Bugtong, Bugtong: 490+ Mga Halimbawa ng Bugtong na may Sagot

Sa mundong kinalalagyan natin, hindi maikakaila na malaki ang papel na ginagampanan ng kultura at tradisyon sa pagbuo ng ating pagkakakilanlan bilang mga mamamayan. Bahagi na rin ng ating kultura at tradisyon ang mga bugtong – isang uri ng larong pang-isip na nagpapalawak ng ating pang-unawa at nagpapahasa ng ating katalinuhan. Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang kahulugan ng bugtong, ang mga pakinabang nito, kung paano gumawa ng bugtong, at ibabahagi rin natin ang ang higit sa 490 na mga halimbawa ng bugtong na may kasamang sagot.

Mga Nilalaman

Ano ang Bugtong

Ang bugtong o riddle sa wikang Ingles, ay isang uri ng tradisyunal na palaisipang Pilipino na karaniwang binubuo ng isang taludtod o dalawang linya na may sukat at tugma. Maaari itong isang tanong o pangungusap na nilulutas bilang isang palaisipan. Ang bawat bugtong ay naglalaman ng isang metapora at sagot sa kahulugan nito. Ito ay karaniwang ginagamit sa mga larong pang-isip upang subukin ang katalinuhan at kakayahang mag-isip ng mga tao. Ang mga bugtong ay nagmula sa mga sinaunang Pilipino at hanggang ngayon ay ginagamit pa rin bilang isang porma ng libangan at edukasyon.

SEE ALSO: 550+ Mga Halimbawa ng Salawikain (Filipino Proverbs)

[lockercat]

Download the PDF version of this post by clicking this link.

[/lockercat]

Ano ang Pakinabang ng mga Bugtong?

Ang bugtong ay may iba’t ibang pakinabang. Ito ay ang mga sumusunod:

  • Una, ito ay nakakatulong sa pagpapaunlad ng kritikal na pag-iisip ng isang tao dahil sa mga palaisipang ito ay kailangang gumamit ng lohika at kaalaman upang malaman ang tamang sagot.
  • Pangalawa, ito rin ay isang mahusay na paraan para maipahayag ang kultura at tradisyon ng Pilipinas. Sa pamamagitan ng mga bugtong, naipapakita natin ang ating mga paniniwala, kaugalian, at iba pang mga yugto ng ating buhay bilang mga Pilipino.
  • Pangatlo, ito ay nakakatulong din sa pagpapalawak ng ating bokabularyo at kaalaman sa wika.

Ngayong makabagong panahon, ang mga bugtong o palaisipan ay patuloy na itinuturo sa mga paaralan dahil ito ay nakakatulong sa pagpapabuti ng ating IQ, pagpapatalas ng memorya, at pag-improve ng ating konsentrasyon o pagninilay-nilay na nagreresulta ng pagiging mas produktibo.

SEE ALSO: 200+ Mga Halimbawa ng Sawikain at Kahulugan

Paano Gumawa ng Bugtong

Sa paggawa ng bugtong, kinakailangan ng isang malikhain at malalim na pag-iisip. Maaari itong magsimula sa isang pangkaraniwang bagay o karanasan at gawing metapora. Kinakailangan ding magkaroon ito ng sukat at tugma upang magkaroon ng indayog o ritmo. Karaniwan, ang mga bugtong ay naglalaman ng mga talinghaga o simbolismo na tumutukoy sa iba’t ibang bagay o sitwasyon. Ang sagot sa bugtong ay karaniwang isang salita o maikling parirala na naglalarawan sa tinutukoy ng metapora.

Mga Halimbawa ng Bugtong at Sagot

Narito ang mga halimbawa ng mga bugtong na may sagot na aming naayos ayon sa kanilang mga paksa.

Mga Bugtong na Mahirap Sagutin

1. Di dapat na kulangin, di rin dapat pasobrahin.
Sagot: Sapat

2. Kung may ditche at diko sa sambahayan, kapartner nito ang sanse sa tahanan.
Sagot: Sangko

3. Barong itinatapis lamang, maaaring gawing pormal na kasuotan.Thailand ang pinanggalingan.
Sagot: Sarong

4. Hindi ka pa gaanong nilalagnat, sakit ay di pa ganap.
Sagot: Sinat

5. Maitim na puwit, tangkay ay nakakabit.
Sagot: Sungot

6. Umupo si itim, sinulot ni pula,lumabas si puti, bubuga-buga.
Sagot: Sinaing

7. Tag-ulan o tag-araw, hanggang tuhod ang salawal.
Sagot: Manok

Bugtong-bugtong,
Tag-ulan o tag-araw, hanggang tuhod ang salawal.

8. Sisidlang papel na kono ang hugis, malalagyan ng maning mainit.
Sagot: Sungsong

9. Berdeng dahon kapag natuyo. Ginagayat, binibilot at sinusubo.
Sagot: Tabako

10. Kabaliktaran ng kabiguan. Simbulo ng lawrel sa labanan. Damdamin ay puno ng katuwaan.
Sagot: Tagumpay

11. Mga pangungusap na may kaisahan, nagpapahayag ng damdamin at kaisipan.
Sagot: Talata

12. Nang bata pa ay apat ang paa. Nang lumaki ay dalawa. Nang tumanda ay tatlo na.
Sagot: Tao

13. Masakit na pag-iktad ng kumukulong mantika, kapag may pinipiritong isda.
Sagot: Tilamsik

14. Kinatog ko ang bangka,
Nagsilapit ang mga isda.
Sagot: Batingaw

Bugtong-bugtong,
Kinatog ko ang bangka, nagsilapit ang mga isda.

15. Dalawang magkapatid,
Sa pagdarasal ay namimitig.
Sagot: Tuhod

16. Garapal na katalinuhang bansag sa matsing
Laging gustong magkamal ng buliling.
Sagot: Tuso

17. Modelo sa katauhan
Tinitingala ng kalahatan.
Sagot: Uliran

18. Kapag bumabaha sa paliguan, mga liyabi ay kanyang tangan-tangan.
Sagot: Tubero

19. Tunog sa lalamunan,
Inumin ang kailangan.
Sagot: Sinok

20. Hindi pa natatalupa’y, nanganganinag na ang laman.
Sagot: Kamatsile

21. Kung mahiga ay patagilid, kung nakatayo ay patiwarik.
Sagot: Gulok / Itak

Bugtong-bugtong,
Kung mahiga ay patagilid, kung nakatayo ay patiwarik.

Mga Bugtong Tungkol sa Hayop

1. Matanda na ang nuno hindi pa naliligo.
Sagot: Pusa

2. Maliit pa si Nene nakakaakyat na sa tore.
Sagot: Langgam

3. Sa araw nahihimbing, sa gabi ay gising.
Sagot: Paniki

4. Tiniris mo na inaamuyan pa.
Sagot: Surot

5. Kay liit pa ni Neneng marunong nang kumendeng.
Sagot: Bibe

6. Anong hayop ang dalawa ang buntot?
Sagot: Elepante

7. Ang ulo ay kabayo, ang leeg ay pare, ang katawan ay uod, ang paa ay lagare.
Sagot: Tipaklong

8. Naghanda ang katulong ko, nauna pang dumulog ang tukso.
Sagot: Langaw

9. Eto na si bayaw dala-dala’y ilaw.
Sagot: Alitaptap

10. Pantas ka man at marunong, at nag-aral nang malaon, aling kahoy sa gubat ang nagsasanga’y walang ugat?
Sagot: Sungay ng usa

11. May ulo’y walang buhok, may tiyan walang pusod.
Sagot: Palaka

Bugtong-bugtong,
May ulo'y walang buhok, may tiyan walang pusod.

12. Alin itlog ang may buntot?
Sagot: Lisa

13. Dala-dala mo siya pero kinakain ka niya.
Sagot: Kuto

14. Yao’t dito, roo’y mula, laging ang ginagawa’y magtago at mamulaga sa matatanda at sa bata.
Sagot: Unggoy

15. Kung kailan tahimik saka nambubuwisit.
Sagot: Lamok

16. Hindi naman platero, hindi naman panday, lapat ang buhay.
Sagot: Talaba

17. Tungkod ni Kapitana, hindi mahawakan.
Sagot: Ahas

18. Kinain ko ang isa, ang itinapon ko ay dalawa.
Sagot: Talaba

19. Bata pa si Nene marunong nang manahi.
Sagot: Gagamba

20. Nang kainin ay patay, nang iluwa’y buhay.
Sagot: Bulate

21. Alin sa mga ibon ang di nakadadapo sa kahoy?
Sagot: Pugo

22. Mataas kung nakaupo, mababa kung nakatayo.
Sagot: Aso

Bugtong-bugtong,
Mataas kung nakaupo, mababa kung nakatayo.

23. Bagama’t maliit, marunong nang umawit.
Sagot: Kuliglig

24. Kahit hindi tayo magkaano-ano, ang gatas ng anak ko ay gatas din ng anak mo.
Sagot: Baka

25. Ibon kong saan man makarating, makababalik kung saan nanggaling.
Sagot: Kalapati

26. Dala mo’t sunong, ikaw rin ang baon.
Sagot: Kuto

27. Ang abot ng paa ko’y abot rin ng ilong ko. Anong hayop ako?
Sagot: Elepante

28. Kung manahi ‘y nagbabaging at sa gitna’y tumitigil.
Sagot: Gagamba

29. Kulisap na lilipad-lipad, sa ningas ng liwanag ay isang pangahas.
Sagot: Gamu-gamo

30. Isang uod na puro balahibo, kapag nadikit sa iyo ang ulo ay tiyak mangangati ang balat mo.
Sagot: Higad / Tilas

31. Isda ko sa tabang pag nasa lupa ay gumagapang.
Sagot: Hito

32. Ang lokong si Hudas, dila ang pinanggagapang.
Sagot: Suso (Snail)

33. Heto na si Buboy, bubulong-bulong.
Sagot: Bubuyog

Bugtong-bugtong,
Heto na si Buboy, bubulong-bulong.

34. Isdang parang ahas, sa karagatan pumapagaspas.
Sagot: Igat

35. Bato na ang tawag ko, bato pa rin ang tawag mo, turan mo kung ano.
Sagot: Batu-bato

36. Ibon kong kay daldal, ginagaya lang ang inuusal.
Sagot: Loro

37. Hakot dito, hakot doon, kahit maliit ay ipon ng ipon.
Sagot: Langgam

38. Pag munti’y may buntot, paglaki ay punggok.
Sagot: Palaka

39. Kahoy ko sa Marigundong, sumasanga’y walang dahon.
Sagot: Sungay ng Usa

40. Hindi pari, hindi hari, nagdadamit ng sari-sari.
Sagot: Paruparo

41. Aling bagay sa mundo, ang inilalakad ay ulo?
Sagot: Suso (Snail)

42. Usbong ng usbong, hindi naman nagdadahon.
Sagot: Sungay ng Usa

43. Isang bahay na bato, ang takip ay bilao.
Sagot: Suso

44. Narito na si Katoto, may dala-dalang kubo.
Sagot: Pagong

Bugtong-bugtong,
Narito na si Katoto, may dala-dalang kubo.

45. Di man isda, di man itik; nakahuhuni kung ibig.
Sagot: Palaka

46. Heto na si Mang Topak, kokak ng kokak.
Sagot: Palaka

47. Matanda na ang nuno di pa naliligo.
Sagot: Pusa

48. Kaaway ni Bantay, may siyam na buhay.
Sagot: Pusa

49. Nakapaglalakad at nakalilipad. Kung minsa’y parang estatwang panatag. Negrung-negro sa kaitiman. Pakpak ay may kakintaban.
Sagot: Salagubang

50. Kawayang pinasakan ng basahan
Nagniningning sa kaliwanagan.
Sagot: Sulo

51. Bugtong kalibugtong,
Nagsasanga’y walang dahon.
Sagot: Sungay ng Usa

52. Kinain nang kinain
Nang bilangin ay husto pa rin.
Sagot: Suso

53. Isang bahay na bato
Ginagataan ng lola ko.
Sagot: Suso (Snail)

54. Hindi platero,hindi kusinero,
nagbibili ng pagkain o perlas na maningning.
Sagot: Talaba

55. Bahay ni Ka Huli, haligi’y bali-bali. Ang bubong ay kawali.
Sagot: Alimango

Bugtong-bugtong,
Bahay ni Ka Huli, haligi'y bali-bali. Ang bubong ay kawali.

56. Damit niya ay dilaw na may mga bandang itim ang kulay,
Pangil ay nanggigigil mga kuko ay sisikil.
Sagot: Tigre

57. Malakas at mabikas na sigaw ng tandang sa madaling araw.
Sagot: Tilaok

58. Aling insektong lumilipad,
Pakpak ay laging nakabukadkad?
Sagot: Tutubi

59. Alin kayang insekto ang malaki ang mata kaysa ulo?
Sagot: Tutubi

60. Dalawang ibong inutusan nang humupa ang bagyo’t ulan,
Lumipad sa kapaligiran, si Noah ay binalitaan.
Sagot: Kalapati at Uwak

61. Aling hayop sa mundo,
Lumalakad ay walang buto?
Sagot: Uod

62. Manok kong itim,
Nang putulan ng dila,
Saka pa nagsalita.
Sagot: Ibong martines

63. Gumabi man o umaraw,
Walang tigil sa galawan,
Pinapanhik bawat bahay
Pagkain ang sinasalakay.
Sagot: Langgam

64. Nang maliit ay sirkero,
Nang lumaki ay musikero.
Sagot: Palaka

65. Isang hayop na maliit,
Dumudumi ng sinulid?
Sagot: Gagamba

66. Baston ng Kapitan, hindi mahawakan.
Sagot: Ahas

Bugtong-bugtong,
Baston ng Kapitan, hindi mahawakan.

67. Isang alwaging masipag,
Gumagawa’y walang itak.
Sagot: Gagamba

68. Aling hayop sa mundo,
Ang labi ay buto?
Sagot: Ibon

Mga Bugtong Tungkol sa Katawan

1. Dalawang magkaibigan mahilig mag-unahan.
Sagot: Dalawang Paa

2. Tubig na pinagpala walang makakuha kundi munting bata.
Sagot: Gatas ng Ina

3. Tatal na munti panggamot sa kati.
Sagot: Kuko

4. Limang magkakapatid laging kabit-kabit.
Sagot: Daliri

5. Isang balong malalim puno ng patalim.
Sagot: Bibig

6. Limang magkakapatid, iisa and dibdib.
Sagot: Kamay

7. Aling bahagi ng katawan ang di naaabot ng kanang kamay?
Sagot: Kanang Siko

8. Dahon ng pindapinda magsinlapad ang dalawa.
Sagot: Tenga

9. Isang bakud-bakuran sari-sari ang nagdaan.
Sagot: Ngipin

10. Isang bundok hindi makita ang tuktok.
Sagot: Noo

11. Aling parte ng katawan ang di nababasa?
Sagot: Utak

12. Dalawang batong itim, malayo ang nararating.
Sagot: Mga mata

13. Heto na ang magkapatid, nag-uunahang pumanhik.
Sagot: Mga paa

14. Nakatago na, nababasa pa.
Sagot: Dila

Bugtong-bugtong,
Nakatago na, nababasa pa.

15. Anong bunga ang malayo sa sanga?
Sagot: Bungang-araw

16. Natawa ang nagbigay nagalit ang pinagbigyan.
Sagot: Utot

17. Dalawang balon hindi malingon.
Sagot: Tenga

18. Dalawang batong maitim, malayo ang nararating.
Sagot: Mata

19. Munting bundok, hindi madampot.
Sagot: Tae

20. Dalawang tindahan, sabay na binubuksan.
Sagot: Mata

21. Isang bayabas, pito ang butas.
Sagot: Mukha

22. Halamang di nalalanta kahit natabas na.
Sagot: Buhok

23. Dalawang magkaibigan, nasa likod ang mga tiyan.
Sagot: Binti

24. Batong marmol na buto, binalot ng gramatiko.
Sagot: Ngipin

25. Dalawang punsu-punsuhan, ang laman ay kaligtasan.
Sagot: Suso ng Ina

26. Kay lapit-lapit na sa mata, di mo pa rin makita.
Sagot: Tenga

27. Dalawang libing, laging may hangin.
Sagot: Ilong

28. Dalawang bolang sinulid abot hanggang langit.
Sagot: Mata

Bugtong-bugtong,
Dalawang bolang sinulid abot hanggang langit.

29. Maliliit na sugat sa bibig
Dahil sa tag-init at di sa taglamig.
Sagot: Singaw

30. Bahay ni Kaka, hindi matingala.
Sagot: Noo

31. Mayroon akong gatang, hindi ko matingnan.
Sagot: Leeg

32. Limang magkakapatid, tigi-tig-isa ng silid.
Sagot: Kuko

33. Sa silong naglalagi, basa pa ring lagi.
Sagot: Dila

34. Napapaligiran na ng bakod, ito pa rin ay labas masok.
Sagot: Dila

35. Putol ka nang putol, hindi naman malipol.
Sagot: Buhok

36. May dalawang magkaibigan, nagpunta sa aming bayan, ang likod ay nasa harapan, ang tiyan ay nasa likuran.
Sagot: Binti

37. Ang sariwa’y tatlo na, ang maitim ay maputi na, ang bakod ay lagas na.
Sagot: Matanda

38. Pag-aari mo, dala-dala mo, Pero madalas gamitin ng iba kaysa sa iyo.
Sagot: Pangalan

39. Maaari mong makita ako sa tubig, ngunit hindi ako basa.
Sagot: Panganganinag o reflection

40. Ito ay duming dapat tanggalin
Sa maruming tenga’y kailangang suriin.
Sagot: Tutuli

41. Isda ko sa upak,
Nagtatatalak.
Sagot: Dila

42. Hawakan mo’t naririto, hanapin mo’t wala ito.
Sagot: Tenga

Bugtong-bugtong,
Hawakan mo't naririto, hanapin mo't wala ito.

Mga Bugtong Tungkol sa Gulay

1. Bahay ng anluwagi, Iisa ang haligi.
Sagot: Kabute

2. Maganda kong senyorita, susun-suson ang saya.
Sagot: Puso ng saging

3. Baboy sa kaingin, natapo’y walang pagkain.
Sagot: Kalabasa

4. Ulan nang ulan, hindi pa rin mabasa ang tiyan.
Sagot: Dahon ng gabi

5. Baboy ko sa parang, namumula sa tapang.
Sagot: Sili

6. Munting tampipi, puno ng salapi.
Sagot: Sili

7. Nang munti pa ay paruparo, nang lumaki ay latigo.
Sagot: Sitaw

8. Nang sumipot sa maliwanag, kulubot na ang balat.
Sagot: Ampalaya

9. Puno ko sa probinsya, puno’t dulo ay mga bunga.
Sagot: Puno ng Kamyas

10. Isda ko sa Maribeles, Nasa loob ang kaliskis.
Sagot: Sili

Bugtong-bugtong,
Isda ko sa Maribeles, Nasa loob ang kaliskis.

11. Gulay na granate ang kulay, matigas pa sa binti ni Aruray, pag nilaga ay lantang katuray.
Sagot: Talong

12. Habang aking hinihiwa, ako ay pinaluluha.
Sagot: Sibuyas

13. Ikaw na humihiwa-hiwa ay siya pang lumuluha.
Sagot: Sibuyas

14. Kangkong, reyna kangkong,
Matulis ang dahon ang bunga ay dupong.
Sagot: Talong

15. Gulay na may arte ang porma, berdeng buhok tinirintas sa umaga.
Sagot: Sigarilyas

16. Nang maliit ay paruparo
Nang lumaki ay panali mo.
Sagot: Sitaw

17. Baboy ko sa parang, namumula sa tapang.
Sagot: Sili

18. Nakabaging na gulay
Karaniwang berde ang kulay
Bibitin-bitin sa halamanan
Pantali sa sapatos ni Belay.
Sagot: Sitaw

19. Paruparo noong maliit pa
Bulate nang tumanda na.
Sagot: Sitaw

20. Ang anak ay nakaupo na, ang ina’y gumagapang pa.
Sagot: Kalabasa

Bugtong-bugtong,
Ang anak ay nakaupo na, ang ina'y gumagapang pa.

21. Nang ihulog ko’y buto,
Nang hanguin ko’y malaking trumpo
Sagot: Singkamas

22. Paruparo nang bata,
Naging ahas nang tumanda.
Sagot: Sitaw

23. Pwedeng gulay na nakabitin
Pantali sa sapatos ni Pipin.
Sagot: Sitaw

24. Gulay na granate ang kulay
Matigas pa sa binti ni Aruray
Pag nilaga ay lantang katuray.
Sagot: Talong

25. Munggo ito na ipinunla sa taniman
Naging puno itong walang dahong malalabay.
Sagot: Toge

26. Mapait na bahagi ito
Sa kamoteng kinakain mo.
Sagot: Ulalo

27. Pamalo ni Mang Selo
Mula paa hanggang ulo
Nailuluto mo rin ito.
Sagot: Upo

28. Sisidlan ni Mang Bastian
Nangingintab sa kabuuan
Kulay niya ay luntian
Sa balag ay nagtatabaan.
Sagot: Upo

29. Pagsipot pa lang sa maliwanag,
kulubot na ang balat.
Sagot: Ampalaya

30. Katawan nito’y hinihiwa-hiwa kaya ikaw ay lumuluha.
Sagot: Sibuyas

Bugtong-bugtong,
Katawan nito'y hinihiwa-hiwa kaya ikaw ay lumuluha.

31. Mapa-tubig, mapa-lupa
Ang dahon ay laging sariwa.
Sagot: Kangkong

Mga Bugtong Tungkol sa Prutas

1. Hugis-puso, kulay ginto, anong sarap kung kagatin, malinamnam kung kainin.
Sagot: Mangga

2. Bahay ni Margarita, naliligid ng Sandata.
Sagot: Pinya

3. Kampanilya ni Kaka, laging mapula ang mukha.
Sagot: Makopa

4. Isang tabo, laman ay pako.
Sagot: Suha

5. Kung tawagin nila’y santo hindi naman milagroso.
Sagot: Santol

6. Nakatalikod na ang prinsesa, ang mukha’y nakaharap pa.
Sagot: Balimbing

7. Tatlong bundok ang tinibag, bago narating ang dagat.
Sagot: Niyog

8. Hindi Linggo, hindi piyesta, naglawit ang bandera.
Sagot: Dahon ng Saging

9. Bulaklak muna ang dapat gawin, bago mo ito kanin.
Sagot: Saging

Bugtong-bugtong,
Bulaklak muna ang dapat gawin, bago mo ito kanin.

10. Wala pa ang giyera, wagayway na ang bandera.
Sagot: Dahon ng Saging

11. Nang maglihi’y namatay, nang manganak ay nabuhay.
Sagot: Puno ng Siniguelas

12. Sinampal ko muna bago inalok.
Sagot: Sampalok

13. Magkapatid na prinsesa, lahat nama’y pawang negra.
Sagot: Duhat

14. Kumpul-kumpol na uling, hayon at bibitin-bitin.
Sagot: Duhat

15. Maasim talaga ang kanyang bunga, may sampal na kasama mula sa ada.
Sagot: Sampalok

16. Nakabaluktot na daliri sa sanga ay mauuri.
Sagot: Sampalok

17. Gulay na kay tamis,
Maputi ang kutis.
Sagot: Singkamas

18. Nanganak ang aswang, sa tuktok nagdaan.
Sagot: Puno ng saging

Bugtong-bugtong,
Nanganak ang aswang, sa tuktok nagdaan.

19. Matamis na gulay
Puting-puti ang kulay
Sa lupa pa hinuhukay.
Sagot: Singkamas

20. Nang ihulog ay buto,
Nang hanguin ay trumpo.
Sagot: Singkamas

21. Namunga na ngang talaga,
Bakit nakakalbo pa?
Sagot: Sinigwelas

22. Balat ay berde, buto’y itim, laman ay pula,
Turingan mo kung ano siya.
Sagot: Pakwan

23. Puno’y bumbong, sanga’y ahas,
Bunga’y gatang, lama’y bigas.
Sagot: Papaya

24. Nanganak ang aswang, sa tuktok dumaan.
Sagot: Puno ng saging

25. Tabla magkabila,
Alulod sa gitna.
Sagot: Dahon ng saging

26. Bahay ng hari, lipos ng tari.
Sagot: Suha

27. Isang pamalo, punung-puno ng ginto.
Sagot: Mais

Bugtong-bugtong,
Isang pamalo, punung-puno ng ginto.

Mga Bugtong Tungkol sa Pagkain

1. Rubing nanggaling sa brilyante, brilyanteng nanggaling sa rubi.
Sagot: Itlog

2. Likidong itim, pangkulay sa lutuin.
Sagot: Toyo

3. Mga isdang nagsisiksikan sa latang kanilang tirahan.
Sagot: Sardinas

4. Maputing parang kanin siya,
Dahon ng saging idinamit sa kanya.
Sagot: Suman

5. Malambot na kalamay na may katamisan
Malinamnam at gawang Kapampangan.
Sagot: Tamales

6. Karaniwang dinikdik itong baka
Na kapag ipinirito ay katakam-takam na.
Sagot: Tapa

7. Pagbali-baliktarin man din, may butas pa rin.
Sagot: Donat

Bugtong-bugtong,
Pagbali-baliktarin man din, may butas pa rin.

8. May binti, walang hita,
May balbas, walang baba,
May matamis, nginunguya.
Sagot: Tubo

9. Pritong saging sa kalan
Lumutong pagkat dinamitan.
Sagot: Turon

10. Sa mantika ay nagpuputukan
Balat ay naglulutungan.
Sagot: Tsitsaron

11. Gatas na inasukalan
Selopeyn ang pinagbalutan.
Sagot: Yema

12. Bayabas ko sa tabing bahay, ang bunga’y walang tangkay.
Sagot: Itlog

13. Maputing-maputing parang Chinita
Pag pinakuluan sa mantika ay namumula.
Sagot: Tokwa

Mga Bugtong Tungkol sa Kalikasan

1. Baka ko sa palupandan, unga’y nakakarating kahit saan.
Sagot: Kulog

2. Dumaan si Negro, nangamatay ang tao.
Sagot: Gabi

3. Hayan na, hayan na, di mo pa makita.
Sagot: Hangin

4. Kumindat ang Sultan, natakot ang bayan.
Sagot: Kidlat

5. Baka ko sa Bataan, abot dito ang unga.
Sagot: Kulog

6. Buhos ng tubig na umaagos sa kaitaasan, tumatalon sa ilog-ilogan.
Sagot: Talon

7. Bibingka ng hari, hindi mo mahati.
Sagot: Tubig

8. Bulak na bibitin-bitin, di puwedeng balutin.
Sagot: Ulap

9. May kabayo akong payat, pinalo ko ng patpat, lumukso ng pitong gubat, naglagos ng pitong dagat.
Sagot: Alon

10. Manok kong pula, inutusan ko ng umaga, nang umuwi ay gabi na.
Sagot: Araw

11. Nang umalis ay lumilipad, nang dumating ay umuusad.
Sagot: Ulan

Bugtong-bugtong,
Nang umalis ay lumilipad,  nang dumating ay umuusad.

12. Ako’y iyak ng iyak,
patuloy ang agos ng luha,
kahit daanan ng tubig ay biyak,
nilabas ko lang ang galit hanggang ito’y maging bula.
Sagot: Ilog

13. Buhay na di kumikibo, patay na di bumabaho.
Sagot: Bato

14. Bumubuka’y walang bibig, ngumingiti ng tahimik.
Sagot: Bulaklak

15. Kaisa-isang plato, kita sa buong mundo.
Sagot: Buwan

16. Bumuka’y walang bibig, ngumingiti nang tahimik.
Sagot: Bulaklak

17. Nang wala pang ginto ay doon nagpalalo, nang magkagintu-ginto ay doon na nga sumuko.
Sagot: Palay

18. Nagtanim ako ng isip sa gitna ng tubig, dahon ay makitid, bunga ay matulis.
Sagot: Palay

19. Kung saan masikip, doon nagsisiksik.
Sagot: Labong ng Kawayan

20. Baka ko sa Maynila, abot dito ang unga.
Sagot: Kulog

21. Lupa, tubig at kalawakan, tirahan ng sangkatauhan.
Sagot: Daigdig

Bugtong-bugtong,
Lupa, tubig at kalawakan, tirahan ng sangkatauhan.

22. Baka ko sa Palawan, unga’y nakakarating kahit saan.
Sagot: Kulog

23. Tinaga ko ang puno, sa dulo nagdurugo.
Sagot: Gumamela

24. Buhok ng pari, hindi mahawi.
Sagot: Tubig

25. Lumalakad nang walang paa, maingay paglapit niya.
Sagot: Alon

26. Nang hinawakan ko ay namatay, nang iniwan ko ay nabuhay.
Sagot: Makahiya

27. Kaisa-isang plato, kita sa buong Mundo.
Sagot: Buwan

28. Kakalat-kalat, natisud-tisod, ngunit kapag tinipon, matibay ang muog.
Sagot: Bato

29. Dalawang katawan, tagusan ang tadyang.
Sagot: Hagdanan

30. Problemang pangkalikasan, naghahatid ng maramihang kamatayan sa hayop man o sa halaman.
Sagot: Salot

31. Mananayaw na puti ang kasuotan, nagpapabulaklak sa manggahan.
Sagot: Siga

32. Nagsabog ako ng binlid, pagka-umaga ay napalis.
Sagot: Bituin

Bugtong-bugtong,
Nagsabog ako ng binlid,  pagka-umaga ay napalis.

33. mikit-dumilat sa kalangitan
Nagbibigay ningning sa kadiliman.
Sagot: Tala

34. Buhos ng tubig na umaagos sa kaitaasan
Tumatalon sa ilug-ilugan.
Sagot: Talon

35. Handog ito ng kalikasan
Luha raw ng kalangitan.
Sagot: Tubig

36. Ito ay napagsasalaminan
Huwag lang kayong maggagalawan.
Sagot: Tubig

37. Kung pagod ka at pawisan
Nanunuyo ang lalamunan
Ito ang kinakailangan.
Sagot: Tubig

38. Baston ni Adan
Hindi mabilang-bilang.
Sagot: Ulan

39. Kristal na buhok ni Adan
Di mabilang-bilang.
Sagot: Ulan

40. Puting baston ni Impo
Di masapu-sapo.
Sagot: Ulan

41. Hindi hayop, hindi hunghang,
Lumuluha ang abutan.
Sagot: Usok

42. Manghahabing batikan,
Tubig ang hanay,
Ang yaring sinamay,
Iba’t ibang kulay.
Sagot: Bahaghari

43. Palda ni Santa Maria, ang kulay ay iba-iba.
Sagot: Bahaghari

Bugtong-bugtong,
Palda ni Santa Maria, ang kulay ay iba-iba.

