Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang maikling buod ng El Filibusterismo Kabanata 17 – Ang Perya. Bukod pa d’yan, pag-aaralan din natin ang mga mahahalagang pangyayari, mga tauhan, tagpuan, talasalitaan, at mga aral, mensahe, o implikasyon na makukuha sa kabanatang ito.
Related: El Filibusterismo Buod ng Buong Kwento (Maikling Buod)
Table of Contents
See also: El Filibusterismo Kabanata 16 Buod, mga Tauhan, Tagpuan, Talasalitaan, at Aral
Buod ng El Filibusterismo Kabanata 17 – Ang Perya
Sa kabanatang ito inilarawan ang makulay at masiglang tanawin ng isang gabi sa perya sa Quiapo. Ang plasa ay puno ng tao, samantalang ang liwanag ng buwan at mga parol ay nagbibigay-buhay at saya sa paligid. Maraming mga tao mula sa iba’t ibang antas ng lipunan ang nagtitipon-tipon upang maglibang, kasama na ang mga kawani ng gobyerno, sundalo, pari, estudyante, Intsik, mga dalaga, at ang kanilang mga kasama.
Sa gitna ng kasiyahan, makikita si Padre Camorra na tuwang-tuwa sa mga magagandang babae. Kasama niya si Ben-Zayb, na nag-aalangan sa sobrang kaligayahan ni Padre Camorra, na paminsan-minsan pa’y sinisiko siya dahil sa tuwa.
Isa sa mga napansin ni Padre Camorra ay si Paulita Gomez, na kasama si Isagani at si Doña Victorina. Si Paulita ay nagmimistulang buwan sa kanyang kagandahan, na nakasuot ng magarang damit na nagdulot ng inggit at paghanga sa marami. Gayunpaman, si Isagani ay tila hindi masaya dahil naiirita siya sa mga mapang-usisang mata ng mga tao na nakatutok kay Paulita.
Habang naglalakad, napansin ni Ben-Zayb at Padre Camorra ang isang tindahan ng mga maliit na kahoy na rebulto na naglalarawan ng iba’t ibang uri ng tao sa lipunan: mga pari, opisyal, estudyante, at iba pa. Kabilang dito ang isang rebulto na kahawig ni Padre Camorra at isang representasyon ng Philippine Press na kinakatawan ng isang matandang babae na nagpa-plancha ng damit. Pinag-uusapan nila ang mga rebulto, nagbibitiw ng mga biro at paminsan-minsang mga puna tungkol sa sining.
Pagdating nila sa isang tindahan na nagbebenta ng mga estatuwang kahoy, may nakita silang isang estatwang mukhang mulato na kamukha ni Simoun dahil sa parang pinaghalong puti at itim ito. Napag-usapan din nila na wala ang mag-aalahas sa lugar. Ayon kay Padre Camorra, baka natatakot si Simoun na singilin sila sa pagpasok sa peryahan. Samantala, sabi naman ni Ben Zayb, baka natakot si Simoun na matuklasan nila ang lihim ng kanyang kaibigan na si Mr. Leeds.
See also: El Filibusterismo Buod ng Bawat Kabanata 1-39 w/ Talasalitaan
Mga Mahahalagang Pangyayari
- Masiglang ipinakita ang makulay na tanawin ng perya sa Quiapo, na puno ng mga tao mula sa iba’t ibang antas ng lipunan na nagtitipon upang maglibang at magsaya sa gabi sa ilalim ng maliwanag na buwan at mga parol.
- Labis na natuwa si Padre Camorra sa mga magagandang babae sa perya, lalo na kay Paulita Gomez na kasama ni Isagani at Doña Victorina. Pinuri niya ang kagandahan ni Paulita, ngunit naiinis si Isagani dahil sa mga matang nakatitig sa kanyang kasintahan.
- Pinuntahan nina Padre Camorra at Ben-Zayb ang isang tindahan ng mga rebultong kahoy na naglalarawan ng mga tao mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Natatawa sila sa mga rebulto, lalo na nang makita ang isang rebultong tila kamukha ni Padre Camorra.
- Napansin nila ang isang rebulto na mukhang mulato at kahawig ni Simoun. Naging paksa ito ng kanilang diskusyon at pinagtawanan nila ang posibleng dahilan kung bakit wala si Simoun sa paligid.
- Nagsalita si Ben-Zayb na maaaring umiiwas si Simoun dahil natatakot itong matuklasan ang sikreto ng palabas ng kaibigan niyang si Mr. Leeds, na kilala sa pagpapakita ng sphinx sa mga tao.
Mga Tauhan sa El Filibusterismo Kabanata 17
Ito ang mga tauhang nabanggit sa ika-17 Kabanata ng El Filibusterismo:
Padre Camorra
Isang pari na kilala sa kanyang kapilyuhan at pagiging mahilig sa mga magagandang babae. Sa kabanatang ito, ipinakita ang kanyang tuwa at paghanga sa mga dalaga sa perya, lalo na kay Paulita Gomez.
Ben Zayb
Isang mamamahayag na kasama ni Padre Camorra sa paglilibot sa perya. Mahilig siya sa mga teorya at pagbibigay ng opinyon tungkol sa mga bagay na nakikita sa paligid, kabilang na ang mga rebulto.
Paulita Gomez
Ang magandang dalagang kapareha ni Isagani. Siya ay hinahangaan ng marami sa perya dahil sa kanyang kagandahan at elegante niyang pananamit.
Isagani
Ang nobyo ni Paulita Gomez, na nababahala sa mga titig na ibinabato sa kanyang kasintahan.
Donya Victorina
Ang tiyahin ni Paulita na kilala sa kanyang kayabangan at pagpapanggap na makabanyaga. Siya ang kasama ni Paulita at Isagani sa perya.
Simoun
Ang misteryosong alahero na palaging may mga lihim na plano. Bagaman hindi siya aktibong lumitaw sa eksena, binanggit siya ng mga tauhan dahil sa isang rebultong kahawig niya at sa kanyang pag-iwas sa mga kasama.
Padre Salvi
Isa pang pari na kasama nina Padre Camorra at Ben-Zayb. Tahimik siyang nagmamasid sa paligid at hindi gaanong aktibo sa pag-uusap.
Read more: El Filibusterismo Tauhan at mga Katangian ng Bawat Isa
Tagpuan sa El Filibusterismo Kabanata 17
Ang tagpuan sa kabanata ay sa isang peryahan sa Quiapo.
Talasalitaan sa El Filibusterismo Kabanata 17
- Perya – Isang lugar ng aliwan na may mga tindahan, laro, at iba’t ibang uri ng palabas na madalas binibisita ng mga tao upang maglibang.
- Kagandahan – Ang katangian ng isang tao o bagay na kaaya-aya sa paningin.
- Rebulto – Isang pigura o estatuwang nililok mula sa kahoy, bato, o iba pang materyales na nagpapakita ng anyo ng tao o hayop.
- Paglilibang – Paggugol ng oras sa mga aktibidad na nagpapasaya o nagdudulot ng aliw.
- Kubol – isang maliit na tahanan o silungan.
- Nobyo – kasintahan; katipan.
- Estatwa – isang obra maestra na ginawa mula sa kahoy, bato, metal, at iba pa.
- Alahas – mga kagamitang ginto, pilak, at iba pa na isinusuot para sa kagandahan; jewelry sa wikang Ingles.
- Singilin – hingan ng bayad.
- Lihim – isang bagay na hindi alam ng iba o sikreto.
Mga Aral, Mensahe, at Implikasyon sa El Filibusterismo Kabanata 17
Narito ang mga aral at mahahalagang kaisipan na maaaring mapulot sa Kabanata 17 ng El Filibusterismo:
- Ipinapakita sa kabanata kung paano ang lipunan, lalo na ang mga tao sa perya, ay may malaking pagpapahalaga sa panlabas na kaanyuan. Ang kagandahan ni Paulita Gomez ay nagdudulot ng inggit, paghanga, at atensyon mula sa marami, na nagpapakita ng pagkiling ng lipunan sa panlabas na anyo kaysa sa tunay na halaga ng isang tao.
- Ang pag-uugali ni Padre Camorra sa kabanatang ito ay nagpapakita ng maling paggamit ng kapangyarihan ng mga pari. Sa halip na maging huwaran ng moralidad at ispiritwalidad, ipinakita ang kanyang pagiging malisyoso at pagnanasa sa mga kababaihan, na nagpapakita ng korupsyon sa hanay ng mga alagad ng simbahan noong panahon ng mga Espanyol.
- Si Simoun, na tahimik na umiiwas sa mga tao sa perya, ay nagpapakita ng pag-iingat sa pansariling interes at pag-iwas sa kahihiyan o pagtuklas ng kanyang mga lihim na plano. Ang kanyang kilos ay nagpapakita ng aral tungkol sa kahalagahan ng pagiging maingat sa mga galaw at mga kaalaman ng iba tungkol sa ating tunay na intensyon, lalo na kung ito’y may malaking epekto sa lipunan.
At dito nagtatapos ang El Filibusterismo Kabanata 17 Buod, mga Mahahalagang Pangyayari, Tauhan, Tagpuan, Talasalitaan, at Aral. Naging kapaki-pakinabang ba sa iyo ang araling ito? Kung oo ang iyong sagot, ibahagi mo din ito sa iyong mga kaklase at kaibigan para sila din ay matuto sa unang kabanata ng nobelang ito.
Samantala, maaari mo din itong i-share sa iyong mga social media account. I-click lamang ang share button na makikita sa iyong screen. Para sa karagdagang mga tanong tungkol sa ating aralin, mangyaring mag-iwan ng komento sa ibaba.
Read next: El Filibusterismo Kabanata 18 Buod, mga Tauhan, Tagpuan, Talasalitaan, at Aral