Ang artikulong ito ay tungkol sa talambuhay ni Francisco Balagtas Baltazar, isa sa mga pinakadakilang makata sa kasaysayan ng Pilipinas. Ito rin ay naglalaman ng mahahalagang pangyayari sa kanyang buhay kabilang ang kanyang pamilya, pag-ibig, ang kanyang mga akda at mga aral sa kanyang talambuhay.
Mga Nilalaman
Maikling Talambuhay ni Francisco Balagtas
Si Francisco Balagtas Baltazar, tinaguriang “Prinsipe ng Manunulang Tagalog” at “William Shakespeare ng Pilipinas,” ay isang kilalang makata at manunulat sa kasaysayan ng Pilipinas. Isinilang siya noong Abril 2, 1788, sa Panginay, Bigaa (ngayon ay Balagtas), Bulacan.
Ang kanyang mga magulang ay sina Juana dela Cruz at Juan Baltazar. Bunso siya sa kanilang apat na magkakapatid na sina Felipe, Concha, at Nicholasa.
Nag-aral si Balagtas sa Bigaa Parochial School, Colegio de San Jose, at Colegio de San Juan de Letran. Noong nanirahan siya sa Pandacan, Maynila taong1835, nakilala niya ang kanyang pag-ibig na si Maria Asuncion Rivera, ngunit nabilanggo siya dahil sa kanyang karibal na si Mariano Capule. Habang nakakulong, isinulat niya ang Florante at Laura, ang kanyang pinaka-tanyag na obra.
Pagkatapos makalaya, naging empleyado si Balagtas sa hukuman at humawak ng mataas na tungkulin sa Bataan. Nagpakasal siya kay Juana Tiambeng noong 1842, at nagkaroon sila ng labing-isang anak.
Pumanaw si Balagtas noong Pebrero 20, 1862, dahil sa pneumonia at katandaan. Ang kanyang mga obra ay nag-iwan ng malaking legasiya sa kultura at kasaysayan ng Pilipinas, na patuloy na pinag-aaralan at pinapahalagahan ng mga Pilipino hanggang sa kasalukuyan.
Talambuhay ni Francisco Balagtas (Long Version)
Si Francisco Balagtas Baltazar, kilala rin bilang Kiko o Balagtas, ay isa sa mga pinakamahusay na makata at manunulat sa kasaysayan ng Pilipinas. Itinuturing siyang “Prinsipe ng Manunulang Tagalog” at ang “William Shakespeare ng Pilipinas” dahil sa kanyang makabuluhang kontribusyon at malawakang impluwensiya sa panitikang Filipino. Ang kanyang pinaka-tanyag na obra maestra ay ang romantikong epikong Florante at Laura.
Kapanganakan
Isinilang si Francisco noong Abril 2, 1788, sa Panginay, Bigaa (ngayon ay Balagtas), Bulacan. Ang kanyang mga magulang ay sina Juana dela Cruz at Juan Baltazar. Bunso siya sa kanilang apat na magkakapatid na sina Felipe, Concha, at Nicholasa.
Edukasyon
Sa murang edad, lumuwas si Balagtas ng Maynila upang makapag-aral at makahanap ng trabaho. Nag-aral siya sa Bigaa Parochial School at naglingkod bilang houseboy sa pamilya Trinidad sa Tondo, Maynila. Dito, nagpatuloy siya sa kanyang pag-aaral sa Colegio de San Jose at sa Colegio de San Juan de Letran, kung saan natutunan niya ang iba’t ibang disiplina tulad ng relihiyon, batas, pilosopiya, at iba pa. Naging guro niya si Padre Mariano Pilapil.
Sa Tondo, natuto si Francisco sa sining ng pagtula sa ilalim ng gabay ng kanyang dalawang dating guro, sina Padre Mariano Pilapil at Jose de la Cruz, na isang bantog na makata mula sa Tondo.
Buhay Pag-ibig ni Francisco Balagtas
Noong 1835, lumipat si Francisco sa Pandacan, Maynila, at dito niya nakilala ang dalagang si Maria Asuncion Rivera, na tinawag niya sa Florante at Laura bilang “Selya” at “M.A.R.”. Nagkaroon siya ng matinding karibal sa pag-ibig na si Mariano “Nanong” Capule, isang mayamang tao na may impluwensya sa pamahalaan.