44. Kung sa ilan ay walang kwenta,
Sa gusali ay mahalaga.
Sagot: Bato

45. Dalawang suklob na pinggan,
Punong-puno ng kayamanan.
Sagot: Langit at lupa

46. Hindi akin, hindi iyo,
Pagmamay-ari ng lahat ng tao.
Sagot: Mundo

47. Kung bayaa’y mabubuhay,
Kung himasin ay mamamatay.
Sagot: Makahiya

48. Nang salat sa yaman saka nagmayabang.
Nang naging mayaman doon nawala ang kapalaran.
Sagot: Palay

49. Sangay-sangay na tubig, kung tawiri’y dapat kapit-bisig.
Sagot: Ilog

50. Buhay pero ‘di tao. May bibig ngunit ‘di naimik. Umaagos nang tahimik.
Sagot: Ilog

51. Mababaw man kung ituring, patutunguhan naman ay malalim.
Sagot: Ilog

52. Ang agos na tuloy-tuloy, kung mabato’y huwag kang lalangoy.
Sagot: Ilog

53. Maraming tubig, kung umagos ay tahimik.
Sagot: Ilog

54. Bulak na bibitin-bitin,
Di pwedeng balutin.
Sagot: Ulap

Bugtong-bugtong,
Bulak na bibitin-bitin, di pwedeng balutin.

55. Ako ay buong araw na umaagos pero kahit kaylan ay hindi napagod ni hindi nakapagpahinga!
Sagot: Ilog

Bugtong Tungkol sa Pag-ibig

1. Bugtong-bugtong, hindi mabitawan kahit may kasalanan.
Sagot: Pag-ibig

Mga Bugtong Tungkol sa Bagay

1. Buto’t-balat, lumilipad.
Sagot: Saranggola

2. Kung gabi ay malapad, kung araw ay matangkad.
Sagot: Banig

3. Dala mo, dala ka, dala ka pa ng iyong dala.
Sagot: Sapatos

4. Kung babayaan mong ako ay mabuhay
Yaong kamataya’y dagli kong kakamtan;
Ngunit kung ako’y pataying paminsan,
Ay lalong lalawig ang ingat kong buhay.
Sagot: Kandila

5. Binili ko nang di nagustuhan, ginamit ko nang di ko nalalaman.
Sagot: Kabaong

6. Nang hatakin ang baging, nagkagulo ang matsing.
Sagot: Kampana ng simbahan

7. Hindi hayop, hindi tao, pumupulupot sa tiyan mo.
Sagot: Sinturon

8. Isang butil ng palay, sakot ang buong buhay.
Sagot: Ilaw

9. Dumaan ang hari, nagkagatan ang mga pari.
Sagot: Zipper

10. Sa umaga ay nagtataboy, sa gabi ay nag-aampon.
Sagot: Bahay

Bugtong-bugtong,
Sa umaga ay nagtataboy, sa gabi ay nag-aampon.

11. Naabot na ng kamay, ipinagawa pa sa tulay.
Sagot: Kubyertos

12. Malaking supot ni Mang Jacob, kung sisidlan ay pataob.
Sagot: Kulambo

13. May bintana nguni’t walang bubungan, may pinto nguni’t walang hagdanan.
Sagot: Kumpisalan

14. Hindi tao, hindi hayop, kung uminom ay salup-salop.
Sagot: Batya

15. Isa ang pasukan, tatlo ang labasan.
Sagot: Kamiseta

16. Nagbibigay na, sinasakal pa.
Sagot: Bote

17. May puno walang bunga, may dahon walang sanga.
Sagot: Sandok

18. Dalawang ibong marikit, nagtitimbangan sa siit.
Sagot: Hikaw

19. Isa ang pinasukan, tatlo ang nilabasan.
Sagot: Kamiseta

20. Isang uhay na palay, sikip sa buong bahay.
Sagot: Lampara

Bugtong-bugtong,
Isang uhay na palay, sikip sa buong bahay.

21. Kadena ay sinabit, sa batok nakakawit.
Sagot: Kwintas

22. Ikinakabit ito sa regalo, isinasabit sa buhok ni Amparito.
Sagot: Laso

23. Ang laylayan ay maikli, patalikwas pa ang lupi.
Sagot: Pantalon

24. Dalawang pinipit na suman, nagmula sa puklo at hindi sa baywang; magingat ka katawan at baka ka mahubaran.
Sagot: Pantalon

25. May dila nga ngunit ayaw namang magsalita. Kambal sila’t laging magkasama ang isa’t isa.
Sagot: Sapatos

26. Ang ngalan ko ay iisa, ang uri ko’y iba-iba, gamit ako ng balana, sa daliri makikita.
Sagot: Singsing

27. Ipinalilok ko at ipinalubid, naghigpitan ng kapit.
Sagot: Sinturon

28. Bumili ako ng alipin, mataas pa sa akin.
Sagot: Sombrero

29. Buka kung hapon, kung umaga ay lulon.
Sagot: Banig

30. Lumakad walang paa, tumatangis walang mata.
Sagot: Bolpen

Bugtong-bugtong,
Lumakad walang paa, tumatangis walang mata.

31. Aling dahon sa mundo, Ang iginagalang ng tao?
Sagot: Watawat

32. Kung gabi ay hinog, sa araw ay hilaw.
Sagot: Bombilya

33. Isang pirasong tela lang ito, sinasaluduhan ng mga sundalo.
Sagot: Watawat

34. Apat katao, iisa ang sombrero.
Sagot: Bahay

35. Hindi hayop, hindi tao, kung ituring ay kabayo.
Sagot: Kabayong plantsahan

36. Kabaong na walang takip, sasakyang nasa tubig.
Sagot: Bangka

37. Isang biyas na kawayan, maraming lamang kayamanan.
Sagot: Alkansiya

38. Baboy ko sa Bukidnon, kung hindi sakya’y hindi lalamon.
Sagot: Kudkuran ng niyog

39. Dumaan si Tarzan, bumuka ang daan.
Sagot: Zipper

40. May apat na binti ngunit hindi makalakad.
Sagot: Lamesa

Bugtong-bugtong,
May apat na binti ngunit hindi makalakad.

41. Dumaan ang hari, nagkagatan ang mga pari.
Sagot: Zipper

42. Ang mabuting litrato, kuhang-kuha sa mukha mo.
Sagot: Salamin

43. Kung gabi’y si Sarasta; kung araw ay si Bukasta.
Sagot: Bintana

44. Kayraming nakahiga, iilan lamang ang abot sa lupa.
Sagot: Bakod

45. May ulo’y walang tiyan, may leeg walang baywang.
Sagot: Palito sa posporo

46. Maliit na bahay, puno ng mga patay.
Sagot: Posporo

47. Isang tingting na matigas, nang ikiskis ay namulaklak.
Sagot: Posporo

48. Ang ibabaw ay tawiran, ang ilalim ay lusutan.
Sagot: Tulay

49. Kundi sa bibig ko ay nagutom ang barbero.
Sagot: Gunting

50. Wala sa langit, wala sa lupa, kung tumakbo ay patihaya.
Sagot: Bangka

Bugtong-bugtong,
Wala sa langit, wala sa lupa, kung tumakbo ay patihaya.

51. Dalawang patpat, sabay lumapat.
Sagot: Gunting

52. Dalawang magkaibigan, magkadikit ang baywang; kapag silay’y nag papasyal, nahahawi ang daanan.
Sagot: Gunting

53. Nakatindig walang paa, may tiya’y walang bituka.
Sagot: Baso

54. Binili kong mahal, Isinabit ko lamang.
Sagot: Hikaw

55. Ang ulo’y nalalaga ang katawa’y pagala-gala.
Sagot: Sandok

56. Nagtago si Pedro, nakalabas ang ulo.
Sagot: Pako

57. Walang sala ay ginapos, tinapakan pagkatapos.
Sagot: Sapatos

58. Huminto nang pawalan, lumakad nang talian.
Sagot: Sapatos

59. Alipin ng hari, hindi makalakad kung hindi itali.
Sagot: Sapatos

60. Kung kailan ko pa pinatay ay saka nagtagal ang buhay.
Sagot: Kandila

Bugtong-bugtong,
Kung kailan ko pa pinatay ay saka nagtagal ang buhay.

61. Kaban ng aking liham, may tagpi ang ibabaw.
Sagot: Sobre

62. Utusan kong walang paa’t bibig, sa lihim ko’y siyang naghahatid, pag-inutusa’y di na babalik.
Sagot: Sobre

63. Walang paa, lumalakad, walang bibig, nangungusap, walang hindi hinaharap na may dala-dalang sulat.
Sagot: Sobre

64. Dikin ng hari, palamuti sa daliri.
Sagot: Singsing

65. Hiyas akong mabilog, sa daliri isinusuot.
Sagot: Singsing

66. Malambot na parang ulap, kasama ko sa pangangarap.
Sagot: Unan

67. Isang malaking suman, sandalan at himlayan.
Sagot: Unan

68. Ako’y aklat ng panahon, binabago taun-taon.
Sagot: Kalendaryo

69. Nagbibihis araw-araw, nag-iiba ng pangalan.
Sagot: Kalendaryo

70. Sa maling kalabit, may buhay na kapalit.
Sagot: Baril

Bugtong-bugtong,
Sa maling kalabit, may buhay na kapalit.

71. Halaman ng dunong, walang dilig maghapon, araw-araw kung bilangin isang taon kung tapusin.
Sagot: Kalendaryo

72. Maraming paa, walang kamay, may pamigkis sa baywang ang ulo’y parang tagayan, alagad ng kalinisan.
Sagot: Walis

73. Alalay kong bilugan, puro tubig ang tiyan.
Sagot: Batya

74. Hindi hayop hindi tao, nagsusuot ng sumbrero.
Sagot: Sabitan ng Sombrero

75. Panakip sa nakabotelya, yari lata.
Sagot: Tansan

76. Lumuluha walang mata, lumalakad walang paa.
Sagot: Pluma o Pen

77. Maliit na parang sibat, sandata ng mga pantas.
Sagot: Pluma o Pen

78. Sandata ng mga paham, papel lamang ang hasaan.
Sagot: Pluma o Pen

79. Hindi ako sikat na pilosopo, tulad ng henyong kapangalan ko, pero mahal din ako ng tao, dahil kinakainan ako.
Sagot: Plato

80. Sa buhatan ay may silbi, sa igiban ay walang sinabi.
Sagot: Bayong o basket

Bugtong-bugtong,
Sa buhatan ay may silbi, sa igiban ay walang sinabi.

81. Hindi tao, hindi hayop, kung uminom ay salup-salop.
Sagot: Batya

82. Bahay ni Mang Kulas, nang magiba’y tumaas.
Sagot: Payong

83. Sa bahay ko isinuksok, sa gubat ko binunot.
Sagot: Itak o Gulok

84. Kalesa ko sa Infanta, takbo nang takbo pero nakaparada.
Sagot: Silyang tumba-tumba

85. Takbo roon, takbo rito, hindi makaalis sa tayong ito.
Sagot: Duyan

86. Banga ng pari, pauli-uli.
Sagot: Duyan

87. May bibig walang panga, may tiyan walang bituka; may suso walang gatas, may puwit walang butas.
Sagot: Bayong

88. Gawa ito sa kinayas na kawayan, lalagyan ng santol, mangga at pakwan.
Sagot: Tiklis

89. Butasi, butasi, butas din ang tinagpi.
Sagot: Lambat

90. Pinilit na mabili, saka ipinambigti.
Sagot: Kurbata

Bugtong-bugtong,
Pinilit na mabili, saka ipinambigti.

91. Walang hininga ay may buhay, walang paa ay may kamay, mabilog na parang buwan, ang mukha’y may bilang.
Sagot: Orasan

92. Sinakal ko muna, bago ko nilagari.
Sagot: Biyulin (Violin)

93. Aso ko sa Muralyon, lumukso ng pitong balon.
Sagot: Sungkaan

94. Lumalalim kung bawasan, bumababaw kung dagdagan.
Sagot: Tapayan

95. Buklod na tinampukan, saksi ng pag-iibigan.
Sagot: Singsing

96. Instrumentong pangharana, hugis nito ay katawan ng dalaga.
Sagot: Gitara

97. Isang panyong parisukat, kung buksa’y nakakausap.
Sagot: Sulat

98. Pitong bundok, pitong lubak, tig-pitong anak.
Sagot: Sungkaan

99. Aso ko sa muralyon, lumukso ng pitong balon.
Sagot: Sungkaan

100. Binatak ko ang isa, tatlo pa ang sumama.
Sagot: Panyo

Bugtong-bugtong,
Binatak ko ang isa, tatlo pa ang sumama.

101. Baboy ko sa Sorsogon, kung di sakyan, di lalamon.
Sagot: Kudkuran

102. Sundalong Amerikano, nakatayo sa kanto.
Sagot: Poste

103. Sapagkat lahat na ay nakahihipo; walang kasindumi’t walang kasimbaho; bakit mahal nati’t ipinakatatago.
Sagot: Salapi o Pera

104. Tatlong hukom, kung wala ang isa’y hindi makakahatol.
Sagot: Apog, ikmo at bunga

105. Tinuktok ko ang bangka, naglapitan ang mga isda.
Sagot: Kampana

106. Bahay ni San Vicente, punung-puno ng diyamante.
Sagot: Granada

107. Pampalapot sa sarsa, almirol sa kamiseta.
Sagot: Gawgaw

108. Isang lupa-lupaan sa dulo ng kawayan.
Sagot: Sigarilyo

109. Kung sa isda, ito ay dagat, kung sa ibon, ito’y pugad, lungga naman kung ahas, kung sa tao, ano ang tawag?
Sagot: Bahay

110. Maliit at malaki, iisa ang sinasabi.
Sagot: Relo

Bugtong-bugtong,
Maliit at malaki, iisa ang sinasabi.

111. Puno ay layu-layo, dulo’y tagpu-tagpo.
Sagot: Bahay

112. Tungkod ni apo hindi mahipo.
Sagot: Ningas ng kandila

113. Uka na ang tiyan, malakas pang sumigaw.
Sagot: Batingaw

114. Lupa ni Mang Juan, kung sinu-sino ang dumadaan.
Sagot: Kalsada

115. Bahay ko sa Pandakan, malapad ang harapan.
Sagot: Pantalan

116. Alin sa mga santa ang apat ang paa?
Sagot: Mesa

117. Korteng bunduk-bundukan. Itinataklob sa ulo ninuman upang di mainitan o mabasa ng ulan.
Sagot: Salakot

118. Maliit na bunduk-bundukan, parang payong sa kalawakan. Gamit-gamit sa tag-ulan.
Sagot: Salakot

119. Hindi donat na kinakain pero may butas din. Sa eroplano at barko ay mahalaga lalo na at may aberya.
Sagot: Salbabida

120. Bagama’t nakatakip ay naisisilip
Sagot: Salamin sa mata

Bugtong-bugtong,
Bagama't nakatakip ay naisisilip

121. Munting siit na bumaon sa daliri ni Corazon.
Sagot: Salubsob

122. Sinamba ko muna bago ko nililo.
Sagot: Sambalilo

123. Gamit itong tadtaran upang mapaliit ang may kalakihan. Kahoy itong may kakapalan, gamit sa lutuan.
Sagot: Sangkalan

124. Kaunting panukat at makina ay kailangan niya upang may maisuot ang iyong ama.
Sagot: Sastre

125. Kapag bago ay mahina, matibay kapag naluma.
Sagot: Semento

126. Panlinis din ito, iginigilgil sa ngipin mo.
Sagot: Sepilyo

127. Matulis na instrumento umasinta at pakawalan mo.
Sagot: Sibat

128. Malakas na panawag ko, hihinto ka pag hinipan ni Kabo.
Sagot: Silbato

129. Nasa komedor at sala,
Nasasandalan at napagpapahingahan,
Gamit mo kung nagmamakinilya
O nagsusulat ka sa mesa.
Sagot: Silya

130. Binatak ko ang baging, bumuka ang tikin.
Sagot: Payong

Bugtong-bugtong,
Binatak ko ang baging, bumuka ang tikin.

