Sa pahinang ito ay matatagpuan mo ang kahulugan, mga uri, elemento, bahagi, at ang aming 10 halimbawa ng maikling kwento na may aral.
Ano ang Maikling Kwento?
Ang maikling kwento ay isang maiksing salaysay tungkol sa isang mahalagang pangyayari na kinabibilangan ng isa o higit pang mga tauhan. Isa rin itong masining na anyo ng panitikan. Si Deogracias A. Rosario ang tinaguriang “Ama ng Maikling Kuwentong Tagalog.”
SEE ALSO: EPIKO: Ano ang Epiko at mga Halimbawa Nito
Mga Uri ng Maikling Kwento
Mayroong 10 uri ng maikling kwento. Ito ay ang mga sumusunod:
- Kwento ng Kababalaghan
Ito ang mga salaysaying hindi kapanipaniwala. - Kwento ng Katatakutan
Ito ay aglalaman ng mga pangyayaring kasindak-sindak. - Kwento ng Katatawanan
Ito ay mga salaysayin na nagbibigay-aliw at nagpapasaya sa mambabasa. - Kwento ng Katutubong Kulay
Binibigyang diin ang kapaligiran at mga pananamit ng mga tauhan, ang uri ng kanilang pamumuhay, at hanapbuhay ng mga tao sa naturang lugar. - Kwento ng Madulang Pangyayari
Ito ang mga salaysayin kung saan binibigyang diin ang kapanapanabik at mahahalagang pangyayari na nakapagpapaiba o nakapagbago sa tauhan. - Kwento ng Pag-ibig
Tungkol sa pag-iibigan ng dalawang tauhan sa kwento. - Kwento ng Pakikipagsapalaran
Nasa balangkas ng pangyayari ang interes ng kwento ng pakikipagsapalaran. - Kwento ng Sikolohiko
Ang salaysaying ito ay bihirang isulat sapagkat may kahirapan ang paglalarawan ng kaisipan. Ipinadarama dito sa mga mambabasa ang damdamin ng isang tao sa harap ng isang pangyayari at kalagayan. - Kwento ng Tauhan
Dito inilalarawan ang mga pangyayaring pangkaugalian ng mga tauhang nagsisiganap upang mabigyan ng kabuuan ang pag-unawa sa kanila ng isang mambabasa. - Kwentong Bayan
Inilalahad dito ang mga kwentong pinag-uusapan sa kasalukuyan ng buong bayan.
Mga Elemento ng Maikling Kwento
Mayroong 11 elemento ng maikling kwento. Ito ay ang mga sumusunod:
- Panimula
Dito nakasalalay ang kawilihan ng mga mambabasa. Dito rin kadalasang pinapakilala ang iba sa mga tauhan ng kwento. - Saglit na Kasiglahan
Naglalahad ng panandaliang pagtatagpo ng mga tauhang masasangkot sa suliranin. - Suliranin
Ito ang problemang haharapin o kinahaharap ng tauhan sa kwento. - Tunggalian
Ang tunggalian ay may apat na uri: tao laban sa tao, tao laban sa sarili, tao laban sa lipunan, at tao laban sa kapaligiran o kalikasan - Kasukdulan
Dito nakakamtan ng pangunahing tauhan ang katuparan o kasawian ng kanyang ipinaglalaban. - Kakalasan
Ang tulay sa wakas ng kwento. - Wakas
Ang resolusyon o ang kahihinatnan ng kwento. - Tagpuan
Inilalahad ang lugar na pinangyarihan ng mga aksyon o insidente pati na rin ang panahon kung kailan naganap ang kwento. - Paksang Diwa
Ito ang pinaka kaluluwa ng maikling kwento. - Kaisipan
Ito naman ang mensahe ng kwento. - Banghay
Ito ang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari sa kwento.
SEE ALSO: 550+ Mga Halimbawa ng Salawikain (Filipino Proverbs)
Mga Bahagi ng Maikling Kwento
Ang maikling kwento ay may tatlong bahagi at sangkap: simula, gitna at wakas.
- Simula
Ipinapakilala ang mga tauhan, tagpuan, at ang suliraning kakaharapin ng pangunahing tauhan. - Gitna
Ang gitna ay binubuo ng saglit na kasiglahan, tunggalian, at kasukdulan. - Wakas
Ang wakas ay binubuo ng kakalasan at katapusan ng kwento. Ang kakalasan ang bahaging nagpapakita ng unti-unting pagbaba ng takbo ng kwento mula sa maigting na pangyayari sa kasukdulan, at ang katapusan ang bahaging kababasahan ng magiging resolusyon ng kwento. Maaring masaya o malungkot, pagkatalo o pagkapanalo. Ngunit may mga kwento na hindi laging winawakasan sa pamamagitan ng dalawang huling nabanggit na mga sangkap. Kung minsan, hinahayaan ng may-akda na mabitin ang wakas para hayaan ang mambabasa na humatol o magpasya kung ano sa palagay nito ang maaring kahinatnan ng kwento.
