Ibong Adarna Kabanata 31 – Buod, Mga Tauhan, Aral, atbp.

Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang maikling buod ng Ibong Adarna Kabanata 31: Ang Unang Pagsubok ng Hari. Bukod pa d’yan, malalaman mo din kung sinu-sino ang mga tauhang nabanggit sa kabanatang ito pati na rin ang aral at mahahalagang kaisipan na mapupulot mo rito.

Buod ng Ibong Adarna Kabanata 31: Ang Unang Pagsubok ng Hari

Nagtagpo sina Don Juan at Haring Salermo sa hardin. Nalaman din niya ang pakay ng prinsipe. Inanyayahan ni Haring Salermo si Don Juan na pumasok sa palasyo ngunit magalang itong tumanggi at nagpasyang maghintay sa kanyang mga susunod na utos.

Pinakuha ng hari sa kanyang mga tauhan ang isang salop ng sariwang trigo na kakaani pa lang at ipinag-utos kay Don Juan na tibagin ang bundok at gawing patag upang doon itanim ang sariwang trigo. Kailangan itong tumubo agad upang gawing tinapay nang sa gayon ay may kakainin sa umagahan ang hari.

Tila natutuwa ang hari, sa akalang may mahihirapan na namang isa sa kanyang mga pagsubok at madadagdagan na naman ang magiging bato.

Si Don Juan ay umuwi nang may mabigat na puso. Nauunawaan niyang malabong magbunga agad ang trigo at makapagluto ng tinapay para sa hari sa susunod na araw. Ngunit, pinawi ni Prinsesa Maria Blanca ang kanyang mga alalahanin at ipinangako na siya na ang bahala. Gamit ang kanyang mahika, tinupad niya ang utos ni Haring Salermo.

Sa kalaliman ng gabi, itinapon ni Maria Blanca ang mga trigo at agad itong nagbunga. Inani niya ang mga bunga at ipinadala ito sa mga tagagawa ng tinapay. Bago sumikat ang araw, ang mga trigong inani ay naging tinapay na. Nagulat si Haring Salermo nang handugan siya ng mga tinapay na iba-iba ang kulay at hugis mula sa isang salop lamang ng trigo.

See also: Ibong Adarna Buod ng Bawat Kabanata 1-46 with Talasalitaan

Mga Mahahalagang Pangyayari

  1. Nagkita sina Don Juan at Haring Salermo sa hardin kung saan nalaman ni Haring Salermo ang pakay ni Don Juan.
  2. Inanyayahan ni Haring Salermo si Don Juan na pumasok sa palasyo, ngunit magalang itong tumanggi.
  3. Ipinag-utos ng hari kay Don Juan na tibagin ang bundok at gawing patag upang doon itanim ang sariwang trigo, saka gagawing tinapay upang may makain siya sa kinabukasan.
  4. Nalungkot si Don Juan dahil alam niyang malabong magawa ang utos ng hari, ngunit tinulungan siya ni Prinsesa Maria Blanca gamit ang mahika.
  5. Nagulat si Haring Salermo kinabukasan nang handugan siya ng mga makukulay at iba’t ibang hugis ng tinapay mula sa isang salop ng trigo.

Mga Tauhan sa Ibong Adarna Kabanata 31

  • Don Juan – Prinsipe na nagsusumikap upang makamit ang pagsubok ni Haring Salermo.
  • Haring Salermo – Hari na nagbigay ng mahihirap na pagsubok kay Don Juan.
  • Prinsesa Maria Blanca – Ang prinsesa na tumulong kay Don Juan gamit ang kanyang mahika upang magtagumpay sa unang pagsubok.

See also: Ibong Adarna Tauhan at mga Katangian ng Bawat Isa

Tagpuan

Ang tagpuan sa kabanatang ito ay sa hardin ni Haring Salermo kung saan niya ibinigay ang unang pagsubok kay Don Juan.

Talasalitaan

  • Alindog – Kagandahan o kariktan.
  • Dumungaw – Sumilip.
  • Inuyam – Pinagtawanan o hinamak.
  • Manhik – Umakyat o pumasok sa loob ng bahay.
  • Nagkandili – Nag-aruga o nag-alaga.
  • Umpukan – Maliit na grupo o pangkat.
  • Hapis – Kalungkutan o dalamhati.

Mga Aral at Mensahe sa Ibong Adarna Kabanata 31

  1. Ang pagtutulungan at pagtitiwala sa mga taong nagmamalasakit sa atin ay maaaring magdala ng tagumpay kahit sa pinakamahihirap na pagsubok.
  2. Ang paggamit ng karunungan at kakayahan sa tamang paraan ay maaaring makapagbigay ng solusyon sa mga tila imposibleng sitwasyon.
  3. Huwag sumuko kahit sa harap ng mga malalaking pagsubok, sapagkat laging may paraan upang malagpasan ang mga ito.

See also: Kaligirang Pangkasaysayan ng Ibong Adarna

At ‘yan ang Ibong Adarna Kabanata 31 Buod, mga Tauhan, at Aral. Kung naging kapaki-pakinabang sa iyo ang araling ito, ibahagi mo ito sa iyong mga kaklase at kaibigan upang sila din ay matuto sa bahaging ito ng korido.

Maaari mo din itong i-share sa iyong mga social media profile. I-click lamang ang share button na makikita sa iyong screen.

Share this: 

Leave a Comment