Sa pahinang ito ay matututunan mo kung ano ang pabula, mga elemento o bahagi nito, pati na rin ang mga halimbawa ng pabula na may aral.
Ano ang Pabula?
Ang pabula ay isang uri ng panitikan na kathang isip lamang na kinapupulutan ng magandang aral. Mga hayop o bagay na walang buhay ang karaniwang gumaganap na pangunahing tauhan dito.
Kung ang tawag sa manunulat ng maikling kwento ay “kwentista”, “pabulista” naman ang tawag naman sa manunulat ng pabula.
SEE ALSO: MAIKLING KWENTO: Uri, Elemento, Bahagi at Mga Halimbawa
Elemento o Bahagi ng Pabula
- Tauhan
Ito ang anumang hayop na gumaganap sa istorya o kwento. - Tagpuan
Tumutukoy sa oras, panahon, at lugar na pinagdausan ng kwento at istorya. Maaari itong maging dalawa o higit pa. - Banghay
Ito ang kabuuang pangyayari na naganap sa kwento. - Aral
Ito ang mga mahalagang matututunan pagkatapos mabasa ang kwentong pabula.
Mga Halimbawa ng Pabula
Ang mga sumusunod na maikling kwentong pabula na iyong mababasa ay mga pabula ni Aesop na muling isinalaysay sa wikang Filipino ng PinoyCollection team.
Narito ang mga halimbawa ng pabulang tagalog na may aral.
- Ang Lobo At Ang Kambing
- Ang Uwak na Nagpanggap
- Ang Aso at ang Kanyang Anino
- Ang Inahing Manok at ang Kanyang mga Sisiw
- Ang Kampanilya at ang Pusa
- Ang Uwak at ang Banga
SEE ALSO: EPIKO: Ano ang Epiko at mga Halimbawa Nito
Ang Lobo At Ang Kambing
May isang lobo na nahulog sa tuyong balon. Sinikap niyang tumalon ng mataas upang makaahon ngunit ito’y bigo. Lubhang malalim ang balon na kanyang kinahulugan.
Maya-maya’y dumating ang isang kambing na uhaw na uhaw. Narinig nito ang tinig ng lobo kaya siya’y agad na lumapit sa balon.
“Marami bang tubig sa loob ng balon?” tanong ng kambing sa lobo.
“Oo, napakarami!” ang pagsisinungaling naman na sagot ng lobo.
Dahil dito’y agad na tumalon ang kambing sa balon at doon niya nalaman na siya’y niloko lamang ng lobo.
“Ngayo’y pareho na tayong bilanggo ng balon na ito,” ang sabi ng tusong lobo.
“Mamamatay tayo sa uhaw at gutom dito,” ang sabi ng kambing.
“Kung gusto mong makaalis dito, magtulungan tayo. Mayroon akong naisip na paraan kung papaano nating gagawin iyon,” wika ng lobo.
“Papaano?” tanong ng kambing.
Ipinatong ng lobo ang mga paa sa katawan ng kambing.
“Ako muna ang lalabas. Kapag nakalabas na ako, saka kita hahatakin pataas upang ikaw naman ang makalabas,” pangako nito.
“Sige,” ang sabi naman ng kambing.
Nakalabas nga ng balon ang lobo sa tulong ng kambing. Noong pagkakataon na ng kambing para tulungan ng lobo ay agad itong tumawa ng malakas. Sabay sabi ng, “Walang lobong manloloko kung walang kambing na magpapaloko.”
Pagdaka’y naiwanan ang kambing na malungkot sa malalim na balon.
Aral:
- Walang manloloko kung walang magpapaloko.
- Huwag agad magtiwala sa iba. Kilatisin at kilalanin muna ng isang tao bago pagkatiwalaan.
Ang Uwak na Nagpanggap
May isang uwak na nakakita ng mga lagas na balahibo ng pabo sa lupa. Pinagmasdan niya iyon at nasiyahan sa iba’t ibang kulay na taglay nito. Dahil sawa na siya sa pagiging isang itim na ibon, pinulot isa-isa ang mga balahibo saka idinikit sa kanyang katawan.
Dali-dali siyang lumipad patungo sa grupo ng mga pabo at nagpakilala bilang kauri ng mga ito.
Ngunit kilala ng mga pabo ang kanilang kauri kaya naman hindi rin nagtagal ay nabisto ng mga ito ang nagkukunwaring uwak.
Dahil dito, pinagtutuka ng mga pabo ang uwak hanggang sa matanggal ang mga balahibong nakadikit sa katawan nito. Sa takot ng uwak ay agad itong lumisan.
Nang magbalik ang uwak sa kanyang mga kauri, hindi na rin siya tinanggap ng mga ito at sinabing, “Hindi namin kailangan ang isang tulad mong walang pagmamahal sa sariling anyo!”
Aral:
- Ang lahat ay may kanya-kanyang natatanging katangian. Makuntento na sa kung ano ang ibinigay sa iyo ng Diyos. Mahalin ang iyong sarili at huwag maging mainggitin sa iba.
Ang Aso at ang Kanyang Anino
Isang araw ay may aso na nakahukay ng buto sa lupa. Tuwang-tuwa ito at dali-daling kinagat ang buto saka umalis.
Dinala niya ang buto upang iuwi sa kanyang bahay. Nang siya ay malapit na, napadaan siya sa isang ilog. Pinagmasdan niya ang ilog at doo’y nakita niya ang sariling anino. Dahil sa pag-aakalang ibang aso iyon na may hawak ring buto sa bibig, tinahulan niya iyon nang tinahulan upang maangkin din ang butong pag-aari nito.
Pagkaraan ay nalaglag mula sa kanyang bibig ang butong kagat-kagat nito at nahulog sa ilog. Tinangay ng agos ang buto at hindi na muli nakuha pa ng sakim na aso.
Aral:
- Ang pagiging sakim ay walang mabuting maidudulot kanino man kundi kapahamakan lamang. Mas mainam na maging mapagpasalamat sa bawat biyayang natatasama.
Ang Inahing Manok at ang Kanyang mga Sisiw
Sa gitna ng taniman ng mais ay may naninirahang isang inahing manok na may anak na tatlong sisiw. Isang araw ay lumabas ng bahay ang magsasakang may-ari ng taniman at sinabing, “Panahon na upang anihin ko ang aking maisan! Kailangan tawagin ko ang aking mga kapitbahay upang tulungan ako sa aking pag-ani bukas!”
Narinig ito ng mga sisiw at agad iminungkahi sa kanilang ina, “Inang, kailangang lumikas na tayo rito at humanap ng ibang matitirahan! Kung hindi, matatagpuan tayo rito ng mga magsisipag-ani bukas at huhulihin tayo upang kainin!”
“Huwag kayong mabahala mga anak,” ang wika ng inahing manok. Kung mga kapitbahay lamang ang aasahan ng magsasaka, hindi agad magsisipag-kilos ang mga iyon! May panahon pa tayo upang manirahan dito.”
Tama nga ang sinabi ng inahing manok. Sapagkat kinabukasan nga’y walang mga kapitbahay na dumating upang tumulong sa pag-ani ng magsasaka.
“Kung hindi ko maasahan ang aking mga kapitbahay, sa aking mga kamag-anak ako lalapit upang humingi ng tulong sa isasagawa kong pag-ani bukas!” sabi ng magsasaka sa sarili.
Narinig ng mga sisiw ang sinabi ng magsasaka kaya dali-dali nila itong sinabi sa kanilang ina. Ngunit muli, hindi nabahala ang inahing manok at sinabing, “Kung sa mga kamag-anak lamang siya aasa, hindi susunod ang mga iyon! May mga trabaho ring dapat asikasuhin ang mga iyon at tiyak na hindi maasahan. May panahon pa tayo para manirahan dito mga anak!”
Kinabukasan nga’y tama uli ang sinabi ni inahing manok. Wala ni isang kamag-anak na dumating ang magsasaka upang tulungan siya sa pag-ani sa maisan.
Dahil sa pangyayaring iyon, napilitan ang magsasakang tawagin ang kanyang anak at sinabing, “Bukas na bukas din, tayong dalawa na lamang ang aani sa ating pananim. Wala tayong ibang maaasahan kundi ang ating mga sarili!”
Nang marinig iyon ng mga sisiw, dali-dali silang nagtungo sa kanilang ina at agad na iniulat ang sinabi ng magsasaka.
Noon din ay nagdesisyon ang inahing manok na lumisan na sa lugar na iyon at sinabing, “Kung sinabi ng magsasaka na siya na ang gagawa ng pag-ani, dapat tayong maniwala! Sapagkat totoong walang sinuman siyang maaasahan kundi ang kanyang sarili!”
Aral:
- Ang tagumpay sa buhay ay huwag iasa sa mga kaibigan o kamag-anak. Ito’y matatamo lamang kung pagsusumikapan ng taong may pagnanais na magtagumpay.
Ang Kampanilya at ang Pusa
May isang pamilya ng daga ang nabubuhay sa takot dahil sa isang pusa. Isang araw ay nag-usap-usap ang mga daga upang talakayin ang mga posibleng paraan upang matalo ang pusa. Matapos ang mahabang talakayan, isang batang daga ang nagmungkahi ng isang ideya.
“Bakit hindi po tayo maglagay ng isang kampanilya sa leeg ng pusa upang dinig nating kung papalapit ito?” sabi ng batang daga.
Nagpalakpakan at sumang-ayon ang lahat sa ideya maliban sa isang matandang daga.
Tanong ng matandang daga, “Sino ang maglalagay ng kampanilya sa leeg ng pusa?”
Natahimik ang lahat. Kahit maganda ang ideya ng batang daga ay wala sinuman sa kanila ang may lakas ng loob na lumapit sa pusa at maglagay ng kampanilya sa leeg nito!
Aral:
- Kahit gaano pa kaganda ang ideyang mayroon ka, kung wala kang lakas ng loob upang magkaroon ito ng katuparan ay masasayang lang ang ideyang iyon at kailanman ay hindi ka magtatagumpay.
Ang Uwak at ang Banga
Noo’y panahon ng tagtuyot. Naghahanap ang isang uhaw na uwak ng tubig na maiinom. Buong araw itong naglakbay kaya siya’y uhaw na uhaw. Mamamatay siya sa uhaw kapag hindi siya nakainom ng tubig sa lalong madaling panahon. Sa wakas ay nakahanap siya ng isang banga na may lamang kaunting tubig sa loob nito. Subalit ang banga ay malalim at may makitid na leeg. Kahit anong subok niya ay hindi niya abot ang tubig.
Nag-isip ng paraan ang uwak. Kumuha siya ng maliit na bato at inilagay sa loob ng banga. Sa bawat maliliit na bato na iniligay niya sa loob nito ay unti-unting umaangat ang tubig. Ipinagpatuloy niya nag paglalagay hanggang sa maabot na ng kanyang tuka ang tubig at siya ay nakainom.
Aral:
- Maging matiyaga at huwag agad sumuko sa buhay. Ang tagumpay ay naaabot lamang ng mga taong may matinding pagnanasa na mapangyari iyon. Mas mainam nang sumubok kaysa wala kang ginagawa upang maging maayos ang buhay na inaasam mo.
SEE ALSO: Bugtong, Bugtong: 490+ Mga Halimbawa ng Bugtong na may Sagot