Home » Literature » Tula Tungkol sa Kaibigan (14 Tula)

Tula Tungkol sa Kaibigan (14 Tula)

Sa pahinang ito ay mababasa mo ang labing-apat na tula tungkol sa kaibigan mula sa iba’t ibang mga makatang Pilipino.

Napakapalad ng mga taong nakakatagpo ng kaibigan hanggang sa kanilang pagtanda. Mayroon kasing pagkakaibigan na hanggang pang elementarya, high school o kolehiyo lang. Kumbaga, pagkakaibigang panandalian lamang. Kung isa ka sa mga nakatagpo ng kaibigang pangmatagalan, ipagpasalamat mo yan sa Diyos dahil iyan ay isang malaking biyaya.

Upang lalo kang ma-inspire at lalo mong ma-appreciate ang iyong mga kaibigan, halina’t basahin ang mga tula tungkol sa kaibigan na aming kinalap at pinagsama-sama. Iba-iba ang tema ng mga tulang ito. Sa iyong pagbabasa ng mga tulang ito, nawa’y lalo mong mahalin ang iyong mga kaibigan at pahalagahan sila.

SEE ALSO: Mga Tula Tungkol sa Crush


Mga Halimbawa ng Tula Tungkol sa Kaibigan


Tunay Na Kaibigan

ni Eugene

Kaibigan, naalala mo pa ba?
Ang araw na lagi tayong magkasama?
Ikaw at ako, tayong dalawa,
ay masayang naghahabulan sa may kalsada.

Kaibigan, natatandaan mo pa ba?
Nagkasakit ka’t sa iyo’y walang nag-alaga?
Mabuti na lang naroon ako.
Walang araw at gabing inalagaan kita.

Kaibigan, hindi mo ba nakalimutan?
Ang pagtangi kong mahal pala kita?
Nagulat ka, at napaurong ang dila.
Natigilan, natahimik, at mulagat ang mata.

Kaibigan, sa tingin mo ba?
Naiwaksi ko sa aking isipan na,
Mahal mo ako noon pa,
At hindi mo iyong sa’kin ipinagkaila.

Kaibigan, sampung taon na pala?
Ikaw at ako ay buhay pa.
Kahit uugod-ugod at matanda na,
Pagmamahalan natin ay tunay na dakila.

Kaibigan, mahal na mahal kita…


Tatlong Lebel ng Kaibigan

ni Mark Ipil

Kaibigan, pinakamasakit na tinawag mo sa akin,
Na lubhang kumirot at tumusok sa damdamin,
Isang bagay na tumuldok sa aking naisin,
Isang kirot at hapdi na kay hirap alisin.

Kaibigan, isang taong laging nandiyan,
Hindi ka iiwan o lalayuan kailanman,
Lahat ng sakit at luha mo’y maiintindihan,
Hindi ka matiis kahit mapunta saanman.

Kaibigan, isang mapagpanggap na kaaway,
Na palagi sayo’y nakangiti’t kumakaway,
Ngunit sa iyong pagtalikod hanap ay away,
Iyong pagbagsak ay kanyang tagumpay.


Kaibigan

ni Pusang Tahimik

Kumusta aking kaibigan
Na siya kong napagsasabihan
Ng mga bagay na iniingatan
At itinatago sa karamihan

Ako’y may mensahe kaibigan
Ako’y mayroong naiibigan
Handa ka na bang malaman
Siya ay ang aking kaibigan

Tibok ng puso’y pinipigilan
Ng isip na nangangatuwiran
Damdamin ba’y ipagliliban
Sa takot na siya ay lumisan

Dapat pa nga bang malaman
Kung makasasakit ng kaibigan
Itatago na lang sa isipan
At manatili na lang na kaibigan

Alam ko’ng hindi makatuwiran
Sana’y wala ka pang naiibigan
Damdamin sayo lamang nakalaan
At sa isip ikaw ang pinagsisigawan

Ngunit handa ka’ng pakawalan
Kung sino man sayo’y nakalaan
At pangako hindi ako masasaktan
Kung liligaya ka naman


Ang aking Kaibigan

Tula ni Erika Ivy Cruz

Ang aking mga kaibigan
Ay lagi kong maaasahan
Kasama ko kahit saan
Nagdadala ng kasiyahan.

Kapag ako ay may problema
Silay ay lagi kong kasama
Tulong nila’y lagi kong dama
Pagdamay ay laging kasama.

Tanggap naming ang bawat isa
Kahit walang laman ang bulsa
Sa bawat isa ay umaasa
Pag-susulit ay lagging pasa.

Ang ugali man ay iba-iba
Kami’y komportable, walang kaba
Estado’y mataas o mababa
Kami’y walang pag-kakaiba.

Kanya-kanya man ng minamahal
Magkakasama sa pagpasyal
Kahit kami’y hindi sosyal
Ang bawat isa’y aming mahal.


Tunay na Kaibigan

Tula ni Semidoppel

Sa dinami-rami ng tao sa mundo
Mahirap makahanap ng kaibigang totoo
Sa walong bilyon na nabubuhay na tao
Saan makakahanap ng tunay na katoto

Marami diyan akala mo ay kaibigang tunay
Nung lumaon malalaman mo may iba palang pakay
Personal na dahilan ang kanyang mithiin
Mag-ingat ka baka ika’y kanya lamang gagamitin.

Meron din naman akala mo’y kakampi
Siya ay kakampi kapag ika’y may katunggali
Pero wag ka sanang minsan ay magkamali
Baka isang araw wala na sa iyong tabi

Mag-ingat din tayo sa mga mapagkunwari
Kapag kaharap ka’y maganda ang sinasabi
Pero kapag nakatalikod ka sa ganitong uri ng tao
Sa likod mo ay kahol ng kahol na parang aso

Anu nga ba sa tingin ko ang tunay na kaibigan
Tingin ko madali lang natin iyan malalaman kaibigan
Tunay na kaibigan, laging nariyan
Sa oras ng ligaya o kalungkutan man.

Siyang kaibigan na hindi kailanman aalis
Magpapahid ng luha, aalisin ang iyong dungis
Sa iyong kahinaan ay sandigan ng lakas
Kasama mo sa problema hanggang ito ay malutas.

Ang isang kaibigan ay malawak ang tanaw
Suporta ay nariyan, laging nag-uumapaw
Gagabayan ka at hindi pababayaan
Ikaw ay aakayin, kasama mong tutungo sa paroroonan

Siyang kaibigan na hindi ka kukunsintihin
Kapag katangahan na ang iyong gawain
Tatapikin ka sa balikat upang iyong alalahanin
Hoy Tol! Gumising ka buhay mo ay wag sirain

Ito sa tingin ko ay ilan lamang na aspeto
Para malaman kung ang kaibigan ay totoo
Siyang kaibigan kung kailangan ay lilitaw
Hindi tulad ng anino na nariyan lang kapag may araw.


Ang Nakalimot na Kaibigan

Ang tulang ito ay mula sa hellopoetry.com

Dati, may isa akong matalik na kaibigan,
Mabait s’ya at siguradong maasahan.
Halos ng bagay aming napagkakasunduan.
At alam kong ‘di n’ya ako iniiwan.

Ngunit may kakaibang nangyari,
Pinagpalit n’ya ako sa isang lalaki.
Lalaking nagpatibok ng kanyang puso,
Kaya’t ang sarili ko’y dinistansya ko.

Nagkaroon ng lamat ang aming pagkakaibigan
Madalas na kaming hindi nagpapansinan,
At madalas na rin kaming hindi nagkakaintindihan.
Anong nangyari sa amin? Anong nangyari sa’king kaibigan?

Siya’y masaya na sa kanyang kasintahan,
Habang ako’y tuluyan na n’yang iniwanan.
Nagpagpasyahan kong s’ya rin ay kalimutan,
At sa listahan ng aking kaibigan siya’y aking inekisan.

Sinanay ko ang aking sarili,
Sinanay kong wala na s’ya sa buhay ko.
Sinanay kong wala na s’ya sa sistema ko.
Sinanay ko kasi alam kong mas makakabuti ito.

Maaaring kilala ko s’ya sa pangalan,
Pero ibang-iba na ang kanyang katauhan.
Kaya kayo, pumili kayo ng maaasahang kaibigan,
‘Yung hindi kayo makakalimutan kailanman.


Kaibigang Tunay

Ang tulang ito ay mula sa pinoyedition.com

Tanggapin mo ito,
Aking kaibigan;
Ito ang damay ko
Sa ‘yong kalungkutan.

Di ito Salapi,
Hindi kagamitan;
Ito’y aking mithi
Na ikaw’y damayan.

Sa iyong pagluha,
Ako’y naninimdim;
Iyong pagdurusa
Nais kong angkinin.

Kaya, kaibigan,
Ito’y tanggapin mo –
Tapat na pagdamay
Ng abang puso ko.


Para sa Matalik kong Kaibigan

Tula ni Quenie Q. Claro

Tandang tanda ko pa
Tayo’y mga bata pa
Parating nag-aaway
Sa mga simpleng bagay.

Hindi ko sukat akalain
Ika’y aking kakaibiganin
Noo’y aking kaaway
Ngayong kaibigang tunay.

Sa araw araw na magkakasama
Buti di tayo nagsasawa
Napagkakamalan pa nga minsan
Tayo daw ay magpinsan.

Hindi kita makakalimutan
Matalik kong kaibigan
Masaya akong ika’y nakilala
Sana ito’y panghabang buhay na.

Simpleng pasasalamat sayo
Ang tula na ito
Sana magustuhan mo
Ang ginawa ko.


Matalik na Kaibigan

Ang tulang ito ay mula sa croatoan09.blogspot.com 

Isang gabi ng kasiyahan
sa kaarawan ng isang kaibigan
ika’y naroon at aking nasilayan
at tayo’y nag-usap at nagkulitan

di nga nagtagal tayo’y naging magkaibigan
may samahan na tunay at hindi nag-iiwanan
sa dami ng mga problemang pinagdaanan
alam natin na pinagtitibay lang nito ang ating samahan

Sana samahan natin ay huwag mag-iba
dahil walang sino man sa atin ang makagigiba
kahit na tayong dalawa ay pawang magkaiba
ito’y isang paraan para punan ang kulang ng isa

ilang taon na ngayon ang lumipas
ang pagkakaibigan ay hindi pa din kupas
tanda lang ito na kahit man ang oras
ay hindi pwede humadlang sa samahang wagas.


Sana Kaibigan

Tula ni Maricel A. Dimaala

Naaalala mo ba?
Noong tayo’y unang nagkita
Kung saan ang isa’t isa ay di pa kilala
At ni isang simpleng ngiti ay di magawa.

Tingnan mo ngayon
Tayo’y sadyang kay saya
Aakalain mo bang tayo’y magiging magkaibigan pala?
Kaya’t maraming salamat at nakilala kita.

Tara at tayo’y alalahaninmga sandaling tayo’y magkasama
Mga araw ng lungkot at ligaya
Mga oras ng hindi pagkakasundo
Mga panahong tayo’y sadyang kay gugulo.

Sana’y hindi malilimutan
Ang ating pinagsamahan
Ito’y ating itago at pagyamanin
At minsan pa’y sabihing ika’y mahalaga sa akin.

Ito ang aking pangako
Na pinagsamahan nati’y hindi maglalaho
Mananatili ka sa puso
Panahon man ay magbago.

At iyo ring pahaalalahaning
Kung ika’y mayroong suliranin
Huwag mahihiyang lumapit sa akin
Ikaw ay tutuylungan at hindi bibiguin.

Bukas ay panibagong hamong ating haharapin
Bagong mga taong ating kikilalanin
Karagdagang kaalaman para sa tagumpay na nais kamtin
Ngunit huwag mong kalimutan na patu;oy akong alalahanin.

Ngayon tayo’y lilisan na sa lugar kung saan tayo’y nagkakilala
Ngunit huwag mangangamba alala’y di mawawala
Paligid lang ang nag-iiba
Subalit sa puso ko’y laging mananatili ka.


KAIB-IGAN

Ang tulang ito ay mula sa mywap.ph 

Mula pa nuong tayo ay bata
Lage na tayong magkasama
Kaya ang magkalayo tayo ay di ko inakala
Sadyang mapaglaro talaga ang tadhana.

Kay lupet ng ating pagdadamayan
Sa pagbagsak ko ikay sinasandalan
Dahil di ka lang naging isang tunay na kaibigan
Kundi ay higit pa sa kapatid at minsa’y naging aking magulang.

Nagkaroon man ako ng bagong pamilya
Sa isip ko lagi kang gunita
Dahil kahit saan mang daku tayo magpunta
Dito sa puso ko ay laging andito ka.

Sa aki’y wala ka nang dapat pang patunayan
Dahil alam ko kahit noon pa man
Para sa aking kapakanan
Handa mong suongin pati kamatayan

Kaya eto nalang at aking tinatangis
Ang tindi ng aking pagkamiss
Kung wala ka may iniisip kong andito ka
Dahil ang makapiling ka’y lubos ko ligaya.

Kung sa kaibigan man ay mamimili ako
Alam mo namang ikaw ang pipiliin ko
Dahil ‘ika nga ni Dan Seal na aking idolo
“if i had only one friend left, i want it to be you.”


Barkada

Ang tulang ito ay mula sa Facebook.com 

Mga kaibigang lagi kong kasama
pati magulang nami’y magkakilala
barkadang layunin ay hindi masama
pag-aaral ay ‘di binabalewala

tunay nga na sila’y aking kaibigan
sa saya at lungkot ay nagdadamayan
ni isa sa amin ay ‘di iniiwan
anong trip ng isa na trip na rin namin ‘yan

di maiiwasan ang mga tampuhan
ngunit inaayos di pinabayaan
may pa handshake-handshake pa kaming nalalaman
simbolo ng aming pagkakaibigan

mga alaala ng lagi naming dala
saan man kami dadalhin ni bathala
balang araw muli kaming magkikita
magsasaya gaya noong kami ay bata.


Tula Para sa Tropa (Graduation Poem)

Ang tulang ito ay mula sa mahiwagangisip.wordpress.com 

Ang High School sa akin ang pinakamasaya,
Dahil mga tunay na kaibigan, dito ko nakilala.
Sinamahan n’yo ako sa saya man o problema,
Hanggang sa huli nating pagsasama.

Tinuruan nyo ako ng mga bagay na dati’y di ko kaya,
Kaya ngayon mas gumaling akong magDotA.
At lalong tinuruan n’yo ako mga tropa,
Na sarili ko’y mas lalong makilala.

Tinuruan n’yo akong maging makapal ang muka.
Sa harap n’yo yata, lahat na ay aking nagawa.
Mag-imba face, pati na sa harap niyo ay mangulangot.
Kaya mga tropa tinuruan n’yo akong huwag matakot.

High School life man nati’y may wakas,
Saya naman nati’y mananatiling wagas.
Hindi pa dito natatapos ang ating pagsasama.
Dahil habangbuhay, kayo ay aking TROPA.


Ganito ang Kaibigan Ko!

ni Jazmin Escover

Mas maraming kaibigan mas masaya
Lalo na’t kapag parati mong kasama
Sila’y nandyan para magpatawa
Sa tuwing ika’y malungkot at kaawa-awa

Sabunutan kapag nandyan si crush
Kinikilig na parang fan ni Nash
Ewan ko ba kung bakit ganun
Maharot lang parang noon

Gala palagi ang libangan
Kung saan saan ang pinupuntahan
Masaya ang samahan,
Kung mayroon kang ganitong mga kaibigan

Minsan punta doon, punta dito
Di mo ba naiisip na nakakahilo ito
Bonding doon bonding dito
Hay nako napapagod na ako


SEE ALSO: Mga Tula Tungkol sa Crush

At iyan ang mga tula tungkol sa kaibigan na aming nakolekta mula sa iba`t ibang mga makatang Pilipino. Alin sa mga tulang ito ang pinakagusto mo?

Mayroon ka bang sariling likhang tula tungkol sa kaibigan na nais mong isama sa pahinang ito? Ipaalam sa amin sa pamamagitan ng pag-iwan ng komento sa ibaba! 🙂

Tula Tungkol sa Kaibigan (14 Tula)
  • Save
69 Shares
69 Shares
Share via
Copy link