131. Dalawang solidong bilog sa daliri,
Tinutuhog at simbolo ng pag-irog.
Sagot: Singsing

132. Nakikita sa sampayan,
Damit ay kinakapitan.
Sagot: Sipit

133. Paa ang ginagamit sa laruan,
Yantok ang bola-bolahan.
Sagot: Sipa

134. Itinatago dito ang mga kaisipan
Na ipinarating sa kinaukulan.
Sagot: Sobre

135. Lalagyan ng kaisipan,
Tumatawid sa karagatan.
Sagot: Sobre

136. Pera dito’y inilalagay, pakimkim na ibinibigay.
Sagot: Sobre

137. Tagapaghatid ng mga kaisipan
Karaniwang puti ang kasuotan.
Sagot: Sobre

138. Mga salitang dapat maunawaan,
Di dapat iparinig kaninuman,
Kaya mata lang ang dapat gumalaw.
Sagot: Sulat

139. Nang isuot mo ito, araw ay natalo.
Sagot: Sumbrero

140. Urong-sulong, panay ang lamon, urung-sulong, lumalamon.
Sagot: Lagare

Bugtong-bugtong,
Urong-sulong, panay ang lamon, urung-sulong, lumalamon.

141. Laro ito na paramihan,
Ng mga sigay na naglalakaran,
Pinamamasyal sa lungga-lunggaan,
Bago magpunta sa kwebang tahanan.
Sagot: Sungkaan

142. Pinagbigyan mo lang na isuot ito,
Nagmataas pa sa iyo.
Sagot: Sombrero

143. Karaniwang ang bala nito ay munggo,
Pag hinipan ay tatama sa iyo.
Sagot: Sumpit

144. Bahay niya ay pitong labak,
Pitu-pito rin ang anak.
Sagot: Sungkaan

145. Pitong ilog nilalangoy
Ng pitu-pito ring anak na iniirog.
Sagot: Sungkaan

146. Pitong bundok, pitong lubak,
Tigpipitong anak.
Sagot: Sungkaan

147. Sinusuotang pitong lungga,
Ng pitu-pito ring daga.
Sagot: Sungkaan

148. Mahabang kahoy na may ekis sa dulo,
Nagbibigay ng prutas sa tao.
Sagot: Sungkit

149. Sundalong bakal, kabukiran ay pinapatag,
Hinihiwalay nito mga batong nakalatag.
Sagot: Suyod

150. Ang alaga kong hugis bilog, barya-barya ang laman-loob.
Sagot: Alkansiya

Bugtong-bugtong,
Ang alaga kong hugis bilog, barya-barya ang laman-loob.

151. Sundalong patpat,
Insekto sa ulo ay pinupuksang ganap.
Sagot: Suyod

152. Kunin mo ang buntot ko at sisisid ako.
Sagot: Tabo na may tangkay

153. Kutsara, kahon o lata,
Tagasukat kung ang dami ay tama na.
Sagot: Takalan

154. Tiket sa sinehan sa kaniya kinukuha
Kailangang magbayad at pumila ka.
Sagot: Takilyera

155. Ibinibihis sa mga aklat ng kabataan
Upang di marumihan.
Sagot: Takip

156. Depende dito na iyong tuntungan
Ang iyong katangkaran.
Sagot: Takong

157. Sasakyan itong magdadala sa iyo
Saan mo man gustong magtungo
Apat ang pasahero nito
May metro ng oras dito.
Sagot: Taksi

158. Ospital ng mga sasakyan
Kung may sakit ay nilulunasan.
Sagot: Talyer

159. Bugtong-bugtong, magkakadugtong.
Sagot: Tanikala

160. Isang hukbong sundalo, dikit-dikit ang mga ulo.
Sagot: Walis

Bugtong-bugtong,
Isang hukbong sundalo, dikit-dikit ang mga ulo.

161. Panakip ito sa inuming nakabotelya, yari ito sa bilog na lata.
Sagot: Tansan

162. Lumalalim kung bawasan,
Bumababaw kung dagdagan.
Sagot: Tapayan

163. Lalagyan ng sopas na masarap,
Paghigop ng sabaw iyong malalasap.
Sagot: Tasa / Mangkok

164. Nangyari doon sa malayong lupalop,
Nasasaksihan dito kahit sa isang sulok.
Sagot: Telebisyon

165. Pangyayaring nasasaksihan
Mapapahinto sa isang pindot lamang.
Sagot: Telebisyon

166. Pangyayari sa sandaigdigan
Nakikita sa loob ng tahanan.
Sagot: Telebisyon

167. Usapan ng mga taong natatanaw,
Nalalakasan o nahihinaan,
Sa isang pindot lamang.
Sagot: Telebisyon

168. Ang distansiya’y dagat na malawak,
Sa mahabang kawad lang ay makapag-uusap.
Sagot: Telepono

169. Kapag itinaas ay nagpapalakpakan,
Kapag ibinaba ay nag-uuwian.
Sagot: Telon

170. Araw-araw nabubuhay, taon-taon namamatay.
Sagot: Kalendaryo

Bugtong-bugtong,
Araw-araw nabubuhay, taon-taon namamatay.

171. Panundot mo sa pagkain,
Kaliwang kamay mo ay kakaibiganin.
Sagot: Tinidor

172. Iniinom ito ng pluma,
Upang ang sulat ay mapaganda.
Sagot: Tinta

173. Nakapananakit itong sandata
Gawa lamang sa sanga, balat at goma.
Sagot: Tirador

174. Batong pang-arkitekturang may kalamigan,
Maaring gawing dingding ng tahanan.
Sagot: Tisa

175. Matotorete ka sa kataasan,
Makikita mo na rito ang malayong kapaligiran.
Sagot: Tore

176. Maingay ang paligid kung ito’y hihipan,
Bagong taon na nga para sa kabataan.
Sagot: Torotot

177. Damit na pangkasal, puting-puti ang kulay.
Sagot: Trahe

178. Higanteng sasakyang isa lang ang laman
Binubungkal nito ang anumang maraanan.
Sagot: Traktora

179. Sasakyan itong may gulong na tatlo
Ang nagpapaandar dito ay padyak o krudo.
Sagot: Traysikel

180. Itapon mo kahit saan, babalik sa pinanggalingan.
Sagot: Yoyo

Bugtong-bugtong,
Itapon mo kahit saan, babalik sa pinanggalingan.