10 Halimbawa ng Maikling Kwento na may Aral
- Ang Tanging Hiling ni Buboy
- Trak ng Basura
- Ang Maya
- Liham
- Ang mga Tasa ni Prop
- Ang Sikreto ni Lolo Tonyo at Lola Iska
- Ang Kakaibang Hiling ng Mag-aaral ni Ginang Robles
- Kung Maibabalik lang ang Kahapon
- Ang Hindi Malilimutang Aral Mula sa Pintor
- Ambisyon
Ang Tanging Hiling ni Buboy
Mula sa Life That Matters
Gabi na nang makauwi ang ama ni Buboy galing sa opisinang kanyang pinagta-trabahuhan. Halatang siya ay pagod at naiinis dahil sa dami ng trabahong kanyang ginawa at dahil na rin sa haba ng trapiko sa kalsada na kanyang dinaanan.
Sa pintuan ng kanilang bahay, naghihintay sa pagdating ng kanyang ama si Buboy na pitong taong gulang. Sinalubong niya ang ama ng may ngiti sa labi sabay sabi ng,
“Papa, kamusta ka? Pwede po bang magtanong?”
“Mabuti naman, anak! Nakakapagod lang pero ayos lang ako. Ano ba ‘yong itatanong mo, Buboy?” tugon ng ama.
“Magkano po ang kinikita mo sa isang araw?” tanong ni Buboy.
“Hindi mo na kailangang malaman ang tungkol doon, anak. Bakit mo ba tinatanong?” muling tugon ng ama.
“Gusto ko lang po talagang malaman. Sige na po, Papa. Sabihin n’yo na po sa akin kung magkano ang kinikita n’yo,” pakiusap ni Buboy..
“O sige na nga. Kumikita ako ng P500 kada araw,” sagot ng ama.
Tumungo ang bata at nag-isip. Maya-maya’y muli siyang nagsalita. “Papa, pwede mo po ba akong bigyan ng P200?”
Nagalit ang ama nang marinig niya ang hinihingi ng kanyang anak sabay sabi ng, “Buboy naman! Kaya mo pala tinatanong ang sahod ko para lang manghingi ng P200? Ang bata-bata mo naiisip mo na agad ‘yan? Akala mo ba madali lang kumita ng pera? Dugo’t pawis ang puhunan ko bago kumita ng pera tapos hihingiin mo lang at ipambibili mo ng kung anu-ano? Pumasok ka nga sa kwarto mo! Matulog ka na!”
Dahan-dahang lumakad si Buboy papunta sa kwarto at marahang isinara ang pinto. Ang ama naman niya ay galit pa rin at nagtataka kung anong naisip ng kanyang anak para manghingi ng ganoong kalaking halaga.
Makalipas ang isang oras, nahimasmasan na ang papa ni Buboy ar napag-isip-isip niya na hindi dapat ganoon ang naging reaksyon niya sa hinihingi ng kanyang anak. Naisip din niya na baka may gustong-gustong bilhin ang bata kaya siguro hinintay pa siya nitong makauwi kahit gabi na.
Agad niyang pinuntahan ang anak sa kwarto, kumatok sa pintuan, at nagtanong, “Buboy anak, gising ka pa ba? Pwede bang pumasok?”
“Opo, Papa”, tugon ng bata.
“Anak, pasensya ka na sa reaksyon ko kanina. Pagod lang si Papa. Ito na ang hinihingi mong P200,” nakangiting inaabot ng ama ni Buboy ang pera.
Si Buboy ay dali-daling bumangon sa kanyang kinahihigaan at masiglang sinabi ang mga katagang, “Salamat po, Papa!”
Pagkakuha sa perang iniabot ng kanyang ama ay agad na bumaling ang bata sa kanyang unan. Kinuha niya ang mga perang nakatago sa ilalim nito at sinimulang bilangin. Pagkakita ng ama sa perang nasa ilalim ng unan ni Buboy ay muli itong nagalit.
“Marami ka naman palang perang nakatago, bakit nanghingi ka pa sa akin ng P200?” reklamo ng ama.
“Kasi po, Papa, kulang itong inipon ko. P300 lang po ang lahat ng naipon kong pera. Pero nung dinagdagan mo po ng P200, sakto ang kailangan ko. Mayroon na po akong P500. Papa, meron lang po sana akong tanging hiling. Pwede po bang bukas ‘wag ka munang pumasok? Babayaran ko na lang po ang isang araw mo. Gustong-gusto po kasi kitang makalaro at makasabay kumain.”
Nang marinig ito ng ama ni Buboy, nadurog ang kanyang puso at tumulo ang luha sa kanyang mga mata sabay yakap nang mahigpit sa kanyang anak.
Aral:
- Kumustahin, makipag-bonding, at alaging maglaan ng oras sa mga anak.
- Huwag agad magalit. Sa halip, pakinggan muna ang anak saka tugunan ang pangangailangan nito sa abot ng makakaya.
Trak ng Basura
Mula sa Life That Matters
Ngayong araw ang aking flight patungong Singapore. Ako ang ipapadalang representative ng aming kumpanya para sa gaganaping seminar doon.
Si tatay ang maghahatid sa akin sa airport. Maaga pa naman kaya niyaya ko muna s’yang kumain sa isang malapit na fast food chain.
