Ang epiko ay isang uri ng panitikan na matatagpuan sa iba’t-ibang grupong etniko. Ang mga ito ay nasa anyo ng berso o talata, bukod-tangi sa bawat rehiyon at hindi maikukumpara sa mga Kanluraning epiko.
SEE ALSO: 550+ Mga Halimbawa ng Salawikain (Filipino Proverbs)
Ano ang kahulugan ng Epiko?
Ang epiko ay isang tulang pasalaysay na tumatalakay sa mga kabayanihan at pakikipagtunggali ng pangunahing tauhan na nagtataglay ng katangiang nakahihigit sa karaniwang tao at kadalasang buhat sa lipi ng mga diyos o diyosa.
Ito ay galing sa salitang Griyego na epos na ang kahulugan ay awit. Karaniwang nagtataglay ito ng kagila-gilas o di kapani-paniwalang mga pangyayari.
Katangian ng Epiko
Ang ilan sa mga katangian ng epiko ay ang paggamit ng mga bansag sa pagkilala sa tiyak na tao, may mga inuulit na salita o parirala, mala-talata na paghahati o dibisyon sa mga serye ng kanta, at kadalasan ay umiikot sa bayani, kasama na ang kanyang mga sagupaan sa mga mahihiwagang nilalang, anting-anting, at sa paghahanap sa kanyang minamahal o magulang.
SEE ALSO: PANG-ABAY: Halimbawa ng Pang-abay, Uri ng Pang-abay, Atbp.
Mga Halimbawa
Narito ang ilan sa mga halimbawa ng epiko sa Pilipinas at sa ibang mga bansa:
Epiko ng Pilipinas
- Agyu
- Alim
- Bantugan (Maranao)
- Biag ni Lam-ang (Ilocos)
- Bidasari (Mindanao)
- Darangan (Maranao)
- Hinilawod (Panay)
- Hudhud: Kwento ni Aliguyon (Ifugao)
- Humadapnon (Panay)
- Ibalon (Bicol)
- Indarapatra at Sulayman (Maguindanao)
- Juan Pusong (Mindanao)
- Kudaman (Palawan)
- Labaw Donggon (Bisayas)
- Manimimbin (Palawan)
- Maragtas (Bisayas)
- Olaging (Bukidnon)
- Pandaguan (Bisaya)
- Sandayo (Zamboanga)
- Biuag at Malana (Cagayan)
- Tudbulul (Cotabato)
- Tulalang (Manobo)
- Tuwaang (Manobo)
- Ulahingan (Cotabato)
- Ullalim (Kalinga)
- Ulod (Davao)
Epiko ng Ibang Bansa
- El Cid (Espanya)
- Haring Gesar (Tibet)
- Gilgamesh
- Iliad at Odyssey (Gresya)
- Kalevala (Finland)
- Kasaysayan ni Rolando (Pransiya)
- Mahabarata ng Hinoya
- Ramayana (India)
- Siegried (Alemanya)
- Sundiata (Mali)
SEE ALSO: 200+ Mga Halimbawa ng Sawikain at Kahulugan
Epiko ng Bidasari (Buod)
Ang epiko ng Bidasari ay mula sa Mindanao na batay sa romansang Malay. Sa kanilang paniniwala, tumatagal ang buhay ng tao kapag pinapaalagaan at iniingatan ng isang isda, hayop, halaman o ng punongkahoy.
Nagkakagulo sa kaharian ng Kembayat kapag ang garuda, isang ibong mapaminsala at nangangain ng tao, ay sinasalakay sila.
Nang minsang sumalakay ang garuda, ang Sultan at Sultana ng Kembayat ay nagkahiwalay habang nagtatakbuhan kasabay ng maraming tao. Kasalukuyan noong nagdadalantao ang Sultana. Dahil sa labis na takot ay naisilang niya ang sanggol na babae sa may tabi ng ilog. Dala na rin marahil ng pagkalito, naiwan ng Sultana ang sanggol sa bangka sa may ilog.
Napulot ni Diyuhara, isang mangangalakal mula sa kabilang kaharian, ang sanggol. Pinangalanan niya itong Bidasari at itinuring na anak. Habang lumalaki ay lalong gumaganda si Bidasari at naging maligaya sa piling ng kinilalang magulang.
Si Sultang Mongindra ay dalawang taon pa lamang kasal kay Lila Sari, isang babaeng maganda ngunit mapanibughuin at takot na umibig sa iba pang babae ang kanyang asawang Sultan. Palaging tinatanong ni Lila Sari si Sultan Mongindra kung siya’y mahal nito upang masigurado ang pag-ibig ng asawa.
Kahit palagi namang sumasagot ang Sultan na mahal niya si Lila Sari, hindi pa rin nasisiyahan ang babae.
Sa takot na baka makakita ng mas magandang babae ang Sultan, inutusan niya ang kanyang mga tapat na utusan na saliksikin ang kaharian upang malaman kung may babaeng higit na maganda kaysa sa sultana.
Nakita ng mga tauhan ni Lila Sari si Bidasari at siya ay higit na maganda sa Sultana.
Inanyayahan ni Lila si Bidasari sa palasyo upang diumano ay gagawing dama ng Sultana. Ngunit pagsapit doon, si Bidasari ay lihim na ikinulong ng Sultana sa isang silid at doon pinarurusahan.
Labis na parusa ang inabot ni Bidasari sa Sultana kaya nang ito’y hindi na niya matiis, sinabi niya kay Lila Sari na kunin ang isdang ginto sa halamanan ng kanyang ama. Kapag araw ito’y ipinakukuwintas kay Lila Sari at sa gabi’y ibinabalik naman sa tubig. Dahil dito’y pumayag si Lila Sari. Kinuha niya ang isdang ginto at pinauwi na niya si Bidasari.
Isinuot nga ng Sultana ang kwintas na isdang ginto sa umaga kaya’t si Bidasari ay nakaburol kung araw. Kapag ibinabalik naman sa tubig kung gabi ang kwintas ay nabubuhay si Bidasari.
Nag-alala si Diyuhara na baka tuluyang patayin si Bidasari kaya naman naisipan niyang magpagawa ng isang magandang palasyo sa gubat at doon niya itinira nang mag-isa si Bidasari.
Isang araw ay nangaso si Sultan Mongindra sa gubat at nakita niya ang magandang palasyo. Ito’y nakasarado kaya’t pilit na binuksan ang pinto. Sa isang silid ay nakita niya ang isang magandang babae, si Bidasari. Ngunit hindi niya ito magising upang makausap.
Kinabukasan ay bumalik ang Sultan at matiyagang naghintay hanggang gabi. Nagising si Bidasari at ipinagtapat nito sa Sultan ang ginawa sa kanya ni Lila Sari. Galit na galit ang Sultan kaya iniwan niya ang kanyang asawa at pinakasalan si Bidasari.
Samantala, pagkaraan ng maraming taon, ang tunay na mga magulang ni Bidasari ay nagkaroon pa ng isang supling na ang pangalan ay Sinapati. Nang pumunta sa Kembayat ang isang anak ni Diyuhara ay nakita niya si Sinapati, anak ng Sultan at Sultana ng Kembayat.
Kamukhang-kamukha ni Sinapati si Bidasari. Ibinalita ng anak ni Diyuhara kay Sinapati ang tungkol kay Bidasari. Tinanong ni Sinapati sa mga magulang kung mayroon daw ba silang nawawalang anak. Nang malaman ang katotohanan ay agad na hinanap ni Sinapati ang nawaalang kapatid.
Nagpunta sila sa kaharian ng Indrapura at doon nakita si Bidasari. Namangha ang magkapatid dahil magkamukhang-magkamukha nga sila. Dahil dito’y nalaman din ni Sultan Mongindra na ang kanyang pinakasalan pala ay isang tunay na prinsesa.
Epiko ng Hinilawod (Buod)
Ang epiko ng Hinilawod ay nagmula sa mga Sulod na nakatira sa bulubunduking bahagi ng Panay. Sinasabing ito ang pinakamahabang epiko sa buong mundo na binubuo ng 28,000 berso at kung bibigkasin ay aabot ng tatlong araw ang pagtatanghal.
Ito ay may dalawang pangunahing tauhan, sina Labaw Donggon at Humadapnon. Mayroon din itong mga sariling salaysay. Sa saliksik ni F. Landa Jocano, kaniyang naitala ang Labaw Donggon noong 1956 mula kay Ulang Udig, isang Sulod sa Iloilo. Samantala, ang epikong-bayan tungkol kay Humadapnon ay naitala naman ni E. Arsenio Manuel noong 1963.
Buod ng Epiko ng Hinilawod (Ang kwento ni Labaw Donggon)
Ang salaysay na Labaw Donggon ay nagsimula sa kaniyang pamilya. Isa siya sa tatlong mala-bathalang anak nina Abyang Alunsina, isang diwata, at ni Buyung Paubari, isang mortal. Mga kapatid niya sina Humadapnon at Dumalapdap.
Pagkapanganak sa kaniya ay naghanap si Labaw Donggon ng mapapangasawa. Una niyang nakuha si Abyang Ginbitinan, ikalawa si Anggoy Doronoon.
Ikatlo at pinakamahirap ang pakikipagsapalaran niya ay si Malitong Yawa Sinagmaling na asawa ni Saragnayan, tagapag-alaga ng araw.
