TULA: Kahulugan, Elemento, Uri, at mga Halimbawa ng Tula

Sa pahinang ito ay matutunan mo kung ano ang tula, mga elemento nito, mga uri, at iba’t-ibang mga halimbawa ng tula.

Ano ang Tula?

Ang tula o panulaan ay isang masining na anyo ng panitikan na naglalayong maipahayag ang damdamin ng makata o manunulat nito. Kilala ito sa malayang paggamit ng wika sa iba’t ibang anyo at estilo. Nagpapahayag ito ng damdamin at magagandang kaisipan gamit ang maririkit na salita. Ito ay matalinghaga at kadalasang ginagamitan ng tayutay.

Ang tula ay binubuo ng mga saknong at ang mga saknong ay binubuo ng mga taludtod. Karaniwan itong wawaluhin, lalabindalawahin, at lalabing-animing pantig. Ang kalipunan ng mga taludtod ay tinatawag na taludturan o saknong.

SEE ALSO: EPIKO: Ano ang Epiko at mga Halimbawa Nito

Mga Elemento ng Tula

Ang tula ay may walong (8) elemento. Ito ay ang mga sumusunod:

1. Anyo

Tumutukoy sa kung paano isinulat ang tula. Ito ay may apat (4) na anyo.

  • Malayang taludturan – walang sinusunod na sukat, tugma, o anyo. Ito ay karaniwang ayon sa nais ng manunulat. Ang mga tulang isinulat ni Alejandro Abadilla ang halimbawa ng mga tulang nasa anyong malayang taludturan.
  • Tradisyonal – may sukat, tugma, at mga matalinhagang salita. Ang ilan sa mga halimbawa ng tulang nasa anyong tradisyonal ay ang mga tulang isinulat ni Dr. Jose Rizal, isa na dito ang “Isang Alaala ng Aking Bayan“.
  • May sukat na walang tugma – mga tulang may tiyak na bilang ang pantig ngunit ang huling pantig ay hindi magkakasingtunog o hindi magkakatugma.
  • Walang sukat na may tugma – mga tulang walang tiyak na bilang ang pantig sa bawat taludtod ngunit ang huling pantig ay magkakasintunog o magkakatugma.

2. Kariktan

Ito ang malinaw at hindi malilimutang impresyon na natatanim sa isipan ng mga mambabasa. Ang kariktan ay elemento ng tula na tumutukoy sa pagtataglay ng mga salitang umaakit o pumupukaw sa damdamin ng mga bumabasa.

3. Persona

Ang persona ng tula ay tumutukoy sa nagsasalita sa tula. Kung minsan, ang persona at ang makata ay iisa. Maari rin naman na magkaiba ang kasarian ng persona at makata. Maaari rin na isang bata, matanda, pusa, aso, o iba pang nilalang.

4. Saknong

Ito ay tumutukoy sa grupo ng mga taludtod ng tula. Ito ay maaring magsimula sa dalawa o higit pang taludtod.

5. Sukat

Ito ang bilang ng pantig ng tula sa bawat taludtod na karaniwang may sukat na waluhan, labing-dalawahan, at labing-animan na pantig.

6. Talinhaga

Kinakailangan dito ang paggamit ng mga tayutay o matatalinhagang mga pahayag upang pukawin ang damdamin ng mga mambabasa.

7. Tono o Indayog

Tumutukoy sa paraan ng pagbigkas ng bawat taludtod ng tula. Ito ay karaniwang pataas o pababa.

8. Tugma

Ito ay ang pagkakasingtunog ng mga salita sa huling pantig ng bawat taludtod ng tula. Sinasabing may tugma ang tula kapag ang huling pantig ng huling salita ng bawat taludtod ay magkakasintunog. Nakagaganda ito ng pagbigkas ng tula. Ito rin ang sinasabing nagbibigay sa tula ng angkin nitong himig o indayog.

SEE ALSO: ALAMAT: Kahulugan at Halimbawa ng mga Alamat

Mga Uri ng Tula

Ang tula ay may apat (4) na uri. Ito ay ang sumusunod:

1. Tulang Liriko

Ang tulang liriko o pandamdamin ay uri ng tula kung saan itinatampok ng isang makata ng kanyang sariling damdamin, iniisip, at persepsyon. Puno ito ng masisidhing damdamin ng tao tulad ng kalungkutan, pag-ibig, kaligayahan, kabiguan at iba pa. Sa kabila ng pagiging maikli, ito ay sapat upang maipahayag ang damdamin ng manunulat. Ang halimbawa ng tulang ito ay ang Florante at Laura na isinulat ni Francisco Baltazar.

2. Tulang pandulaan

Ang tulang pandulaan ay karaniwang itinatanghal sa mga entablado at ang mga linyang binibigkas ng bawat karakter ay patula. Ito ay naglalarawan ng mga tagpong lubhang madula na maaring makatulad, makaparehas, o maiba sa nagaganap sa pang araw-araw na buhay.

3. Tulang pasalaysay

Ito ay nagsasalaysay o naglalarawan ng makulay at mahahalagang pangyayari sa buhay na matatagpuan sa mga linya o berso na nagbabahagi ng isang kwento. Ang halimbawa ng tulang ito ay ang Ibong Adarna ni Jose dela Cruz o mas kilala sa tawag na “Hoseng Sisiw”.

4. Tulang patnigan

Ang tulang patnigan ay kilalang tulang sagutan sapagkat ito ay itinatanghal ng mga nagtutunggaliang makata ngunit hindi sa paraang padula kundi sa paraang patula na tagisan ng talino at katuwiran ng mga makata. Karaniwan itong tinatawag na balagtasan kapag itinatanghal sa entablado.

SEE ALSO: MAIKLING KWENTO: Uri, Elemento, Bahagi at Mga Halimbawa

Mga Halimbawa ng Tula


Mga Halimbawa ng Tula Tungkol sa Bayan

Isang Tula sa Bayan

ni Marcelo H. Del Pilar

Sa iyong kandungan tinubuang lupa,
paung nalilimbag ang lalong dakila,
narito rin naman ang masamang gaua,
na ikaaamiis ng puso’t gunita.

Ang kamusmusan ko kung alalahanin,
halaman at bundok, yaman at bukirin,
na pauang naghandog ng galak sa akin,
ay inaruga mo bayng ginigiliw.

Ipinaglihim mo nang ako’y bata pa,
ang pagdaralitang iyong binabata,
luha’y ikinubli’t nang di mabalisa,
ang inandukha mong musmos kong ligaya.

Ngayong lumaki nang loobin ng langit,
maanyong bahagya yaring pag-iisip,
magagandang nasa’y tinipon sa dibdib,
pagtulong sa iyo baying iniibig.

Ngayon na nga lamang, ngayon ko natatap
ang pagkadutsa mo’t naamis na palad.
sa kaalipunan mo’y wala nang nahabag,
gayong kay-raming pinagpalang anak!

Sa agos ng iyong dugong ipinawis,
marami ang dukhang agad nagsikimis,
samantalang ikaw, Bayang iniibig,
ay hapung-hapo na’t putos nang gulanit.

