Florante at Laura Buod ng Bawat Kabanata 1-30 w/ Talasalitaan

Sa pahinang ito, mababasa mo ang buod ng Florante at Laura mula sa kabanata 1 hanggang kabanata 30. Maaari mo ring basahin ang talasalitaan na ginamit sa ibaba ng bawat buod.

Ang Florante at Laura ay isa sa mga kilalang akda at obra maestra ng hari ng mga makatang Pilipino na si Francisco Baltazar o mas kilala sa tawag na Balagtas.

Ang akdang ito ay nasa anyong awit na may labindalawang pantig bawat taludturan at kung basahin ay paawit.

SEE ALSO: Florante at Laura Buod ng Buong Kwento (Maikling Buod)

Bagama’t ito ay kathang-isip lamang ng may akda, karamihan sa mga pangyayari sa Florante at Laura ay hango sa totoong buhay ni Balagtas at sa totoong kalagayan ng Pilipinas noong mga nakaraang panahon.

Si Maria Asuncion Rivera, ang babaeng inibig ni Balagtas ang siyang tinutukoy niyang si Selya sa unang bahagi ng kwento.

SEE ALSO: Noli Me Tangere Buod ng Bawat Kabanata 1-64 with Talasalitaan

Kung nais mong malaman kung sinu-sino ang mga tauhan ng Florante at Laura, basahin ang aming post na Florante at Laura Tauhan at mga Katangian ng Bawat Isa.

[lockercat]

Download the PDF version of this post by clicking this link.

[/lockercat]


Florante at Laura Buod ng Bawat Kabanata at mga Talasalitaan


Kay Selya

Nagbalik ang masasaya at malulungkot na ala-ala ng lumipas na kahapon ni Balagtas at ng sinisintang si Selya.

Mataimtim nitong inihahandog ang mga gunita sa pamamagitan ng isang awit na bagaman matamis at malinamnam ang bawat salitang ipinahahayag ay nagdala naman ng kabigatan sa kaniyang pusong nagmamahal.


Sa Babasa Nito

Ayon sa may akda, ang Florante at Laura ay bagaman sa unang tingin ay bubot sapagkat mura at hilaw ang balat ngunit kung nanamnaming mabuti ang nilalaman ay tiyak na masasarapan sa linamnam na malalasap.

Itinagubilin na suriin muna ang akda bago ito pintasan at huwag tutulad kay Sigesmundo na sa kakabago ng berso ay nauwi sa alat ang matamis na tula.


Florante at Laura Buod Kabanata 1: Sa Madilim na Gubat (Saknong 1-7)

Nagsimula ang kwento sa madilim, masukal, at mapanglaw na kagubatan. Ito ay tinitirahan ng mga mababangis na hayop katulad ng serpyente, leon, tigre, at marami pang iba.

Sa kalaparan ng mga dahon ng mga puno at sa mga sangang buhol-buhol ay hindi na makapasok ang liwanag na nagmumula sa araw dahilan kung bakit higit na mas madilim sa loob ng kagubatan.

Talasalitaan:

  • Masukal – marami at matataas na damo
  • Mapanglaw – malagim, malungkot
  • Serpyente – ahas

Florante at Laura Buod Kabanata 2: Ang Binata sa Puno ng Higera (Saknong 8-24)

Sa isang malaking punong kahoy ng higera sa gitna ng kagubatan ay nakagapos si Florante. Nakatali ang mga kamay, paa, at leeg nito.

Sa kabila ng nararamdamang paghihirap ay naaaninag pa rin sa kaniyang mukha ang angking kagandahan na maihahalintulad kay Adonis.

Talasalitaan:

  • Higera – punongkahoy na may malalapad na dahon
  • Nakagapos – nakatali
  • Naaaninag – nakikita
  • Adonis – isang binatang sakdal ng ganda; inibig ni Venus dahil sa taglay na kakisigan

Florante at Laura Buod Kabanata 3: Mga Ala-ala ni Laura (Saknong 25-32)

Halos sumuko na ang puso ni Florante habang naguguni-guni niyang naroroon si Laura sa kandungan ni Konde Adolfo.

Gayunpaman, handa niyang kayanin lahat ng dusang ipapataw sa kaniya ng langit kung paminsan-minsan ay sumagi man lang sa puso ni Laura ang pag ala-ala sa lumipas nilang pag-iibigan.

Talasalitaan:

  • Naguguniguni – naiisip
  • Kandungan – piling
  • Dusa – paghihirap
  • Ipapataw – ibibigay
  • Sumagi – pumasok

Florante at Laura Buod Kabanata 4: Ang Pusong Sawi (Saknong 33-54)

Mula ulo hanggang paa ni Florante ay kita ang bangis ng kapighatian. Hindi lubos maunawaan ng binata kung paano siya nagawang pagtaksilan ni Laura gayong labis naman niya itong minahal.

Sa likod ng magandang itsura ng dalaga ay may mapaglilong nagtatago. Lalo pang nagdusa si Floranate dahil naalala niya ang mga pag-aalaga sa kanya noon ng dalaga.

Sa sobrang paghihinagpis ay nawalan ng malay si Florante at nahimatay.

Talasalitaan:

  • Kapighatian – kalungkutan
  • Mapaglilo – mapagtaksil
  • Paghihinagpis – paghihirap

Florante at Laura Buod Kabanata 5: Panawagan kay Laura (Saknong 55-68)

Panay ang tawag ni Florante kay Laura dahil para sa binata ang dalaga lamang ang tanging makakapawi ng kaniyang kahirapan. Nais niyang muli siyang damitan nito katulad ng pagdadamit sa kaniya noon sa tuwing may kalawang ang kaniyang kasuotan.

Mawawala ang sakit sa damdamin ni Florante kung makikita niya si Laura na nag-aalala para sa kaniya. Patuloy sa pag-ungol si Florante ngunit walang sinuman ang nakakarinig sa kaniya.

Talasalitaan:

  • Panay – palagian
  • Makakapawi – makakaalis
  • Nais – gusto
  • Ungol – ingay

Florante at Laura Buod Kabanata 6: Ang Pagdating ni Aladin (Saknong 69-82)

Nagkataong dumating si Aladin, isang gererong Morong galing Persiya, sa gubat. Umupo ito sa lilim ng isang punongkahoy at lumuha habang binabanggit ang pangalan ni Flerida.

Aniya kung hindi lang ang kanyang ama na si Sultan Ali-Adab ang umagaw kay Flerida ay magiging marahas ang kamay nito.

Talasalitaan:

  • Gerero – mandirigma
  • Moro – muslim
  • Marahas – brutal, di makatao

Florante at Laura Buod Kabanata 7: Pag-alala ni Florante sa Ama (Saknong 83-97)

Habang naghihimutok si Aladin ay may narinig siyang buntung-hininga ng lalaking nakagapos sa puno ng higera. Nagmatyag si Aladin sa naririnig na panambitan.

Naabutan niya ang hibik ni Florante na dumaraing sa pagkapugot ng ulo ng amang makandili na si Duke Briseo dahil sa kagagawan ni Konde Adolfo.

Talasalitaan:

  • Naghihimutok – naglalabas ng sama ng loob
  • Nakagapos – nakatali
  • Higera – punongkahoy na may malalapad na dahon
  • Panambitan – panalangin
  • Hibik – iyak
  • Makandili – maalaga

Florante at Laura Buod Kabanata 8: Si Duke Briseo at Sultan Ali-Adab (Saknong 98-107)

Nakaramdam ng awa si Aladin kay Florante dahil sa kaniyang narinig. Napagtanto niya ang malaki ang pagkakaiba niya kay Florante.

Habang ang rason ng pagluha ni Florante ay ang panghihinayang nito sa pagkawala ng mapagkandiling ama, siya naman ay lihim na tumatangis dahil sa pag-agaw ng kaniyang ama sa pinakamamahal niyang si Flerida.

Talasalitaan:

  • Napagtanto – Napag-alaman
  • Mapagkandili – maalaga
  • Lihim – sikreto, tago
  • Tumatangis – umiiyak

Florante at Laura Buod Kabanata 9: Ang Dalawang Leon (Saknong 108-125)

Nagpatuloy sa pananaghoy si Florante. Samantala, may dalawang leon ang palapit. Sa una ay handang-handa na ito sa paninila ngunit biglang nagsitigil ang mga leon nang makarating ang mga ito sa harap ni Florante na nakagapos sa puno ng higera.

Namaalam na si Florante sa bayang nagpabaya sa kaniya, kay Laura, at kay Adolfo na nagmalupit sa kaniya dahil sa pag-aakalang siya ay mamatay na sa kuko ng dalawang leon.

Talasalitaan:

  • Pananaghoy – pagluluksa
  • Nakagapos – nakatali
  • Higera – punongkahoy na may malalapad na dahon

Florante at Laura Buod Kabanata 10: Si Aladin at ang Dalawang Leon (Saknong 126-135)

Hinawi ni Aladin ang masukal na landas sa pamamagitan ng kaniyang tabak. Papalubog na ang araw nang matunton niya ang kinalalagyan ni Florante.

Nang mga sandaling iyon ay aakmain na ng mga leon ang kaawa-awang si Florante ngunit nagmadaling tumakbo si Aladin malapit sa mga leon at pinagtataga ang mga ito hanggang sa mamatay.

Talasalitaan:

  • Hinawi – pagtanggal sa mga nakaharang, nilinis
  • Masukal – marami at matataas na damo
  • Landas – daan
  • Tabak – espada
  • Matunton – marating

Florante at Laura Buod Kabanata 11: Saklolo ng Kaibigan (Saknong 136-145)

Matapos patayin ang dalawang leon ay agad na pinutol ni Aladin ang lubid na nakagapos sa katawan ni Florante.

Saglit nitong idinilat ang kaniyang mga mata habang binabanggit ang pangalan ni Laura. Sa ikalawang pagmulat ay isang Moro ang kaniyang nasilayan.

Talasalitaan:

  • Saklolo – tulong
  • Nakagapos – nakatali
  • Moro – muslim
  • Nasilayan – nakita

Florante at Laura Buod Kabanata 12: Batas ng Langit (Saknong 146-155)

Nabigla si Florante nang magising siya kasama na ang Morong si Aladin.

Ipinaliwanag nito na bagaman sila’y magkaaway at di magkasekta ang Moro ay saklaw pa rin sa utos ng langit. Sinabi din nito ang pagliligtas na ginawa kay Florante kung kaya’t hindi ito dapat mabahala.

Talasalitaan:

  • Moro – muslim
  • Magkasekta – parehas ng grupong kinabibilangan at paniniwala
  • Saklaw – kasama, kabilang
  • Mabahala – mag-alala

Florante at Laura Buod Kabanata 13: Pag-aaliw ni Aladin kay Florante (Saknong 156-172)

Dinala ni Aladin si Florante sa lilim ng isang puno kung saan una niyang hinintuan nang siya’y makapasok sa gubat na iyon.

Magdamag nitong binantayan ang binata dahil sa pangambang makagat ng mga ganid na hayop na pagala-gala.

Kinabukasan ay nagalak ang Moro nang makita niyang muling nanumbalik ang lakas ni Florante.

Talasalitaan:

  • Pangamba – pag-alala, takot
  • Ganid – halimaw
  • Nagalak – natuwa
  • Moro – muslim
  • Nanumbalik – nagbalik

Florante at Laura Buod Kabanata 14: Kabataan ni Florante (Saknong 173-196)

Naupo si Florante at Aladin sa punongkahoy at isinalaysay niya ang kaniyang buong buhay simula pagkabata.

Siya ay anak ni Prinsesa Floresca at Duke Briseo na pribadong tagapayo ni Haring Linceo ng Albanya. Ito rin ay may palayaw na Floranteng bulaklak kong bugtong na siyang tawag sa kaniya ng kaniyang ama.

Bata palang ay mahilig na siyang mamana at labis nitong hinahangaan ang kariktan ng kalikasan.

Talasalitaan:

  • Isinalaysay – ikinuwento
  • Labis – sobra
  • Kariktan – kagandahan

Florante at Laura Buod Kabanata 15: Pangaral Mula sa Magulang (Saknong 197-204)

Isinalaysay din ni Florante kay Aladin ang mga pangaral sa kaniya ng kaniyang mga magulang.

Noong una ay hindi sang-ayon ang kaniyang ina na lumayo at magtungo si Florante sa Atenas upang doo’y tumuklas ng karunungan sa patnubay ng gurong si Antenor.

Hindi ninais ni Duke Briseo na manatili sa tamis ng layaw at mamuhay sa saya si Florante sapagkat naniniwala ito na hindi dapat mamihasa ang isang bata sa magandang pamumuhay dahil wala itong magandang maidudulot.

Maaga palang ay dapat nang mamulat ang kaisipan ng bawat bata sa totoong takbo ng mundo.

Talasalitaan:

  • Isinalaysay – ikinuwento
  • Pangaral – bilin, turo
  • Magtungo – magpunta
  • Tumuklas – humanap
  • Patnubay – gabay
  • Ninais – ginusto
  • Layaw – luho, mga kagustuhan na hindi naman kailangan
  • Mamihasa – masanay
  • Mamulat – mabuksan

Florante at Laura Buod Kabanata 16: Ang Pagbabalatkayo ni Adolfo (Saknong 205-214)

Naging kamag-aral ni Florante si Adolfo noon sa Atenas.

Si Adolfo ay anak ni Konde Sileno. Nakilala si Adolfo bilang isang huwarang mag-aaral dahil sa angking katalinuhan at kabaitan nito.

Subalit hindi palagay ang loob ni Florante kay Adolfo at ganun din si Adolfo kay Florante. Batid ni Florante na mayroong tinatagong pag-uugali si Adolfo sa likod ng kaniyang maamong itsura.

Talasalitaan:

  • Pagbabalatkayo – pagpapanggap, pagkukunwari
  • Huwaran – modelong tinutularan
  • Batid – Alam
  • Maamo – mabait

Florante at Laura Buod Kabanata 17: Totoong Pag-uugali ni Adolfo (Saknong 215-231)

Lumipas ang anim na taon at nalampasan ni Florante ang talino’t karunungan ni Adolfo. Naging matagumpay ito sa buhay kumpara kay Adolfo.

Dahil sa pangyayaring ito ay unti-unti nang lumitaw ang totoong pagkatao ni Adolfo. Ang kabaitan at kahinhinang ipinakita niya simula noong una ay hindi bukal at pagpapakitangtao lamang.

Talasalitaan:

  • Lumipas – dumaan, natapos
  • Lumitaw – lumabas
  • Kahinhinang – marahan, maliliit na galaw
  • Bukal – totoo

Florante at Laura Buod Kabanata 18: Isang Liham (Saknong 232-239)

Lumipas pa ang isang taon na nanirahan si Florante sa Atenas. Nakatanggap siya ng isang liham mula sa kaniyang ama na nagbabalitang ang kaniyang ina ay yumao na.

Hindi mailarawan ni Florante ang bigat ng kaniyang pakiramdam. Pakiramdam nito’y nag-iisa siya sa gitna ng kaniyang paglulumbay.

Talasalitaan:

  • Liham – sulat
  • Yumao – namatay
  • Paglulumbay – pagdadalamhati

Florante at Laura Buod Kabanata 19: Bilin ni Antenor (Saknong 240-253)

Bago tuluyang umalis si Florante pabalik sa kaharian ng Albanya ay nagbilin ang kaniyang maestro na si Antenor na mag-ingat sa higanting handa ni Konde Adolfo.

Bilin din nito na maging mapagmatyag sa mga kilos at huwag magpapadala sa masasayang mukha na ipinapakita nito sa kaniya. Anito, ang mga kalaban ay palihim na tumitira.

Talasalitaan:

  • Maestro – guro
  • Mapagmatyag – mapagbantay
  • Palihim – patago

Florante at Laura Buod Kabanata 20: Pagbabalik ni Florante sa Albanya (Saknong 254-263)

Pinayagan ni Antenor ang kaniyang pamangkin na si Minandro na sumama kay Florante sa paglalakbay.

Nang makaahon sa dalampasigan ng Albanya ay agad silang nagtungo sa kinta at doon ay sinalubong sila ng ama ni Florante na si Duke Briseo.

Magkayakap ang mag-ama nang dumating ang embahador ng Krotona. May iniabot itong liham na nagsasabing ang monarkang biyanan ng duke ay humihingi ng tulong dahil ang kaharian ng Krotona ay napapaligiran ng hukbo ni Heneral Osmalik ng Persiya.

Talasalitaan:

  • Dalampasigan – lupang katabi ng dagat (o anumang anyong dagat)
  • Kinta – bahay-bakasyunan
  • Embahador – taong kumakatawan sa isang grupo
  • Liham – sulat
  • Hukbo – grupo ng mga mandirigma

Florante at Laura Buod Kabanata 21: Heneral ng Hukbo (Saknong 264-274)

Matapos mabasa ang liham ay nagtungo sa Palasyo Real ang mag-ama at inihandog ng duke ang paglilingkod ng anak.

Hinangaan ng Haring Linceo ang kakisigan ni Florante at sinabing ang binatang iyon ang gererong nakita niya sa kaniyang panaginip na siyang magtatanggol sa kaharian.

Hindi man sang-ayon si Duke Briseo ay pumayag na din itong pamunuan ni Florante ang magaganap na pakikipaglaban.

Talasalitaan:

  • Liham – sulat
  • Nagtungo – nagpunta
  • Kakisigan – lakas
  • Gerero – mandirigma

Florante at Laura Buod Kabanata 22: Si Laura (Saknong 275-287)

Inanyayahan ni Haring Linceo ang mag-ama na maupo at doon nagsimulang magkapanayaman ang tatlo. Ikinuwento ni Florante ang kaniyang mga karanasan sa Atenas.

Habang nag-uusap ay lumapit ang anak ng hari na si Laura at nakiumpok sa kanila. Nang makita ni Florante si Laura ay nabihag muli ang puso nito na noon ay nagluluksa pa dahil sa pagpanaw ng kaniyang ina.

Talasalitaan:

  • Magkapanayaman – magkwentuhan
  • Nakiumpok – nakisali sa isang pagtitipon
  • Nabihag – nahulog ang loob
  • Nagluluksa – nagdadalamhati
  • Pagpanaw – pagkamatay

Florante at Laura Buod Kabanata 23: Pusong Umiibig (Saknong 288-295)

Bago umalis ang hukbo ni Florante upang makipaglaban kinabukasan ay nabigyan ng sandaling pagkakataon ang binata na makaniig si Laura.

Ipinagtapat ni Florante na mahal pa rin niya si Laura. Bagaman nanatiling tahimik si Laura ay bakas naman sa mga mata nito ang luha na siyang pabaon niya kay Florante.

Talasalitaan:

  • Hukbo – grupo ng mga mandirigma
  • Makaniig – makausap
  • Bakas – marka, palatandaan

Florante at Laura Buod Kabanata 24: Pakikipaglaban ng Hukbo ni Florante (Saknong 296-313)

Halos bumagsak na ang kuta ng Krotona dahil sa walang humpay na pag-atake ng mga kaaway. Mabuti nalang at dumating ang hukbo ni Florante.

Sa huli ay inabot ng limang oras ang pagtutunggalian ng dalawa hanggang sa mapatay ni Florante ang matapang na gerero na si Heneral Osmalik.

Nagdiwang ang buong kaharian ng Krotona dahil sa matagumpay na pakikipaglaban ng mga ito.

Talasalitaan:

  • Kuta – lugar na ginagawang taguan ng isang grupo
  • Humpay – tigil
  • Hukbo – grupo ng mga mandirigma
  • Pagtutunggalian – paglalaban
  • Gerero – mandirigma

Florante at Laura Buod Kabanata 25: Pagliligtas sa mga Tao ng Albanya (Saknong 314-323)

Lumipas ang limang buwan at nagpumilit na makauwi si Florante sa Albanya dahil sa hangaring makita muli si Laura.

Ngunit panibagong hirap ang nadama sa kaniyang dibdib nang matanaw niya na iwinawagayway ang watawat na Medyaluna ng hukbo ng mga Morong pinamumunuan ni Aladin.

Natanaw din niya si Laura na nakakulong sa paanan ng isang bundok na wari’y pupugutan ng ulo. Dali-daling lumusob si Florante kasama ang kaniyang hukbo.

Si Laura ay nahatulang pugutan ng ulo dahil sa pagtanggi nito sa pagsintang ipinipilit ng Emir sa mahalay na kaparaanan at sa pagsampal nito sa mukha ng pinunong Moro.

Nang mga sandaling iyon ay narinig niya ang “sintang Florante” sa mga bibig ni Laura. Iniligtas ni Florante sina Haring Linceo, Duke Briseo, at maging si Adolfo.

Talasalitaan:

  • Hangarin – kagustuhan
  • Matanaw – makita
  • Medyaluna – bandila ng mga Moro
  • Hukbo – grupo ng mga mandirigma
  • Moro – muslim
  • Lumusob – sumugod
  • Pagsinta – pag-ibig
  • Emir – titulo o tawag sa pinuno ng Muslim
  • Mahalay – malaswa, bastos

Florante at Laura Buod Kabanata 26: Pagtataksil ni Konde Adolfo (Saknong 324-343)

Ilang buwan lamang ang lumipas at nilusob muli ang Albanya ng hukbo ng Turkong si Miramolin. Ito ay muling napagtagumpayan ni Florante.

Sunod-sunod din nitong nasupil ang marami pang hukbo ng kaaway hanggang sa labimpitong hari ang humanga at gumalang sa katapangang ipinamalas nito.

Isang araw ay nakatanggap siya ng isang liham na nagsasabing pinauuwi siya ni Haring Linceo sa Albanya.

Sa kaniyang pagbabalik ay bigla nalang siyang ginapos at kinulong sa isang karsel. Napag-alaman din niyang pinatay si Haring Linceo at Duke Briseo at ang lahat ng iyon ay pakana ni Konde Adolfo. Nabalitaan din niyang nangako si Laura na magpakasal kay Adolfo.

Talasalitaan:

  • Nilusob – sinugod
  • Hukbo – grupo ng mga mandirigma
  • Nasupil – natalo
  • Ipinamalas – ipinakita
  • Liham – sulat
  • Ginapos – tinali
  • Karsel – bilangguan

Florante at Laura Buod Kabanata 27: Pagsasalaysay ni Aladin (Saknong 344-360)

Nabilanggo si Florante ng labingwalong araw pagkatapos ay dinala sa gitna ng gubat. Dalawang araw pa bago ito tuluyang magkaroon ng malay.

Sa kaniyang paggising ay natagpuan niya ang kaniyang sarili sa kandungan ng gererong Moro na si Aladin.

Pagkatapos ay isinalaysay din ni Aladin ang kaniyang buhay. Dahil sa hangarin ng amang si Sultan Ali-Adab na maagaw si Flerida ay hinatulan siyang pugutan ng ulo dahil sa salang pag-iiwan sa hukbong sumakop sa Albanya at sa pagkabawi ni Florante sa Albanya.

Nang sumapit ang takdang oras ng pagpupugot sa ulo nito ay pinatawad na siya ng kaniyang ama ngunit ipinag-utos dito na umalis sa Persiya.

Para kay Aladin ay walang kwenta ang pagpapatawad na iyon. Mas gugustuhin pa niyang kitilin ang kaniyang buhay kaysa maisip niyang ang mahal niyang si Flerida ay nasa kandungan ng kanyang ama.

Anim na taong palibut-libot ang dalawang gerero sa loob ng gubat hanggang sa isang araw ay may narinig silang mga tinig ng babae na nag-uusap.

Talasalitaan:

  • Natagpuan – nakita
  • Kandungan – piling
  • Gerero – mandirigma
  • Moro – muslim
  • Isalaysay – ikuwento
  • Hangarin – kagustuhan
  • Hukbo – grupo ng mga mandirigma
  • Kitilin – tapusin

Florante at Laura Buod Kabanata 28: Pagsasalaysay ni Flerida (Saknong 361-369)

Napakinggan ng dalawang gerero ang pagsasalaysay ng isa sa dalawang babae. Anito, kusa niyang ibinigay ang sarili sa sultan alang-alang sa kaligtasan ng buhay ng minamahal na nahatulang mapugutan ng ulo.

Tuwang-tuwa ang sultan na pinakawalan agad ang anak nang hindi man lang nakausap ang dalagang nagpakasakit.

Hatinggabi nang tumakas ang isang dalagang gayak nang ikakasal sa sultan upang hanapin ang kaniyang totoong minamahal. Natagpuan naman niya ang isa pang dalaga at iniligtas ito sa isang taong lilo.

Ang pag-uusap ng dalawang dalaga ay natigil nang biglang dumating sina Florante at Aladin.

Talasalitaan:

  • Gerero – mandirigma
  • Nagpakasakit – nagpakahirap
  • Gayak – ayos, bihis
  • Lilo – taksil

Florante at Laura Buod Kabanata 29: Pagliligtas ni Flerida kay Laura (Saknong 370-392)

Sa muling pagtatagpo ng apat ay naging paraiso ang gubat na iyon. Isinalaysay naman ni Laura ang mga pangyayari sa kaniyang buhay.

Anito, nagawang mapaniwala ni Adolfo na si Haring Linceo ang dahilan kung bakit nagugutom ang mga mamamayan kung kaya’t nilusob ng mga tao at mga sundalong tauhan ni Adolfo ang Palasyo Real.

Pinapugutan nito ng ulo si Haring Linceo at ang buong konseho. Tumaas ang trono ni Adolfo sa kaharian at tinakot na ipapapatay si Laura kung hindi ito papayag magpakasal sa kaniya.

Nagpadala ng lihim na liham si Laura kay Florane ngunit naunahan na ito ni Adolfo na may pirma kunwari ni Haring Linceo at pinauuwing mag-isa si Florante.

Si Minandro ang nakatanggap ng liham ni Laura at ang hukbo nito ang siyang sumugod sa Albanya. Tumakas si Adolfo sa gubat tangay-tangay si Laura.

Tinangkang gahasain nito ang dalaga nagkataong nandoon si Flerida. Sinaklolohan siya ni Flerida sa pamamagitan ng palaso dahilan ng pagkamatay ni Adolfo.

Talasalitaan:

  • Isinalaysay – ikinuwento
  • Lihim – sikreto
  • Liham – sulat
  • Hukbo – grupo ng mga mandirigma
  • Tangay-tangay – dala-dala
  • Palaso – pana

Florante at Laura Buod Kabanata 30: Pagwawakas (Saknong 393-399)

Dumating si Minandro sa gubat kasama ang kaniyang hukbo. Labis ang galak nito dahil natagpuan niya ang kaniyang kaibigan na si Florante.

Nagdiwang ang hukbo mula sa Etolya dahil sa bagong hari ng Albanya na si Florante at reyna na si Laura.

Pumayag naman sina Aladin at Flerida na magpabinyag. Bumalik sa Persiya si Aladin matapos mamatay ang kaniyang ama na si Sultan Ali-Adab.

Mahusay na pinamunuan ng bagong hari at reyna ang Albanya. Nagsamang mabuti sina Florante at Laura hanggang sa nasapit nila ang bayang payapa.

Talasalitaan:

  • Hukbo – grupo ng mga mandirigma
  • Galak – tuwa
  • Nasapit – narating
  • Payapa – tahimik