Ang “Alamat ng Bayabas” ay isang kuwentong bayan na nagsasalaysay tungkol sa isang mayabang at malupit na hari, si Haring Yabas, na kilala hindi dahil sa kabutihan kundi sa kanyang pagiging mapangmata at makasarili. Sa kanyang paghahari, walang puwang ang awa at kababaang-loob. Ngunit isang araw, dumating ang isang mahiwagang matanda na susubok sa kanyang pagkatao at magpapabago sa takbo ng kanyang buhay. Ipinakita sa alamat na ito na ang kayabangan ay may kapalit, at ang kabutihan ay laging nangingibabaw. Ang kwento rin ang nagpapaliwanag kung paano nagsimula ang puno ng bayabas—isang prutas na may anyong tila may korona, bilang alaala sa isang dating hari. Narito at iyong basahin ang “Alamat ng Bayabas.”
Read also: Alamat ng Rosas (Buod, Tauhan, Aral, atbp.) »
Table of Contents
Alamat ng Bayabas
Noong unang panahon, sa isang bayan na napapaligiran ng luntiang kagubatan at malinaw na batis, may isang hari na kilalang-kilala sa buong kaharian—hindi dahil siya’y mabait o matalino, kundi dahil siya’y ubod ng sungit at yabang!
Haring Yabas ang kanyang pangalan. Lahat ng utos niya ay kailangang sundin agad. Kapag may mali sa pagkain, agad niya itong itinatapon. Kapag may dumi sa kanyang sapatos, pinapagalitan niya ang mga utusan. Lahat ng tao ay takot sa kanya.
“Ako ang pinakamakapangyarihan sa kahariang ito! Nasa akin na ang lahat—kayamanan, kapangyarihan, at ka-gwapuhan! Wala nang hihigit sa akin!” pagmamalaki ng mayabang na hari.
Isang araw, naisipan ni Haring Yabas na maglakad-lakad sa labas ng palasyo kasama ang ilan sa kanyang mga kawal. Habang naglalakad, may lumapit sa kanya na isang matandang babae. Gula-gulanit ang kanyang damit at halatang hindi pa kumakain.
Pinagbawalan ng mga kawal ang matanda na lumapit, ngunit mapilit ito at nagsalita nang may pagmamakaawa, “Mahal na hari, maawa po kayo sa akin. Ako po’y isa ring mamamayan ng inyong kaharian. Maaari po bang makahingi kahit kaunting makakain? Gutom na gutom na po ako. Maawa po kayo.”
Sumagot ang mayabang na hari, “Aba! Sa ibang lugar ka humingi! Walang pulubi sa kaharian ko! Umalis ka na bago pa kita ipatapon sa malayo!” sigaw ni Haring Yabas.
Bigla na lamang humangin nang malakas. Dumilim ang kalangitan, at pagdaka’y kumulog at kumidlat. Nagtakbuhan ang mga tao sa takot. Sa isang iglap, ang matandang babae ay naging isang makapangyarihang diwata!
Naparoon pala ang diwata upang alamin kung totoo ang balitang may isang mayabang na hari sa lugar na iyon. Napatunayan niyang totoo nga ang mga ulat. Sa galit ng diwata ay sinabi niya,
“Haring Yabas, sa sobrang pangit ng iyong ugali, nararapat lamang na turuan ka ng leksyon!”
Pumikit si Haring Yabas, at pagdilat niya, nasa gitna na siya ng kagubatan—ngunit hindi na siya tao! Siya’y naging isang punong-kahoy!
“Dito ka nararapat—sa lugar kung saan hindi ka na muling makakapagyabang,” sabi ng diwata.
Samantala, ang mga tao sa kanyang kaharian ay nagtataka sa biglang pagkawala ng kanilang hari.
“Nasaan na kaya si Haring Yabas?” tanong nila sa isa’t isa.
Muling lumiwanag ang kaharian, at mula noon ay hindi na muling nakita ang mayabang na hari.
Lumipas ang ilang araw. Habang naglalakad ang mga tao sa gitna ng kagubatan upang mangahoy, napansin nilang may kakaibang puno na noon lamang nila nakita. May maliliit itong bunga, at sa ilalim ng bawat isa’y tila may munting korona.
Dahil sa kanilang pag-uusisa, tinikman nila ang bunga.
“Ano kaya ‘to?” tanong ng isang bata.
“Ang pakla!” sigaw ng matanda.
“Sing-pakla ng ugali ni Haring Yabas!” sabay tawa ng mga taong naroroon.
Kanilang itinapon ang bunga at saka umalis upang ipagpatuloy ang kanilang mga gawain.
Lumipas pa ang mga linggo, at nang muling mapadaan sa kagubatan, napansin nilang lumaki na ang mga bunga sa puno. Mula sa mapait, mapakla, at maliliit, naging matataba, mabango, at mukhang masarap kainin ang mga ito. Muli itong tinikman ng mga tao.
“Ang sarap!” sigaw ng isang bata.
“May konting pakla pa rin, pero ang bango at mas masarap na ito, di tulad ng dati nating tikman!” sabi ng isang matandang lalaki.
“Malutong at manamis-namis pala ito kapag hinog!” dagdag pa ng isa.
Nag-uwi ng bunga sa kani-kanilang bahay ang mga taong nakatikim. Lahat ay namangha at lubos na nasarapan sa kanilang natikman.
Napansin ng mga tao na may korona pa rin ang bunga ng punong-kahoy, parang isang hari, kaya’t nagkasundo sila na tawagin itong “yabas” — alaala ng dating mayabang na Haring Yabas na ngayo’y isang puno na lamang sa gitna ng kagubatan.
Hindi na muling nakita si Haring Yabas. Ang mga tao naman ay inalagaan ang kakaibang punong iyon. Dumami na rin ang mga puno sa buong kaharian. Kalaunan, ang dating pangalang “yabas” ay naging “bayabas.”
Read also: Alamat ng Pinya (Buod, Tauhan, Aral, atbp.) »
Buod ng Alamat ng Bayabas
Noong unang panahon, may isang mayabang at malupit na hari na nagngangalang Haring Yabas. Sa kabila ng kanyang kapangyarihan, wala siyang malasakit sa kanyang nasasakupan. Isang araw, lumapit sa kanya ang isang matandang babae na nagmamakaawang humingi ng pagkain. Sa halip na tumulong, itinaboy niya ito. Ngunit ang matanda ay isang diwata pala na nagparusa sa kanya dahil sa kanyang masamang ugali. Ginawa siyang punong-kahoy sa gitna ng kagubatan. Makalipas ang ilang panahon, napansin ng mga tao ang kakaibang puno na may bungang may korona. Nang matikman nila ito, nalaman nilang masarap pala ito kapag hinog. Tinawag nila itong “yabas” bilang alaala kay Haring Yabas. Sa paglipas ng panahon, naging “bayabas” ang tawag dito.
Mga Tauhan sa Alamat ng Bayabas
- Haring Yabas – Ang mayabang at malupit na hari na pinarusahan at naging puno.
- Matandang Babae/Diwata – Ang makapangyarihang nilalang na nagpapanggap bilang pulubi upang subukin ang kabutihan ng hari.
- Mga Tao sa Kaharian – Mga ordinaryong mamamayan na natutong pahalagahan ang bayabas.
- Kawal ng Hari – Mga tagasunod ni Haring Yabas na humarang sa matanda.
Mga Aral sa Kwento
- Huwag maging mayabang at mapangmata sa kapwa.
- Maging mabuti at matulungin lalo na sa mga nangangailangan.
- Hindi nasusukat ang tunay na kagandahan sa panlabas na anyo, kundi sa kabutihan ng puso.
- Lahat ng masamang asal ay may kapalit na parusa.
- Ang pagpapakumbaba ay isang mahalagang katangian ng isang tunay na pinuno.
Banghay sa Alamat ng Bayabas
Tagpuan
Ang kwento ay naganap sa isang kaharian na napapaligiran ng kagubatan at batis, at sa loob ng kagubatan mismo.
Sitwasyon
May isang mayabang at malupit na hari ang namumuno sa kaharian. Wala siyang malasakit sa kapwa.
Suliranin
Masama ang ugali ni Haring Yabas tulad ng pagiging mayabang, masungit, at hindi marunong tumulong sa nangangailangan.
Saglit na Kasiglahan
Nang lumapit ang matandang babae sa hari upang humingi ng makakain.
Kasukdulan
Nang magpakita ng tunay na anyo ang diwata at isinumpa si Haring Yabas na maging isang puno.
Lunas sa Suliranin
Ang pagpaparusa ng diwata kay Haring Yabas bilang leksyon para sa kanyang masamang ugali.
Katapusan
Naging puno si Haring Yabas na may bungang may korona, tinawag itong “yabas” at kalaunan ay naging “bayabas.” Minahal at inalagaan ito ng mga tao.
Konklusyon
Ang Alamat ng Bayabas ay isang paalala na ang kayabangan at kasamaan ay may kapalit. Sa halip, ang pagiging mabuti, mapagpakumbaba, at matulungin sa kapwa ang dapat isabuhay. Mula sa pagkakamali ni Haring Yabas, isinilang ang isang prutas na ngayon ay bahagi na ng ating kultura—ang bayabas.
FAQs
Ano ang mensahe ng Alamat ng Bayabas?
Ang mensahe ng Alamat ng Bayabas ay ang kahalagahan ng kabutihang loob, pagpapakumbaba, at pagtulong sa kapwa. Ipinapakita rin nito na ang kayabangan at pagmamalupit ay may masamang kahihinatnan. Sa huli, ang mga taong may masamang asal ay tinuturuan ng leksyon upang magbago.
Saan nagmula ang Alamat ng Bayabas?
Ang “Alamat ng Bayabas” ay nagmula sa Pilipinas, isang bahagi ng malawak na koleksyon ng mga alamat at kwentong bayan na nagpapakita ng mayamang kultura at kasaysayan ng bansa.
Sino ang may akda ng Alamat ng Bayabas?
Ang “Alamat ng Bayabas” na inyong nabasa ay isang kwentong bayan at kathang-isip na bersyon ng noypi.com.ph. Ang alamat na ito ay may iba’t ibang bersyon, bawat isa ay may sariling aral para sa mga bata. Layunin ng aming bersyon na maghatid ng saya at magturo ng mahahalagang aral sa mga mambabasa.