Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang maikling buod ng El Filibusterismo Kabanata 1 – Sa Ibabaw ng Kubyerta. Bukod pa d’yan, malalaman mo din kung sinu-sino ang mga tauhang nabanggit sa kabanatang ito pati na rin ang mga mahahalagang aral na mapupulot mo rito.
Buod ng El Filibusterismo Kabanata 1 – Sa Ibabaw ng Kubyerta
Isang umaga ng Disyembre, ang bapor tabo ay naglalayag sa liku-likong landas ng Ilog Pasig papunta sa Laguna. Sa kubyerta ng bapor ay naroon sina Donya Victorina, Don Custodio, Ben Zayb, Padre Salvi, Padre Sibyla, Padre Camorra, Padre Irene, at Simoun. Ang kanilang tinalakay ay ang mga plano para sa pagpapaganda ng Ilog Pasig at mga proyekto ng Obras del Puerto.
Nagbigay ng mungkahi si Simoun na maghukay ng isang diretso at tuwid na daan mula sa simula hanggang sa dulo ng Ilog Pasig. Ang lupa na mahuhukay ay gagamitin upang ibara ang dati nitong daan. Inirekomenda ni Simoun na gawing mga trabahador ang mga bilanggo upang makatipid sa gastos. Kung hindi pa rin sapat, maaaring pagtrabahuhin ang mga mamamayan nang sapilitan at walang kabayaran.
Ngunit, hindi sumang-ayon si Don Custodio sa plano ni Simoun dahil sa posibilidad na ito ay magdulot ng rebelyon. Sa halip, iminungkahi ni Don Custodio na pilitin ang mga naninirahan malapit sa Ilog Pasig na mag-alaga ng mga itik. Ang layunin ay mapalalim ang ilog sa pamamagitan ng pagkuha ng suso na kinakain ng mga itik. Hindi rin ito sinang-ayunan ni Donya Victorina dahil sa posibilidad na dumami ang balot na kanyang kinaiinisan.
Mga Tauhan sa El Filibusterismo Kabanata 1
Ito ang mga tauhang nabanggit sa unang Kabanata ng El Filibusterismo:
- Simoun
- Donya Victorina
- Don Custodio
- Ben Zayb
- Padre Salvi
- Padre Sibyla
- Padre Camorra
- Padre Irene
Mga Aral sa El Filibusterismo Kabanata 1
Narito ang mga aral at mahahalagang kaisipan na maaaring mapulot sa Kabanata 1 ng El Filibusterismo:
- Ang klase ng pamumuno ng mga Kastila noon sa Pilipinas, kung saan ang mabagal na bapor Tabo ay inihambing sa pamahalaan. Ang mabagal na pag-unlad ay dahil sa pagkakapokus ng mga namumuno sa sariling interes at ang pagpigil sa edukasyon ng mga Pilipino upang manatiling sunod-sunuran sa kanila.
- Huwag maliitin ang ating kapwa, kung saan ang mga Kastila noon ay may mababang pagtingin sa mga Pilipino, na itinuring lamang bilang mga utusan at inaakalang sila ay ipinanganak para maging alipin lamang ng mga Kastila.
- Ang diskriminasyon na makikita sa pagkakahati ng mga sakay sa bapor Tabo. Ang mga mayayaman at dugong Kastila ay nasa itaas na bahagi, kung saan komportable sila at hindi pinapawisan. Samantala, ang mga Pilipino, Indio at mga Intsik ay nasa ilalim ng kubyerta, nagtitiis sa init, ingay ng makina, pawis at siksikan sa kanilang kinatatayuan.
- Ang kabanata ay nagpapakita rin ng pagiging makasarili at bulag sa katotohanan ng mga nasa kapangyarihan. Halimbawa, iminungkahi ni Simoun na pagtrabahuhin ang mga bilanggo at mamamayan nang sapilitan, na hindi iniisip ang mga epekto nito sa mga mamamayan. Sa kabilang banda, ang mungkahi ni Don Custodio ay nagpapakita ng kamangmangan sa pagpapahalaga sa kalikasan at mga mamamayan. Ang hindi pagkakasundo nila ay nagpapahiwatig na ang kanilang mga interes ay hindi para sa kapakanan ng bayan, kundi para sa kanilang pansariling kapakanan.
- Mensahe ng kabanata ay ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang tapat at may malasakit na pamumuno. Ipinapakita din ng kabanata na ang pagpapasya ay hindi dapat mabulag sa pansariling interes, kundi dapat isaalang-alang ang kapakanan ng lahat, lalo na ang mga mahihirap at naaapi.
At dito nagtatapos ang El Filibusterismo Kabanata 1 Buod, mga Tauhan, at Aral. Naging kapaki-pakinabang ba sa iyo ang araling ito? Kung oo ang iyong sagot, ibahagi mo din ito sa iyong mga kaklase at kaibigan para sila din ay matuto sa unang kabanata ng nobelang ito.
Samantala, maaari mo din itong i-share sa iyong mga social media account. I-click lamang ang share button na makikita sa iyong screen.
Mga kaugnay na aralin
El Filibusterismo Kabanata 2 Buod, mga Tauhan, at Aral
El Filibusterismo Kabanata 3 Buod, mga Tauhan, at Aral
El Filibusterismo Kabanata 4 Buod, mga Tauhan, at Aral
El Filibusterismo Kabanata 5 Buod, mga Tauhan, at Aral
El Filibusterismo Kabanata 6 Buod, mga Tauhan, at Aral
El Filibusterismo Kabanata 7 Buod, mga Tauhan, at Aral
El Filibusterismo Kabanata 8 Buod, mga Tauhan, at Aral
El Filibusterismo Kabanata 9 Buod, mga Tauhan, at Aral
El Filibusterismo Kabanata 10 Buod, mga Tauhan, at Aral