Dahil may agimat din si Saragnayan, natalo niya si Labaw Donggon sa labanan na tumagal ng maraming taon.
Ibinilanggo ni Saragnayan si Labaw Donggon sa kulungan ng baboy sa silong ng bahay niya.
Samantala, nanganak ng dalawang lalaki ang dalawang asawa ni Labaw Donggon, sina Asu Mangga at Buyung Baranugan.
Hinanap ng magkapatid ang ama, nakaharap si Saragnayan, ngunit ngayo’y natuklasan ni Baranugan ang lihim ng kapangyarihan ni Saragnayan kaya napatay ang asawa ni Malitong Yawa Sinagmaling.
Pinawalan ng magkapatid si Donggon at pinaliguan. Ngunit nagtago ito sa loob ng isang lambat.
Sina Humadapnon at Dumalapdap naman ang humanap kay Labaw Donggon at nakita nilá ito sa loob ng lambat ngunit halos bingi at lubhang matatakutin.
Gayunman, pinagtulungan siyang gamutin nina Abyang Ginbitinan at Anggoy Doronoon pagkatapos mangako na pantay-pantay siláng ituturing na asawa kasama ni Malitung Yawa Sinagmaling.
Sinundan pa ito ng mga pakikipagsapalaran nina Humadapnon at Dumalapdap na nakuha din ng kani-kanilang asawa.
Buod ng Epiko ng Hinilawod (Ang kwento ni Humadapnon)
Si Humadapnon ay anak nina Munsad Burukalaw at Anggay Ginbitinan at ito ang kanyang kwento ng pakikipagsapalaran upang makuha si Nagmalitong Yawa.
Naipit ang kaniyang ginintuang biray sa dalawang nag-uumpugang malaking bato ngunit iniligtas siya ng mga kaibigang espiritu. Pagkaraan, naengkanto naman siya nang pitong taon sa pulo ng magagandang babae. Isang mahiwagang lalaki ang nagligtas sa kaniya (si Nagmalitong Yawa na nakabalatkayo) at muling naglaho.
Nagpatuloy sa paghahanap si Humadapnon at dumanas ng marami pang hirap. Sa wakas, natagpuan niya ang Ilog Halawod at nakasal kay Nagmalitong Yawa.
Sa pagdiriwang, isang lalaki ang dumagit kay Nagmalitong Yawa. Sakay ng kalasag, humabol si Humadapnon at naglaban sila ng lalaki nang pitong taon.
Sa dulo, namagitan si Launsina, diwata ng langit, at ipinaliwanag na kapatid ni Humadapnon ang lalaki—si Amurutha. Hinati ni Launsina si Nagmalitong Yawa, na nabuhay muli at naging dalawang magandang babae, at naging mga asawa nina Humadapnon at Amurutha.
Epiko ng Gilgamesh (Buod)
Nagsimula ang epiko sa pagpapakilala kay Gilgamesh, ang hari ng lungsod ng Uruk, na ang dalawang katlo ng pagkatao ay diyos at ang sangkatlo ay tao. Matipuno, matapang, at makapangyarihan. Ngunit mayabang siya at abusado sa kaniyang kapangyarihan. Dahil sa kaniyang pang-aabuso, patuloy na nananalangin ang kaniyang mga nasasakupan na nawa’y makalaya sila sa kaniya.
Tinugon ng diyos ang kanilang dasal. Nagpadala ito ng isang taong kasinlakas ni Gilgamesh, si Enkido, na lumaking kasama ng mga hayop sa kagubatan. Nagpang-amok ang dalawa nang sila ay magkita. Nanalo si Gilgamesh. Ngunit sa bandang huli ay naging matalik na magkaibigan sila. Di naglaon ay naging kasa-kasama na ni Gilgamesh si Enkido sa kaniyang mga pakikipaglaban. Una, pinatay nila si Humbaba, ang demonyong nagbabantay sa kagubatan ng Cedar. Pinatag nila ang kagubatan. Nang tangkain nilang siraan ang diyosang si Ishtar, na nagpahayag ng pagnanasa kay Gilgamesh, ipinadala nito ang toro ng Kalangitan upang wasakin ang kalupaang pinatag nila bilang parusa. Nagapi nina Gilgamesh at Enkido ang toro. Hindi pinahintulutan ng mga diyos ang kanilang kawalan ng paggalang kaya itinakda nilang dapat mamatay ang isa sa kanila, at iyon ay si Enkido na namatay sa matinding karamdaman.
Habang nakaratay si Enkido dahil sa matinding karamdaman, sa sama ng loob ay nasabi niya sa kaniyang kaibigan ang ganito: “Ako ang pumutol sa punong Cedar, ako ang nagpatag ng kagubatan, ako ang nakapatay kay Humbaba, at ngayon, tingnan mo kung ano ang nangyari sa akin. Makinig ka kaibigan, nanaginip ako noong isang gabi. Nagngangalit ang kalangitan at sinagot ito ng galit din ng sangkalupaan. Sa pagitan ng dalawang ito ay nakatayo ako at sa harap ng isang taong ibon. Malungkot ang kaniyang mukha, at sinabi niya sa akin ang kaniyang layon. Mukha siyang bampira, ang kaniyang mga paa ay parang sa leon, ang kaniyang mga kamay ay kasintalim ng kuko ng agila. Sinunggaban niya ako, sinabunutan, at kinubabawan kaya ako ay nabuwal. Pagkatapos ay ginawa niyang pakpak ang aking mga kamay. Humarap siya sa akin at inilayo sa palasyo ni Irkalla, ang Reyna ng Kadiliman, patungo sa bahay na ang sinumang mapunta roon ay hindi na makababalik
Sa bahay kung saan ang mga tao ay nakaupo sa kadiliman, alikabok ang kanilang kinakain at luad ang kanilang karne. Ang damit nila’y parang mga ibon na ang pakpak ang tumatakip sa kanilang katawan, hindi sila nakakikita ng liwanag, kundi pawang kadiliman. Pumasok ako sa bahay na maalikabok, at nakita ko ang dating mga hari ng sandaigdigan na inalisan ng korona habang buhay, mga makapangyarihan, mga prinsipeng naghari sa mga nagdaang panahon. Sila na minsa’y naging mga diyos tulad nina Anu at Enlil ay mga alipin ngayon na tagadala na lamang ng mga karne at tagasalok ng tubig sa bahay na maalikabok. Naroon din ang mga nakatataas na pari at ang kanilang mga sakristan. May mga tagapagsilbi sa templo, at nandun si Etana, ang hari ng Kish, na minsa’y inilipad ng agila sa kalangitan. Nakita ko rin si Samugan, ang hari ng mga tupa, naroon din si Ereshkigal, ang Reyna ng Kalaliman, at si Belit-Sheri na nakayuko sa harapan niya, ang tagatala ng mga diyos at tagapag-ingat ng aklat ng mga patay. Kinuha niya ang talaan, tumingin sa akin at nagtanong: “Sino ang nagdala sa iyo rito? Nagising akong maputlang-maputla, naguguluhan, tila nag-iisang tinatahak ang kagubatan at takot na takot.”
Pinunit ni Gilgamesh ang kaniyang damit, at pinunasan niya ang kaniyang luha. Umiyak siya nang umiyak. Sinabi niya kay Enkido, “Sino sa mga makapangyarihan sa Uruk ang may ganitong karunungan? Maraming di-kapani-paniwalang pangyayari ang nahayag. Bakit ganyan ang nilalaman ng iyong puso? Hindi kapani-paniwala at nakatatakot na panaginip. Kailangan itong paniwalaan bagaman ito’y nagdudulot ng katatakutan, sapagkat ito’y nagpapahayag na ang matinding kalungkutan ay maaaring dumating kahit sa isang napakalusog mang tao, na ang katapusan ng tao ay paghihinagpis.” At nagluksa si Gilgamesh. “Mananalangin ako sa mga dakilang diyos dahil ginamit niya ang aking kaibigan upang mahayag ang kasasapitan ng sinoman sa pamamagitan ng panaginip.”
Natapos ang panaginip ni Enkido at nakaratay pa rin siya sa karamdaman. Araw-araw ay palala nang palala ang kaniyang karamdaman. Sinabi niya kay Gilgamesh, “Minsan ay binigyan mo ako ng buhay, ngayon ay wala na ako kahit na ano.” Sa ikatlong araw ng kaniyang pagkakaratay ay tinawag ni Enkido si Gilgamesh upang siya’y itayo. Mahinang-mahina na siya, at ang kaniyang mga mata ay halos di na makakita sa kaiiyak. Inabot pa ng sampung araw ang kaniyang pagdadalamhati hanggang labindalawang araw. Tinawag niya si Gilgamesh, “Kaibigan, pinarusahan ako ng mga dakilang diyos at mamamatay akong kahiya-hiya. Hindi ako mamamatay tulad ng mga namatay sa labanan; natatakot akong mamatay, ngunit maligaya ang taong namatay sa pakikipaglaban, kaysa katulad kong nakahihiya ang pagkamatay.” Iniyakan ni Gilgamesh ang kaniyang kaibigan.
Pinagluksa ni Gilgamesh ang pagkamatay ng kaniyang kaibigan sa loob ng pitong araw at gabi. Sa huli, pinagpatayo niya ito ng estatwa sa tulong ng kaniyang mga tao bilang alaala.