Alamat ng Rosas (Buod, Tauhan, Aral, atbp.)

Ang mga alamat ay mahalagang bahagi ng ating kultura at nagbibigay liwanag sa pinagmulan ng mga bagay sa ating paligid. Isa na rito ang “Alamat ng Rosas,” isang kuwentong bayan mula sa isang payapang nayon sa kabundukan. Sa kwentong ito, ating masusumpungan ang kabutihan ng loob ni Rosa—isang dalagang mapagmahal sa kalikasan at kapwa—at kung paanong ang kanyang malasakit ay naging daan upang isilang ang isang bulaklak na sumasagisag sa pagmamahal, kagandahan, at kabutihan: ang rosas.

Read also: Alamat ng Pinya (Buod, Aral, Tauhan, atbp.) »


Ang Alamat ng Rosas

Ang Alamat ng Rosas.

Noong unang panahon, sa isang maliit na bayan na napapaligiran ng mga bundok, may nakatirang dalagang ang pangalan ay Rosa. Siya ay kilala sa kanyang kabutihan at pagmamahal sa kalikasan. Araw-araw, makikita si Rosa sa kanilang hardin, nagdidilig ng mga halaman at nakikipag-usap sa mga bulaklak na parang mga kaibigan niya.

Isang araw, habang si Rosa ay nagwawalis ng mga dahon sa kanyang hardin, biglang may dumating na matandang babae. Ang kanyang damit ay luma at punit-punit, at halatang pagod na pagod siya sa mahabang paglalakbay. “Ineng, maaari ba akong humingi ng kaunting tubig? Napakahaba ng aking nilakbay at ako’y nauuhaw na,” wika ng matanda.

“Opo! Sandali lang po at ikukuha ko kayo,” sagot ng dalaga. Agad na tumakbo si Rosa papunta sa kanilang bahay upang kumuha ng malamig na tubig. Bumalik siya na may dalang baso ng tubig at tinapay. “Narito po, inyo na rin pong kainin ang tinapay para hindi kayo magutom,” nakangiting tugon ni Rosa.

Napangiti ang matanda at tumingin kay Rosa nang may kagalakan. “Salamat, ineng. Napakabuti ng iyong puso. Hindi lahat ay may ganitong malasakit sa kapwa,” sabi niya habang hawak ang basong kanyang ininuman ng tubig.
Pagkatapos, inilabas niya ang isang maliit na supot mula sa kanyang dala at iniabot kay Rosa. “Ito ay isang munting regalo bilang pasasalamat. Alagaan mo ito nang mabuti,” wika ng matanda.

Nang buksan ni Rosa ang supot, nakita niya ang ilang buto na tila galing sa kakaibang halaman. “Ano po ito?” tanong niya.

“Mga espesyal na buto iyan. Itanim mo sa iyong hardin at hintayin mong tumubo. Ito’y magdadala ng kagandahan at biyaya sa iyong buhay,” sagot ng matanda bago siya umalis.

Kinabukasan, maagang bumangon si Rosa upang itanim ang mga buto sa pinakagitnang bahagi ng kanyang hardin. Araw-araw niyang dinidiligan ang mga ito at binabantayan upang masiguro ang paglaki nila. Lumipas ang mga linggo, ngunit walang tumutubo. Sa kabila nito, hindi sumuko si Rosa. Patuloy niyang inalagaan ang tanim at nananalangin na sana’y magbunga ang kanyang pagsisikap.

Isang umaga, habang pinupunasan ni Rosa ang pawis mula sa kanyang noo, napansin niyang may maliliit na usbong na tumutulak mula sa lupa. Nanlaki ang kanyang mga mata sa tuwa. Habang lumilipas ang mga araw, ang mga usbong ay unti-unting naging malalago, hanggang sa sumibol ang napakagandang halaman na may kakaibang bulaklak. Ang mga talulot nito ay tila hugis puso, at ang kulay ay malalim na pula na parang dugo.

Naging usap-usapan sa buong bayan ang kakaibang halaman sa hardin ni Rosa. Noon lamang sila nakakita ng ganitong uri ng halaman. Dumadayo ang mga tao upang makita ito, at bawat isa ay napapahanga sa kagandahan ng bulaklak. Sa tuwing may lumalapit upang humingi ng talutot ng bulaklak, bukas-palad itong binibigyan ni Rosa. Ayon sa dalaga, “Ang kagandahan nito ay biyaya mula sa Diyos. Tama lamang na ibahagi ito sa iba.”

