Mga Panghalip na Anaporik at Kataporik

Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang kahulugan at gamit ng mga panghalip na anaporik at kataporik. Magbibigay din tayo ng mga halimbawa upang mas madaling maunawaan ang kanilang paggamit.

See also: PANGHALIP: Uri ng Panghalip, Halimbawa ng Panghalip, Gamit, Atbp. »

Ano ang Panghalip na Anaporik at Kataporik?

Ang mga panghalip na anaporik at kataporik ay mahalagang bahagi ng ating komunikasyon. Ang panghalip na anaporik ay ginagamit sa hulihan ng pangungusap bilang pananda sa pinalitang pangngalan sa unahan, habang ang panghalip na kataporik naman ay ginagamit sa unahan ng pangungusap bilang pananda sa pinalitang pangngalan sa hulihan. Ang paggamit ng mga ito ay tumutulong upang maiwasan ang paulit-ulit na paggamit ng mga pangalan sa isang teksto o pahayag, kaya’t mas nagiging masining at malinaw ang ating mga pahayag.

Ano ang Anaporik?

Ang anaporik ay mga panghalip na ginagamit sa hulihan ng pangungusap bilang pananda sa pinalitang pangngalan sa unahan. Sa madaling salita, ito ay tumutukoy sa mga naunang nabanggit na pangalan.

Mga Halimbawa ng Anaporik

  1. Nag-aral nang mabuti si Carla. Mataas ang nakuha niyang grado kaya pinuri siya ng kanyang guro.
  2. Nagtanim ng mga puno si Mang Juan. Inaalagaan niya ang mga ito araw-araw.
  3. Si Liza ay may alagang aso. Palagi niya itong pinapaliguan.
  4. Si Pedro ay masipag magtrabaho kaya binigyan siya ng dagdag na sahod ng kanyang amo.
  5. Si Maria ay magaling sumayaw kaya hinahangaan siya ng marami.
  6. Si Leo ang class president. Nirerespeto siya ng kanyang mga kaklase.
  7. Pinangangalagaan ni Tina ang kalikasan kaya tinagurian siyang “Eco Warrior” ng kanyang mga kaibigan. Lagi siyang sumasali sa clean-up drives.
  8. Si Ben ay nagdala ng maraming pagkain. Siya ay pinasalamatan ng lahat.
  9. Si Anna ay tumulong sa proyekto kaya’t pinuri siya ng guro.
  10. Si Marco ay nagbigay ng donasyon. Pinarangalan siya ng barangay dahil marami ang natulungan ng kanyang donasyon.
  11. Si Jane ay nag-aral sa ibang bansa. Ibinahagi niya ang kanyang kaalaman sa iba.
  12. Si Carlos ay nagwagi sa paligsahan. Kinilala siya sa buong paaralan at binigyan siya ng medalya.
  13. Si Luis ay nagluto ng masarap na adobo. Siya ay sinabayan ng kanyang ina sa pagkain.
  14. Si Emma ay naglinis ng park kaya pinasalamatan siya ng mga kapitbahay dahil naging malinis at maayos ang paligid.
  15. Si Mike ay nagbigay ng inspirasyon sa kanyang mga kapwa. Siya ay ginawaran ng parangal.
  16. Si Sandra ay nagpatayo ng paaralan. Pinapurihan siya ng komunidad sapagkat maraming bata ang nakakapag-aral dahil sa kanya.
  17. Si Tony ay nag-research ng mabuti. Nakagawa siya ng mahusay na proyekto at kinilala ang kanyang gawa sa isang conference.
  18. Si Karen ay nag-organize ng event. Siya ay kinilala at pinasalamatan ng lahat ng dumalo.
  19. Si Paul ay nagbigay ng lecture kaya’t maraming natutunan ang mga estudyante. Maraming nagtanong sa kanya pagkatapos ng lecture.
  20. Masayang naglaro si Sara sa parke. Bumili pa siya ng sorbetes bago umuwi.

Ano ang Kataporik?

Ang kataporik ay mga panghalip na ginagamit sa unahan ng pangungusap bilang pananda sa pinalitang pangngalan sa hulihan. Ipinapakita nito ang mga pangalang nabanggit sa mga susunod na bahagi ng pangungusap.

Mga Halimbawa ng Kataporik

  1. Siya ay nag-aral nang mabuti sa buong semester. Laking tuwa ni Fidel ng makakuha ng mataas ng grado.
  2. Ito ang pinakamataas na bundok sa Pilipinas. Sana ay makarating ka din sa bundok Apo.
  3. Sila ang kasama ko kahapon. Sina Let-Let at Lot-Lot ay matagal ko nang mga kaibigan.
  4. Doon tayo magkita bukas. Sa ganap na alas tres ng hapon ay hihintayin kita sa parke.
  5. Kumain kami sa bahay nila kahapon. Sa isang linggo ay ako naman ang mag-iimbita kina Buboy at Pilar sa aming bahay.
  6. Sa kanya ang bolang asul. Robi, nandito ang bola mo
  7. Maraming magagandang lugar dito. Mapalad ang mga nakatira sa Sorsogon.
  8. Siya ay mahusay na pinuno kung kaya si Lino ay iginagalang ng kanyang mga kababayan.
  9. Maganda ang aklat na ito. Basahin mo din ang “The Pilgrim’s Progress” ni John Bunyan para malaman mong totoo ang sinasabi ko.
  10. Siya ay dinalaw nina Lala at Maria sa ospital. May sakit pa si Leslie kaya di pa maaaring umuwi.
  11. Ito ang paborito kong lugar sa paaralan. Tahimik kasi sa silid-aklatan kaya nakakapag-isip ako ng mabuti.
  12. Mahusay siyang tumugtog ng gitara. Wala pang ilang oras ay kaya ng tugtugin ni Miguel ang mahirap na kanta.
  13. Ito ang prutas na hindi ko pinagsasawaan. Masarap kasi ang hinog na mangga.
  14. Bata pa lang ay masikap na siya kaya sa edad na dalawampu ay nakapagpatayo na ng bahay si Conan.
  15. Tinuruan niya akong mamalengke at magluto. Matiyaga talaga si nanay sa pagtuturo.
  16. Gustong-gusto niya ng tsokolate. Bukas ay bibilhan ko si bunso ng Toblerone.
  17. Mahilig siyang sumayaw. Sasali si Betong sa pagalingan ng pagsayaw sa nalalapit na pista.
  18. Doon ka pala nag-aaral? Maganda daw d’yan sa Unibersidad ng Santo Tomas.
  19. Ito ang paborito kong aso. Bukod sa maganda ang lahi ay malambing pa si Choco.
  20. Sa kanya pala ang pitakang ito. Tiyak na matutuwa si Romeo kapag ibinalik natin ito sa kanya.

See also: Mga Pahayag sa Paghahambing »

Konklusyon

Ang paggamit ng mga panghalip na anaporik at kataporik ay mahalaga sa pagsulat at pagsasalita upang mapanatili ang linaw at kagandahan ng isang teksto o pahayag. Sa pamamagitan ng tamang paggamit ng mga ito, nagiging mas kaakit-akit at madali ang pag-unawa sa mga ideya at impormasyon na nais iparating ng manunulat o nagsasalita.

Kung nagustuhan mo ang artikulong ito at sa tingin mo ay makakatulong ito sa iba, huwag kalimutang ibahagi ito sa iyong mga kaibigan at kamag-aaral upang sila rin ay matuto.

Share this: