ALAMAT: Kahulugan at Halimbawa ng mga Alamat

Sa pagkilala at pag-unawa sa kultura at kasaysayan ng isang bansa, mahalagang aspeto ang pag-aaral ng mga katutubong kwento at literatura. Ang Alamat ay isa sa mga uri ng kwentong-bayan na malaki ang naidudulot sa pagtuklas ng mga sinaunang pamumuhay at paniniwala. Ang artikulong ito ay magbibigay linaw sa kahulugan at maghahandog ng ilang mga halimbawa ng alamat sa Pilipinas para sa mas malalim na pagkaunawa sa ganitong uri ng literatura.

SEE ALSO: PABULA: Kahulugan, Elemento at Mga Halimbawa ng Pabula

Mga Nilalaman

Ano ang Alamat?

Ang alamat o folklore sa wikang ingles ay isang uri ng panitikan na tumatalakay sa pinagmulan ng isang bagay, hayop, o pook. Kung minsan, ito ay nagsasalaysay ng mga pangyayari hinggil sa tunay na mga tao at pook. Tumatalakay din ito sa mga katutubong kultura, kaugalian o kapaligiran. Ngunit kadalasan, ito ay mga kathang-isip lamang na nagpasalin-salin buhat sa ating mga ninuno.

Mga Halimbawa ng Alamat

Narito ang labing isang halimbawa ng mga alamat na may aral:

Alamat ng Agila (Buod)

Noong bago pa lamang likhain ang mundo ay may isang lalaking nilikha si Bathala na ang panagalan ay Bugso. Lahat ng kanyang kailangan ay ipinagkaloob na ni Bathala, kabilang na ang isang malaking palasyo.

Di nagtagal ay nainip na si Bugso dahil wala siyang kasama doon. Kaya naman hiniling niya kay Bathala na magkaroon ng kasama. Nilikha ni Bathala ang isang magandang dilag na si Luning. Nagkaroon din sila ng tatlong anak nito.

Nang minsang mainip na naman si Bugso ay hiniling niya kay Bathala na makahinga at makarating sa ilalim ng karagatan. Ipinagkaloob ito ni Bathala.

Narating ni Bugso ang kailaliman nito at nang muling mainip ay hiniling kay bathala na ilipat sa pinakatuktok ng pinakamataas na bundok ang kanyang palasyo. Pinagbigyan ni Bathala ang hiling ni Bugso.

Nainggit si Bugso sa mga ibong nakakalipad kaya muli ay hiniling niya kay Bathala na makalipad din. Muli siyang tinugon ni Bathala at binigyan ng pakpak.

Ngunit napansin ni Bugso na kahit anong taas ng lipad niya ay hindi niya maabot ang hangganan ng langit. Dahil dito’y hiniling niya kay Bathala na marating din ang langit.

Dito na nagsimulang nagalit si Bathala. Ipinagkaloob na niya lahat ng hiling ni Bugso ngunit di pa rin ito makuntento at nais pang kunin at angkinin ang langit na kanyang tinitirahan.

Dahil dito’y hindi na inalis ni Bathala ang malapad na pakpak ni Bugso. Lumipad siya ng lumipad na wari’y inaangkin ang langit.

At si Bugso ang naging kauna-unahang agila.

Aral:

  • Huwag mong hahamunin ang Diyos dahil kahit kailan ay hindi mananalo ang tao sa Kanya.
  • Matutong makuntento sa ipinagkaloob ng Diyos.
  • Huwag maging sakim.

Alamat ng mga Alamat

ni Jennifor L. Aguilar

Dumadagundong nang malakas ang kulog. Sumagitsit ang mga matatalim na kidlat. Tinatangay ng malakas na hangin ang bubong ng mga kabahayan. Nagngangalit ang bagsik na hampas ng ulan. Unti-unting nag-uumapaw ang baha sa lansangan habang may isang batang walang ginawa kundi magtanong. Siya si Amat, parang laging may amats dahil walang tigil sa katatanong kung kani-kanino.

Siya ay nakatira sa bayan ng Henesis na ang ibig sabihin ay pinagmulan. Sa tuwing may makikitang bago sa kaniyang paningin ay tatanungin niya kaagad ang kaniyang nanay na si Togas ng mga tanong tulad ng,

“Nay, saan nanggaling ang ulap? Bakit may ibon? Bakit walang tindang bubuyog sa Jalibi? Bakit may maskot na grimace sa makdo eh wala naman silang tindang ube? Bakit masarap ang corneto? Alam mo ba kung bakit may kwek kwek? Talaga bang baboy ang mga baboy? Nabubuhay pa ba ang bulate na hinati-hati? Bakit mabango ang brown na tsiko, para ba mabighani ang mga tsik ko? Nanonood ba ng tsine ang tsinelas? Totoo bang galing sa unggoy ang tao o ang unggoy ang nanggaling sa tao?”

Ilan lamang yan sa kaniyang pagkarami-raming mga tanong. Isang araw ay tinanong ni Amat ang ina kung bakit wala siyang mga wedding pictures ng nanay at tatay niya. Napahagulgol si Togas sapagkat napakaraming tanong ng anak na hindi niya kayang sagutin.

Hindi nasagot ang tanong ni Amat dahil bumaha na sa buong Pampanga at Bulacan sanhi ng pagkapuno ng mga dam na sumalo sa luha ng ina. Hinayaan na lamang ni Amat ang ina dahil naaawa na siya sa mga taong nasalanta ng baha.Umalis muna siya upang tumulong sa pagrerepak ng mga relief goods na ipamimigay ng Kapuso Foundation.

Dahil sa sobrang kalungkutan ay nagdesisyon si Togas na lisanin muna ang kaniyang bahay at magtungo sa kagubatan. Ang problema, wala na siyang kagubatang makita dahil nakalbo na ito ng mga illegal loggers. Habang nag-iikot-ikot at pilit na naghahanap ng gubat ay may nakasalubong siyang isang mama na mahilig sa pasta at mga handa sa children’s party na si Bob Ong.

Tinanong niya ito kung saan makatatagpo ng kagubatan ngunit malungkot itong tumugon na, “Wala nang natitirang gubat dahil lahat ito ay nasira na. Kinwentuhan na lamang siya nito ng naging buhay ni Tong sa loob ng kagubatan.

