Ibong Adarna Kabanata 30 – Buod, Mga Tauhan, Aral, atbp.

Tatalakayin natin sa post na ito ang maikling buod ng Ibong Adarna Kabanata 30: Ang Prinsesang si Maria Blanca. Bukod pa d’yan, malalaman mo din kung sinu-sino ang mga tauhang nabanggit sa kabanatang ito pati na rin ang aral at mahahalagang kaisipan na mapupulot mo rito.

Buod ng Ibong Adarna Kabanata 30: Ang Prinsesang si Maria Blanca

Matapos maligo ang mga magkakapatid, naiwan na mag-isa si Maria Blanca sa paliguan dahil hinahanap pa niya ang lapastangang kumuha ng kanyang damit. Sa oras na iyon, lumapit si Don Juan sa prinsesa at humingi ng paumanhin. Handa siyang harapin ang anumang parusa na ibibigay sa kaniya ni Maria Blanca.

Ngunit naglaho ang galit ng dalaga nang makita niya ang maamong mukha ni Don Juan. Hindi rin naiwasan ni Maria Blanca na umibig at maakit sa kakisigan ng prinsipe. Inilahad ni Don Juan ang kaniyang katauhan, siya’y bunso anak sa pamilya ng maharlikang si Don Fernando na nagmula sa kaharian ng Berbanya.

Nagbigay ng babala si Maria Blanca kay Don Juan tungkol sa katalinuhan at pagiging tuso ng kaniyang ama na si Haring Salermo. Lahat ng mga nagtangkang umibig sa prinsesa ay ginawang batong palamuti sa hardin ng palasyo. Dagdag pa niya, sa ganap na alas-singko ay magigising na si Haring Salermo at kapag nakita si Don Juan at anyayahan siyang pumasok sa palasyo ay wag itong sasama dahil tiyak na kamatayan ang naghihintay sa kanya doon.

Nagpasalamat si Don Juan at ipinakitang handa siyang harapin ang mga mahihirap na hamon na ihahain sa kaniya ni Haring Salermo. Naisip niya na kailangan niyang sundin ang lahat ng utos ng hari at kakailanganin niya ang tulong ng prinsesang iniibig.

Bilin pa ng prinsesa, sa gabi ay magtatagpo sila ni Don Juan upang alamin ang unang hamon ng kanyang ama sa binata.

See also: Ibong Adarna Buod ng Bawat Kabanata 1-46 with Talasalitaan

Mga Mahahalagang Pangyayari

  1. Naiwang mag-isa si Maria Blanca sa paliguan dahil hinanap niya ang kumuha ng kanyang damit.
  2. Lumapit si Don Juan at humingi ng paumanhin kay Maria Blanca dahil sa pagkuha ng kanyang damit.
  3. Nawala ang galit ni Maria Blanca nang makita ang maamong mukha ni Don Juan at nahulog ang kanyang loob sa prinsipe.
  4. Binalaan ni Maria Blanca si Don Juan tungkol sa katalinuhan at pagiging tuso ng kanyang amang si Haring Salermo.
  5. Nagkasundo sina Maria Blanca at Don Juan na magtatagpo sa gabi upang alamin ang unang hamon na ibibigay ni Haring Salermo.

Mga Tauhan sa Ibong Adarna Kabanata 30

  • Maria Blanca – Prinsesang anak ni Haring Salermo na nahulog ang loob kay Don Juan.
  • Don Juan – Prinsipe ng kaharian ng Berbanya na humingi ng paumanhin kay Maria Blanca at handang harapin ang mga hamon ni Haring Salermo makamit lamang si Maria Blanca.
  • Haring Salermo – Ama ni Maria Blanca na tuso at matalino, naghahain ng mga hamon sa mga nagnanais na umibig sa prinsesa.

See also: Ibong Adarna Tauhan at mga Katangian ng Bawat Isa

Tagpuan

Ang kabanata ay naganap sa paliguan ni Maria Blanca sa loob ng kaharian ni Haring Salermo.

Talasalitaan

  • Aba – Hamak o mababa ang kalagayan.
  • Bagsik – Malupit.
  • Bumabagabag – Nagdudulot ng alalahanin o pag-aalala.
  • Hamak – Mababa o walang halaga.
  • Lapastangan – Walang galang o bastos.
  • Malubay – Maluwag o kalag.
  • Marikit – Maganda o kaakit-akit.
  • Pakumbaba – Pagpapakita ng kababaang-loob.

Mga Aral at Mensahe sa Ibong Adarna Kabanata 30

  1. Ang pagmamahal ay kayang magpalambot ng puso kahit ng taong galit o nasaktan, tulad ng nangyari kay Maria Blanca.
  2. Dapat mag-ingat at maging matalino sa mga desisyon, lalo na kung may mga taong tuso at mapanlinlang tulad ni Haring Salermo.
  3. Ang tunay na tapang ay hindi lamang sa pagharap sa mga pisikal na hamon kundi pati sa mga pagsubok ng kalooban, katulad ng ipinakita ni Don Juan sa kanyang determinasyong harapin ang mga pagsubok.

See also: Kaligirang Pangkasaysayan ng Ibong Adarna

At dito nagtatapos ang Ibong Adarna Kabanata 30 Buod, mga Tauhan, at Aral. Naging kapaki-pakinabang ba sa iyo ang araling ito? Kung oo ang iyong sagot, ibahagi mo din ito sa iyong mga kaklase at kaibigan para sila din ay matuto sa kabanatang ito ng korido.

Maaari mo din itong i-share sa iyong mga social media profile. I-click lamang ang share button na makikita sa iyong screen.

Share this: 

Leave a Comment