Ang bawat mamamayan sa kanilang bayan ay masaya sa tuwing napapadaan sila sa halamanan ni Rosa at naaamoy ang halimuyak ng mga bulaklak.

Subalit isang gabi, dumating ang isang makapangyarihang hari mula sa malayong kaharian. Narinig niya ang tungkol sa mahiwagang halaman ni Rosa at naglakbay pa upang makita ito. Nang makita niya ang bulaklak, agad siyang nagnais na ariin ito. “Ibigay mo sa akin ang halaman na ito, Rosa, at bibigyan kita ng kayamanan,” wika ng hari.

Ngunit tumanggi si Rosa. “Patawad po, mahal na hari, ngunit ang halaman na ito ay hindi para ariin. Ito po ay para sa lahat.”

Nagngitngit sa galit ang hari at iniutos sa kanyang mga alagad na kunin ang halaman. Subalit habang papalapit ang mga kawal sa halaman, biglang lumitaw ang matandang babaeng minsang tinulungan ni Rosa. Ang kanyang anyo ay nagbago — naging napakaganda niyang diwata na nagningning sa ilalim ng buwan. “Mahal na hari, ang halaman na ito ay simbolo ng kabutihan at malasakit ni Rosa. Hindi ito maaaring angkinin ng sinuman. Umalis ka na at bumalik sa iyong kaharian, kung hindi ay parurusahan kita pati na ang iyong mga kawal!” sabi ng diwata.

Nanginig sa takot ang hari dahil sa kanyang nasaksihan at narinig. Sa harap ng diwata, walang nagawa ang hari kundi ang umurong. Humingi siya ng tawad kay Rosa at nangakong hindi na babalik at igagalang ang halaman.

Kinaumagahan, nabalita sa buong bayan ang mga pangyayaring naganap noong gabi. Bagamat may takot ay masaya ang mga kababayan ni Rosa nang malaman na may diwata palang bantay ang kakaibang halaman ng dalaga. Napansin ni Rosa na may mga tinik na umusbong sa tangkay ng halaman niya. Tila nagsasabing may espesyal na bantay sa bulaklak ng halamang ito.

Nakita rin ito ng mga kababayan ng dalaga at sila’y lalong namangha. Habang ibinabahagi ni Rosa ang mga bulaklak ng kanyang halaman ay lalo itong dumarami. Hindi nagtagal, ang bawat bakuran sa kanilang bayan ay nagkaroon na rin ng kakaibang halamang nanggaling kay Rosa.

Mula noon, ang halaman ay nakilala bilang rosas, ipinangalan kay Rosa bilang simbolo ng kanyang busilak na puso.

Hanggang ngayon, ang rosas ay nananatiling tanda ng pagmamahal at kabutihan ng puso. Kapag nakakita ka ng rosas, alalahanin mo si Rosa at ang kanyang kwento—isang paalala na ang kagandahan ng mundo ay dumadaloy mula sa mga pusong marunong magmalasakit.

Read also: Alamat ng Rosas (English Version) »

Buod ng Alamat ng Rosas

Sa isang maliit na bayan, may isang dalagang nagngangalang Rosa na kilala sa kabutihang-loob at pagmamahal sa kalikasan. Isang araw, tinulungan niya ang isang matandang babaeng pagod sa paglalakbay sa pamamagitan ng pagbibigay ng tubig at tinapay. Bilang pasasalamat, binigyan siya ng matanda ng kakaibang mga buto.

Tinanim ni Rosa ang mga buto at buong tiyagang inalagaan ito kahit walang tumutubo sa umpisa. Kalaunan, lumago ang isang halaman na may kakaibang bulaklak—ito’y kulay pula na may paka-hugis puso. Dumagsa ang mga tao upang makita ito at hinangaan ang kabutihang loob ni Rosa sa pagbabahagi ng bulaklak.

Isang gabi, sinubukang kunin ng isang makapangyarihang hari ang halaman, ngunit pinigilan siya ng diwata—ang matandang babaeng minsang tinulungan ni Rosa. Ipinagtanggol ng diwata ang halaman, sapagkat ito’y simbolo ng kabutihan ni Rosa. Pinaalis niya ang hari at mula noon, nakilala ang bulaklak bilang rosas, bilang paggunita sa kabutihan at pagmamahal ni Rosa.

Mga Tauhan

  • Rosa – Isang mabait, masipag, at mapagmahal na dalaga na may malasakit sa kalikasan at kapwa.
  • Matandang Babae / Diwata – Isang mahiwagang nilalang na nag-anyong matanda at tinulungan ni Rosa; siya ring nagbigay ng mga buto bilang gantimpala.
  • Hari – Makapangyarihang lalaki na gustong angkinin ang mahiwagang halaman ngunit napahiya at napaurong.
  • Mga Kawal – Tagasunod ng hari na sumubok kunin ang halaman.
  • Taumbayan – Saksi sa kabutihan ni Rosa at tumanggap ng biyayang rosas.

Mga Aral sa Kwento

  • Ang kabutihang-loob ay nagbubunga ng biyaya.
  • Ang tunay na kagandahan ay makikita sa pusong may malasakit.
  • Ang pagbabahagi ng biyaya ay nagpaparami ng kabutihan sa mundo.
  • Ang kasakiman ay hindi kailanman mananaig sa harap ng katotohanan at kabutihan.
  • Tumulong nang walang hinihintay na kapalit, sapagkat ang kabutihan ay laging may gantimpala.

Banghay sa Alamat ng Rosas

Tagpuan

Ang kwento ay naganap sa isang maliit na bayan na napapalibutan ng mga bundok at sa hardin ni Rosa.

Sitwasyon

Isinasalaysay ang buhay ni Rosa, isang mabait at mapagmahal sa kalikasan na dalaga, at kung paano siya tumulong sa isang matandang babae na dumaan sa kanilang bayan.

Suliranin

Ang pagtatangka ng hari na angkinin ang mahiwagang halaman ni Rosa kapalit ng kayamanan, na sumasalungat sa prinsipyo ni Rosa ng pagbabahagi at kabutihan.

Saglit na Kasiglahan

Nang tumubo ang mahiwagang bulaklak mula sa binigay na buto, at nagsimulang dumagsa ang mga tao upang masilayan ito.

Kasukdulan

Nang dumating ang hari at nais na angkinin ang halaman ni Rosa sa kabila ng pagtanggi niya.

Lunas sa Suliranin

Ang paglitaw ng diwata (na dati’y matanda) at ang pagtatanggol niya kay Rosa at sa halaman laban sa hari.

Katapusan

Napahiya at umatras ang hari, humingi ng tawad, at umalis. Ang halaman ay pinangalanang rosas, at ang buong bayan ay napuno ng kagandahan dahil sa kabutihang loob ni Rosa.

Konklusyon

Ang “Alamat ng Rosas” ay isang paalala na ang kabutihang loob, kahit gaano kaliit, ay may kapangyarihang magbunga ng kagandahan at biyayang di inaasahan. Sa pamamagitan ng malasakit ni Rosa sa isang estrangherong nangangailangan, lumitaw ang isang bulaklak na hindi lamang nagbigay ganda sa kanyang hardin kundi naging simbolo ng pagmamahal, pag-asa, at kabutihang pinahahalagahan ng kanyang buong bayan. Sa huli, ipinakita ng kwento na ang tunay na yaman ay hindi nasusukat sa materyal na bagay, kundi sa purong hangarin at pusong handang tumulong.

FAQs

Ano ang Alamat ng Rosas?

Ang “Alamat ng Rosas” ay isang kwentong bayan mula sa Pilipinas na nagpapaliwanag kung paano nagmula ang bulaklak na rosas. Sa maikling kwentong ito, ipinapaalala na ang kabutihang loob, kahit gaano kaliit, ay may kapangyarihang magbunga ng kagandahan at biyayang di inaasahan. Sa pamamagitan ng malasakit ni Rosa sa isang estrangherong nangangailangan, lumitaw ang isang bulaklak na hindi lamang nagbigay ganda sa kanyang hardin kundi naging simbolo ng pagmamahal, pag-asa, at kabutihang pinahahalagahan ng kanyang buong bayan. Sa huli, ipinakita ng kwento na ang tunay na yaman ay hindi nasusukat sa materyal na bagay, kundi sa purong hangarin at pusong handang tumulong.

Saan nagmula ang Alamat ng Rosas?

Ang “Alamat ng Rosas” ay nagmula sa Pilipinas. Ito ay bahagi ng ating mayamang kultura at tradisyon na naglalahad ng mga kwentong bayan na nagbibigay aral at inspirasyon.

Sino ang may akda ng Alamat ng Rosas?

Ang “Alamat ng Rosas” na inyong nabasa ay isang kwentong bayan at kathang-isip na bersyon ng noypi.com.ph. Ang alamat na ito ay may iba’t ibang bersyon, bawat isa ay may sariling aral para sa mga bata. Layunin ng bersyong ito na maghatid ng saya at magturo ng mahahalagang aral sa mga mambabasa.

Share this: 

Leave a Comment