi ko’t bayan
Ang ating sisihi’y
Huwag ang anak, kundi ang magulang
Na siyang nagbigay ng DIWA at BUHAY.
Kung Ikaw’y Umibig (Sa aking Reyna)
Isinulat ang tulang ito nong ika-20 siglo ngunit hindi kilala kung sino ang makatang may akda nitong tula.
Huwag nang sabihing ang tanging Julieta
Ng isang Romeo’y batis ng ligaya,
Huwag nang banggitin ang isang Ofelia’t
Hindi mapapantay sa irog kong Reyna.
Subukang buhayin ang lima mang Venus
At di maiinggit ako sa pagluhog,
Tinatawanan ko si Marteng umirog
Sa isang babaeng lumitaw sa agos.
Ang pula ng labi, ang puti ng bisig,
Ang kinis ng noong wari’y walang hapis,
Ang lahat ng samyo sa silong ng langit
Ay isinangla mo kung ikaw’y umibig.
Ang lahat sa iyo’y kulay ng ligaya,
Ang lahat sa aki’y ng̃iti ng sampaga,
Kung magkakapisan ang ating pag-asa
Ay magiging mundong walang bahid dusa.
Hindi mo pansin na ako’y lalaki,
Hindi mo naisip na ikaw’y babae,
Paano’y talagang kung ikaw’y kumasi
Sa tapat na sinta’y nagpapakabuti.
Gabing maliwanag at batbat ng tala,
Maligayang Edeng bahay ng biyaya,
Iyan ang larawang hindi magtitila
Ng iyong pag-ibig sa balat ng lupa.
Ang buhay ng tao’y hindi panaginip,
Ang mundo’y di mundo ng hirap at sakit,
Aking mapapasan ang bigat ng langit
Kung sasabihin kong: Kung ikaw’y umibig.
Noo’y Isang Hapon
Isinulat ang tulang ito nong ika-19 siglo ngunit hindi kilala kung sino ang makatang may akda nitong tula.
(Kay…..)
Noo’y isang hapon! Ikaw’y nakadungaw
At waring inip na sa lagay ng araw,
Ang ayos mo noon ay nakalarawan
Sa puso kong itong tigib kalumbayan.
Anomang gawin ko’y hindi na mapawi
Ang naging anyo mong pagkayumi-yumi,
Itong aking pusong nagdadalamhati’y
Tinuruan mo pang umibig na tangi!
Kung nang unang dako’y hindi ko nasabi
Sa iyo ang aking tunay na pagkasi
Ay pagka’t ang aking puso ay napipi
Sa harap ng dikít na kawiliwili.
Sa ngayo’y narito at iyong busabos
Ang aking panulat at aking pag-irog;
Ang aking panitik: walang pagkapagod,
Ang aking pag-ibig: walang pagkatapos.
Kung pangarapin ko ang lamlam ng araw
At naging anyo mo sa pagkakadungaw
Ay minsang sumagi sa aking isipang
“Ikaw kaya’y aking maging Paraluman?”
Kundiman ng Puso
Isinulat ang tulang ito nong ika-20 siglo ngunit hindi kilala kung sino ang makatang may akda nito.
Pangalang sing-bango ng mga sampaga,
Laman ng tulain, hamog sa umaga,
Awitan ng ibong kahalihalina,
Bulong ng batisang badha ng ligaya.
Sa aki’y sukat na ang ikaw’y mamalas,
Upang magkadiwa ang aking panulat,
Sa aki’y sukat na ang bango mong ingat
Upang ikabuhay ng imbi kong palad.
Ikaw ang may sala! Bulaang makata
Ang hindi sa iyo’y mahibang na kusa,
Bulaang damdamin ang di magtiwala
Sa ganda mong iyan, ng lahat ng nasa.
Yamang ginulo mo ang aking isipan
At naging ngiti ka sa aking kundiman,
Bayaan mo ng̃ayong sa iyo’y ialay
Ang buong palad kong tang̃ing iyo lamang.
Napakatagal nang ikaw’y natatago
Sa pitak ng̃ aking lumuluhang puso,
Ang iyong larawa’y talang walang labo
At siyang handugan ng̃ aking pagsuyo.
Kung nagbabasa ka’y tapunan ng malay
Ang kabuhayan kong walang kasayahan,
Kung masasamid ka’y iyo nang asahan
Na ikaw ang aking laging gunamgunam.
Sa paminsanminsa’y tapunan ng titig
Ang isang makatang hibang sa pag-ibig,
Bago ka mahiga’y tuming̃in sa langit
At mababakas mong ako’y umaawit.
Unang Damdamin
Isinulat ang tulang ito nong ika-20 siglo ngunit hindi kilala kung sino ang makatang may akda nito.
Bathala ng ganda! Hindi kailangang
sa aki’y magtaka sakaling alayan
Ng paos na tinig ng aking kundiman,
Pagka’t alam mo nang diwata kang tunay.
Ikaw ang pumukaw sa aking panulat
Upang maawit ko ang yumi mong ingat,
Ikaw ang sa aking kalupi ng palad
Ay unang nagtitik ng isang pangarap.
Ipagpatawad mong sa iyo’y sabihing
Ikaw ang bathalang pumukaw sa akin,
Ikaw ang nagbukas sa aking damdamin
Ng lihim at unang pinto ng̃ paggiliw.
Kundi kasalanan ang gawang tumang̃is
Ay ibilang mo nang kita’y iniibig
At kung ang luhog ko’y iyong ikagalit
Ay ibibilang kong isang panaginip.
Oh, Pag-ibig
ni Sweet Lapuz
Pag-ibig na ito’y pagkagulo-gulo,
Kung minsa’y baluktot, kung minsan ay wasto,
Bulag ang katulad, tila nalilito
Kung minsa’y may sakit ng pagkasiphayo.
Ngunit kung tunay nga, wagas at dakila,
Madarama nama’y kilig sa simula,
Sa gitna ay ngiti at dulo’y may tuwa,
Kung magmamahal ka ng tapat at akma.
Sa daraang araw, oras at sandali,
Kahit na mag-isa, ikaw ay ngingiti,
Kung maaalala ang suyuang huli,
At ang matatamis na sintang mabuti.
At ang minamahal kung makakapiling
Ay tila kaybilis ng oras sa dingding
Hahalik sa pisngi at saka yayakapin,
Limot ang problema, hindi makakain.
Kung ika’y iibig, tandaan mo lamang,
Ang tunay na kulay, sikaping sulyapan,
Pagkat marami diya’y nagpapanggap lamang,
Sa baba ng lupa ang pinanggalingan!
Ang Kanyang mga Mata
ni Clodualdo del Mundo
Dalawang bituing
kumikislap-kislap
sa gitna
ng dilim. . .
Tambal ng aliw
na sasayaw-sayaw
sa tuwing ako’y
naninimdim. . .
Bukang-liwayway
ng isang pagsintang
walang maliw!
Takipsilim
ng isang pusong
di magtataksil!
Kunware Lang
ni Aaron Joshua Altomia
Sa isang mundong punong-puno ng ilusyon,
Sa isang magubat na realidad na may kakarampot na solusyon;
Solusyon sa paano na nga kung wala na siya?
At kunware nalang na nandyan ka pa.
Mga binitawang salita,at mga panukso mong katha
Hindi alam kung paano tatanggapin
Na kung bakit ang bawat pako ikaw ang nasasalamin?
Kunware? Oo, kunwaring wala ng ako na matagal nang naghihintay sayo.
Para ba akong nakakulong sa kwarto
Walang kausap,walang makain at walang ikaw na nasa tabi ko.
Nang bigla akong nagising sa isang malaking bangungot,
Na ako at ikaw ay dati’y may malayong patutunguhan na ngayo’y biglaang kumikipot.
Kunware nalang na wala ng ako at ikaw,sa salitang tayo
At para saan pa ba lahat ng ‘to?
Na kung sa bawat ako at ikaw na binubura ng isipan mo
Ako naman ‘tong ako,na wala ng ikaw sa mundo ko.
Alon
ni Aaron Joshua Altomia
Natutulala, nababalisa
Hindi alam ang magagawa
Bakit ganon nalang ba ang pasya?
Bakit pag-asa’y walang-wala.
Pagkakaibiga’y ayaw mawala,
Kaya pagkagusto’y nabalewala.
Sana nama’y iyong pakinggan
Na kahit saglet ay iyong pagkaabalahan.
Bawat pagkurap ika’y naiisip
Pagtanaw,pag-unawa at sa munting pagsilip;
Pagsilip sa saradong pinto na pilit binubuksan
At sa pag-asang tuluyan mong winawakasan.
Dating tayo? Malayo sa ganto
Na sa bawat pintig,bawat hikbi ay sadyang namimiss ko;
Ngunit wala na nga pala ang lahat ng ‘yon.
Parang tubig, hinahangin,umaalon at umaayon.
Paalam
ni Aaron Joshua Altomia
Nandirito nanaman ako sa madilim na sulok,
Umaasa, nasasaktan at mangyaring nakakasulasok.
Pagkalungkot ng sarili’y kailangang tugunan,
At ang nagbabadyang kasiyahan ay dapat lang na mapunan.
Ang pagpaskil sayong mga larawan,
Ang patuloy na walang sawang pagpaparamdam,
At ang mga paglingon sayong makapigil-hininga
Hanggang alaala nalang pala.
Sa mga pag-ikot at bawat pagtigil ng oras;
Sa kakarampot na pag-asa na sayo nga ay tumaliwas;
Sa bawat pagluha na pinapanalanging dinggin,
Oo, ito na nga,sapagkat bakit may kulang?
Yun bang sa mga espasyo? Siya yung laman.
Sa bawat lugar? Siya yung daanan;
Marahil hindi na nga ito mangayayaring muli,
Kahit sa huling paghiling na makapiling kang kahit sandali.
Sa bawat pagtara ko sa mga numero sa kalendaryo,
Hinding-hindi naisip na sayo’y sumuko.
At dahil nga hanggang dito nalang,
Ito ang aking una’t huling paalam.
Bagong Ako
ni Aaron Joshua Altomia
Ako’y inalipin mo sa matagal nating pinagsamahan,
Ako’y sinunggab mo ng iyong mga palihim na kataksilan.
Ngayon, paano na ako lalaban,
Na kung yung dating tayo, sayo ay wala ng dahilan?
Sa mga paglingon ko ika’y nasisilayan
Ni hindi ko nga alam kung bakit ganto pa rin ang kalagayan;
Kalagayan na matagal nang kinikimkim
Na sa bawat tiyansa para sa bagong tayo’y biglang dumidilim.
Sa iyong mga kamay ako’y nasasabik
At iyong mga imahe sana’y di na bumalik;
Bumalik sa akin ang lahat ng mga masasakit na ginawa,
Na para bang bulag na nagmamakaawa.
Sinusubukan kitang kalimutan,
At pakiusap wag mo na sana kong lapitan.
Kung magbabalik ka man sinta,
Ako’y buo na at sa isip ko’y matagal ka ng nabura.
Ito na, buo na ang aking pasya
Kung aalis ka, umalis ka na.
Hindi na kita kelangan at hubog na ako
Hinubog ng maling tao pero may bago’t mas maayos na ako.
Tinding
ni Pascual de Leon
Magsabi ang langit kundi ikaw’y talang
Nagbigay sa akin ng tuwa’t biyaya,
Magsabi ang lahat kung hindi diwata
Ikaw ng lalo mang pihikang makata.
Ikaw’y maniwalang ang musmos kong puso’y
Natuto sa iyong humanga’t sumamo,
Sisihin ang iyong dikit na nagturo
Sa kabuhayan ko, ng pamimintuho.
At sino sa iyo ang hindi hahanga?
Ikaw’y paralumang batis ng biyaya,
Pakpak ng pangarap at Reyna ng awa.
Ang dilim ng gabi sa aki’y natapos,
Ngumiti sa tangkay ang mga kampupot,
Gayon ma’y narito’t puso ko’y busabos.
Ang Mga Kamay Mo
ni Pascual de Leon
Aywan kung mayron pang hihigit sa kinis
Sa mga kamay mong biluga’t nilalik,
Garing na mistula sa puti at linis,
Sa lambot ay bulak, sa ganda’y pagibig.
Ang mga daliring yaman mo’t biyaya
Ay di hugis tikin, ni hubog kandila;
Ang ayos at hugis ay bagay at tama
Sa sutla mong palad na laman ng̃ diwa.
Ang makakandong mo’t maaalagaan,
Ang mahahaplos mo’t mahihiranghirang,
Ang kahit patay na’y muling mabubuhay.
Mahagkan ko lamang ang iyong daliri,
Sa kapwa makata, ako’y matatangi
At marahil ako’y isa na ring Hari.
Kundiman
ni Pascual de Leon
Dalagang butihin: Huwag kang humanga
Kung iyong makitang ang mata’y may luha,
Ang kabuhayan ko’y hindi maapula
Sa ikatatamo ng̃ tang̃ing biyaya.
Ang luha sa mata’y laging bumabalong,
Ang aking damdamin ay linilingatong,
Ang kulay ng madla’y malamlam na hapon,
Ang ayos ng lahat ay parang kabaong.
Sa aking paghiga’y laging nakikita
Ang iyong larawan, dakilang dalaga
Ikaw’y maniwalang ako’y umaasa
Na di aabutin ako ng umaga.
Kaya’t kung sakaling ikaw’y may paglingap
Kung may pagtingin ka sa imbi kong palad,
Ay mangyari mo ngang iligtas sa hirap
Ang kabuhayan kong sawa sa pangarap.
Sa Tabi ng Dagat
ni Ildefonso Santos
Marahang-marahang
Manaog ka, Irog, at kata’y lalakad,
Maglulunoy katang
Payapang-payapa sa tabi ng dagat;
Di na kailangang
Sapnan pa ang paang binalat-sibuyas,
Ang daliring garing
At sakong na wari’y kinuyom na rosas!
Manunulay kata,
Habang maaga pa, sa isang pilapil
Na nalalatagan
Ng damong may luha ng mga bituin;
Patiyad na tayo
Ay maghahabulang simbilis ng hangin,
Nguni’t walang ingay,
Hanggang sa sumapit sa tiping buhangin.
Pagdating sa tubig,
Mapapaurong kang parang nanginigmi,
Gaganyakin kata
Sa nangaroroong mga lamang-lati:
Doon ay may tahong,
Talaba’t halaang kabigha-bighani,
Hindi kaya natin
Mapuno ang buslo bago tumanghali?
Pagdadapit-hapon
Kata’y magbabalik sa pinanggalingan,
Sugatan ang paa
At sunog ang balat sa sikat ng araw.
Talagang ganoon:
Sa dagat man, irog, ng kaligayahan,
Lahat, pati puso
Ay naaagnas ding marahang-marahan…
Ang Matampuhin
ni Lope K. Santos
Damong makahiya na munting masanggi’y
Nangunguyumpis na’t buong nakikimi,
Matalsikan lamang hamog na konti’t
Halik ng amiha’y mabigla sa dampi
Mga kinaliskis na daho’y tutupi’t
Tila na totoong lanta na’t uns’yami.
Mutyang balintataw ng buwang maningning
Sa salang mabiro ng masayang hangi’y
Pipikit na agad sa likod ng dilim,
Panakaw-nakaw na sa lupa’y titingin,
Sa tanaw ng ulap at ng panganorin.
Malinaw na batis ng mahinhing bukal
Na napalalabo ng bahagyang ulan,
Kahit dahong tuyo na malaglag lamang
Ay nagdaramdam nang tila nasugatan;
Isang munting batong sa kanya’y magalaw
Ay dumaraing na at natitigilan.
Matingkad na kulay ng mayuming sutlang
Kay-sarap damitin at napakagara,
Munting mapatakan ng hamog o luha,
Ay natulukot na’t agad namumutla;
Salang malibangan sa taguang sadya’ y
Pinamamahayan ng ipis at tanga.
Kalapating puting may batik sa pakpak,
Munting makalaya’y malayo ang lipad;
Habang masagana sa sariling pugad,
Ay napakaamo at di lumalayas;
Nguni, pag sa palay ay minsang manalat,
Sa may-alagad man ay nagmamailap.
Oh, Pusong tampuhin! Ang langit ng buhay
Ay wala sa pusong laging mapagdamdam;
Hindi nagluluwat ang kapayapaang
Mamahay sa palad na hubad sa lumbay;
Lalo sa pag-irog, ang tampo’y di bagay
Kaning maya’t-maya at, nakamamatay!
Dahil Sa Pag-ibig
ni Iñigo Ed Regalado
KAHAPON…
Sa tingin ko’y tila pawang kalumbayan
Ang inihahandog ng lahat ng bagay,
Pati ng mabangong mga bulaklakan
Ay putos ng luksa at pugad ng panglaw;
Akala ko tuloy itong Daigdigan
Ay isang mallit na libingan lamang.
Mangyari, Kahapon
Ang dulot mo’y lason.
NGAYON…
Sa mga mata ko ay pawang ligaya
Ang inihahandog ng bawa’t makita,
Pati ng libingang malayo’t ulila
Wari’y halamanang pugad ng ginhawa;
Sa aking akala’y tila maliit pa
Itong Daigdigan sa aking panata.
Papaano, Ngayo’y
Nagwagi ang layon.
BUKAS…
Sino baga kaya ang makatatatap
Ng magiging guhit nitong ating palad?
Ang buhay ng tao ay lunday sa dagat
Na inaamihan at hinahabagat;
Itong Daigdigan ay isang palanas
Na nabibinhian ng lungkot at galak.
Bukas! Ang pag-asa’y
Mahirap mataya.
SEE ALSO: Mga Tula Tungkol sa Kaibigan
At iyan ang mga tula tungkol sa pag-ibig na aming nakolekta mula sa iba`t ibang mga makatang Pilipino. Alin sa mga tulang ito ang pinakagusto mo?
Mayroon ka bang sariling likhang tula tungkol sa pag-ibig na nais mong isama sa pahinang ito? Ipaalam sa amin sa pamamagitan ng pag-iwan ng komento sa ibaba! 🙂