Ang “Alamat ng Pinya” ay isa sa mga kilalang kwento sa Pilipinas na nagpapaliwanag kung paano nagkaroon ng bunga na tinatawag na pinya. Ito ay kwento ng pagmamahal, pag-aaruga, at mga aral na natutunan sa relasyon ng isang ina at anak. Ang alamat na ito ay isang mahalagang bahagi ng kulturang Pilipino at nagbibigay inspirasyon sa marami sa pamamagitan ng mga aral na mapupulot mula dito.
See also: Kahulugan at Halimbawa ng mga Alamat »
Table of Contents
Ang Alamat ng Pinya
Noong unang panahon sa isang malayong pook ay may mag-inang naninirahan. Ang pangalan ng nanay ay si Aling Rosa at ang kanyang anak ay si Pinang. Mahal na mahal ni Aling Rosa ang kanyang anak, kaya lang ay lumaki si ito sa layaw. Madalas sinasabi ni Aling Rosa kay Pinang na kailangan niyang matuto ng mga gawaing bahay, ngunit laging sinasabi ni Pinang na alam na niya ang mga iyon.
Isang araw, nagkasakit si Aling Rosa at hindi siya makabangon upang gumawa ng mga gawaing bahay. “Pinang, ipagluto mo naman ako ng lugaw,” wika ni Aling Rosa.
“Opo, inay,” sagot ni Pinang. Ngunit dahil sa kalalaro niya, napabayaan niya ang nilulutong lugaw kaya nasunog ito. “Pasensya na po, inay. Nasunog ko ang lugaw,” wika ni Pinang.
“Naku, Pinang, kailangan mong matuto ng mga gawaing bahay. Hindi masamang maglaro pero intindihin mo din ang inuutos sa’yo,” sabi ni Aling Rosa. Ngunit, patuloy pa rin sa paglalaro si Pinang.
Lumipas ang mga araw at hindi pa rin magaling si Aling Rosa. Si Pinang ang napilitang gumawa ng mga gawaing bahay. Lahat na lamang ay tinanong niya sa may sakit niyang ina. Hindi niya makita ang posporo, kutsilyo, sandok, at kung anu-ano pa.
“Inay, nasaan po ang posporo?” tanong ni Pinang.
“Anak pakihanap mo na lang”, wika ni Aling Rosa.
Maya-maya pa’y nagtanong muli si Pinang, “Inay, saan po nakalagay ang kutsilyo?”
Naiinis man ngunit muling sumagot ang ina, “Pinang anak, nandiyan lang naman ‘yan. Pakihanap mo na lang.”
Pagkaraan ng ilang sandali, muling nagsalita si Pinang, “Inay, ‘di ko po makita ang sandok.”
“Lagi na lang, Pinang. Sana’y magkaroon ka ng maraming mata para makita mo lahat ng hinahanap mo,” sabi ni Aling Rosa na nayayamot na.
Tahimik si Pinang at umalis upang hanapin ang sandok. Kinagabihan, hindi na bumalik si Pinang. Nabahala si Aling Rosa at tinawag niya ang anak, ngunit walang sumasagot.
Pagkaraan ng ilang araw, gumaling si Aling Rosa at hinanap si Pinang. Tinanong niya ang mga kapitbahay, ngunit walang nakakita kay Pinang.
Isang araw, may nakita si Aling Rosa na kakaibang halaman sa kanyang bakuran. Inalagaan niya ito hanggang sa magbunga. Laking gulat niya nang makita ang bunga na parang ulo ng tao na napapalibutan ng mata.
“Naku! Ito ang bunga ng sinabi ko kay Pinang,” wika ni Aling Rosa habang tahimik na nanangis. Tinawag niyang “Pinang” ang halaman, at sa kalaunan ay naging “pinya.”
See also: Alamat ng Pinya (English Version) »
Buod ng Alamat ng Pinya
Ang kwento ay tungkol kay Aling Rosa at ang kanyang anak na si Pinang. Dahil sa laki sa layaw si Pinang, hindi natutong gumawa ng gawaing bahay ang anak. Nang magkasakit si Aling Rosa, napilitan si Pinang na gawin ang mga gawaing bahay, ngunit laging may hinahanap at tinatanong sa ina. Sa galit, nasabi ni Aling Rosa na sana’y magkaroon si Pinang ng maraming mata. Nawala si Pinang, at sa huli, may tumubong halaman na may maraming mata sa kanilang bakuran na kalaunan ay tinawag na pinya.
Mga Tauhan sa Alamat ng Pinya
- Aling Rosa: Ang mapagmahal ngunit nabigong ina ni Pinang. Nais niyang matuto si Pinang ng mga gawaing bahay.
- Pinang: Ang anak ni Aling Rosa na pinalaki sa layaw. Siya ay laging nagtatanong at hindi nagkukusa sa mga gawaing bahay.
Mga Aral sa Kwento
- Pagpapahalaga sa mga gawaing bahay: Ang kwento ay nagtuturo sa atin na mahalaga ang pagtutulungan at pagsasagawa ng mga simpleng gawain sa bahay.
- Pagiging masunurin: Mahalaga ang pagiging masunurin sa mga magulang dahil sila ay nagbibigay ng payo at gabay para sa ikabubuti natin.
- Pagkakaroon ng malasakit: Dapat tayong magkaroon ng malasakit sa ating pamilya lalo na sa panahon ng pangangailangan.
- Kahalagahan ng pagsisikap: Kung nagsikap sana si Pinang na matuto, hindi sana siya nahirapan nang magkasakit ang kanyang ina. Ang kwento ay nagbibigay-diin sa kahalagahan ng pagsisikap at pagkatuto.
Banghay sa Alamat ng Pinya
Tagpuan
Ang kwento ay naganap sa isang malayong pook.
Sitwasyon
Si Aling Rosa ay may isang anak na pinalaki sa layaw, si Pinang, na hindi marunong gumawa ng mga gawaing bahay.
Suliranin
Nagkasakit si Aling Rosa at napilitang si Pinang na gumawa ng mga gawaing bahay. Ngunit laging may hinahanap si Pinang at nagtatanong sa ina.
Saglit na Kasiglahan
Dahil sa galit at yamot, nasabi ni Aling Rosa na sana’y magkaroon ng maraming mata si Pinang upang makita niya ang lahat ng bagay.
Kasukdulan
Nawala si Pinang at hindi na muling nakita.
Lunas sa Suliranin
Isang araw, may nakita si Aling Rosa na kakaibang halaman sa kanyang bakuran na may bungang hugis ulo ng tao na napapalibutan ng mata.
Katapusan
Naalala ni Aling Rosa ang kanyang sinabi kay Pinang at tahimik na nanangis. Tinawag niyang “Pinang” ang halaman na kalaunan ay naging “pinya.”
Konklusyon
Ang “Alamat ng Pinya” ay isang makulay na alamat na nagtuturo ng maraming mahahalagang aral. Ipinapakita nito ang kahalagahan ng pagiging responsable at pagmamalasakit sa magulang. Ang kwentong ito ay nagbibigay diin din sa kahalagahan ng pag-aaral ng mga simpleng gawain sa bahay at pagpapahalaga sa mga bagay na mayroon tayo. Ito ay hindi lamang nagbibigay saya o aliw sa mambabasa, kundi nagtuturo rin ng mga aral na magagamit natin sa araw-araw na pamumuhay.
FAQs
Ano ang Alamat ng Pinya?
Ang alamat ng pinya ay isang kwento mula sa Pilipinas na nagpapaliwanag kung paano nagkaroon ng bunga na tinatawag na pinya. Ang kwento ay tungkol kay Aling Rosa at ang kanyang anak na si Pinang na hindi natutong gumawa ng gawaing bahay. Nang magkasakit si Aling Rosa, napilitan si Pinang ang gumawa ng mga gawaing bahay, ngunit laging may hinahanap at tinatanong sa ina. Sa galit, nasabi ni Aling Rosa na sana’y magkaroon si Pinang ng maraming mata. Nawala si Pinang, at sa huli, naging isang halaman na may maraming mata na tinawag na pinya.
Saan nagmula ang Alamat ng Pinya?
Ang alamat ng pinya ay nagmula sa Pilipinas, partikular na bahagi ng kulturang Pilipino. Ito ay isang tanyag na kwento na ipinapasa-pasa sa bawat henerasyon upang magturo ng mga mahalagang aral tungkol sa pamilya, responsibilidad, at pakikisama.
Sino ang may akda ng Alamat ng Pinya?
Ang Alamat ng Pinya ay isang kwentong bayan na walang tiyak na may akda. Ito ay bahagi ng tradisyon ng Pilipinas, na nangangahulugang ito ay ipinasa sa pamamagitan ng kwento ng mga matatanda sa iba’t ibang henerasyon.