Ang post na ito ay naglalaman ng buod ng Noli Me Tangere Kabanata 3 – Ang Hapunan. Tatalakayin din natin ang mga tauhan sa kabanatang ito, ang tagpuan, mga mahahalagang pangyayari, talasalitaan, pati rin ang mga aral na mapupulot mo sa bahaging ito ng nobela.
Related: Noli Me Tangere Buod ng Buong Kwento (Maikling Buod)
Table of Contents
See also: Noli Me Tangere Kabanata 2 Buod, mga Tauhan, Tagpuan, Mahahalagang Pangyayari, Talasalitaan, at Aral
Buod ng Noli Me Tangere Kabanata 3 – Ang Hapunan
Handa na ang hapunan at ang bawat panauhin ay papalapit na sa hapag kainan.
Habang nakikita sa mukha ni Padre Sibyla ang kasiyahan sa salu-salo, kabaligtaran naman niya si Padre Damaso. Panay ang dabog ng pari at kitang-kita sa mukha niya na siya ay naiinis.
Pinagmamasdan naman ni Tinyente Guevarra ang kulot na buhok ni Donya Victorina. Hindi niya namalayan na natapakan na niya ang laylayan ng saya ng Donya, bagay na ikinainis ng ginang.
Umupo sa kabisera si Crisostomo Ibarra. Sa kabilang dulo naman ng kabisera ay nagtatalo pa ang dalawang pari kung sino ang mauupo.
Sabi ni Padre Damaso, si Padre Sibyla daw ang dapat maupo doon dahil siya ang kura sa lugar na ‘yon.
Bagay na tinggihan ng pari dahil dapat daw ay si Padre Damaso ang maupo bilang siya ang padre kumpesor ng pamilya ni Kapitan Tiago.
Sa kalaunan, inalok ni Padre Sibyla ang upuan sa Tinyente na agad naman nitong tinanggihan. Tumanggi rin si Kapitan Tiago ng siya namang inanyayahan ni Ibarra.
Nang maihain na ang pagkain sa hapag, lalong nainis si Padre Damaso dahil ang napunta sa kanyang parte ng tinola ay mga leeg at pakpak ng manok.
Lingid sa kaalaman ng pari, ang espesyal na tinola ay para lamang kay Ibarra.
Habang kumakain, ibinahagi ni Ibarra ang kanyang karanasan sa pag-aaral sa Europa, kabilang na ang kanyang obserbasyon sa mga bansang napuntahan niya at ang kanyang hindi paglimot sa kanyang bayan.
Sa kabila ng kanyang paggalang, ininsulto siya ni Padre Damaso, na tinawag na pag-aaksaya ng salapi ang kanyang pag-aaral sa Europa. Magalang na tinanggap ni Ibarra ang insulto at binanggit na lamang ang alaala ni Padre Damaso bilang malapit na kaibigan ng kanyang ama, na nagpatigil sa pari.
Nalaman ni Tinyente Guevarra na wala pala talagang nalalaman ang binata sa pagkamatay ng kanyang ama.
Samantala, matapos ang pagtitipon ay maagang nagpaalam si Ibarra kaya’t hindi na sila nagkita ni Maria Clara, ang anak na dalaga ni Kapitan Tiago.
See also: Noli Me Tangere Buod ng Bawat Kabanata 1-64 with Talasalitaan
Mga Tauhan sa Noli Me Tangere Kabanata 3
Narito ang mga tauhang nabanggit sa kabanata 3 ng nobelang Noli Me Tangere na isinulat ng ating pambansang bayani na si Jose Rizal.
Padre Damaso
Isang pari na kilala sa pagiging magaslaw at mapang-api, lalo na kay Ibarra. Ipinakita niya ang kanyang galit at paghamak sa binata, lalo na nang matanggap niya ang hindi masarap na bahagi ng tinola.
Don Tiburcio
Ang hilaw na asawa ni Donya Victorina na namumuhay sa kasinungalingan bilang doktor.
Padre Sibyla
Isang pari na nakikipagtalo kay Padre Damaso sa usapin kung sino ang dapat maupo sa dulo ng kabisera. Sa huli, nagpakumbaba siya at inalok ang upuan sa Tinyente.
Donya Victorina
Isang babae na kilala sa kanyang pagpapanggap bilang isang tunay na Espanyol. Siya ay nairita nang matapakan ni Tinyente Guevarra ang kanyang damit.
Ibarra
Ang binatang bagong dating mula sa Europa, anak ni Don Rafael Ibarra. Siya ang pangunahing dahilan ng handaan at naupo sa kabisera ng hapag-kainan. Nagpakita siya ng magalang na ugali kahit pa ininsulto siya ni Padre Damaso.
Kapitan Tiago
Isa sa mga pangunahing tauhan ng nobela, at ang namumuno sa handaan kung saan nagaganap ang eksena. Ama ni Maria Clara at malapit na kaibigan ng ama ni Ibarra.
Tinyente Guevarra
Isang opisyal ng gwardya sibil na tumanggi sa alok ni Padre Sibyla na maupo sa kabisera. Siya ay tahimik na nagmasid sa mga pangyayari, lalo na sa pakikipag-usap ni Ibarra.
Laruja
Isang opisyal ng pamahalaan na kasama sa mga panauhin.
Read more: Noli Me Tangere Tauhan at mga Katangian ng Bawat Isa
Tagpuan sa Noli Me Tangere Kabanata 3
Ang kabanata na ito ay naganap sa isang hapagkainan, kung saan nagkaroon ng handaan na pinangunahan ni Kapitan Tiago.
Mahahalagang Pangyayari sa Noli Me Tangere Kabanata 3
- Sa hapag-kainan, ang mga panauhin ay may kanya-kanyang kilos na kung panonoorin ay parang isang komedya, partikular na si Padre Damaso na nagdabog at kitang-kita sa mukha niya na siya ay naiinis.
- Nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan nina Padre Damaso at Padre Sibyla tungkol sa kung sino ang uupo sa dulo ng kabisera, ngunit sa huli, nagpakumbaba si Padre Sibyla.
- Naging sanhi ng galit ni Padre Damaso ang pagkakapunta sa kanya ng hindi masarap na bahagi ng tinola, lalo na ang leeg at pakpak.
- Nagbahagi si Ibarra ng kanyang karanasan sa Europa, kasama na ang kanyang pagmamahal sa bayan, ngunit ininsulto siya ni Padre Damaso, na tinawag na pag-aaksaya ng salapi ang kanyang pag-aaral sa Europa.
- Sa kabila ng mga insulto, nanatiling magalang si Ibarra at maagang nagpaalam mula sa hapunan, nang hindi nakikita si Maria Clara.
Talasalitaan sa Noli Me Tangere Kabanata 3
- Hapag-kainan – Lamesa o mesa na ginagamit para sa pagkain.
- Nag-alburoto – Nagpakita ng matinding galit o inis.
- Kabisera – Ang upuan sa magkabilang dulo ng hapag-kainan, karaniwang inuupuan ng pinakapinuno o pinaka-importanteng bisita.
- Tinola – Isang tradisyunal na ulam sa Pilipinas na karaniwang gawa sa manok, luya, at gulay.
- Pag-alipusta – Pagmamaltrato o pagbibigay ng masamang salita laban sa isang tao.
- Pagkumpirma – Pagtiyak o pag-alam ng katotohanan.
- Mapang-api – Taong nagpapakita ng labis na kapangyarihan upang mang-alipin o mang-api ng iba.
- Estudios Coloniales – Isang pahayagan o publikasyon na naglalathala ng mga obserbasyon o pag-aaral hinggil sa mga kolonya.
Mga Aral, Mensahe, at Implikasyon sa Noli Me Tangere Kabanata 3
Ito naman ang mga aral sa Noli Me Tangere Kabanata 3 – Ang Hapunan.
- Matutong makisama sa iba. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay ikaw ang laging iintindihin ng mga tao sa paligid mo.
- Bagamat may mga bagay na hindi napagkakasunduan, ang respeto sa isa’t isa ay di dapat mawala. Maaari namang hindi sumang-ayon sa ibang bagay o usapin nang hindi nagiging bastos sa kausap.
- Sa pagtatalo nina Padre Damaso at Padre Sibyla kung sino ang dapat umupo sa sentrong upuan, nagpapakita ito ng umiiral na panlipunang straktura at kapangyarihan noong panahon ng Espanyol. Ipinapakita din ng eksena na ito ang kahalagahan ng posisyon at estado sa lipunan.
- Ang pagtatalunan ng mga pari tungkol sa “pinakamahalagang” upuan ay maaaring isang satirikong pagsusuri sa mga gawi at pang-uugali ng mga relihiyosong lider na hindi naaayon sa mga itinuturo nilang mga prinsipyo tulad ng kababaang-loob at pagiging mapagkumbaba.
- Ang pagkakaiba ng trato sa pagitan ni Ibarra at Padre Damaso sa pagkakabigay ng tinola ay simboliko rin sa mga panahong iyon, kung saan mas prefered ang mga Espanyol kaysa sa mga Pilipino. Sa kabilang banda, binibigyang-diin rin dito ang kahalagahan ng pagpapahalaga at pagmamahal sa sariling bansa at kultura, tulad ng ipinapakita ni Ibarra sa kanyang mga sagot kay Laruja.
- Ipinapakita rin sa kabanata na ito ang kahalagahan ng komunikasyon. Dahil sa kawalan ng maayos na komunikasyon, hindi nakarating kay Ibarra ang balita tungkol sa kanyang ama na si Don Rafael. Ito’y nagpapakita na ang kawalan ng maayos na komunikasyon ay maaring magdulot ng mga hindi pagkakaunawaan at maaaring magdulot ng mga hindi inaasahang pangyayari.
At dito nagtatapos ang Noli Me Tangere Kabanata 3 Buod, mga Tauhan, tagpuan, talasalitaan, at Aral. Naging kapaki-pakinabang ba sa iyo ang araling ito? Kung oo ang iyong sagot, ibahagi mo din ito sa iba para sila din ay matuto.
Samantala, maaari mo din itong i-share sa iyong mga social media profile. I-click lamang ang share button na makikita sa iyong screen. Para sa karagdagang mga tanong tungkol sa ating aralin, mangyaring mag-iwan ng komento sa ibaba.
See also: Noli Me Tangere Kabanata 4 Buod, mga Tauhan, Tagpuan, Mahahalagang Pangyayari, Talasalitaan, at Aral