Naghahanap na kami ng mapagpaparadahan ng sasakyan nang biglang may umatras na pulang kotse at kaunti na lang ay mababangga na ang aming sasakyan. Galit na bumaba ang driver ng pulang kotse at sinigawan niya si Tatay.
“Ano ka ba? Marunong ka ba talagang magmaneho? Nakita mo nang palabas ako! Tuloy-tuloy ka pa rin! Pasalamat ka nagmamadali ako dahil kung hindi…”
Hindi na tinapos ng lalaking galit na galit ang kanyang sinasabi dala na rin siguro ng pagmamadali. Ngunit bago pa siya umalis ay nakangiting humingi ng paumanhin ang aking ama.
“Pasensya na, Brad!” Sabay senyas na tila kumakaway.
Pagkaalis ng lalaking nanigaw kay Tatay ay nag-usap kaming dalawa. “Tay, akala ko po kanina ay papatulan n’yo yung lalaki. Medyo may kabastusan po siya at hindi man lang niya inisip na mas matanda sa kanya ang kausap niya.”
Sumagot si Tatay ng ganito. “Alam mo anak, maraming tao ang maihahalintulad sa isang trak ng basura.”
“Ano pong ibig n’yong sabihin?” tugon ko.
“Bawat araw ay maraming tao ang humaharap sa mundo na punung-puno ng kabiguan, pangamba, galit, at kung anu-ano pang mga negatibong bagay na nasa puso at isipan nila. Kapag ang trak ng basura ay puno na, naghahanap ito ng isang lugar na pagtatapunan ng laman nito.
Ganun din ang tao. Kung minsan ang nagsama-samang galit at mga kabiguan ay naitatapon natin sa iba. Kung ikaw ang napagtapunan ng galit nila, may choice ka. Pwede mo silang sabayan at magalit rin o piliin na pabayaan na lang at huwag itong personalin.
Tandaan mo, huwag kang pumayag na itapon ang basura nila sa’yo. Sa halip, ngitian mo na lang sila at ang pinakamainam ay ipanalangin mo upang mapagtagumpayan nila ang kanilang pinagdadaanan sa buhay at upang hindi na rin nila maitapon sa iba ang dala-dala nilang basura”, paliwanag ni Tatay.
Aral:
- Pigilan ang sarili na huwag agad magalit.
- Maging mahinahon sa lahat ng pagkakataon.
Ang Maya
Mula sa Life That Matters
Nakaupo sa bakuran ng kanilang bahay ang isang matandang lalaki kasama ang kanyang anak na si Ramil, tatlumpung taong gulang. Nagbabasa ng dyaryo ang anak samantalang ang ama ay pinagmamasdan lamang ang paligid. Walang anu-ano’y napansin ng matandang lalaki na may kumakaluskos malapit sa mga tanim niya. Agad niyang tinanong ang anak.
“Ano ‘yon?”
Sumagot naman ang anak at sinabing, “Tay, ibon lang po ‘yon. Isa pong maya.”
Lumipad ang ibon at dumapo sa kabilang halaman kaya muling nagtanong ang matanda, “Ano ‘yon?”
Tumingin ang anak sa kanyang ama at sinabing, “Maya nga po.”
Pagkaraan ay muling lumipad ang ibon at dumapo malapit sa kinauupuan ng mag-ama. “Ano ‘yon?” tanong ulit ng matanda.
Sa pagkakataong ito ay nainis na si Ramil sa paulit-ulit na tanong ng kanyang tatay. Ibinaba niya ang dyaryong hawak saka pasigaw na sumagot.
“Maya nga sabi! Ibon ‘yon! M-A-Y-A!”
Sandaling tumahimik ang ama saka tumingin sa mga mata ng kanyang anak. Pagdaka’y tumayo ang matanda at pumasok sa kanilang bahay. Kinuha niya ang isang lumang notebook at saka bumalik sa kanyang kinauupuan. Binuklat niya ang isang pahina at ipinabasa ng malakas kay Ramil ang nakasulat.
“Ngayong araw ay kasama ko ang aking bunsong anak na tatlong taong gulang. Nakaupo kami sa parke nang may biglang may maya na dumapo malapit sa kinauupuan namin. Dalawampu’t isang beses akong tinanong ng aking anak kung ano daw iyon. Kaya dalawampu’t isang beses ko ring sinagot ang tanong niya.
‘Maya iyon, anak.’
Niyayakap ko siya at hinahalikan sa tuwing inuulit niya ang kaparehong tanong. Hindi ako nakaramdam ng pagkainis. Sa halip, pagmamahal ang nadama ko sa tuwing sinasagot ko ang tanong ng aking anak.”
Pagkatapos basahin ni Ramil ang nakasulat sa notebook ng kanyang tatay ay nakaramdam siya ng hiya sa kanyang inasal. Sa loob-loob niya ay hindi dapat ganoon ang naging reaksyon niya at hindi niya dapat sinigawan ang kanyang matandang ama.
Dahil dito, agad niyang niyakapa ang ama saka humingi ng tawad sa kanyang nagawa.
Aral:
- Maging mabuti at mapagmahal na anak.
- Maging magalang sa lahat ng pagkakataon. Huwag sigawan ang mga nakakatanda.
- Alalahanin ang bawat sakripisyo ng ating mga magulang at suklian natin ito ng pagmamahal at paggalang sa kanila.
Liham
Mula sa Life That Matters
Ako si Jerry, pamilyadong tao at apatnapu’t taong gulang. Liezel ang pangalan ng aking asawa at mayroon kaming anak na lalaki na nagngangalang Ken.
Isang gabi, nang umuwi ako sa bahay ay nakita ko ang aking asawa na naghahanda ng hapunan. Nilapitan ko siya at hinawakan ang kanyang kamay sabay sabi ng,
“Gusto ko nang makipaghiwalay.”
“Bakit?” tugon ni Liezel na tila nagulat sa aking sinabi.
Ayoko na sanang idetalye pa ang dahilan pero nakita kong nagagalit na siya. “Hindi na ako masaya sa relasyon natin. Naaawa na lang ako sa’yo pero hindi na kita mahal. May iba na akong gusto at siya ang mahal ko,” paliwanag ko.
Alam kong nasaktan siya sa mga sinabi ko at napahagulgol siya sa sama ng loob sa akin. Ngunit hindi ko na iyon pinansin dahil baka magbago pa ang isip ko.
Kinabukasan pag-uwi ko galing sa trabaho, may iniabot siyang liham sa akin at nakalagay doon ang kanyang kondisyon bago ko siya hiwalayan. Wala raw siyang balak humingi ng kahit anong bagay mula sa akin pero mayroon lang siyang isang hiling.
Buhatin ko raw siya palabas ng kwarto tuwing umaga na parang bagong kasal sa loob ng isang buwan. Sa susunod na buwan daw kasi ay may pagsusulit ang aming anak na lalaki sa paaralan. Ayaw niyang mawala sa focus ang aming anak kapag nalaman nitong maghihiwalay na kami. Para matapos na ang usapang iyon ay pumayag na rin ako sa kakaibang hiling niya.
Sa unang araw, wala akong emosyon na naramdaman ng buhatin ko siya dahil hindi na asawa ang turing ko sa kanya. Pero nakita kami ng aming anak at masaya niyang sinabi,
“Uy si Daddy, binubuhat si Mommy!”
Nang marinig ko iyon ay parang may kirot akong naramdaman sa aking puso. Ngunit ipinaalala sa akin ng asawa ko na ‘wag ko daw babanggitin sa anak namin ang tungkol sa hiwalayan.
Sa pangalawang araw ng pagbuhat ko sa kanya, inihilig ni Liezel ang kanyang ulo sa dibdib ko. Na-realize ko na matagal-tagal ko na din palang hindi natititigan ang asawa ko. May kaunting wrinkles na siya sa mukha at may ilang puting buhok.
Sa ikaapat na araw, parang nakaramdam ulit ako ng kaugnayan nang buhatin ko siya. Naisip ko na ito na pala ang babaeng nag-ubos ng sampung taon nang kanyang buhay para sa lalaking tulad ko.
Sa ikalima at ika-anim na araw, naramdaman kong bumabalik ang pagkasabik ko sa kanya bilang asawa. Bigla kong napansin na ang laki na pala ng ipinayat niya. Siguro dahil iyon sa konsumisyon sa akin.
Isang araw, nakita ako ng anak namin na hinahawakan ang ulo ng Mommy niya.
“Daddy, buhatin mo na po ulit si Mommy,” nakangiting sabi ng aming anak.
Para sa kanya, normal na ang makitang binubuhat ko ang kanyang Mommy tuwing umaga. Tinawag ng asawa ko ang aming anak at niyakap niya ito ng mahigpit. Hindi ko sila magawang titigan dahil baka magbago pa ang isip ko. Muli ko siyang kinarga palabas ng kwarto na parang bagong kasal, kagaya ng request niya.
Nang sumapit ang ika-tatlumpung araw ng pagkarga ko sa aking asawa, halos hindi ko maihakbang ang mga paa ko. Naisip ko na ang gagawin ko sa araw na ‘yon at buo na desisyon ko. Pinuntahan ko ang babaeng ipapalit ko sana sa asawa ko at pagbukas niya sa pintuan ay agad kong sinabing,
“Patawarin mo ako. Hindi na ako makikipaghiwalay sa asawa ko.”
Malinaw na sa akin ang lahat. Mahal ko ang asawa ko at gusto kong tuparin ang pangako ko sa kanya noong kami ay ikinasal. Nung araw na ‘yon ay bumili ako ng bulaklak at isinulat ko ang mga katagang,
“Bubuhatin kita tuwing umaga hanggang sa paghiwalayin tayo ng kamatayan.”
Agad akong umuwi para makita ang aking asawa at ibigay sa kanya ang mga bulaklak. Ngunit huli na ang lahat. Wala na ang asawa ko. Namatay na siya bago pa ako dumating.
Nakita ko ang isang liham na iniwan ni Liezel at nakasaad doon na ilang buwan na pala niyang nilalabanan ang isang malubhang sakit. Hindi ko iyon napansin dahil abala ako sa pambababae ko.
Nakasulat din sa liham na nararamdaman niyang malapit na siyang mawala at nais niyang isalba ako mula sa negatibong reaksyon ng aming anak kung sakaling malaman niya ang tungkol sa hiwalayan namin.
Nais ni Liezel na maalala ng aming anak na mayroon siyang mapagmahal na Daddy na laging bumubuhat sa kayang Mommy hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay.
Aral:
- Mahalin ang asawa at tuparin ang pangako sa isa’t isa.
- Ang pambababae ay sumisira sa relasyon ng mag-asawa.
Ang mga Tasa ni Prop
Mula sa Life That Matters
Isang grupo ng dating magkakaklase ang nagsama-sama upang bisitahin ang kanilang dating propesor. Lahat sila ay pawang mga propesyunal na at magaganda ang naging hanapbuhay. Hindi nagtagal, ang masaya nilang kwentuhan ay nauwi sa mga reklamo at stress nila sa trabaho at buhay.
Habang nakikinig sa usapan ng kanyang dating mga estudyante, pansamantalang nagpaalam ang propesor upang pumunta sa kusina at magtimpla ng kape. Kinuha niya ang iba’t ibang klase ng tasa sa kanyang istante.
May gawa sa porselana, may gawa sa papel, may mahal, may mura, may makulay ang disenyo, at mayroon ding simple lang. Pagkatapos ay inilabas niya ang mga tasa na may kape saka inialok sa kanyang mga estudyante. Nang ang bawat isa ay may hinihigop ng masarap at mainit na kape, saka nagsalita ang propesor.
“Kung mapapansin ninyo, ang lahat ng mamahalin at may magagandang disenyo na tasa ang pinili ng marami sa inyo para pagkapehan. Naiwan ang mga mumurahin, luma, at di-kagandahang tasa.
Normal sa tao na piliin lagi ang pinakamainam. Ngunit alam n’yo ba na kadalasan ay dito nagsisimula ang mga problema at stress sa buhay na ating nararanasan? Ating pakaisipin na ang tasang hawak n’yo ngayon ay walang naidadagdag sa kalidad at lasa ng kape na inyong iniinom. Ngayon mga minamahal kong mag-aaral, isipin n’yo ito.
Ang buhay ng tao ay ang kape. Ang inyong trabaho, pera, at posisyon sa lipunan ang tasa. Ang tasa ay kasangkapan lamang para paglagyan ng kape. Kung minsan, kapag masyado tayong pokus sa tasa, nakakalimutan nating ma-enjoy ang kape. Namnamin n’yo ang kape, huwag yung tasa.
Madalas, ang pinakamaliligayang tao ay hindi yung mga taong nakuha ang lahat ng pinakamainam sa buhay. They just make the best of everything. Namumuhay sila ng simple, nagbibigay, nagpapatawad, at nagmamahal ng walang hinihintay na kapalit.
Hindi masamang i-enjoy ang maiksi at hiram nating buhay paminsan-minsan. Ngunit kapag sa trabaho at kaperahan na lang umiikot ang buhay mo, baka kaylangan mo muna ng break at uminom ng mainit na kape.”
Aral:
- Huwag masyadong pahalagahan ang mga bagay sa mundong ito.
- Higit na mahalaga na ma-enjoy ang buhay.
- Mamuhay ng simple, maging mapagbigay, mapagpatawad, at matutong magmahal ng walang hinihintay na kapalit.
Ang Sikreto ni Lolo Tonyo at Lola Iska
Mula sa Life That Matters
Si Lolo Tonyo at Lola Iska ay apatnapu’t walong taon nang kasal. Sa kanilang apat na anak ay nagkaroon sila ng walong mga apo.
Tuwing mahal na araw ay nagsasama-sama ang lahat ng kanilang mga anak upang umuwi sa probinsya at magbakasyon ng isang linggo. Naliligo sila sa dagat at mga ilog sa kanilang lugar kaya lalong nagiging masaya ang bakasyon ng mga bata.
Ngunit sa kabila ng kasiyahan ng lahat ay napansin ni Lolo Tonyo na may lungkot sa mga mata ni Caloy, ang pangatlo nilang anak.
Isang gabi, nang makita si Caloy ng kanyang ama na nag-iisa ay nilapitan siya nito at kinumusta.
“Caloy anak, tila malalim ang iniisip mo ha? Kumusta ka na ba?” tanong ng ama.
“Tay, ayos lang po ako”, tugon ni Caloy.
Muling nagsalita ang kanyang ama. “Anak, noong bata ka pa ay madalas kang tahimik lalo na kung nakagawa ka ng kasalanan o kung may problema ka, kaya kilala kita. Sa isang araw ay uuwi na kayo, ayaw mo ba talagang pag-usapan?”
Tumingin si Caloy sa mga mata ng kanyang ama at nagtanong, “Tay, ano pong sikreto n’yo ni Nanay bakit kayo nagtagal?”
Sumagot ang ama at sinabing,
“Para magtagal kayong dalawa, isama n’yo ang Diyos sa relasyon n’yo. ‘Yan lang ang love triangle na pinahihintulutan. Hindi talaga mawawala yung magsasawa kayo pareho o mapapagod sa mga problemang kinakaharap n’yo.
Pero hindi rin sapat na pipiliin mo lang siya o kaya ay babalikan n’yo lang ang mga dahilan kung bakit mo siya minahal tapos ok na at parang walang problemang nangyari…
Kasi kung ‘yun lang ang naging basehan ko para manatili sa Nanay mo, baka hindi kami nagtagal.”
“Bakit po, Tay? Akala ko po ba sapat na ang love lang para manatili?” usisa ni Caloy.
Sumagot ang ama at sinabing, “Kung yung pagmamahal lang naming dalawa ang aasahan namin, hindi sapat ‘yon. Napapagod kasi ang tao. Kapag nagkamali ng isa o dalawang beses, naiisip natin na makipaghiwalay na agad. Yan kasi ang option na normal sa mundo.
Pero kung kasama ang Diyos sa simula pa lang ng relasyon n’yo, hindi n’yo magiging option ang hiwalayan. Kakapit ka sa Diyos at sa simula pa lang ay hihingi ka na sa Kanya ng tulong para ayusin ang lahat. Kasi hindi n’yo ‘yan kaya ng kayong dalawa lang.
Mahal ko ang Nanay mo, pero mas mahal ko ang Diyos kaysa sa Kanya. Hindi perpekto ang Nanay mo, lalo na ako! Maraming hindi kamahal-mahal sa kanya, lalo na sakin!
Pero dahil nasa sentro ng relasyon namin ang Diyos, sa tuwing pareho kaming nanghihina, sa Kanya kami humuhugot ng lakas kaya napagtatagumpayan namin ang mga pagsubok.
Nasagot ko ba ng maayos ang tanong mo, anak?”
“Opo Tay, may kulang pala sa relasyon naming mag-asawa kaya ganito ang nararamdaman ko”, tugon ni Caloy.
Aral:
- Sa buhay mag-asawa, dapat ay gawing sentro ng relasyon ang Diyos.
Ang Kakaibang Hiling ng Mag-aaral ni Ginang Robles
Mula sa Life That Matters
Byernes na nang hapon. Konting oras na lang ay magsisiuwian na ang mga estudyante ni Ginang Robles, isang guro sa elementarya. Ngunit bago makauwi ang kanyang mga mag-aaral ay kailangan muna nilang ipasa ang sanaysay na kanyang ipinagawa.
Tungkol ito sa kanilang hiling sa Diyos na nais nilang magkaroon ng katuparan. Bago mag-alas-singko ay naipasa na ng mga mag-aaral ang kanilang sanaysay na ginawa. Si Ginang Robles ay naglikom na ng kanyang mga gamit na naghanda na ring umuwi.
Kinagabihan, binasa niya isa-isa ang ipinasang sanaysay ng kanyang mga estudyante. Sa kalagitnaan ng kanyang pagbabasa ay nakita siya ng kanyang asawa na umiiyak. Ang kanyang nagtatakang asawa ay nagtanong, “Mahal may problema ba? Anong dahilan at umiiyak ka?”
Sumagot si Ginang Robles ng ganito, “Mahal, basahin mo ng malakas itong sanaysay ng isa kong mag-aaral.”
At ang kanyang asawa ay binasa nga ng malakas ang sanaysay na iniabot sa kanya.
Lord, sana po ay gawin mo akong cellphone. Nais ko pong maging cellphone dahil napansin kong ito ang pinakamahalagang gamit sa aming bahay. Pagkagaling sa trabaho ay kumukonek agad sa wifi ang aking mga magulang para magamit ang kanilang cellphone.
Ang aking Mama ay lagi itong hawak. Kapag may pinapanood siya, madalas ay nakikita ko siyang nakangiti o tumatawa. Ang aking Papa naman ay hindi ko maistorbo sa paglalaro sa tuwing hwak niya rina ng kanyang cellphone. Napansin ko rin na napapasaya siya nito lalo na kung siya ay nananalo.
Hindi nila pinapalo ang kanilang cellphone kung may napanood silang pangit o kung natalo sa laro. Hindi nila ito sinisigawan. Hindi rin sila nag-aaway kapag nasa harapan nila ang kanilang cellphone.
Sa tingin ko ay espesyal at napakahalaga nito sa aking mga magulang. Nais ko pong maging kasing halaga ng cellphone na lagi nilang hawak. Gumugugol kasi ito ng maraming oras nila. Kung magiging cellphone ako, tiyak kong magkakaroon na sila ng mahabang oras sa akin.
Gugugulin na ni Papa ang kanyang oras para makipaglaro sa akin. Siguradong mapapansin na nila ako. Ang nais ko lang naman ay mapatawa sila at makitang nakangiti sa harap ko.
Mahal na mahal ko sila kaya nais ko po silang mapasaya. Lord, ito lang po ang tangi kong hiling. Pakiusap, gawin mo po sana akong cellphone.
“Nakakalungkot naman ang hiling ng estudyante mo, mahal. Kung mababasa ito ng kanyang mga magulang, tiyak na mapapaiyak sila at bibigyan na nila ng oras ang kanilang anak”, tugon ng asawa ni Ginang Robles.
Aral:
- Bigyan lagi ng oras o atensyon ang mga anak. Ang simpleng kumustahan o bonding kasama sila ay malaking bagay sa mga bata.
- Huwag ubusin ang oras sa paggamit ng cellphone. Maraming mas mahalagang bagay kaysa mag-online games o mag-facebook.
Kung Maibabalik lang ang Kahapon
Mula sa Life That Matters
Noong kabataan ko ay pagtulog ang pinakapaborito kong gawin. Ako nga pala si Lolo Romeo, pitumpu’t dalawang taong gulang.
Hindi ako tamad. Sa katunayan, noong kabataan ko ay ako ang nagpapastol ng aming mga baka sa bukid. Ngunit sa tuwing ako ay may nasandalang puno, mabilis akong nakakagawa ng tulog.
Masipag din akong mag-aral at nakakakuha pa nga ng medalya at mga parangal. Ngunit pagkatapos kong mag-aral at gumawa ng mga takdang aralin ay umiidlip ako at naghihintay na lamang na tawagin ni ina upang maghapunan.
Marami rin akong kaibigan ngunit ewan ko ba kung bakit tila naging normal na sa akin na sa tuwing wala akong ginagawa ay natutulog ako.
Nakapag-asawa ako noong ako’y dalawampu’t tatlong taong gulang. Dito ko nakita ang realidad ng buhay. Bagamat nakatapos ako ng high school at nagkaroon ng regular na trabaho sa isang kumpanya ay laging kulang ang aking kinikita. Sa pangangailangan pa lang ng aming mga anak ay hindi na sapat ang sweldo ko. Paano na lang kaya kung sila ay magsipag-aral na?
Kaya naisip kong gawin ang ginagawa ng nakararami, ang mangibang-bansa. Ang hirap pala talaga. Walang araw o oras na hindi ko na-miss ang aking pamilya. Hindi ko rin nakita ang paglaki ng mga anak ko. Sobrang lungkot ko.
Isang gabi ay bigla akong napaisip, ano bang nangyari? Bakit ba ganito ang naging buhay ko? Binalikan ko ang nakaraan…
Noong kabataan ko nga pala ay marami akong oras at may pagkakataon sana akong paghandaan at trabahuhin ang aking hinaharap, pero ipinagpalit ko ang lahat ng ‘yon sa pagtulog. Marami akong sinayang na oras.
Kung noon pa lang sana ay naging malinaw na sa akin ang tatakbuhin ng aking kinabukasan, hindi sana ako nalungkot at nangulila ng mahabang panahon. Nasubaybayan ko sana ang paglaki ng mga anak ko. Mas masaya siguro ang alaala ng kabataan nila kung naroon ako’t kasama nila sa mga mahahalagang sandali ng kanilang buhay.
Ngunit tapos na iyon…
Napagtapos ko na sa kolehiyo ang tatlo kong anak at nakauwi na rin ako sa Pinas. Kahit patuloy kong panghinayangan ang nakaraan ay wala na rin itong magandang maidudulot sa akin.
Ngayon nga ay matanda na ako at nasa huling yugto na ng aking buhay. Sa mga susunod na taon ay mas mahaba na ang oras ko para matulog ngunit iyon ay wala nang gisingan.
Aral:
- Bawat oras ay mahalaga.
- Ang maaari mong gawin ngayon ay huwag mo ng ipagpabukas pa.
- Trabahuhin ang pangarap habang kabataan pa at wala pang mabigat na responsibilidad sa buhay.
- Huwag sayangin ang bakanteng oras sa pagtulog, panonood ng TV, pakikipagbarkada o pagse-cellphone.
Ang Hindi Malilimutang Aral Mula sa Pintor
Mula sa Buhay Thoughts
Isang araw ay naisipan ni Michael na bumili ng paintings sa matalik niyang kaibigang pintor na si Carlos. Agad siyang pumunta sa bahay nito upang makapamili ng paintings na bagay sa kanyang bagong opisina.
“Uy Michael, kumusta ka na? Ang tagal na nating di nagkita ah!” bati ni Carlos ng makita ang kaibigan.
“Oo nga, sobrang busy kasi sa business, Pre. Sinadya ko talaga tong mga paintings mo para naman gumanda yung bago kong opisina,” tugon ni Michael.
“Aba ayos yan. Congrats, Pre!” sagot ni Carlos.
“Patingin naman ng mga bago mong paintings. Ang daming nagandahan sa mga gawa mo nung huli akong kumuha sayo,” pagmamalaki ni Michael.
“Salamat, Pre. Ayan nga pala yung mga bago kong gawa. Mamili ka lang dyan,” masayang tugon ni Carlos.
Nang matapos nang makapamili si Mike, niyaya siya ni Carlos na magkape sa kanilang bakuran. Pumayag naman si Michael kaya sila ay nagkaroon ng pagkakataon para makapag-kwentuhan. Masayang silang nagkamustahan habang pinapanood ang dalawang anak ni Carlos na naglalaro malapit sa kanila.
“Pre, nakakainggit naman ang closeness nyong mag-aama,” sabi ni Michael kay Carlos.
“Sakto lang, Pre. Malapit din silang dalawa sa Mama nila. Napaka-sweet pa,” pagmamalaki ni Carlos.
“Buti pa kayo…” malungkot na tugon ni Michael.
“Bakit naman? Kamusta na ba kayo ng mga anak mo?” tanong ni Carlos.
“Wala na ko halos time sa mga anak ko. Si misis naman may inaasikaso ring negosyo. Aalis kami tulog pa ang mga bata. Pag uwi naman namin sa gabi, patulog na rin sila. Nakukuha nga ng mga bata lahat ng gusto nila pero di naman namin sila mapaglaanan ng oras kaya hindi namin masyadong nadidisiplina. Hindi ko yata na-established ng maayos ang relationship ko sa kanila. Nakakalungkot lang,” tugon ni Michael.
Maya-maya’y biglang nagsalita si Carlos.
“Alam mo Pre, ang pagpapalaki sa mga anak ay parang paintings din. Ang mga bata ay parang empty canvas pag ibinigay sila sa atin ng Diyos. Kailangan mong magsimulang gumuhit para lumabas ang magandang paintings mula rito.
Ngayon kung hindi ikaw ang guguhit sa canvas, ibang tao ang hahawak ng brush at guguhit sa canvas na yon. Sa case ng mga anak natin, ang surroundings, mga napapanood nila sa telebisyon, at mga taong madalas nilang kasama ang maaaring makapaghubog sa kamalayan at pagkatao ng bata.
Huwag mong hayaan na yung surroundings o ibang tao ang humubog sa anak mo. Maglaan ka ng oras para maka-bonding, makausap at pakinggan sila. Kadalasan, kung ano ang bata sa kanyang pagtanda ay dahil sa paghubog na ginawa ng magulang noong sila ay bata pa.
Alam mo Pre, hindi pa huli ang lahat para muli mong hawakan ang brush at gumuhit ng maganda sa canvas.”
Aral:
- Palaging laanan o bigyan ng oras ang mga anak.
- Huwag hayaan na ang paligid ang humubog sa mga bata. Ito ay responsibilidad ng mga magulang.
Ambisyon
Kwento ni Karla May Vidal
Isang mahirap na bata si Mia na nangangarap na maging abogado balang araw. Pero sadyang kay lupit ng tadhana dahil pagkatapos niya ng highschool ay wala silang kakayahan na makapag-aral siya ng kolehiyo. Kahit ganun ang nangyari, hindi pa rin siya nawalan ng pag-asa na makapag-aral ng kolehiyo.
Lumuwas siya ng Maynila para makipagsapalaran sa buhay. Naghanap siya ng trabaho para maypang-bayad siya sa kolehiyo at matustusan ang kanyang mga pangangailangan. Nakahanap naman ng trabaho si Mia. Nagtatrabaho siya sa umaga at paggabi naman ay pumapasok siya sa pampublikong paaralan sa kursong gustong-gusto niya, ang pag-aabogado. Kahit nasa pampublikong paaralan siya ay may malaking bayarin at hindi na niya kinaya ang mga gastos, hindi na kasya ang kanyang pang-araw-araw na pangangailangan sa kanyang sahod. Kaya huminto muna siya sa pag-aaral, at nagdesisyong mag-iipon muna siya.
Para kay Mia, hindi hadlang ang kahirapan sa pag-abot ng kanyang mga pangarap. Kaya naghanap ng ibang trabaho si Mia na mas maganda at malaki ang sahod. Namasukan siyang katulong sa mag-asawang pilipina at amerikano. Maayos naman ang trabaho ni Mia sa mag-asawa, mababait ang kanyang amo. Nang napag-usapan nila ang buhay ni Mia, nasabi din niya sa kanyang amo tungkol sa kanyang pangarap na makapag-kolehiyo at makapagtapos ng abogasya. Mapalad naman si Mia dahil naghandog naman ang kanyang amo na pag-aralin siya ng kolehiyo kapalit ng pagsisilbi niya sa kanila. Sobrang saya ni Mia sa nangyari kaya nagpapasalamat si Mia sa kanila dahil matutupad na rin ang kanyang pangarap.
Nagsipag at minabuti ni Mia ang kanyang pag-aaral para makatapos na siya ng kolehiyo sa pag-aabogasya. Nag-aral siya ng mabuti, hindi niya sinayang ang oportunidad na binigay ng tadhana sa kanya. May mga pagsubok din siyang dinaanan pero hindi iyon hadlang sa kanyang pag-aaral.
Nakatapos si Mia sa pag-aaral bilang Cum Laude, dahil sa sipag at tiyaga niya. Laking pasasalamat niya sa kanyang amo dahil pinag-aral siya ng kolehiyo. Ngayon, isa na siyang sikat na abogado sa kanilang lugar. Sinabi ni Mia sa kanyang sarili na kahit gaano kahirap ang buhay, basta’t guto moa ng isang bagay, magagawa at makukuha mo iyon kung pagsisikapan mga ng mga ito.
Aral:
- Sikaping abutin ang pangarap kahit gaano pa ito kahirap.
- Walang imposible sa taong may pangarap.
- Hindi hadlang ang kahirapan sa pag-abot mga pangarap.