181. Bakal na dugtung-dugtong
Tumatakbo dito at doon.
Sagot: Tren

182. Bakal na magkakadugtong
Naglilibot sa buong Luzon.
Sagot: Tren

183. Bugtong pala bugtong,
Tanikalang umuugong.
Sagot: Tren

184. Dugtong-dugtong, kabit-kabit
Sasakyang pagkabilis-bilis.
Sagot: Tren

185. Akin munang tinalian
Bago inihagis sa daan
Hayun at pasayaw-sayaw.
Sagot: Trumpo

186. Binigkis ko nang binigkis
Bago ko inihagis.
Sagot: Trumpo

187. Hinila ko ang baging
Nag-iikot ang matsing.
Sagot: Trumpo

188. Nang hawakan ko ay patay,
Nang itapon ko ay nabuhay.
Sagot: Trumpo

189. Ulung-ulo at paa lamang
Paikut-ikot sa sayawan.
Sagot: Trumpo

190. Lumabas, pumasok, dala-dala ay panggapos.
Sagot: Karayom

Bugtong-bugtong,
Lumabas, pumasok, dala-dala ay panggapos.

191. Daanan ng tubig sa ilalim ng lupa,
Kung mabubutas ito lagot ka sa mikrobyo.
Sagot: Tubo

192. Tagapaghatid ng inuming tubig
Bakal na lalagyang kaibig-ibig.
Sagot: Tubo

193. Daang nagpapaikli sa lalakbayin mo
Maaaring gawa sa kahoy, bakal o bato.
Sagot: Tulay

194. Kalesa ko si Infanta
Takbo nang takbo pero nakapara.
Sagot: Tumba-tumba

195. Bulak ng mga pangarap,
Lagi nang kayakap-yakap.
Sagot: Unan

196. Kung araw ay patung-patong,
Kung gabi ay dugtung-dugtong.
Sagot: Unan

197. Saging ko sa Binangonan,
Magdamag kong tinulugan.
Sagot: Unan

198. Kapag nag-iisa ay tamad,
kapag-marami ay masipag.
Sagot: Walis

199. Maliit na tela sa kalawakan
Inaawitan ng mga mamamayan.
Sagot: Watawat

200. May paa’y walang baywang, may likod walang tiyan.
Sagot: Silya

Bugtong-bugtong,
May paa'y walang baywang, may likod walang tiyan.

201. Sumbrero ang panakip natin sa ulo
Ito naman ang panaklob sa bahay ni lolo.
Sagot: Yero

202. Karaniwang ito ay mestizo
Nauubos sa kasusulat ng maestro.
Sagot: Yeso

203. Itapon mo kahit saan,
Babalik sa pinanggalingan.
Sagot: Yoyo

204. Lumangoy lang si Kana,
Naghiwalay na ang sapa.
Sagot: Zipper

205. Nagbaging lang si Tarsan,
Nahati na ang lansangan.
Sagot: Zipper

206. Nang maliit ay mestiso,
Nang lumaki ay negro.
Sagot: Sigarilyo

207. May dahon ay di halaman,
Maraming mukha’y walang buhay,
Ang laman ay karunungan.
Sagot: Aklat

208. Malaki kung bata,
Lumiliit pag tumanda,
Dahil sa kakahasa.
Sagot: Gulok

209. Tulisang kambal,
May talim na taglay,
Matagal nagkakagatan,
Di pa nagkakasakitan.
Sagot: Gunting

210. Malaking tahanan, hindi tinitirhan.
Sagot: Simbahan

Bugtong-bugtong,
Malaking tahanan, hindi tinitirhan.

211. Ang puno’y nasa gubat,
Ang katawa’y nasa dagat.
Sagot: Bangka

212. Isang silong tanikala,
Sa leeg iniakma;
Ang magsuot diwata,
Gumaganda’t gumagara.
Sagot: Kuwintas

213. Hindi tao, hindi hayop,
May katawan, walang paa,
May ilong walang mukha.
May tainga walang ulo.
Sagot: Martilyo

214. Pinawalan ang bibig,
Pinagkuskusan ang puwit.
Sagot: Plantsa

215. Mapagabi, mapaaraw,
Walang tigil sa pagdaldal,
Ngunit kapag nakainisan,
Atin itong pinapatay.
Sagot: Radyo

216. Maraming paa’y walang kamay,
May pamigkis sa baywang,
Ang ulo’y parang tagayan,
alagad ng kalinisan.
Sagot: Walis

217. Makina kong si Moreno,
Nasa puwit ang preno.
Sagot: Karayom at sinulid

218. Alisto ka pandak,
Daraing si pabigat.
Sagot: Dikin

219. Sa walang buhay inihayag,
Ang liham ng pagliyag.
Noong malinis ay hinahamak,
Nang magkaguhit ay kinakausap.
Sagot: Papel

220. Hindi hayop, hindi tao,
Pumupulupot sa tiyan mo.
Sagot: Sinturon

Bugtong-bugtong,
Hindi hayop, hindi tao, Pumupulupot sa tiyan mo.

221. Dito ko itinanim, doon lumaki.
Sagot: Flashlight

222. Nagsaing si Kurukutong,
Kumukulo’y walang gatong.
Sagot: Sabon

223. Sinisindihan, wala namang inilawan.
Sagot: Sigarilyo

224. Aling mabuting litratong kuhang-kuha sa mukha mo.
Sagot: Salamin

225. Kuwadro ko sa dingding, Kamukha ng bawat tumitingin.
Sagot: Salamin

226. Kapag ako’y nakatingin,
ito’y bumalik sa akin.
Sagot: Salamin

227. Ang paa ay apat,
Hindi makalakad-lakad.
Sagot: Mesa

228. Walang diperensya ang apat na paa,
Lumpo pa rin sa tuwi-tuwina.
Sagot: Mesa

229. Hindi tao, hindi hayop
Hindi apoy ngunit,
Nagbigay init sa katawan mong nilalamig.
Sagot: Jacket

230. Dugtong-dugtong nagkakarugtong, tanikalang humuhugong.
Sagot: Tren

Bugtong-bugtong,
Dugtong-dugtong nagkakarugtong, tanikalang humuhugong.

231. Hindi tao, hindi hayop, hindi apoy ngunit nagbibigay ng init sa katawan.
Sagot: Jacket

232. Hindi tao, hindi hayop, pero bagay na sinusuot tuwing nilalamig ang tao.
Sagot: Jacket

233. Bahay ng aluwagi, iisa ang haligi.
Sagot: Bahay ng Kalapati

234. Sinisindihan at pinagbabaga, kanser sa baga ang dala-dala.
Sagot: Sigarilyo

235. Tumingin ka sa akin, ang makikita mo’y ikaw din.
Sagot: Salamin

Bugtong-bugtong,
Tumingin ka sa akin, ang makikita mo'y ikaw din.

Bilang pagtatapos, natanto natin na ang bugtong ay hindi lamang isang simpleng larong pang-isip, ngunit isang makabuluhang kasangkapan upang mapalawak ang ating pag-iisip at maikalat ang ating kultura at tradisyon. Ang bawat bugtong ay may taglay na hiwaga at kaalaman na nagbibigay-daan sa atin upang tuklasin ang mga iba’t ibang aspeto ng buhay. Maaaring ito ay isang munting palaro, ngunit malaki ang potensyal nito na magdulot ng makabuluhang epekto sa ating pag-unlad bilang isang tao. Sa pagsusulat at paglutas ng mga bugtong, natututo tayong mag-isip ng kritikal, mag-analisa, at magkaugnay-ugnay ng ideya. Tiyak na ang mga bugtong ay mananatiling isang mahalagang bahagi ng ating kultura na patuloy nating kailangan pangalagaan at ipasa sa mga susunod na henerasyon.

At iyan ang mga halimbawa ng bugtong na may sagot na aming nakalap. Nawa’y nakatulong sa iyo ang mga bugtong na ito.

Kung mayroon kang alam na iba pang mga bugtong na wala pa sa pahinang ito, maaari kang mag-iwan ng komento sa ibaba para mapag-isipan din ito ng iba pa nating mambabasa. 🙂

Share this: