Isang kilalang manunula si Francisco “Balagtas” Baltazar na siyang may akda ng Florante at Laura. Sa obrang ito ni Balagtas ay may dalawang katotohanan tayong mapapansin na nakapaloob sa kwento.
Una, ipinapakita nito ang kalunos-lunos na kalagayan ng Pilipinas noong sinusulat ang akdang ito. Nais ipabatid ng manunulat ang pagmamalupit ng mga taong may posisyon sa lipunan, pagmamalupit dala ng kasakiman sa salapi.
See also: Florante at Laura Buod ng Bawat Kabanata 1-30 with Talasalitaan
Pangalawa, ang kaawa-awang kalagayan ni Balagtas noong nakakulong siya sa Pandakan. Katulad ng isang Floranteng nakagapos sa puno ng higera sa gitna ng mapanglaw na gubat.
Halina’t basahin ang maikli at mahabang bersyon ng Florante at Laura buod ng buong kwento na aming ginawa upang maintindihan ng mas mabilis ang obrang ito ni Balagtas.
Para naman kilalanin ang mga tauhan sa kwentong ito ay maaari mo rin basahin ang Florante at Laura Tauhan at mga Katangian ng Bawat Isa.
[lockercat]
Download the PDF version of this post by clicking this link.
[/lockercat]
Maikling Buod ng Florante at Laura
Sa isang madilim na gubat ay may isang lalaking nagngangalang Florante na nakagapos sa puno ng higera. Bagaman ito ay may kaawa-awang itsura ay bakas pa rin sa kaniyang mukha ang mala-Adonis na itsura.
Labis nitong pinagdaramdam ang naudlot na pag-iibigan nila ng kaniyang sintang si Laura. Hindi niya lubos na maisip na pagtataksilan siya ni Laura at sumama kay Konde Adolfo gayong labis naman ang pag-ibig na alay nito para sa dalaga.
Sa kabilang banda’y naroroon din sa gubat si Aladin. Katulad ni Florante, si Aladin ay mayroong ding dinadalang kabigatan dahil si Flerida na kaniyang mahal ay inagaw ng kaniyang ama na si Sultan Ali-Adab.
Habang nagdaramdam si Aladin ay narinig niya ang mga ungol at buntung-hininga ni Florante. Hinanap niya ang pinanggagalingan ng mga ingay na iyon. Nagkataon nang makita niya ang kinaroroonan ni Florante ay napaliligiran na ito at aakmain na ng dalawang leon.
Nagmadali si Aladin at pinagtataga nito ang dalawang leon. Agad nitong pinutol ang mga tali na nakagapos kay Florante. Dahil sa pagod ay nawalan ng malay si Florante.
Sa kaniyang paggising ay isang Moro ang kaniyang nasilayan. Nabigla ito dahil bagaman sila ay di magkasekta ay nagawa pa ring tumulong sa kaniya ni Aladin.
Binantayan ni Aladin si Florante magdamag dahil sa pangambang makagat siya ng mga pagala-galang hayop sa gubat. Nang magkaroon na ng lakas ay nagkaroon ng pagkakataon na makapag-usap ang dalawa.
Isinalaysay ni Florante ang kaniyang buhay simula ng kaniyang pagkabata maging ang mga pangangaral ng kaniyang ama’t ina na sina Duke Briseo at Prinsesa Floresca.
Nabanggit niya din ang pagbabalatkayo ni Adolfo noong sila’y magkamag-aral pa sa Atenas at ang matinding lungkot na kaniyang dinanas nung makatanggap siya ng isang liham na nagsasabing patay na ang kaniyang ina.
Nang makabalik noon si Florante sa Alabnya ay naatasan siyang maging heneral ng isang hukbo na siyang magtatanggol sa kaharian ng Albanya laban sa mga kaaway nito.
Kinalaban niya ang heneral ng Persiya na si Osmalik. Iniligtas niya ang mga tao sa Albanya ng lusubin sila ng hukbo ng mga Moro. Napagtagumpayan din niya ang pakikipaglaban sa hukbo ng Turkong pinamumunuan ni Miramolin.
Sunud-sunod na natalo ni Florante ang mga kaaway ng Albanya kung kaya’t marami ang humanga at gumalang sa kaniya. Dahil dito ay nagalit si Adolfo kay Florante dala ng matinding inggit.
Nagpadala siya ng sulat kay Florante na may pirma ng pangalan ni Haring Linceo na nagsasabing bumalik ito sa Albanya na mag-isa. Nang makarating ay agad itong iginapos at ikinulong.
Napag-alaman din ni Florante na pinapugot ni Adolfo ang ulo ng kaniyang ama at Haring Linceo kasama ang iba pang konseho. Nabalitaan niya rin na magpapakasal si Laura kay Adolfo.
Narinig nina Florante at Aladin ang pag-uusap ng dalawang babae. Ikinukwento ng isang babae ang kanyang pagpapakasakit kapalit ng kaligtasan ng kaniyang minamahal.
Natigilan ang dalawang dalaga sa pag-uusap nang biglang dumating sina Florante at Aladin. Ang dalawang babaeng ito ay sina Laura at Flerida.
Naging isang paraiso ang gubat nang muling magkatagpo ang apat. Isinalaysay din ni Flerida ang ginawang pagliligtas niya kay Laura.
Habang nag-uusap ang apat ay dumating si Minandro kasama ang kaniyang hukbo mula sa Etolya.
Nagdiwang ang mga ito dahil sa pagkakaroon ng bagong hari at reyna ng Alabanya. Ang mga Morong na sina Aladin at Flerida naman ay pumayag na magpabinyag.
Bumalik si Aladin sa Persiya matapos mamatay ang kaniyang ama na si Sultan Ali-Adab.
Naging maunlad at mapayapa ang kaharian ng Albanya dahil sa mahusay na pamumuno nina Florante at Laura.
See also: Ibong Adarna Buod ng Buong Kwento (Maikling Buod)
Buod ng Florante at Laura (Mahabang Buod)
Sa isang madilim na kagubatan ng Albanya, si Florante ay nakatali sa isang puno ng Higera, nagdadalamhati sa pagkawala ng kanyang amang si Duke Briseo at nag-aalala sa posibilidad na mapasakamay ng kanyang kaaway, si Konde Adolfo, ang kanyang minamahal na si Laura.
Habang nalulunod si Florante sa kalungkutan, isang moro na nagngangalang Aladin, na naglalakbay sa kagubatan, ang nakarinig sa kanyang pagtangis. Naantig si Aladin sa mga hinaing ni Florante at tinulungan siya nang siya’y atakihin ng dalawang liyon. Hindi nag-atubili si Aladin na iligtas si Florante, bagaman sila’y magkalaban, at inalagaan ito nang mawalan ng malay.
Nang magising si Florante, nagulat siya nang malaman na ang kanyang tagapagligtas ay isang Moro, isang kalaban ng mga Kristiyano. Dito nagsimula ang kanilang pag-uusap, at isinalaysay ni Florante ang kanyang buhay. Ikinuwento niya na siya’y anak ng isang prinsesa at ng isang maharlikang tagapagpayong, si Duke Briseo. Lumaki siya nang masaya at puno ng pagmamahal mula sa kanyang mga magulang. Noong siya’y anim na taong gulang, muntik na siyang masawi nang atakihin siya ng isang buwitre na nagtangkang agawin ang batong hiyas na nakasabit sa kanyang dibdib. Mabuti na lamang at nailigtas siya ng kanyang pinsan na si Menalipo, isang magaling na mamamana mula sa Epiro.
Nang siya’y labing isang taong gulang, ipinadala siya ng kanyang mga magulang sa Atenas Gresya upang mag-aral sa ilalim ng kilalang guro na si Antenor. Dito niya nakilala si Adolfo, isang kababayan mula sa Albanya, na noong una’y itinuturing na pinakamatalinong mag-aaral. Ngunit makalipas ang anim na taon, nalampasan ni Florante ang mga galing ni Adolfo, na nagdulot ng matinding inggit sa huli.
See also: Kaligirang Pangkasaysayan ng Florante at Laura
Isang araw, tinangkang patayin ni Adolfo si Florante habang sila’y gumaganap sa isang dulaan, ngunit nailigtas siya ng kanyang kaibigan na si Menandro. Dahil dito, umuwi si Adolfo sa Albanya. Makalipas ang isang taon, natanggap ni Florante ang liham na nagsasaad ng pagkamatay ng kanyang inang si Prinsesa Floresca, kaya’t bumalik siya sa Albanya kasama si Menandro.
Sa Albanya, isang kinatawan mula sa Krotona ang humiling ng tulong mula kay Florante laban sa mga Persa (Persians) na nagbabanta sa kanilang kaharian. Hindi ito natanggihan ni Florante dahil ang kanyang lolo ang hari ng Krotona. Sa digmaang ito, matagumpay niyang napatay ang heneral ng mga Persa na si Osmalik, at nanatili sa Krotona ng limang buwan bago bumalik sa Albanya.
Pagbalik ni Florante sa Albanya, nalaman niyang ang bandila ng Persiya ay nakatayo sa kanyang bayan. Muli niyang nilabanan ang mga Persiyano, at nailigtas sina Duke Briseo, Adolfo, Haring Linceo, at Laura mula sa tiyak na kamatayan sa kamay ni Emir. Dahil sa kanyang katapangan, itinalaga siyang “Tagapagtanggol ng Albanya,” bagay na ikinagalit at ikinainggit ni Adolfo.
Sa sumunod na digmaan sa Etolya, muling ipinagtanggol ni Florante ang Albanya laban sa mga Turkiya na pinamumunuan ni Heneral Miramolin. Subalit sa gitna ng labanan, natanggap niya ang liham ng kanyang ama na pinababalik siya sa Albanya. Iniwan niya ang kanyang hukbo sa pangangalaga ni Menandro at nagmadaling umuwi.
Pagbalik sa Albanya, natagpuan ni Florante na nasa ilalim na ng kapangyarihan ni Adolfo ang kaharian. Siya’y tinugis ng tatlumpung libong sundalo ni Adolfo at ibinilanggo ng dalawampu’t walong araw. Dito niya natuklasan na pinugutan ni Adolfo ng ulo ang kanyang ama at si Haring Linceo. Pagkatapos ay dinala siya sa kagubatan at itinali sa puno ng akasya.
Sa kanilang pag-uusap sa kagubatan, ikinuwento rin ni Aladin ang kanyang sariling karanasan. Ayon kay Aladin, siya ay isang prinsipe mula sa Persiya at anak ng malupit na Sultan Ali-Adab. Pinagbintangan siya ng kanyang ama na iniwan ang kanyang mga alagad, dahilan ng pagkatalo nila sa digmaan. Dahil dito, nais siyang patayin ng Sultan. Subalit, dahil sa pagmamahal ni Aladin kay Flerida, isang dalaga mula sa kanilang kaharian, nakaligtas siya. Hiniling ni Flerida sa Sultan na palayasin na lamang si Aladin at siya na lang ang pakakasalan ng Sultan, bilang kapalit ng kanyang buhay.
Habang nagsasalaysay si Aladin, nakarinig sila ng mga tinig mula sa kagubatan. Isang babae, si Flerida, ang nagkukwento ng kanyang pagtakas mula sa kanyang kaharian at ang kanyang paghahanap sa kasintahan niyang si Aladin na nawala sa loob ng anim na taon. Sa kanyang paglalakbay, narinig niya ang mga sigaw ng isang babaeng humihingi ng tulong. Natagpuan niya si Laura na inaalipusta ni Adolfo. Gamit ang pana, pinatay ni Flerida si Adolfo at iniligtas si Laura.
Pagkatapos nito, si Laura naman ang naglahad ng kanyang kwento. Ayon sa kanya, nang mawala si Florante, naghari si Adolfo sa Albanya sa pamamagitan ng kasinungalingan at pandaraya. Napilitang pumayag si Laura na maging reyna ni Adolfo. Ngunit, sa kalaunan, nagtagumpay ang hukbo ni Menandro at natalo si Adolfo. Tumakas si Adolfo kasama si Laura sa kagubatan kung saan siya ay pinatay ni Flerida.
Nagtagpo sina Florante, Laura, Aladin, at Flerida sa kagubatan. Matapos ang kanilang mga salaysay, bumalik sina Florante at Laura sa Albanya at naging hari at reyna. Samantalang sina Aladin at Flerida ay nagbalik sa Persiya, kung saan si Aladin ang naging bagong sultan matapos mamatay ang kanyang ama.
Namuhay nang matiwasay at payapa ang Albanya at Persiya matapos ang mga kaganapang ito.