Santong matuid mo ay iginagalang,
ng Diyos na lalong makapangyarihan
na siya ngang dapat na magbigay dangal,
bagkus ay siya pang kinukutyang tunay.

Nguni’t mabuti rin at napupurihan,
sa paghahari mo itong pamamayan,
sapagka’t nakuhang naipaaninaw,
na dito ang puno’y din a kailangan.

Kung pahirap lamang ang ipadadala,
ng nangagpupuno sa ami’y sukat na
ang hulog ng langit na bagyo’t kolera
lindol, beriberi madla pang balisa.

Pag-ibig sa Tinubuang Lupa

ni Andres Bonifacio

Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
Sa pagkadalisay at pagkadakila
Gaya ng pag-ibig sa Tinubuang lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.

Ulit-ulitin mang basahin ng isip
at isa-isahing talastasing pilit
ang salita’t buhay na limbag at titik
ng isang katauhan ito’y namamasid.

Banal na pag-ibig pag ikaw ang nukal
sa tapat na puso ng sino’t alinman,
imbit taong gubat, maralita’t mangmang
nagiging dakila at iginagalang.

Pagpupuring lubos ang palaging hangad
Sa bayan ng taong may dangal na ingat,
Umawit, tumula, kumanta’t sumulat,
Kalakhan din niya’y isinisiwalat.

Walang mahalagang hindi inihandog
Ng may pusong mahal sa Bayang nagkupkop,
Dugo, yaman, dunong, katiisa’t pagod,
Buhay ma’y abuting magkalagut-lagot.

Bakit? Alin ito na sakdal ng laki,
Na hinahandugan ng buong pagkasi,
Na sa lalong mahal nakapangyayari,
At ginugulan ng buhay na iwi?

Ito’y ang Inang Bayang tinubuan:
Siya’y ina’t tangi sa kinamulatan
Ng kawili-wiling liwanang ng araw
Na nagbigay-init sa buong katawan.

Kalakip din nito’y pag-ibig sa Bayan,
Ang lahat ng lalong sa gunita’y mahal,
Mula sa masaya’y gasong kasanggulan
Hanggang sa katawa’y mapasa-libingan.

Sa aba ng abang mawalay sa bayan!
Gunita ma’y laging sakbibi ng lumbay,
Walang alaala’t inaasa-asam
Kundi ang makita’y lupang tinubuan.

Pati ng magdusa’y sampung kamatayan
Wari ay masarap kung dahil sa bayan
At lalong mahirap. Oh, himalang bagay!
Lalong pag-irog pa ang sa kanya’y alay.

Kung ang bayang ito’y masasa-panganib
At siya ay dapat na ipagtangkilik,
Ang anak, asawa, magulang, kapatid;
Isang tawag niya’y tatalikdang pilit.

Hayo na nga, hayo, kayong nagabuhay
Sa pag-asang lubos ng kaginhawahan
At walang tinamo kundi kapaitan,
Hayo na’t ibangon ang naabang bayan.

Kayong nalagasan ng bunga’t bulaklak
Ng kahoy ng buhay na nilanta’t sukat,
Ng bala-balaki’t makapal na hirap,
Muling manariwa’t sa baya’y lumiyag.

Ipahandug-handog ang buong pag-ibig
At hanggang may dugo’y ubusing itigis;
kung sa pagtatanggol, buhay ay mapatid,
Ito’y kapalaran at tunay na langit.

Isang Alaala Ng Aking Bayan

ni Jose Rizal

Nagugunita ko ang nagdaang araw
ng kamusmusang kong kay sayang pumanaw
sa gilid ng isang baybaying luntian
ng rumaragasang agos ng dagatan;
Kung alalahanin ang damping marahan
halik sa noo ko ng hanging magaslaw
ito’y naglalagos sa ‘king katauhan
lalong sumisigla’t nagbabagong buhay

Kung aking masdan ang liryong busilak
animo’y nagduruyan sa hanging marahas
habang sa buhangin dito’y nakalatag
ang lubhang maalon, mapusok na dagat
Kung aking samyuin sa mga bulaklak
kabanguhan nito ay ikinakalat
ang bukang liwayway na nanganganinag
masayang bumabati, may ngiti sa lahat.

Naalaala kong may kasamang lumbay
ang kamusmusan ko nang nagdaang araw
Kasama-sama ko’y inang mapagmahal
siyang nagpapaganda sa aba kong buhay.
Naalaala kong lubhang mapanglaw
bayan kong Kalambang aking sinilangan
sa dalampasigan ng dagat-dagatan
sadlakan ng aking saya’t kaaliwan

Di miminsang tumikim ng galak
sa tabing-ilog mong lubhang mapanatag
Mababakas pa rin yaong mga yapak
na nag-uunahan sa ‘yong mga gubat
sa iyong kapilya’y sa ganda ay salat
ang mga dasal ko’y laging nag-aalab
habang ako nama’y maligayang ganap
bisa ng hanging mo ay walang katulad.

Ang kagubatan mong kahanga-hanga
Nababanaag ko’y Kamay ng Lumikha
sa iyong himlayan ay wala nang luha
wala nang daranas ni munting balisa
ang bughaw mong langit na tinitingala
dala ang pag-ibig sa puso at diwa
buong kalikasa’y titik na mistula
aking nasisinag pangarap kong tuwa.

Ang kamusmusan ko sa bayan kong giliw
dito’y masagana ang saya ko’t aliw
ng naggagandahang tugtog at awitin
siyang nagtataboy ng luha’t hilahil
Hayo na, bumalik ka’t muli mong dalawin
ang katauhan ko’y dagling pagsamahin
tulad ng pagbalik ng ibon sa hardin
sa pananagana ng bukong nagbitin.

Paalam sa iyo, ako’y magpupuyat
ako’y magbabantay, walang paghuhumpay
ang kabutihan mo na sa aking pangarap
Nawa’y daluyan ka ng biyaya’t lingap
ng dakilang Diwa ng maamong palad;
tanging ikaw lamang panatang maalab
pagdarasal kita sa lahat ng oras
na ikaw ay laging manatiling tapat.

SEE MORE: Tula Tungkol sa Bayan (14 Tula)


Tula Tungkol sa Crush

Tula para kay Crush

ni bitoks001

Naalala ko pa ang itsura mo
Nung una kang magpakita sa harap ko
May salamin at maigsi ang buhok mo
Di mo alam natulala ako sayo

Ang lihim ko na pag tingin
Di ko na lang sasabihin
Sulyap lang mula sa akin
Saglit lang at di mo pansin

Simpleng minamasdan ka
Bat di ako nag sasawa
Wala ka mang ginagawa
Sayo ako’y namamangha

Pero ako’y nagtataka
Ano nga ba ang meron ka
Bat sayo ko nakikita
Bagay na wala sa iba

Hindi ako makatingin ng direcho
Sa titig mo kapag magkausap tayo
Nakakakilig, kailangang lumiko
Patay malisya nalang ang palusot ko

Siguro ako ay iyong nakilala
Sa mga walang kwenta ko na patawa
Pero bakit hindi kita mapasaya
San ba ang kiliti mo di ko makita

Pero ako’y lalayo at aalis na
makilala ka’y magandang ala ala
Hinding-hindi mo na to malalaman pa
Sapat nang akin nalang itong mag-isa

Kung hindi lang dahil sa kaibigan ko
Na may hinala sa akin tungkol sayo
Kabisado na kasi ako ng loko
Nalaman mo tuloy aking tinatago

Seryoso naman at totoo
Sinasabi man ng pabiro
Huwag ka nang mag rereklamo
Korni ang joke ko na seryoso

Para kay Crush

ni Ms_Jamy

Nung una pa lang kitang nakita
Lintek na kupido
Pinana agad ang puso ko
Kaya ang lakas ng tama sa’yo.