Nabilanggo si Francisco dahil sa kanyang kalaban sa pag-ibig na si Mariano Capule. Samantala, pinakasalan ni Capule si Selya kahit na walang tunay na pagmamahal sa pagitan nila. Habang nakakulong, isinulat ni Francisco ang Florante at Laura, na kung saan ay hinalaw ang mga elemento mula sa kanyang sariling buhay. Ang tula ay isinulat sa Tagalog, na noo’y hindi pa gaanong ginagamit sa panitikang Pilipino dahil sa pagsibol ng wikang Espanyol.
Trabaho ni Francisco Balagtas
Nakalaya si Francisco taong 1838. Noong 1840, naging empleyado si Francisco sa hukuman. Naging Major Lieutenant at klerk sa hukuman si Francisco Balagtas sa Udyong, Bataan. Higit pa rito, humawak din siya ng mataas na tungkulin at naging Bataan-tenyente mayor at juez de semantera din siya sa lalawigan.
Pamilya ni Francisco Balagtas
Sa Bataan, nakilala niya ang kanyang asawa na si Juana Tiambeng. Sila ay nagpakasal noong 1842. Nagkaroon sila ng labing-isang anak, subalit pito lamang sa kanila ang nabuhay. Noong 1849, inutos ni Gobernador-Heneral Narciso Claveria na ang bawat Pilipino ay magkaroon ng apelyidong Espanyol, at simula noon, tinawag na si Francisco bilang Francisco Baltazar.
Huling Araw at Kamatayan
Nabilanggo muli si Francisco noong 1856 dahil sa paratang na pinutol niya ang buhok ng kasambahay na babae ni Alferez Lucas. Noong 1860, siya ay napalaya at ipinagpatuloy ang kanyang pagsusulat.
Matapos makalaya, patuloy na sumulat si Balagtas ng mga komedya, awit, at korido. Bago pumanaw, nagpaalala siya sa kanyang asawa na huwag payagang maging makata ang alinman sa kanilang mga anak. Aniya,
“Huwag mong hahayaan na maging makata ang alin man sa ating mga anak. Mabuti pang putulin mo ang mga daliri nila kaysa gawin nilang bokasyon ang paggawa ng tula.”
Sa piling ng kanyang asawa at mga anak, pumanaw si Balagtas noong ika-20 ng Pebrero 1862 sa edad na 74. Ang kanyang kamatayan ay dulot ng sakit na pneumonia at ng kanyang katandaan.
Mga Akda ni Francisco Balagtas
Bukod sa kanyang pinaka-tanyag na likha na Florante at Laura, sumulat din si Francisco Balagtas ng iba pang mga tula at komedya na nagpapakita ng kaniyang kahusayan sa panitikan. Kabilang dito ang mga sumusunod:
- Komedya:
- Orosman at Zafira
- Don Nuño at Selinda
- Auredato at Astrome
- Clara Belmore
- Abdol at Misereanan
- Bayaceto at Dorslica
- Alamansor at Rosalinda
- Iba pang mga akda ni Francisco Balagtas:
- La India Elegante y El Negrito Amante
- Nudo Gordiano
- Rodolfo at Rosemonda
- Mahomet at Constanza
- Claus
Aral sa Talambuhay ni Francisco Balagtas
Ang buhay ni Francisco Balagtas ay puno ng paghihirap, ngunit sa kabila ng lahat, siya ay nanatiling matatag at nagtagumpay sa kaniyang larangan. Ang kaniyang mga obra ay nag-iwan ng di matatawarang legasiya sa kultura at kasaysayan ng Pilipinas. Samantala, ang mga sumusunod ay ilan sa mga aral na mapupulot natin sa kanyang buhay:
- Kahalagahan ng edukasyon – Si Balagtas ay nagpursige sa kanyang pag-aaral upang mapabuti ang kanyang kakayahan sa pagsulat at pag-unawa sa mundo. Mahalaga ang edukasyon dahil maaari itong magamit bilang sangkap upang maging matagumpay sa buhay.
- Tiyaga at determinasyon – Sa kabila ng mga pagsubok na dumaan sa kanyang buhay, hindi bumitaw si Balagtas at patuloy na nagpursige upang maabot ang kanyang mga pangarap. Ang kanyang tiyaga at determinasyon ay nagsilbing inspirasyon sa maraming Pilipino upang patuloy na ipaglaban ang kanilang mga karapatan at mga pangarap.
- Pagmamahal sa bayan – Isa sa mga tema na madalas na talakayin sa mga akda ni Balagtas ay ang pagmamahal sa bayan at ang paglaban sa mga mapang-api. Nagbigay si Balagtas ng pag-asa sa maraming Pilipino sa pamamagitan ng kanyang mga tula na nagpapakita ng pagmamahal sa bayan, pagtutol sa katiwalian, at pagsusumikap na makamit ang pag-unlad at kalayaan. Ang kanyang mga obra, lalo na ang Florante at Laura, ay nagturo sa mga Pilipino na mahalin ang kanilang kultura at ipaglaban ang kanilang mga karapatan.
- Ang pagsusulat bilang instrumento ng pagbabago – Marami sa kanyang mga tula ay sumasalamin sa mga karanasan ng mga ordinaryong Pilipino sa panahon ng pananakop ng mga Kastila. Sa pamamagitan ng kanyang mga obra, ipinakita ni Balagtas ang matinding pang-aapi na dinanas ng kanyang mga kababayan at ipinahayag ang kanyang pagkamuhi sa mga ganitong gawain. Bukod pa rito, ipinakita din ni Balagtas ang kahalagahan ng pagsusulat bilang instrumento ng pagbabago at pagpapahayag ng mga kaisipan at damdamin. Sa paglikha ng mga makabuluhang akda, nagkaroon ng mas malalim na pag-unawa ang mga Pilipino sa kanilang kultura at kasaysayan.
Sa paggunita sa buhay at gawa ni Francisco Balagtas Baltazar, ating pinahahalagahan ang kanyang dakilang ambag sa panitikang Pilipino at ang kanyang walang-kupas na mga aral na nagsilbing inspirasyon sa bawat Pilipino. Patuloy nating ipagdiwang ang kanyang mga akda at alalahanin ang kanyang kadakilaan bilang isang makata, manunulat, at bayani ng ating bansa.
Bilang pagtatapos, si Francisco Balagtas Baltazar ay tunay na isang makasaysayang alamat sa panitikang Filipino. Sa kabila ng kanyang mga paghihirap at pagsubok sa buhay, ang kanyang mga obra ay nag-iwan ng di matatawarang legasiya sa kultura at kasaysayan ng Pilipinas.
Sa ngayon, ang mga obra ni Balagtas ay patuloy na pinag-aaralan at pinapahalagahan ng mga Pilipino. Ang kanyang mga tula ay nagsisilbing inspirasyon sa mga manunulat at makata ng henerasyon ngayon na magbahagi ng kanilang mga saloobin at pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng sining.
Ang pagpapahalaga sa mga obra ni Francisco Balagtas ay nagpapatunay na ang kultura at kasaysayan ng Pilipinas ay mayaman at puno ng malalim na mga karanasan. Si Francisco Balagtas ay hindi lamang isang makata, kundi isang bayani ng sining at pagmamahal sa bayan.
Samantala, kung naging kapaki-pakinabang sa iyo ang artikulong ito, mangyaring ibahagi ito sa iyong mga kaklase, kaibigan, at sa iba upang matuto rin sila sa talambuhay ni Francisco Balagtas.
Maaari mo din itong i-share sa iyong mga social media account. I-click lamang ang share button na makikita sa iyong screen.
Mga kaugnay na aralin
Talambuhay ni Jose Rizal: Ang Pambansang Bayani ng Pilipinas
Talambuhay ni Andres Bonifacio: Ang Ama ng Rebolusyong Pilipino
Talambuhay ni Apolinario Mabini: Ang Utak ng Rebolusyon
Talambuhay ni Manuel L. Quezon: Ang Ikalawang Pangulo ng Pilipinas
Talambuhay ni Manny Pacquiao: Ang Pambansang Kamao ng Pilipinas
Florante at Laura Buod ng Buong Kwento (Maikling Buod)
Florante at Laura Buod ng Bawat Kabanata 1-30 w/ Talasalitaan