Nagdesisyon si Togas na pumunta na lamang sa ilalim ng karagatan upang doon humanap ng kasagutan. Nilangoy niya ang karagatan at sinisid nang pagkalalim-lalim ngunit pawang kadiliman ang kaniyang nakita. Wasak-wasak ang mga corals at halos wala nang naninirahang mga isda. Paikot-ikot lamang siya sa kalalangoy ngunit wala siyang makitang lugar na pwedeng pagpahingahan.

Nang siya’y hapong-hapo na ay may nakakita sa kaniyang sirena. Syempre pa, nagtanong si Togas kung bakit ganito ang nangyari sa karagatan. Malungkot na sumagot ang sirena. “Napakarami kasing mga oil spill na naganap dito, tapos walang pakialam ang mga tao sa paghahagis ng mga dinamita na siyang naging dahilan ng pagkawasak ng ilalim ng karagatan.”

Ikinwento rin nito ang kasaysayan ng karagatan at mga magagandang alaala na nakapaloob rito. Lumung-lumo si Togas sapagkat hindi niya akalain na kalunus-lunos na pala ang kalagayan ng karagatan. Napagpasyahan niyang magtungo na lamang sa alapaap at doon magpalipas ng samanang loob. Dali-dali siyang umahon sa karagatan.

Hinanap niya ang bahaghari upang dito mag daan patungo sa alapaap. Mahigit apatnapung araw siyang naghintay upang lumabas ang bahaghari ngunit nabigo siya at hindi ito lumabas. May nakapansin sa kaniyang diwata at naawa sa kaniyang kalagayan kung kaya’t tinanong siya nito, “Ano ang iyong hinihintay sa lugar na ito?”

“Hinihintay kong lumabas ang bahaghari para madaanan ko patungo sa alapaap,” sagot ni Togas.

“Hindi na muling lalabas pa ang bahaghari dahil ninakaw ni Robinhood ang mga ginto sa loob ng palayok at pinamigay ito sa mga mahihirap.”

Tanging alapaap na lamang ang natitirang lugar upang maibsan ang kalungkutan ni Togas kung kaya’t hindi siya makapapayag na hindi marating ito. “Kailangang maibalik ang mga ginto sa palayok. Maghahanap ako ng ginto na pwedeng ilagay dito.”

Naghanap siya ng ginto. Pumunta siya sa kabundukan sa Iugao at nagtanong sa mga minero kung paano makakakuha ng ginto ngunit malungkot na tumugon sa kanya ang mga minero dahil wala na silang makuhang ginto. Pinayuhan siya nito na magtanong sa bawat nilalang na kaniyang masasalubong dahil natitiyak niya na bawat isa sa kanila ay may itinatagong ginto na kaniyang ibinigay sa mga ito upang ingatan.

Sinubok niyang manghingi kay Ahas. “Maaari bang makahingi ng ginto?”

“Anong palagay mo sa akin, nagtatae ng ginto? At kung mayroon man akong natatabing ginto, bakit ko ito ibibigay sa iyo?” pagtatanong ni Ahas kay Togas.

“Naubos na kasi ang ginto sa palayok na nagiging dahilan sa paglitaw ng bahaghari na kinakailangan kong daanan upang makapunta sa alapaap. Kailangang-kailangan kong makapunta sa alapaap dahil yun na lamang ang natatanging lugar na pwede kong puntahan upang maibsan ang aking sama ng loob. Wasak na ang kagubatan at wala na ring natitira sa ilalim ng karagatan. Nauubos na ang lahat ng nilalang dahil sa kasakiman ng mga tao. Sige na, pakiusap ibigay mo na sa akin ang iyong ginto upang masolusyonan ang bumabagabag sa kaibuturan ng aking puso.”

Naantig ang damdamin ni Ahas sapagkat nadarama niya na paubos na nga nang paubos ang lahat ng natural na nilalang sa mundong ito.

“Sige, ibibigay ko sa iyo ang aking ginto ngunit sa isang kondisyon, kailangan mong ikwento sa lahat ng mga tao ang aking pinagmulan at ang kasaysayan ng aming lahi upang kung maubos man kami sa lupang ito ay may alaalang maiiwan sa pamamagitan ng kwentong iyong ibibigay.”

Nangako si Togas kay Ahas na ikukwento nito ang kanyang pinagmulan at ibinigay sa kanya ang ginto. Ganoon rin ang ginawa niya kina bulate, unggoy, butiki, tsinelas, baboy, ipis, sapatos, kuto, relo, jeepney at iba pang nilalang. Naibigay sa kanya ang mga gintong tinatago ng mga ito sa kondisyong ikukwento niya ang kanilang mga pinagmulan.

Napuno niya ang palayok ng mga ginto at unti-unting nagliwanag ang mga kulay ng bahaghari na siya niyang dinaanan patungo sa alapaap. Habang nasa alapaap, pilit niyang hinihilom ang sugat sa puso. Siya ay nagnilay-nilay at sinisisi ang sarili sa kabobohang taglay at hindi masagot ang mga katanungan ng anak.

Lumitaw sa kanya ang bathalang si SAGOT at nag wika ng, “Togas, ako ang iyong konsensya. Bumalik ka na sa iyong anak at matagal na siyang nalulumbay sa iyong pagkawala.”

“Ngunit, natatakot ako, baka hindi ko masagot ang kaniyang mga katanungan,” wika ni Togas.

“Ang pagtupad mo sa pangako sa mga nilalang na pinangakuan mo na nagbigay sa iyo ng ginto ang sagot sa suliranin mo sa iyong anak na si Amat,” wika ni SAGOT.

“Ngunit, hindi ko maintindihan,” tugon ni Togas.

Ngunit naglaho na ang bathala. Lumaba si Togas sa alapaap at nagdaan sa bahaghari. Bumalik na siya sa kanilang tahanan at nakita niya roon ang kaniyang anak na matagal nang nalulumbay sa kaniyang pagkawala.

“Nay, ang tagal kitang hinintay. Mabuti at binalikan mo ako. Patawarin mo po ako sa napakarami kong tanong,” sabi ni Amat.

“Anak, sa aking pagkawala ay napagtanto ko na ikaw ang pinakamahalaga sa akin. Patawarin mo ako.”

Ikinwento ni Togas sa anak ang kaniyang mga naranasan at kasaysayan ng mga nilalang na kaniyang nakasalamuha. Sinabi rin niya rito ang kaniyang pangako at ibinilin kay Amat na kung siya’y mamatay ay ipagpatuloy ang pagkukwento nito sa mga susunod pang henerasyon.

Pumanaw na si Togas at tinupad ni Amat ang kaniyang pangako sa ina. Si Amat na noon ay punong-puno ng katanungan ay punong-puno na ngayon ng kasagutan. Naging ugali na niya sa tuwing may makikitang umpukan ng mga bata ay nagkukwento ng kasaysayan ng mga nilalang sa mundo hanggang sa dumating ang kaniyang kamatayan.

Naitanim sa puso at isip ng mga tao ang mga kwentong ito at tinawag nilang “Alaala ni Amat” dahil na rin sa pagmamadaling pagbigkas ay naging “ALAMAT”.

Ito ang dahilan kung bakit anomang kwento patungkol sa pinagmulan ng isang bagay, lugar o anumang nilalang ay tinatawag na ALAMAT. Mula noon ay nakilala ang bayan ng Henesis na siyang pinagmulan ng lahat ng alamat sa mundong ibabaw.

Aral:

  • Ang bawat nilalang ay may pinagmulan. Bagamat ang mga alamat ay kathang-isip lamang, alalahanin natin na anumang bagay na may buhay, kabilang na ang mga tao, hayop, at kalikasan ay tanging sa Diyos lahat nagmula.

Alamat ng Araw at Gabi

mula sa kapitbisig.com

Noong unang panahon ay panay na liwanag at walang dilim, sapagkat sina Adlaw at Bulan ay mag-asawang maligayang namumuhay. Sila ay nagkaroon ng maraming anak. Ang kanilang anak ay mga tala at bituin na nagkalat kung kaya’t lalong nagliwanag sa kalangitan.

Minsan ay nagkagalit nang malubha ang mag-asawa na humantong sa paghihiwalay. Pinamili ang mga anak kung kanino sasama. Sapagkat mas mabait ang ina, sa kanya sumama ang lahat ng mga tala at bituin. Walang nagawa si Adlaw kundi tanggapin ang kanyang kapalaran.

Simula noon, kapag araw mag-isang nagbibigay liwanag si Adlaw. At kung gabing madilim tulong-tulong na nagpapaliwanag ang mag-iinang Bulan, mga tala at bituin.

Aral:

  • Iwasan ang pag-aawayan lalo na sa pamilya o sa mag-asawa. Kung magkagalit man ang mag-asawa, huwag na itong patagalin pa at matutong magpakumbaba.

Alamat ng Bakunawa

Noong lumang panahon ang mundo ay nalalang na may pitong buwan, pitong yaman na nagbibigay ganda at liwanag sa lahat ng nasa balat ng lupa at ibabaw ng sangkatubigan tuwing gabi.

Ang pitong buwan ay kinakatawan ng pitong Dayaw, ang pitong diwata ng buwan. Sila ay magkakapatid na babae at lalaki na may magaganda at maamong mga mukha at mga balingkinitang katawan. Lahat ng nilalang ay nag-aabang nabibighani sa kanila sa tuwing sila ay lalabas pagkagat ng dilim.

Ang kagandahan ng mga buwan ay sinamba at pinapurihan ng lahat ng nilalang. Nang umawit ng papuri ang mga ibon at sirena, narinig ito ng mga Dayaw na diwata at sila ay natuwa. Nahikayat ng mga awit ng papuri ang batang diwata na si Bulan, siya ay bumaba sa katubigan.

Sinalubung siya ng mga alitaptap. Dahil sa napakaganda at napaka amo ng mukha ni Bulan, nagsihulog mula sa pagkakalipad ang mga ibon at ang mga mababangis na sirena ay naging maamo. Gabi-gabi ay bumababa si Bulan sa katubigan, minsan ay kasama niya ang kanyang mga kapatid na sina Subang, Banolog at Haliya.

Ang liwanag at kariktan ng mga buwan ay nagbigay liwanag at kaligayahan sa lahat ng nilalang. Ang kanilang liwanag ay umabot hangang sa pusod ng kailaliman, sa pinto ng Sulad. Kung saan nanahan si Bakunawa.

Ayon sa alamat si Bakunawa ay isang napakagandang diwata. Lumangoy siya kung saan naroon ang mga diwata ng buwan. Doon siya ay nabighani sa taglay nilang liwanag at ganda. Nakita niyang lumalangoy at nakikipaglaro sa mga sirena at iba pang laman dagat habang nagliliparan at nagsisisayaw ang mga lambana para sakanila.

Napuno ng panibugho si Bakunawa. Hindi napansin ng mga diwata ng buwan ang kanyang pagdating. Hindi man lamang siya pinagmasdan ni Bulan. Sa sobrang galit niya ay nangako siya sa kanyang sarili na mapapasakanya ang mga ito.

Si Bakunawa ay minsan nang nabighani sa isang batang babae, mula sa isang banwa. Ngunit ng siya ay dinalanganan ng dilag, ang dilag ay pinaslang ng kanyang mga kaanak sa pag samba sa ibang diyos, sa pagsamba sa kanya. Nangako si Bakunawa na hindi na niya muling mararanasan ang hapdi at sakit sa kanyang dibdib, sakit ng dulot ng hindi maipaliwanag na nadarama.

Nang sumunod na gabi isang higanteng tila ba ahas at isa, may mahabang dila sing pula ng dugo, may bibig na sing laki ng lawa at mahabang katawan. Umahon mula sa kaibuturan ng karagatan ang Bakunawa. Nilapa niya ang unang buwan, natuwa siya sa kanyang ginawa, napasakanya na ang unang buwan, si Libulan. Bumalik si Bakunawa sa kaibuturan. Naramdaman niyang natunaw sa loob ng katawan niya ang buwan.

Nang sumunod na gabi ay ginawa nya ulit ito. Nilamon niya ang buwan. Napasakanya si Banilig, at muli ay natunaw ito. Ayon sa mga kwento ang ibang buwan ay nakaligtas gaya ni Bulan, na kinuha at ginbukot ng diyos ng kamatayan na si Sidapa.

Si Mayari naman ay nakaligtas din nang siya ay bumaba sa kalupaan at nakita niya ang isang lalaki na mag-uunong o magpapatiwakal pagkat wala siyang batuk o palamuti sa balat na tanda ng kagitingan at pagiging makisig. Ginawang asawa ni Mayari ang lalaki at itinuro sa kanya ang mga lihim ng pangagamot at pag aanito. Siya ay ang naging unang Asog.

Samantala ang natitirang buwan sa kalangitan ay nalumbay. Siya ay nagalit at kumuha siya ng sinag tala upang gawing sandata, isang kampilan pang laban sa bakunawa, at mula rin sa sinag tala siya ay gumawa ng pantakip sa kanyang mukha upang ipagluksa ang mga nawalang kapatid, siya ay si Haliya.

Napagtanto ng Aba na nawala ang mga buwan sa langit. At ng makita niyang lalamunin ng Bakunawa ang huling buwan, ito’y kanyang pinigil at ginapi. At pinagsabihang huwag gagalawin ang huling buwan.

Si Bakunawa ay hindi na muling naging isang magandang diwata, kung hindi siya ay mananatiling isang halimaw, at pangit gaya ng kanyang ginawa at binalak sa mga buwan.

Sinasabing minsan-minsan ay sinusuway ni Bakunawa ang utos ni Bathala, at tinatangka pa rin niyang lunukin ang buwan. At ang mga tao ay dapat mag-ingay upang iluwa ni Bakunawa ang Buwan.

Aral:

  • Ang mga Dayaw, o mga diwata ng buwan, ay pinahahalagahan at pinupuri ng lahat ng nilalang dahil sa kanilang kagandahan at kalinawan. Ipinakita nito na ang pagpapahalaga sa iba ay nagbibigay ng kasiyahan at positibong enerhiya sa ating kapaligiran.
  • Pinapakita ng kuwento ang epekto ng selos at sakim kay Bakunawa. Dahil sa kanyang panibugho at pagnanais na angkinin ang liwanag at ganda ng mga buwan, nagawa niyang gawin ang mga hindi kanais-nais na bagay na nagdulot ng kaguluhan at pagkawala. Ito ay nagbibigay-aral na ang sobrang panibugho at kasakiman ay nagdudulot lamang ng kasamaan at kalungkutan.
  • Pinakita din ng alamat na ito na hindi lahat ng bagay sa mundo ay maaaring makuha sa pamamagitan ng panlilinlang o pwersa. Bagaman pinilit ni Bakunawa na agawin ang mga buwan, hindi niya ito nagawang maangkin ng tuluyan dahil sa kanyang di-makatarungang mga gawa.
  • Bulan at ibang mga diwata ng buwan, sa kabila ng kanilang kapangyarihan at kagandahan, ay nanatiling malapit sa mga nilalang na kanilang pinagsisilbihan. Ang kanilang pagpapakumbaba ay nagpakita ng isang magandang halimbawa para sa lahat.
  • Sa huli, pinigilan ni Bathala si Bakunawa mula sa kanyang kasakiman, ipinapakita na ang bawat isa ay may kanya-kanyang lugar at karapatan na dapat igalang at hindi labagin ng iba.
  • Sa pagkawala ng mga buwan, naapektuhan ang mga nilalang sa mundo. Ito ay nagpapahiwatig na ang bawat isa sa atin ay may papel na ginagampanan sa pagpapanatili ng balanse ng kalikasan. Kailangan nating pangalagaan at protektahan ang ating mga likas na yaman.

Alamat ng Bawang

Si Uganda ay isang ina na mapag-aruga at mapagmahal, halos hangaan na siya ng lahat dahil sa kanyang pagsisikap na mapalaking mabait ang kaisa-isang anak na si Kulala.

Si Kulala ay isang magandang dalaga na ulila na sa Ama. Bata pa siya nang matuklaw ng ahas sa bundok ang kaniyang ama. Totoong mahirap lumaking walang ama. Para kay Kulala, hindi buo ang pamilya nila kung patay na ang isa sa mga magulang niya.

Noong una ay nakaranas din si Uganda ng hirap, ina lang sana ang papel na gagampanan niya. Nang mamatay ang asawa, siya na ang ina, siya na rin ang ama.

Pero kahit nag-iisa na siya ay hindi na niya inisip mag-asawa, bagkus tinuon na lang lahat ng atensyon sa kanyang anak, pinagsikapan niyang mapalaki si Kulala na magalang.

Kahit sa sobrang hirap na dinadanas ay may ambisyon pa rin naman siya na gustong maipakamit niya sa kanyang anak. Ang nais lang naman nito ay makapag-asawa ito ng mayaman upang malayo sa karalitang kanilang karanasan.

Sa pakiwari ni Uganda, marapat lamang na bumuti ang buhay ni Kulala.

Noong unang panahon kasi may kasabihan ang matatanda na ang kagandahan at kabaitan ay maaring maging kasangkapan upang makapamili ng kakasamahin sa buhay.

Ang kagandahan ni Kulala ay lalong napag-usapan nang magdalaga na siya. Makinis ang kutis at balingkinitan ang katawan niya, may mabibilog at nangungusap na mga mata. Ang mga labi niya, kahit di kulayan ay sariwang rosas ang katulad. Ang tinig din niya ay may lambing na dala lalo’t kapag siya ay nagtatampo na.

Masyadong nakilala si Kulala sa kanilang bayan sapagkat ito ay magaling makipag kapwa tao, halos kaibigan siya ng lahat miski matanda, bata, mayaman o mahirap, kahit pa masamang tao yan o mabait lahat yan handa niyang pakisamahan.

Para sa kanya, ang pagpapakatao ay isang mabuting pag-uugali sapagkat tayong lahat ay galing sa isang tipak na lupa, mauuwi rin daw tayo sa pinanggalingang lupa ni Bathala.

Hanga si Uganda sa paniniwalang ito ni Kulala. Pero kahit lahat ay pinakikihrapan ng anak, nangangarap pa rin ang ina na sana ay mayaman at makapangyarihang binata ang mapangasawa ng kanyang magandang dalaga.

Pero alam naman nating lahat na lahat tayo ay may sariling puso at isip, sa totoo lang marami namang nagkakagusto at naghahain ng kanilang pag-ibig sa kanya ngunit wala lang itong pinipili kahit isa.

Upang matawag nga lang ang pansin ng dalaga, lahat ng manliligaw niya ay nagpapakiramdaman at nagpapayabangan upang mapaniwala lamang ang dalaga sa inihahain nilang pagmamhal. Sa kasamaang palad, laging sinasamang palad ang lahat ng mangingibig na nagpapasikatan.

Isang halimbawa na si Hashim na buong giting na nagmamalaking kukunin niya sa ilalim ng karagatan ang pinakamalaking perlas at iaalay niya sa paanan ng minamahal. Madaling araw noon ng nilusong nito ang tubig ng karagatan at sumisid sa ilalim ng parang barakuda sa kailaliman, pero sinamang palad siya at nabagok ang ulo sa nakausling bato sa ilalim ng dagat na ikinamatay niya agad.

Halos manginig sa takot si Kulala nang makita ang bangkay ng lalaki sa kanilang tahanan.

Lumipas ang ilang araw nasundan na naman ng isa pang insidente kung saan may isang abenturerong si Perot na sa pagnanais na mabigyan ng tuwa si Kulala ay mayabang na nilusong nito ang ilug-ilugan na kinaroroonan ng pinakamabangis na buwayang kinatatakutan ng mga kalalakihan. Nawakwak nga niya ang tiyan ng pinakadiyus-diyosan ng mga buwaya subalit nahagip ang dibdib niya ng matalim na mga ngipin ng damulag.

Naging rason ito upang manghina siya ng tuluyan sapagkat halos maubusan na siya ng dugo, lumipas ang ilang minuto, una siyang nalagutan ng hininga bago tuluyang namatay ang buwaya.

Napaurong si Kulala sa takot nang dalhin sa kanilang bahay ang bangkay ng nagmamahal na mangingibig. Namatay ang binata sa pagnanais na mapasagot ang pinag-aagawan sa kanilang bayan.

Naisip ni Uganda na panahon na upang siya na ang pumili ng mapapangasawa ng anak.

Sa mga anak ng Datu, dalawa ang masusugid na mangingibig ni Kulala, naririyan si Anturo na anak ni Datu Basti at naririyan si Madur na anak ni Datu Tawilis. Sapagkat kayamanan ang tanging pamantayan ni Uganda, binuo niya sa sariling matira matibay ang dapat na paglabanan ng dalawa.

Minsan kasing nagkasabay sa panliligaw ang dalawa at nagpa-inggitan sila sa isa’t-isa. Nagkapikunan at nagkainisan hanggang sa nagbunutan ng sandata. Sapagkat kapwa gusto nilang makamit ang kagandahang pinag-aawayan, ang pakikipaglaban ay nagwagi sa pakikipagkaibigan na nauwi sa dalawang kaluluwang naging bangkay.

Humagulgol si Kulala sa sinapit ng dalawang mangingibig at punong-puno ng kalungkutan ang katauhan niya kaya nasabi nalang nito sa sarili na,

Kulala: Bathala ng kabundukan, kunin na po ninyo ako sa daigdig na kinaroroonan ko! Hirap na po ang kalooban kong maging instrumento upang pag-awayan ng mga mangingibig ko. Marami na pong dugong dumanak at taong nadamay sa pagnanasang maangkin ako ng mga pagmamahal na lubhang makasarili at materyoso.

Ilang sandali lang ay dumilim ang kalangitan at bumuhos ang malakas na ulan. Nagsalubungan ang mga matatalim na kidlat at dagundong ng kulog sa kabundukan

Kulala : Kunin na po ninyo ako, maawa na po kayo mahal na bathala. (sabi niya habang umiiyak)

Makalipas ilang segundo ang hapong katawan ni Kulala ay bangkay na napalugmok tuktok ng bundok. Nang sumikat ang araw ay natagpuan ng mga tao si Kulala na bagamat wala ng buhay ay may ngiti sa kanyang mga labi.

Pagkakita ni Uganda sa kanyang anak, agad itong napaluha. Ngunit alam naman niya sa sarili niya na ginusto talaga ni Kulalang lisanin ang mundo. Makalipas ang ilang araw ay ipinalibing ni Uganda ang kanyang anak sa tuktok ng bundok.

Araw-araw dinadalaw ito ni Uganda hanggang sa isang araw ay may halamang tumubo dito. Inalagaan niya ang halaman. Nang magbunga ay napansin niyang kahawig ito ng mapuputing ngipin ni Kulala. Tumingala sa langit si Uganda at malinaw na narinig ang tinig ni Bathala.

Bathala: Nasa kaharian ko na si Kulala at masayang-masaya, . Ang halamang iyan ay magpapaalala sa iyo sa mapuputing ngipin ng anak mo. Alagaan mo ito at ipakilala sa ibang mga tao.

Nang mga oras din na iyon, kumuha ng bunga ng halaman si Uganda at ipinatanim ito sa mga kapitbahay sa kani-kanilang bakuran, at magmula noon ang mapuputing ngipin ni Kulala ay nakilala bilang rekado sa mga lutuing bahay na tinatawag ngayon bilang Bawang.

Aral:

  • Hindi masamang mangarap para sa mga anak. Ngunit hindi ibig sabihin nito na pakikialaman na ng mga magulang ang sariling desisyon ng anak, lalo na sa pag-aasawa. Ang mga magulang ay dapat na magsilbing gabay sa mga anak.
  • Walang mabuting naidudulot ang pagiging makasarili at pagiging materyoso.
  • Hindi kailangang maging mayabang upang mapansin ka ng iyong iniibig. Mas mainam pa rin ang pagiging simple at pagpapakatotoo sa iyong sarili.

Alamat ng Bulkang Mayon

Noong unang panahon sa kaharian ng Albay ay may isang makapangyarihang Raha. Siya ay may anak na kaakit-akit. Ito ay si Daragang Magayon na ang kahuluga’y “Magandang Dalaga.”

Maraming naakit sa kanyang taglay na kagandahan kaya di-mabilang na mga datu at mga ginoong tanyag ang nag-alay sa kanya ng pagmamahal. Ang isa sa mga nanligaw ay si Kauen, anak ng mayamang Raha sa kanugnog na kaharian. Naghandog ng mahalagang hiyas at ginto ang binata subalit tumanggi sa regalo ang dalaga. Si Kanuen ay nabigo subalit nagyabang pa na ang dalaga ay magiging kanya pagdating ng araw.

Mula sa malayong Katagalugan, narinig ni Gat Malaya ang nabalitang kagandahan ni Daragang Magayon. Marami siyang mga pagkakataong makaniig ang paraluman subalit nagkaroon ng mga sagabal. Minsan malapit sa munting ilog, nakita niya ang dalagang namumupol ng bulaklak. Kinamaya-maya’y ang binibini’y nagtampisaw sa batis. Ang binata’y nagparinig ng himig ng masayang awit upang matawag ang kanyang pansin. Nagkatitigan sila at ang binata’y nginitian.

Nabuhayan ng loob ang prinsipeng Tagalog at ito’y nagsalita, “Magandang Mutya, mula ako sa malayo upang ikaw ay sadyain at makita ang tangi mong kariktan!”

“Sino ka? Hindi kita kilala! Isa kang pangahas!”

“Ako’y si Gat Malaya, galing sa kahariang malapit dito. Bigyan mo ako ng isang bulaklak at ako’y masisiyahan na!”

Bantulot na ihinagis ng dalaga ang bulaklak. Dumapo sa mga palad ng binata at ito’y kagyat na idinampi sa kaliwang dibdib.

“Maaari bang kita’y makitang muli?”

At nagsimula ang maraming tipanan ng dalawa sa makasaysayang batis.

“Isang araw,” mungkahi ng lalaki, “kita’y iniibig. Tayo’y pakasal!”

“Ngunit ang Raha? Ang aking ama?” may alinlangang paliwanag. “Dapat niyang malaman!”

“Huwag kang mag-alala! Hihingin ko ang kamay mo sa kanya!”

Pumayag ang Raha. Ang batang prinsipe ay kanyang nagustuhan pagkat magalang at nakakahalina kung kumilos. Itinakda ng Raha ang kasal sa pagbibilog ng buwan, matapos ang anihan.

Nagpaalam si Gat Malaya upang ipabatid sa kanyang mga magulang ang itinakdang kasalan. Kakaunin niya ang ama’t ina at silang tatlo ay babalik sa Albay.

Nabalitaan ni Kauen (nabigong manliligaw) ang napabalitang pag-iisang dibdib. Kanyang sinamantala ang pagkakataong wala si Gat Malaya. Pinuntahan niya si Daragang Magayon.

Matigas ang pagtanggi ng dalaga sa kabila ng mga pagbabala: “Kung hindi kita makamtan, walang magkakamit sa iyo sinuman!”

Ang prinsesa ay natakot dahil sa pagbabala sa buhay niya at sa kanyang ama. Siya’y sumagot, “Ako’y magiging iyo kung si Gat Malaya ay hindi bumalik!”

Nagtumulin ang mga araw at mga linggo. Malapit na ang tag-ani ngunit wala pa si Malaya. Hindi pa siya nagbabalik. Gabi-gabi ang dalaga’y nakaupo sa duruwangawan at naghihintay.

Nang dumating ang kabilugan ng buwan napilitan nang pakasal si Daraga kay Kauen. Nagkaroon ng maringal na handaan, kainan at sayawan.

Sa gitna ng kasayahan ay dumating si Gat Malaya kasama ang mga magulang.

“Ako’y naparito upang angkinin ang aking nobya!” sabi ni Malaya.

“Hindi maaari!” tugon ni Kauen.

Nagkaroon ng sukatan ng lakas. Magugunita na si Malaya ay subok sa espada subalit si Kauen naman ay malansi at mapaglalang.

Nang ihahagis ni Kauen ang kanyang sibat, si Daragang Magayon ay tumakbo upang pumagitna at sawayin ang dalawa. Sa kasamaang-palad, ang sibat ay tumama sa dibdib ng dalaga. Niyakap ni Malaya ito ngunit pataksil na sinibat ng katunggali. Kapwa nalagutan ng hininga ang magsing-ibig.

Nagluksa ang Raha at ang buong palasyo. Ipinag-utos niya na ang dalawa’y ilagak na magkasama sa isang hukay.

Lumipas ang mga araw. Himala ng mga himala. Ang lupa sa puntod ng libing ay tumaas hanggang sa itoy maging bundok. Napakaganda at perpekto ang hugis. Tinawag itong Bundok ng Mayon, bilang alaala kay Daragang Magayon.

Aral:

  • Ang pagiging sakim at makasarili sa pag-ibig ay magdudulot lamang ng matinding sakit sa kalooban. Mas mainam pa rin na mapasayo ang taong iyong iniibig nang hindi gumagamit ng anumang dahas.

Alamat ng Pag-ibig

Noong unang panahon, sa bayan ng Sikatuna wala pang nakakaalam tungkol sa pag-ibig. Doon nakatira si Maria, isang dalaga na ubod ng pangit. Panunukso ang laging bumubungad kay Maria araw-araw dahil sa kanyang itsura.

Isang araw habang si Maria ay naglalakad, mayroon nagpakita sa kaniyang isang nakakasilaw na liwanag, isang diwata . Agad namang nagpakilala ang Diwata ng Pag-ibig at nagpahatid siya ng mensahe para sa bayan.

Hindi mapakali si Maria, halos matunaw na siya habang kinakausap ng diwata, hindi maipinta sa kanyang mukha ang kanyang nararamdaman ngunit pinakinggan naman niya ang Diwata.

“Pag-ibig ang aking hatid at ito ay ipapaubaya ko sa buong bayan sa pamamagitan mo.” 

Naguluhan si Maria kung bakit siya ang napili ng Diwata na magbahagi ng pag-ibig, subalit wala naman nakakaalam kung ano nga ba ang pag-ibig.

“Ano ba ang pag-ibig?” tanong ni Maria sa diwata.

“Ang pag-ibig ang magbibigay kaayusan sa lahat ng bagay at ito ang nakakaganda sa isang tao.”

Sa kagustuhan ni Maria na gumanda ay tinanggap naman niya ang bilin ng diwata ngunit bago umalis ang diwata ay mayroon syang binigay kay Maria.

“Tanggapin mo itong kwintas ng pag-ibig. Magagamit mo yan upang mas mapalaganap ang pag-ibig sa bayan ngunit sa isang kondisyon, maaari mo lamang gamitin yan sa aking bilin, hindi sa pampersonal na interes. Kung ikaw ay hindi sumunod ay may parusa na kapalit.”

Mabilis na umalis si Maria at inisip kung ano ang gagawin niya upang mapalaganap ang pag-ibig, sinubukan niyang suotin ang kwintas at laking gulat niya na siya ay gumanda na parang diwata.

“Napaka-ganda ko na,” wika ni Maria. Biglang naisip ni Maria na gamitin niya ang kwintas para magkagusto sa kaniya ang mga lalaki. Kaya’t ganoon nga ang ginawa ni Maria. Lingid sa kaniyang kaalaman ay sumuway na siya sa utos ng diwata. Makalipas ang ilang araw, pag gising ni Maria ay bumalik na siya sa dati niyang anyo, wala ng epekto ang kwintas. Nagtago si Maria sa mga kaniyang manliligaw dahil hindi niya alam kung paano niya ito haharapin.

Isang gabi ay hinanap ni Maria ang diwata at tinanong kung ano ang nangyari. “Diwata ng pag-ibig, bakit nawala ang epekto ng kwintas? Sinunod ko naman ang bilin mo na ipalaganap ang pag-ibig sa pagiging masaya.”

“Ano ang masaya doon, Maria? Personal na interes ang iyong intensyon sa pag gamit ng kwintas,” wika ng diwata.

“Ngunit doon ko lang naramdaman kung paano maging maganda, kung paano maging masaya dahil sa aking itsura.”

“Maria, ang pag-ibig ay hindi nasusukat sa panlabas na anyo kung hindi kung ano ang nasa loob mo, matuto kang tumanggap kung anong meron ka at sa pamamagitan noon ay matututunan mo kung paano ibigin ang sarili mo, bago ka ibigin ng iba,” sagot ng diwata.

Simula noon ay naging masayahin na si Maria. Natuto siyang tumanggap at maging masaya. Natuto na rin siya mahalin ang kaniyang sarili. Ikwinento ito ni Maria sa kaniyang mga kaibigan, kamag-anak at maging pamilya at doon nakilala kung ano ang pag-ibig.

Aral:

  • Ang pag-ibig ay hindi nasusukat sa panlabas na anyo hindi kung ano ang nasa loob o puso ng tao. Matutong tanggapin kung anong meron ka at sa pamamagitan nito ay matututunan mo rin kung paano ibigin ang iyong sarili mo, bago ka ibigin ng iba.

Alamat ng Rosas (Buod)

Sa isang malayong nayon ay may isang dalaga na nagngangalang Rosa na kilala dahil sa natatangi nitong ganda at dahil na rin sa kanyang mapupulang mga pisngi, kung kaya’t pinagkakaguluhan siya ng mga kalalakihan.

Isang araw ay nakita ni Rosa si Antonio, isa sa kanyang mga manliligaw, na kinakausap ang kanyang mga magulang upang humingi ng pahintulot na manligaw sa dalaga.

Pumayag ang mga magulang ni Rosa at kalaunan, dahil sa pagsisilbi ng binata ay nahulog na rin ang loob ni Rosa dito.

Sa araw na kung saan ay dapat sanang sagutin ni Rosa ang kanyang manliligaw ay nalaman niya na pinaglalaruan lang pala siya ni Antonio nang marinig niya ito habang kausap ang kanyang mga kaibigan. Parang pinagsakluban ng langit at lupa si Rosa sa kanyang narining. Nadurog ang kanyang puso sa kanyang unang pag-ibig.

Hindi tumigil sa pag-iyak si Rosa habang siya ay pabalik sa kanilang bahay. Nag-aalala naman siyang tinanong nang kanyang mga magulang pero hindi sumagot ang dalaga.

Kinabukasan ay hindi na nakita si Rosa at pati na rin sa mga sumunod na araw.

Isang araw ay nabalitaan na may kakaibang halaman na tumubo sa dapat sanang tagpuan nina Rosa at Antonio.

Tinawag ang halaman na rosas dahil ang pulang kulay nang bulaklak ay nagsisilbing paalala sa mga mapupulang pisngi ni Rosa. Ang naiiba lamang ay ang tinik na napapalibot sa halaman na pinapaniwalaan na si Rosa na nagsasabing wala sinuman ang makakakuha sa magandang bulaklak na hindi nasasaktan.

Aral:

  • Huwag paglaruan ang puso ninuman dahil maaari itong magdulot ng poot sa damdamin ng taong nasaktan.
  • Huwag magmadali sa pag-ibig. Kilalanin munang mabuti taong nais pag-alayan nito.

Alamat ng Tagalog (Buod)

Noong unang panahon ay may isang dalaga na nagngangalang Simang. Siya’y ubod ng ganda kaya maraming kalalakihan ang nililigawan siya

Isang araw ay nagpasya si Simang na kung sino man ang makapagdala sa kanya ng sawa ay siya nitong pakakasalan.

Ang ilang kalalakihan ay nagsabing mahirap makahuli niyon. Ngunit sa kanilang lahat, ang binatang si Ilog lamang ang naglakas-loob upang gawin ang hamon ng dalaga.

Humanga ang lahat kay Ilog at noon din ay agad na umalis ang binata upang maghanap ng sawa.

Matagal na panahon ang nagdaan. Sabik ang lahat na malaman kung ano na ang nangyari kay Ilog.  Kakaba-kaba rin si Simang.

“Huwag po sanang mapahamak si Ilog, bulong niya sa sarili.” Iyon pala’y mahal na mahal na rin ni Simang ang binata.

Naghiyawan sa saya ang lahat ng bumalik si Ilog. Hawak niya sa isang kamay ang ulo ng nagpupumiglas na sawa habang ang isang kamay ay pumipigil sa buntot nito.  Nagpalakpakan ang mga tao.

“Mabuhay si Ilog! Mabuhay!”

Agad na dinala ni Ilog ang sawa kay Simang

Noon naman ay dalawang sundalong Espanyol ang dumating. Napansin nila ang kaguluhan.  Lumapit sila upang mag-usyoso. Ngunit hindi nila napansin ang pinagkakaguluhang sawa na hawak ni Ilog. Ang napansin nila’y ang kagandahan ni Simang.

Lumapit pa ang mga dayuhan kay Simang. Itinanong nila sa dalaga ang pangalan ng lugar na iyon.

Ngunit hindi sila napansin ni Simang dahil sa buong paghanga itong nakatingin kay Ilog.

Itinaas ni Ilog ang ulo ng sawa saka binitiwan ng isang kamay ang buntot nito.  Biglang nilingkis ng sawa si Ilog.

Sumigaw ni Simang, “Ilog! Tagain mo!”

Hinugot ni Ilog ang itak sa kanyang baywang at tinaga ang sawa. Naputol kaagad ang buntot ng sawa. Tumalsik ang masaganang dugo, ngunit tila buhay na gumagalaw-galaw pa ito.

Muling sumigaw ni Simang. “Taga, Ilog! Taga, Ilog!”

Sa kabila ng kaguluhang naganap, hindi naalis ang pagkatitig ng mga Espanyol sa dalaga.  Muli, tinanong nila si Simang.

Sumigaw si Simang, “Taga, Ilog! Taga, Ilog!”

Aral:

  • Walang mahirap sa taong totoong nagmamahal.

Alamat ng Ampalaya (Buod)

Noong unang panahon, sa bayan ng mga gulay, ang lahat ay may kanya kanyang katangian.

Ang kalabasa ay may kakaibang tamis, ang kamatis ay may asim at makinis na kutis, ang luya ay may kakaibang anghang, ang labanos ay may sobrang kaputian, ang talong ay may lilang kulay, ang mustasa ay luntian.

Ngunit may isang gulay na may kakaibang anyo. Ito ay si ampalaya. Siya ay may maputla at may lasang di maipaliwanag.

Araw araw, walang ginawa si ampalaya kundi ikumpara ang sarili sa ibang gulay.

Isang araw, nagplano si ampalaya na kuhanin ang taglay na katangian ng ibang gulay. Nang sumapit ang gabi, naisakatuparan nya ang balak. Isinuot nya ang taglay na katangian ng lahat ng gulay.

Tuwang tuwa si ampalaya sakapagkat ang dating di pinapansin ay pinag kakaguluhan na ngayon.

Ngunit walang lihim na di mabubunyag, napagkasunduan ng lahat ng gulay na sundan ang kakaibang gulay.

Dito nila nalaman na ang magandang gulay ay walang iba kundi si ampalaya. nagalit ang lahat at si ampalaya ay iniharap sa diwata ng lupain.

Bilang parusa, ang balat ni ampalaya ay kumulubot at ang lasa sa loob ng kanyang katawan ay naging mapait na dulot ng pag hahalo halo ng lasa ng ibang gulay.

Aral:

  • Iwasan ang pagiging maiinggitin. Nilikha tayo ng Diyos ng may iba’t-ibang katangian kaya matuto tayong makuntento at iwasang ikumpara ang sarili sa iba.

Alamat ng Lamok (Buod)

Noong unang panahon sagana sa lahat ng bagay ang bayan ng Tungaw. Mataba ang lupa sa kanilang sakahan at masayin ang mga tao doon. Ngunit marumi ang kanilang kapaligiran at nagkalat ang mga basura. Napakadumi rin ng mga bata sa lansangan.

Isang araw, binalot ng takot ang bayan ng Tungaw dahil sa pagkawa ng ilang mga tao sa kanilang lugar.

Sinabi nila ito sa kanilang hari kaya naman inutusan niya ang taumbayan at kanyang mga kawal na magbantay araw-gabi.

Kalaunan ay nakita nila ang higanteng si Amok na siyang kumukuha sa mga tao. May isang magsasaka na kinuha ito at agad na nilulon. Aniya ay wala daw talagang mas sasarap pa sa maduduming tao.

Natakot ang mga tao at ang iba ay binalak na umalis na lamang sa kanilang bayan dahil napag-isip-isip nila na wala silang laban sa higante.

Ngunit hindi pumayag ang kanilang hari. Naisip nito na nasasarapan si Amok sa kanilang karumihan kaya ipinag-utos niya na maglinis ang mga tao sa kanilang bayan.

Nagwalis ang kababaihan. Naligo ang mga bata. Naglaba ang kalalakihan. Saka sila naghandang muli upang ipagtanggol ang kanilang bayan.

Nang muling lumusob ang higante, pinaulanan nila ito ng pana sa dibdib. Ngunit tila walang puso ang higante dahil hindi ito tinalaban. Nakakuha pa itong muli ng mga bihag.

Nag-isip muli ng paraan ang hari. Nang minsang mabusog ay nagkunwaring nahimatay ang hari kaya napasama siya sa mga bihag ni Amok. Dinala sila nito sa isang kweba at doon naroon ang iba pang mga bihag. Naroon din ang isang batang higante na kumakain din ng mga tao.

Nang makaalis sa kweba si Amok ay hinugot ng hari ang kanyang espada at tinakot ang batang higante na papatayin kung hindi nito ituturo kung nasaan ang puso ng kanyang ama.

Ipinagtapat ng batang higante na nasa ilong ang puso ng kanyang ama. Itinali nila ang batang higante at hinanap si Amok.

Nang makita si Amok ay tinaga ng hari ng ilong nito. Natalo nila si Amok at kanila ring itinali. Pagkaraan ay sinunog nila ang mag-amang higante.

Bago lagutan ng hininga ay sinabi ni Amok na hindi sila mapapatay ng taumbayan hangga’t marumi ang kanilang paligid. Babalik raw sila at sisipsipin ang kanilang mga dugo. Ang abo ng mag-amang higante ay itinapon sa maruming ilog.

Muling tumahimik ang bayan ng Tungaw ngunit nagulat ang lahat sapagkat mula sa maruming ilog ay may maliliit na insektong lumulusob sa bayan tuwing gabi. Naninipsip sila ng dugo ng mga tao.

Naalala ng mga matatanda ang sabi ng higanteng Amok bago masunog kasama ng anak. Nilinis ng mga taga-Tungaw ang kanilang maruming ilog. Dumalang ang maliliit na insektong naninipsip ng dugo. Kinalaunan, tinawag ng mga taumbayan ang mga insektong, Lamok.

Aral:

  • Ugaliing ang pagiging malinis sa sarili at sa kapaligiran. Iwasang magtapon ng basura kung saan-saan upang hindi pamugaran ng lamok.

Bilang pagtatapos sa ating paglalakbay sa kahulugan at mga halimbawa ng alamat, nakita natin ang yaman at ganda ng ating kultura at kasaysayan. Ang mga alamat, bilang mga salamin ng nakaraan, ay nagpapakita ng ating mga tradisyon, kagandahan ng wika, at ang pagsusumikap ng ating mga ninuno. Sa patuloy na pagbasa at pag-aaral ng mga alamat, hindi lamang natin pinahahalagahan ang ating panitikan, kundi nagpapatuloy rin tayong tumuklas at umunawa sa ating pinagmulan at pagka-Pilipino.

Umaasa kami na nakatulong sa iyo ang araling ito. Mangyaring ibahagi din ito sa iyong mga kaibigan at mga kakalase upang sila rin ay matuto. I-click lamang ang share button na makikita sa screen para i-share ito sa iyong mga social media accounts.

2 Shares
Share via
Copy link