Tila mata’y naka-stick glue
At ika’y nakidikit na sa puso ko
Naghihintay na mahawakan ang iyong kamay
At kung pwedeng sayong tabi na mamatay.

Dahil sa iyong angking kagwapuhan
Kaya naghahari ang aking kalandian
Tila di mapakali
Tulad ng kiti-kiti.

Nang yumingin ka sa akin
Sabay sabi ng “hi” sakin
Parang ako’y biglang hihimatayin
Sabay sabi ng “Oh God, thank you for blessing”.

O “crush” ko
Na “soon to be husband” ko
Na hanggang sa “growing old with you”
Maniniwala na ako sa “forever” pag ikaw ang makakasama ko.

Tula para kay Crush

ni BlackBallpens

Isinulat ko itong madamdaming tula
Dahil sa pagtibok ng puso kong bigla
Alam kong ito’y hindi kapani-paniwala
Ngunit dahil sa’yo ako’y naging isang makata.

Hindi ko mapigilan ang aking nararamdaman
Sa lalaking ito’y lubhang tinamaan
Kung hindi ako nagkakamali,
_________ ang kanyang pangalan.

Nung una naming pag-uusap
Parang ako’y nasa ulap
Siya lang ang pinakamimithing pangarap.

Ipagdarasal ko sana ito ay mabasa
Ng taong laman nitong istorya
Pinapangako kong ako’y hindi lilingon sa iba
Basta’t siguraduhin niyang ako’y hindi pinapaasa.

SEE MORE: Tula Tungkol sa Crush (6 Tula)


Tula Tungkol sa Edukasyon

Ang Mahiwagang Edukasyon

ni Medyobadgerl

Mahiwagang edukasyon
Nagbibigay impormasyon
Upang matapos ang misyon
At maabot ang ambisyon

Ito ay pahalagahan
Nagbibigay kaalaman
Pumapasok sa isipan
Tulong sa pangangailangan

Solusyon sa kahirapan
Susi sa kinabukasan
At tungo sa kaunlaran
Tagumpay ay makakamtan

Ito ay tanging pamana
Ng ating ama at ina
Bigay ng Poong Maykapal
Dapat ay minamahal

Edukasyon

ni Lorna C. Cantes

Edukasyon ang daan tungo sa tagumpay,
Sa isang lipunang matatag at matibay.
Sandalan at sandata sa kinabukasan,
Ang siyang maghuhubog ng mga kaisipan.

Kung ang edukasy0n ay matatamasa,
Tiyak ang liwanag, matatanaw mo na.
Matutunan nating gamitin sa tama,
Kaalamang taglay ito ang tunay na panangga.

Gabay ng PANGINOON lagi sana’y hingin,
Ng taong katulad mong may mabuting layunin.
Hangad ay mapaunlad ang buhay na angkin,
Makapaglingkod din sa mga taong ginigiliw.

Pinanday sa mag-aaral, de kalidad na edukasyon,
Heto na’t makakamit sa buhay na may layon.
Pagkat dito sa MHS na nagsilbing kaagapay,
Upang gintong aral ay tumatak sa buhay.

Susi sa Kinabukasan

ni Remarkable Jose

Kaalamang taglay kailangang tunay
Sandatang dapat taglayin ninunman
Dahil gamit natin sa pang araw-araw
Na matatagpuan sa edukasyon lang

Edukasyong hanap nasa eskwelahan
Tinuturong ganap ng gurong mahusay
Sa mag-aaral sa iba’t ibang lugar
Taglay ang araling mahalagang tunay

Makamit ito ay walang kasing saya
Sapagkat dala ay magandang simula
Simula sa isang magandang biyaya
Dala ay tagumpay maging dalubhasa

Kahit mahirap babatain tunay
Makamit lamang ang tamang kaalaman
Na magiginng daan sa ating tagumpay
Dahil ito’y susi sa magiging buhay

Natutunan natin gamitin sa tama
Upang ang tadhanang nakatakday saya
Kaalamang taglay ito ang panangga
Sa buhay natin na puro na problema

SEE MORE: Tula Tungkol sa Edukasyon (10 Tula)


Tula Tungkol sa Guro

Ang Aking Guro, Aking Bayani!

ni Russel S. Mapilar

Paggising sa umaga,
Diwa’y inaantok pa
Ngunit tayo’y papasok na
Papasok na sa eskwela

Simula pagkabata hanggang sa pagtanda
Kayo ay tumayong pangalawang ama o ina
Nariyan para gumabay at mag-aruga,
Pasasalamat lamang ay nararapat itakda.

Sa aking paglaki
Di iniisip mga pagkakamali,
Ngunit ngiti lamang syang sinukli,
At mga payong sa lungkot ay humahawi.

Kayo ay laging kaalalay,
Nagbibigay kulay sa aking buhay,
Sya ring karamay sa kabiguan at lumbay
Ikaw na nga guro, susi sa aming tagumpay.

Kaya’t ako ay nagpapasalamat sa inyo
Mga minamahal at ginigiliw na guro ko
Walang pag-aalinlangang ipapakita ko
Ikaw aking guro bayani ng buhay ko!

Sa Mga Guro

ni Donward Cañete Gomez Bughaw

Kapagka ang yeso ang ipinambato
Doon sa madaldal na estudyante mo,
At saka-sakaling tamaan ang ulo,
Bala ang babalik sayo mismong noo!

Kapagka pambura’y ipahid sa mukha
Niyong mag-aaral na tatanga-tanga,
Pakaiwasan mo’t baka maging kawa
Yaong igaganti sa iyong ginawa!

Kapagka ang pluma ang siyang ginamit
Sayong panghuhusga’y mag-ingat na labis;
Sapagkat di tinta yaong ipapalit,
Kundi ang dugo mong mas nakakahigit!

Kapagka ang luha’y mamatak sa lupa
Niyong estudyanteng labis na nagdusa–
Pakaasahan mo’t gaganti ang bata,
Ika’y sisingilin hanggang sa pagtanda!

Guro, Nasa Langit Ang Iyong Paraiso

ni B. del Valle

Hatinggabi, nagbabasa sa malamlam na ilawan,
Naglalamay samantalang ang iba ay nahihimlay,
Samantalang ang marami’y nasa binggo, nagsusugal,
Nasa sine, nasa “night club”, naglalasing, nagsasayaw.

Madalas na malipasan ng gutom sa di-pagkain
Sa oras na kailangan… pagkabigat na gawain!
Hanggang doon sa tahana’y dala-dala ang iksamen,
Kaya’t siya kung matulog ay hatinggabing malalim.

At lalo nang ang isipa’y gulung-gulo, naghihirap
Kung sa kanyang pagtuturo’y pasakit ang niyayakap
Pagkatapos na gampanan ang tungkuling iniatas,
Ang katawa’y nanghihina’t ang tinig ay nababasag.

Ang marami’y natutuyo at ang tungo’y sa libingan,
Lalo na kung sa iskwela’y mga batang walang galang
Ang palagi nang kaharap sa umaga’t maghapunan,
Mga batang di na kayang patuwirin ng magulang.

Ang sariling kabutihan ay kanilang nililimot,
pinapatay ang damdamin nitong dibdib sa pag-irog,
sa gawaing pagtuturo ang diwa ay nakabalot,
at ang pintig nitong puso’y di pansin ang lumuluhog.

Natutuwa kung marinig ang papuring walang laman:
“Kung ikaw ma’y nagsasalat sa salapi’t karangyaan,
Nasa iyo namang lahat ang papuri at parangal
Pagka’t tapat kang maglingkod sa bayan mong minamahal.”

Nagagalak pag narinig ang pangakong di-natupad:
“Ang sahod mong kakarampot, may pag-asang magkadagdag
Pag dumating ang panahon na ang kaban ay bumigat.”
O pag-asang naluluoy at sa hangi’y lumilipad!

SEE MORE: Tula Tungkol sa Guro (21 Tula)


Tula Tungkol sa Ina

Duyan ng Bulaklak Para kay Inay

ni Rolando S. Soliven

Nais kong magtanong sa lahat ng dilag,
Pa’no ba uuriin ang ganda ng bulaklak?
Sa bango bang angkin na hatid ay galak
O sa rikit na taglay na nakabibhag?

Ang bango’t samyo ba ay makasasapt
Sa lahat ng hirap pwede bang itapat?
Sa pagod at pagal ba ay mailalapat.
Matatanggal nga ba, papawiin lahat?

Kay raming bulaklak na nagwawagayway
Ang angking karikitan ay abot ng kamay
Nguni pa’no pipiliin ang dapat na alay
Sa babaeng nagtangig ang tawag ay “Inay”?

Sa lahat ng hirap, sa lahat ng pagod
Lahat niya’y binigay sa anak na lingkod.
Dusa’y ‘di iindahin kahit na hilahod
Kahit pa bagsak na, bali ang gulugod.

Ang luha sa mata ng anak na irog
Kanyang pupunasan ng kamay at hagod
At saka hahagkan ng labing malambot
Upang takot sa dibdib mabaon sa limot.

Ikaw ang sandigan mula ng maliit,
Ikaw ang panangga kay Tatay na galit.
Lahat ng hiniling ibinigay pilit
Kahit ayaw at masakit mata ay pinikit.

Ang pagmamahal mo ay walang kawangis
Ikaw ang lunas ko sa aking pagtangis
Sa lahat ng supling walang ninais,
Kundi ang mahalin, arugaing labis.

Hindi man sumapat, lahat ng bulaklak
Nawa ang tula ko’y magdulot ng galak.
Maging “Duyan” nawa ng diwa mo “Nanay”
Payapang sandali… makamtan sa alay…

Kay Inay

ni Emelita Perez Baes

Sa aking kamusmusang
balot ng kalungkutang iniwanan ni Itay,
sa mulat kong paningi’y
naiwanan ang latay na naumang kay Inay;
labing-anim na matang
ipinauunawa’y lantay na pagmamahal,
ang kanyang kinapiling sa pakikipaghamok sa kinaparoonan!

May aninaw ng dilim
ang wisik ng siphayong sa puso ay pangwindang,
na kanyang katuusan
upang ang mga bunso sa aral ay tustusan;
ito’y mga gawing
di malirip ng diwa’t di mabata ng laman ngunit magpapayabong
ng walong pintig buhay at walong kaisipan.

Haba ngang nagtatagal
ay lalong bumibigat iyang mga dalahin
nitong mahal kong Inang
may matibay na. dibdib sa dusa at tiisin;
at iyang mga supling
na kulang pa ang malay ay kung pakaisipin
kanyang naitaguyod
sa sipag at tiyagang kay hirap patigilin!

May kurus s’ya sa dibdib
handang magpakasakit at handa ring magtiis,
mayroon siyang sagot
at laging handang tugon sa mga suliranin;
mapagpala n’yang kamay
panghaplos ng dusa at panlunas sa sakit,
mapagmahal na dibdib
ay mapagsusukdulan ng mga hinanakit.

Kinalong niyang lahat
iyang kapalaluang katambal ng pagluha
at sa silid ng puso’y
binigyang puwang niya, lahat ng mga hiwa;
may hapdi man ang sugat
na wala ng panlunas sa gasgas na hiwaga,
karamay pa rin siya
sa lahat ng sandaling pagkapariwara.

Ngayon nga’y kaarawan
ng aking sintang ina . .. ika-limampu’t siyam,
may putong siyang koronang
mula sa ating Poong sa kanya ay gumabay;
sa nagdaang panahon
ng pagpapakasakit at tinamong tagumpay
marmol siyang bantayog
niyang kadakilaang walang makakapantay!

Siya nga ang babaing
aking dadakilain sa lahat ng panahon,
ngayong may isip na ko’y karapatan ko lamang na siya’y ipagtanggol;
ipalasap sa kanya —
itong pasasalamat na sa puso ay taos,
ang kumot ng ginhawa’y
ilulukob sa kanya ng buong pagkalugod!

Sa kanya ay alay ko
ang halik ng pagsinta at ng mga pag-irog
at mga panalanging
nawa’y pagkalooban ng dugong dumadaloy
ang nalalabing buhay
na sa ugat ng puso ay pait ang bumalong
nang kahit na sang saglit
banaag na ligaya sa kanya’y mapakalong!

Ilaw ng Tahanan

ni Florimae Janiel

Ang sabi sa akin ng aking ina
Ako ay galing sa sinapupunan niya;
Sa bahay-bata niya kanya akong dala-dala
Siyam na buwang singkad kanya akong inalala…

Nang ako’y magkaisip aking nasilayan
Kung paanong mga anak kanyang alagaan;
Sa langaw at lamok ‘di hahayaang madapuan
Babantayan niya paglalaro mo sa lansangan…

Bago ka mag-aral tuturuan ka niya
Sisimulan sa tama gamit yaong “Abakada”;
Hindi ka niya kukurutin o kaya’y babatukan
Ni luluhod sa asin o didipa sa harapan…

Ang pagluluto niya ay ubod ng sarap
Piniritong bangus, sinigang na apahap;
Bulanglang na gulay, pinangat na sapsap
Adobo, mechado, afritada, at maski-pap…

Sa pananamit ay kanya kang iyaayos
Plantsadong mga damit, malilinis na sapatos;
Mamahaling medyas sa iyo’y kanyang isusuot
Nang ang mga paa mo ay hindi magkapaltos…

Kahit nang magbinata ang anak niyang mahal
Walang tigil ang pagpayo upang ‘di mapahamak;
Sabi n’ya, “Sa ‘yong sinta’y ‘wag lubos na magmahal,
at baka mabigo ka, puso mo ay mawasak!”

Kapag sumapit na ang anak sa graduation
Ang ina niyang mahal ay full of appreciation;
“Anak, ang galing mo, you did it, please go on”
Siya ay nagsisilbing palaging inspirasyon…

Kahit mga anak niya ay mag-asawa na
Naroon pa ring sumusubaybay sa kanila;
Sukdulang tumulong galing sa kanyang bulsa
Huwag lang maghirap ka sa pagpapamilya…

Ang aking masasabi ay iisa lamang
Gaano man kalaki natamong katagumpayan;
Sa likod ng anak ay may isang kaakbay
Walang iba kundi ang mahal niyang Nanay!

SEE MORE: Tula Tungkol sa Ina (17 Tula)


Tula Tungkol sa Kaibigan

Tunay Na Kaibigan

ni Eugene

Kaibigan, naalala mo pa ba?
Ang araw na lagi tayong magkasama?
Ikaw at ako, tayong dalawa,
ay masayang naghahabulan sa may kalsada.

Kaibigan, natatandaan mo pa ba?
Nagkasakit ka’t sa iyo’y walang nag-alaga?
Mabuti na lang naroon ako.
Walang araw at gabing inalagaan kita.

Kaibigan, hindi mo ba nakalimutan?
Ang pagtangi kong mahal pala kita?
Nagulat ka, at napaurong ang dila.
Natigilan, natahimik, at mulagat ang mata.

Kaibigan, sa tingin mo ba?
Naiwaksi ko sa aking isipan na,
Mahal mo ako noon pa,
At hindi mo iyong sa’kin ipinagkaila.

Kaibigan, sampung taon na pala?
Ikaw at ako ay buhay pa.
Kahit uugod-ugod at matanda na,
Pagmamahalan natin ay tunay na dakila.

Kaibigan, mahal na mahal kita…

Tatlong Lebel ng Kaibigan

ni Mark Ipil

Kaibigan, pinakamasakit na tinawag mo sa akin,
Na lubhang kumirot at tumusok sa damdamin,
Isang bagay na tumuldok sa aking naisin,
Isang kirot at hapdi na kay hirap alisin.

Kaibigan, isang taong laging nandiyan,
Hindi ka iiwan o lalayuan kailanman,
Lahat ng sakit at luha mo’y maiintindihan,
Hindi ka matiis kahit mapunta saanman.

Kaibigan, isang mapagpanggap na kaaway,
Na palagi sayo’y nakangiti’t kumakaway,
Ngunit sa iyong pagtalikod hanap ay away,
Iyong pagbagsak ay kanyang tagumpay.

Kaibigan

ni Pusang Tahimik

Kumusta aking kaibigan
Na siya kong napagsasabihan
Ng mga bagay na iniingatan
At itinatago sa karamihan

Ako’y may mensahe kaibigan
Ako’y mayroong naiibigan
Handa ka na bang malaman
Siya ay ang aking kaibigan

Tibok ng puso’y pinipigilan
Ng isip na nangangatuwiran
Damdamin ba’y ipagliliban
Sa takot na siya ay lumisan

Dapat pa nga bang malaman
Kung makasasakit ng kaibigan
Itatago na lang sa isipan
At manatili na lang na kaibigan

Alam ko’ng hindi makatuwiran
Sana’y wala ka pang naiibigan
Damdamin sayo lamang nakalaan
At sa isip ikaw ang pinagsisigawan

Ngunit handa ka’ng pakawalan
Kung sino man sayo’y nakalaan
At pangako hindi ako masasaktan
Kung liligaya ka naman

SEE MORE: Tula Tungkol sa Kaibigan (14 Tula)


Tula Tungkol sa Kalayaan

Nasaan ang Kalayaan?

ni Kamalayang Kalayaan

Isang daang taon ang nakalilipas
Marami pa rin ang naghihirap
Isang daang taon ng pakikibaka
Para sa ating ganap na paglaya

Tingnan mo sila walang pinagkaiba
Sa mga dayuhan sa atin umalipusta
Pinagdidiwang ang kalayaan
Na hindi nila alam ang kahulugan

Nasaan ang kalayaan?
Kung ang tiyan ay walang laman
Nasaan ang kalayaan?
Kung wala kang katarungan

Nasaan ang kalayaan?
Nasaan ang kalayaan?
Nasaan ang kalayaan?
Aking Kababayan

Malaya na ba ang pilipino?
Tanong ko sa sarili ko
Malaya na ba ang pilipino?
Itanong mo sa sarili mo

Sa ating mga ninuno na lumaban
At nagbuwis ng buhay para sa bayan
Ipagpatuloy natin ang laban
Totoong kalayaan ng Anak ng Bayan

Nasaan ang kalayaan?
Kung lupa mo’y kinakamkam
Nasaan ang kalayaan?
Kung wala kang karapatan

Nasaan ang kalayaan?
Nasaan ang kalayaan?
Nasaan ang kalayaan?
Aking Kababayan

Sa Kalayaan ng Aking Bayan

ni Spie Principio

Sa isip ko, di yata
natatamo ‘tong kalayaan
ng aking bayang sinilangan
sa kamay ng dayuhan.

Kahit na ilang taon
ang nagdaan sa kasaysayan
s’yang kaakibat pa rin
paghihimasok ng dayuhan.

Sa ‘ting pangangalakal
maging sa ‘ting pamamahala
boses ng mga dayuhan
siyang may timbang at halaga.

Paano na tayo at ang bukas
patuloy ang hikahos
pagdiriwang ng kalayaan
kawalan, siyang saysay.

SEE MORE: Tula Tungkol sa Kalayaan (5 Tula)


Tula Tungkol sa Kalikasan

Ulap

ni Jose Corazon de Jesus

Dati akong panyo ng mahal na birhen
Na isinalalay sa pakpak ng anghel;
Maputi, malinis, maganda, maningning,
Ang lahat sa langit, nainggit sa akin.

At ako’y ginamit sa kung saan-saan,
Pamunas ng noo ni Bathalang mahal;
Kung gabi’y kulambo’t kung araw’y kanlungan,
Lalong pampaganda sa bukang-liwayway.

Kung umaga ako’y ginto sa liwanag,
Karong sinasakyan ng Araw sa sinag;
At kung gabi namang tahimik ang lahat,
Dahilan sa Buwan, nagkukulay pilak.

Dati akong puti, busilak ang ganda,
Sa Dios pamunas sa tuwi-tuwi na;
Sa Birhen ay panyong pamahid sa dusa,
At sa mga tala ay kulambo nila.

Dahilan sa ganyang dami kong gawain,
Ako ay dumumi, lumungkot, umitim,
At ang katawan kong ibig kong basain,
Kapag lumitaw na, ulan ay darating.

At ngayon sa aki’y sawa na ang lahat,
Di na nagunita ang lahat kong hirap,
Dios ang may sabi: Ang aking pamunas
Nang marumihan na’y tinawag kong ulap.

Sa Paglubog ng Araw

Jose M. Villena

Nagbabagang bolang ginto’y gumugulong sa kanluran,
Dahan-dahan kung ibuyog sa maulap na hantungan;
Ang katalik na maghapon ay aayaw na paiwan,
Nakabuntot sa pag-isod mula roon sa silangan.

Kadilimang naghuhunab sa mababang panginori’y
Pasalunong sumusunson sa luhaang takipsilim;
Ang daluyong ay pataghoy kung humalik sa pampangin,
Habang doon sa tumana’y dumadalit yaong hangin.

Ang akasya sa libingan ay nagtuping mga dahon
At ang hayop na nagligaw sa pastula’y nagsiyaon;
Alaala’y tiklop-tuhod sa bisitang nasa nayon,
Samantalang ang dupikal sa simboryo’y lumulungoy.

O kaylungkot na tanawing iginuhit ng tadhana…
O kaygandang panimdiming napupuntos ng hiwaga;
Sa masining na damdami’y likhang-guro ni Bathala…
Talinhaga’t salamisim sa daigdig ng Makata!

Kalikasan – Saan Ka Patungo?

ni Avon Adarna

Nakita ng buwan itong pagkasira,
Mundo’t kalisakasan ngayo’y giba-giba,
Ang puno – putol na, nagbuwal at lanta,
Ang tubig – marumi, lutang ang basura.

Nalungkot ang buwan sa nasasaksihan,
Lumuhang tahimik sa sulok ng damdam,
At nakipagluhaan sa poong Maylalang,
Pagkat ang tao rin ang may kasalanan.

Ang hanging sariwa, bilasa na ngayon,
Nasira ng usok na naglilimayon,
Malaking pabrika ng goma at gulong,
Sanhi na ginawa ng pagkakataon!

Ang dagat at lawa na nilalanguyan
Ng isda at pusit ay wala nang laman,
Namatay sa lason saka naglutangan,
Basurang maburak ang siyang dahilan!

Ang lupang mataba na bukid-sabana,
Saan ba napunta, nangaglayag na ba?
Ah hindi… naroon… mga mall na pala,
Ng ganid na tao sa yaman at pera.

Mga sapa at ilog sa Kamaynilaan,
Ginawa na ng tao na basurahan,
At kung dumating ang bagyo at ulan,
Hindi makakilos ang bahang punuan.

Ang tao rin itong lubos na dahilan,
Sa nasirang buti nitong kalikasan,
At darating bukas ang ganti ng buwan,
Uunat ang kamay ng Poong Lumalang!

SEE MORE: Tula Tungkol sa Kalikasan (11 Tula)


Tula Tungkol sa Magulang

Pagkalinga ng Magulang

ni Laurence B. Reyes

Saking pag unlad baon ang inyong aral
Bilang papuri at sa inyo ay parangal
Ang walang katapusang pasasalamat
Ang pag ibig at karangalan ang dapat.

Sa aking pagmulat sa mundo ng kaligayahan
Kayo ang aking lagging nadadamhan
Sa aking paglaki dama pa rin ang aruga
Hindi ko makalimutan ang pagmamahal at aruga

Sa pag aaruga at pag aalaga
Sa pag ibig at iyong pagkalinga
Sadyang tinakda ng ating kapalaran
Patungo lamang sa tuwid na daan.

Ang pagbibigay ng natatanging aral
Ang inyong anak ay nabusog sa pangaral
Ang inyong pag ibig na para sa akin
Tanging kabutihan ang nais hatid.

Naging daan patungo sa kabutihan
Naging daan ng pag ibig sa tahanan
Kayo ang pundasyon, mabuting samahan
Maraming salamat sa pagmamahal.

Para sa aking Mahal na Magulang

ni Eden Diao Apostol

Ang buhay kong ito’y sa inyo nagmula
Pangalawa sa Diyos na s’yang lumikha
Utang ko sa inyo ang aking hininga
Minahal, hinubog ng inyong kalinga.

Mga sakripisyo’y sadyang hindi biro
Mula ng ako’y iniluwal sa mundo
Pag-ibig na iniukol sa ‘ki’y totoo
Pagmamahal ninyo’y nagsilbing lakas ko.

Ako’y tinuruan ng magandang asal
Sa gitna ng hirap ako’y pinag-aral
Upang ‘di mapariwara ang aking buhay
Diplomang natanggap sa inyo ini-alay.

Ngayon ang buhay ko ay sadyang kay-palad
Pangarap ko’y unti-unting natutupad
Ito’y bunga ng ‘nyong dakilang paglingap
Sa ‘king puso’y walang hanggang pasalamat.

Tula Para sa Aking Mahal na Magulang

ni Saira

Akoy gumawa ng isang tulain
Para sa mga idolo kung tawagin
Sila ang nagpalaki at nagaruga sa akin
The best sa buhay ko na aking maituturing

Nang akoy isilang sa mundong ibabaw
Ngiti sa labi ng aking mga magulang
Parang akong isang anghel na nakahahalinang pagmasadan
Kinasabikang hawakan ni ayaw pang bitawan

Nang akoy lumaki at magkaisip
Magagandang aral sa akin ay pinasasambit
Bawat letra at pangungusap ay aking isinasaisip
Upang kahit saan man ako naroon ay aking mabitbit

Kayo ang dahilan ng aking paghinga
Ako ay lumaki sa inyong kalinga
Pag-ibig na wagas at napakadakila
Hinubog ang damdamin isip ko at diwa

Kaya’t nagpapasalamat ako sa aking mga magulang
Na nagsisikap magtrabaho umulan man o umaraw
Ano mang pagod at hirap ang kanilang maranasan
Mabuhay lang at maibigay ang aming mga pangangailangan

Kaya’t sa bawat hakbang sa landas kung tatahakin
Masasayang ala-ala ay aking gugunitain
Lahat ng pangarap ko ay aking tutuparin
At sa dulo ng daan kaligayahan ay kakamtin

Araw, buwan, at taon pa man ang aking paghihirap
At kahit ano mang pagsubok ang aking hinaharap
Mananatiling matibay at magsusumikap
Minamahal kong mga magulang kayo ang inspirasyon ko sa aking mga pangarap.

SEE MORE: Tula Tungkol sa Magulang (13 Tula)


Tula Tungkol sa Pag-ibig

Sa Pamilihan ng Puso

ni Jose Corazon de Jesus

Huwag kang iibig nang dahil sa pilak
Pilak ay may pakpak
Dagling lumilipad
Pag iniwan ka na, ikaw’y maghihirap.

Huwag kang iibig nang dahil sa ganda
Ganda’y nagbabawa
Kapag tumanda na
Ang lahat sa mundo’y sadyang nag-iiba.

Huwag kang iibig sa dangal ng irog
Kung ano ang tayog
Siya ring kalabog
Walang taong hindi sa hukay nahulog.

Huwag kang iibig dahilan sa nasang
Maging masagana
Sa aliw at tuwa
Pagkat ang pag-ibig ay di nadadaya.

Kung ikaw’y iibig ay yaong gusto mo
At mahal sa iyo
Kahit siya’y ano,
Pusong-puso lainang ang gawin mong dulo.

Kung ikàw’y masawi’y sawi kang talaga
Ikaw na suminta
Ang siyang magbata;
Kung maging mapalad, higit ka sa iba.

Sa itong pag-ibig ay lako ng puso
Di upang magtubo
Kaya sumusuyo
Pag-ibig ay hukay ng pagkasiphayo.

Pag-Ibig

ni Jose Corazon de Jesus

Isang aklat na maputi, ang isinusulat: luha!
Kaya’t wala kang mabasa kahit isa mang talata.
Kinabisa at inisip mulang ating pagkabata,
tumanda ka’t nagkauban, hindi mo pa maunawa.

Ang pag-ibig, isipin mo, pag inisip, nasa puso;
pag pinuso nasa isip, kaya’t hindi mo makuro.
Lapitan mo nang matagal ang pagsuyo… naglalaho,
Layuan mo at kay lungkot, nananaghoy ang pagsuyo.

Ang pag-ibig na dakila’y aayaw ng matagalan,
Parang lintik kung gumuhit sa pisngi ng kadiliman.
Ang halik na ubos-tindi, minsan lamang sa halikan,
At ang ilog kung bumaha, tandaan mo’t minsan lamang.

Ang pag-ibig kapag duwag ay payapa’t walang agos,
Walang talon, walang baha, walang luha, walang lunos.
Ang pag-ibig na matapang ay puso ang inaanod
Pati dangal, yama’t dunong nalulunod sa pag-irog.

Ang pag-ibig na buko pa’y nakikinig pa sa aral,
Tandang di pa umiibig, nakikita pa ang ilaw,
Ngunit kapag nag-alab na’t pati mundo’y nalimutan
Iyan, ganyan ang pag-ibig, damdamin at puso lamang!

Kapag ikaw’y umuurong sa sakuna’t sa panganib
Ay talagang maliwanag at buo ang iyong isip.
Takot pa ang pag-ibig mo, hindi ka pa umiibig,
Pag umibig, pati hukay ay aariin mong langit.

Iyang mga taong duwag na ang puso’y mahihina,
Umibig man ay ano pa, di pag-ibig, kundi awa.
Kailangan sa pag-ibig ay hirap at mga luha
At ang duwag ay malayong sa pag-ibig dumakila.

Ang pag-ibig ay may mata, ang pag-ibig ay di bulag,
Ang marunong na umibig, bawat sugat ay bulaklak.
Ang pag-ibig ay masakim at aayaw sa kakabyak,
O wala na kahit ano, o ibigay mo nang lahat!

“Ako’y hindi makasulat at ang nanay, nakabantay.”
Asahan mo, katoto ko, hindi ka pa minamahal.
Ngunit kapag sumulat na sa ibabaw man ng hukay
Minamahal ka na niya nang higit pa kaysa buhay.

Kayo mga kabataang pag-ibig ang ninanais,
kayo’y mga paruparong sa ilawan lumiligid.
Kapag kayo’y umibig na, hahamakin ang panganib,
At ang mga pakpak ninyo’y masusunog sa pag-ibig!

Kalupi ng Puso

ni Jose Corazon de Jesus

Talaan ng aking mga dinaramdam,
Kasangguning lihim ng nais tandaan,
Bawat dahon niya ay kinalalagyan
Ng isang gunitang pagkamahal-mahal.

Kaluping maliit sa tapat ng puso
Ang bawat talata’y puno ng pagsuyo,
Ang takip ay bughaw, dito nakatago
Ang lihim ng aking ligaya’t siphayo.

Nang buwan ng Mayo kami nagkilala
At tila Mayo rin nang magkalayo na;
Sa kaluping ito nababasa-basa
Ang lahat ng aking mga alaala.

Nakatala rito ang buwan at araw
Ng aking ligaya at kapighatia.
Isang dapithapo’y nagugunam-gunam
Sa mga mata ko ang luha’y umapaw.

Anupa’t kung ako’y tila nalulungkot
Binabasa-basa ang nagdaang lugod;
Ang alaala ko’y dito nagagamot,
Sa munting kaluping puno ng himutok.

Matandang kalupi ng aking sinapit
Dala mo nang lahat ang tuwa ko’t hapis;
Kung binubuksan ka’y parang lumalapit
Ang lahat ng aking nabigong pag-ibig.

Sa dilaw mong dahong ngayon ay kupas na
Ang lumang pagsuyo’y naaalaala,
O, kaluping bughaw, kung kita’y mabasa
Masayang malungkot na hinahagkan ka.

May ilang bulaklak at dahong natuyo
Na sa iyo’y lihim na nangakatago,
Tuwi kong mamasdan, luha’y tumutulo
Tuwi kong hahagkan, puso’y nagdurugo.

SEE MORE: Tula Tungkol sa Pag-ibig (26 Tula)


Tula Tungkol sa Pamilya

Ang Aking Pamilya

mula sa suezylle.blogspot.com 

Siguro, hindi na ako makakakita pa
Ng pamilyang kasimbuo ng isang tula,
Yung sama-sama ang mga talinghaga
Sa hirap man o sa ginhawa

Yung kapag binabasa mo’y kumakanta
Sa sala’y naglalaro’t nagpapatawa
May pag-ibig na nadarama
Sa bawat pahayag o taludtod nya.

Yung hindi kayang ilipad ng hangin
Ang kanyang himig o adhikain
May bagyo man o may rilim
Matatag, umiindayog pa rin.

Yung ang mga salita ay may bisa
Sa isip at galaw ng mga bata
May paggalang sa mga matatanda
Mga kapitbahay at mga bisita.

Pero ako ay nalulungkot
Panahon nati’y iba ang ikot
Sa mga makata ay may dulot
Na paglayo at pagkalimot.

SEE MORE: Tula Tungkol sa Pamilya (8 Tula)


Tula Tungkol sa Pangarap

Bata (Ang Imposibleng Pangarap)

ni Karl Gerald Saul

Nais kong lumipad tulad ng ibon sa kalawakan
Nais kong lumangoy gaya ng isda sa karagatan
Nais kong maging leong mabangis na katatakutan ng lahat
Nais kong maging serena na kumakanta habang lumalangoy sa dagat

Nais kong maging musikero na tumutugtog na mga instrumento
Nais kong maging sikat na singer na hawak hawak ang mikropono
Pagkat ako’y isang hamak na bata lamang na nangangarap ng imposible
Lahat ng iya’y imposible kong makamit – imposibleng magawa

Sinong tutulong sa’kin?
Sinong gagaba’y sa’kin?
Wala, wala talaga, kung meron sino kaya?
Sa pangarap ko lang talaga ito magagawa

Isang Pangarap

ni TheFrustratedWriter

Isang pangarap ang nais kong makamit
Kahit ang pag-asang maabot ay kay liit
Sa mga kislap ng tala ako ay nakatingin
Hinihiling na sana ang pangarap ko ay dinggin.

Parang gabing madilim ang paligid ko
Na nabubulag sa paghihirap at daing ng tao
Kaya ang tanging pangarap ko
Maging doktor upang hilumin ang kirot sa mundo.

Mali bang mangarap ang musmos na gaya ko
At nagsisikap maabot ang mithiin ko
Na ang layunin ay makaatulong sa kapwa
Lalung-lalo na sa aking pamilya.

Isang pangarap na may mukha ang ligaya
Tamis ng ginhawa at mga taong masaya
Sa pamamagitan ng hiling kong ito
Nawa’y matupad ang pangarap ko.

Patungo sa Tuktok

ni KLi

Kayraming lubak, alon ay malakas
Tatagaan ang loob, sa daa’y maraming ahas
Maraming kasama ngnit ikaw ay mag-isa
Pagtaas ng tubig sa sapa, sa’yo ay walang kakarga

Natural lang ang umiyak at magpapadayak
Pag-abot sa tuktok ay hindi basta at payak
Minsan pa nga sa’yo ay maraming tatapak
Pero ang payo ko sa’yo, sumayaw at pumalakpak

Hindi ka baliw sa iyong gagawin
Ipakita ang galing at taas ng mithiin
Daan naman talaga minsa’y mahirap tahiin
Ngunit kapag umayaw, ika’y palpak na tatawagin

Matapos ang hirap, asahan mo ang sarap
Damhin ang lasap ng natupad na pangarap
Bawat pawis at dugo, kapalit ay karanasan at kamalayan
Na sa iyo ngayon ay magsisilbing kayamanan

SEE MORE: Tula Tungkol sa Pangarap (10 Tula)


Tula Tungkol sa Sarili

Para sa Aking Sarili

ni ClemsClements

Aking ikinukubli ang mga bawat panaghoy
Sa aking sarili, patuloy pa rin ang daloy
Kabataang nakaraan, sa akin nag-bigay daan
Patungo sa kasalukuyang pinaglalaanan.

Mga nakaraang bata pa’y di na nais balikan
Bawat ala-alang aking pinanghahawakan
Sa saglit pa’y dumungis sa aking nakaraan
Ngunit maayos na pag-iisip ang kinakailangan.

Dito ko napagtanto at nakapag-isip ng wasto
Para sa aking sarili at ma magiging pagbabago nito
Nais kong magpatuloy sa pagbabagong ito
Dahil marami pang pagsubok ang kakaharapin ko.

Patutunguhan

ni Judy Ann Omar

Nag-iisa, nag-iisip kung ano ang maaring gawin,
Mga bagay, pangarap na kay hirap abutin,
Marami pang problema ang kailangang kayanin,
Mga pagsubok ay dapat nating harapin.

Dalawang daan, ang kailangang pagpipilian,
Ang tuwid na daan at makipot na daan,
Tuwid na mayroong bangin sa dulu-dulohan,
Makiipot ma’y sa tamang landas naman.

Ngunit, ako’y nalilito kung saan ako patungo,
Sa tuwid na daan ba o sa makipot na ito,
Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko!
Bahala na sa sarili kung saan gustuhin ko.

Aking mga paa’y napapagod na’t nanginginig pa,
Buong katawan ko ri’y mababagsak na,
Ngunit ayaw pang sumuko ng aking mga mata,
Na kahit madilim ma’y lakad parin at pilit kinakaya.

Nagpapasalamat ako sa pinagtunguhan ko,
Bagaman alam ko na, kung ano ang haaharapin ko,
Lakas ng loob para sa kinabukasan ko,
Patutunguhan ko’y malayang pook na sinilangan ko.

SEE MORE: Tula Tungkol sa Sarili (6 Tula)


Tula Tungkol sa Wika

Tatag ng Wikang Filipino, Lakas ng Pagka-Filipino

ni Avon Adarna

Ang wika ay apoy – nagbibigay-init,
Sa sanggol na hulog ng anghel sa langit,
Ang inang kumalong at siglang umawit,
Wikang Filipino ang siyang ginamit.

Ang wika ay tubig – na nagpapaputi,
Ng pusong may sala at bahid ng dumi,
Manalangin lamang at saka magsisi,
At patatawarin ng Poong mabuti!

Ang wika ay hangin – siyang bumubuhay,
Sa patid na hinga ng kulturang patay,
Ito’y nagbibigay ng siglang mahusay,
Sa mga tradisyon at pagtatagumpay.

Ang wika ay bato – na siyang tuntungan,
Nitong mga paa ng mahal na bayan,
Wika ay sandigan nitong kasarinlan,
Sa bundok o burol, maging kapatagan.

May alab ng apoy at lakas ng bato,
At kinang ng tubig na wari ay ginto,
Wikang Filipino’y matatag na hukbo
Na lakas ng iyong pagka-Filipino!

Ang Teknolohiya at Ang Wika

ni Avon Adarna

Pinagkaitan nga ng mga patinig,
Mga pangungusap – kulang sa katinig,
At kung babasahin sa tunay na tinig,
Ay mababanaag ang kulang na titik!

Sa sulating pormal at mga sanaysay,
Ano’ng pakinabang kung putol at sablay,
Kulang na ang letra’y mali pa ang baybay,
Ang akala yata’y lubhang mahinusay.

Sa paglalahad ng totoong damdamin,
Hindi ba nagkulang sa ibig sabihin?
Sa pagsusulit ba at mga eksamin,
Makapasa kaya kung letra’y kulangin?

Mundong makabago at teknolohiya,
Anong naidulot sa ating pag-asa?
Kabataang dugong mag-aahon sana,
Tila katunggali ng sariling wika.

Ngayo’y nagtatampo – Wikang Filipino
Sa wari’y nasunog ang tunay na mundo,
Ang wika na dapat ay isinasaulo,
Ay lubhang nalimot at nagkalitu-lito!

Ako’y Wika

ni Kiko Manalo

Wikang Filipino ang aking pangalan,
Ipinanganak ko itong kalayaan,
Ako ang ina at siyang dahilan,
Ng pagkakaisa at ng kasarinlan!

Sapagkat ako nga ang siyang tumanglaw
Sa bansang tahanang iyong tinatanaw,
Katulad ng inang sa iyo ay ilaw,
Nagbibigay-sigla’t buting sumasaklaw!

Ako rin ang ama at naging haligi,
Ng mga sundalo at mga bayani,
Sa digmaan noon sa araw at gabi,
Ako ang sandatang nagtaas ng puri!

Pagkat akong wika ang lakas mo’t tuwa
Ako’y lakas nitong bisig mo at diwa
Sa pamamagitan ng aking salita,
Ligtas ka sa uring luksong masasama!

Sinalita ako at gamit ng lahat,
Upang mga taksil ay maisiwalat,
Sa Luzon, Visayas, sa lahat ng s’yudad,
Pati sa Mindanao, ako ay nangusap!

At nakamit mo na ang hangad na laya,
Mula sa dayuhang sakim at masama,
Dilim na sumakop sa bayan at bansa,
Dagling lumiwanag, pintig ay huminga!

Wikang Filipino, ginto mo at hiyas,
Panlahat na wika saan man bumagtas,
Ilaw na maalab, sa dilim ay lunas
At lakas patungo sa tuwid na landas!

SEE MORE: Tula Tungkol sa Wika (10 Tula)

Share this: