Noli Me Tangere Kabanata 1 Buod, mga Tauhan, Aral, atbp.

Ang post na ito ay naglalaman ng maikling buod ng Noli Me Tangere Kabanata 1 – Ang Pagtitipon. Bukod pa d’yan, malalaman mo din kung sinu-sino ang mga tauhang nabanggit sa kabanatang ito, ang tagpuan, mga mahahalagang pangyayari, talasalitaan, pati na rin ang aral at mahahalagang kaisipan na mapupulot mo rito.

Related: Noli Me Tangere Buod ng Buong Kwento (Maikling Buod)

Buod ng Noli Me Tangere Kabanata 1 – Ang Pagtitipon

Ang kabanata ay naglalarawan ng marangyang handaan na inihanda ni Kapitan Tiago sa kanyang bahay sa Kalye Anluwage upang salubungin ang isang binatang kagagaling lamang sa Europa. Maraming bisita ang dumalo, kabilang ang mga kilalang tao sa lipunan, mga kleriko, at ilang prominenteng Espanyol.

Pinangunahan ni Tiya Isabel ang pag-asikaso sa mga bisita, na sadyang hinati sa dalawang grupo—ang mga babae at mga lalaki. Dumating sa pagtitipon ang mag-asawang Dr. de Espadaña at Donya Victorina, pati na rin ang mga pari na sina Padre Sibyla at Padre Damaso. Ang mga bisita ay nagkaroon ng kani-kanilang talakayan, at isa sa mga mainit na usapan ay ang tungkol sa mga Pilipino o Indio, ang pagkakaalis ni Padre Damaso sa parokya ng San Diego, at ang monopolyo ng tabako at pulbura.

Sa naturang pagtitipon, hindi pinalampas ni Padre Damaso ang pagkakataon na mangutya sa mga Pilipino, tinawag silang hamak at mababang uri ng tao. Sinikap ni Padre Sibyla na baguhin ang paksa at pinag-usapan nila ang dahilan ng pagkakaalis ni Padre Damaso sa parokya ng San Diego. Ipinaliwanag ni Tinyente Guevarra na ang pagkakaalis kay Padre Damaso ay nararapat lamang dahil sa kanyang pag-uutos na hukayin ang bangkay ng isang marangal na lalaki na pinagbintangang erehe.

Dahil dito, lalong nagalit si Padre Damaso, ngunit muling pinakalma ni Padre Sibyla ang sitwasyon. Ang diskusyon ay nagpatuloy at lumawak pa sa iba’t ibang usapin hanggang sa matapos ang pagtitipon.

See also: Noli Me Tangere Buod ng Bawat Kabanata 1-64 with Talasalitaan

Mga Tauhan sa Noli Me Tangere Kabanata 1

Narito ang mga tauhang nabanggit sa kabanata 1 ng nobelang Noli Me Tangere na isinulat ng ating pambansang bayani na si Jose Rizal.

Don Santiago delos Santos (Kapitan Tiago)

May-ari ng bahay kung saan ginanap ang marangyang handaan. Kilala siya bilang matulungin sa mahihirap at kabilang sa mataas na lipunan. Nagsilbi siyang nag-oganisa ng pagtitipon upang salubungin ang isang binatang kagagaling lamang sa Europa.

Juan Crisostomo Ibarra

Ang dahilan kung bakit may pagtitipon.

Tiya Isabel

Pinsan ni Kapitan Tiago na nag-asikaso at nag-istima ng mga bisita sa pagtitipon.

Don Tiburcio de Espadaña

Asawa ni Doña Victorina na naroon din sa pagtitipon.

Doña Victorina de Espadaña

Asawa ni Don Tiburcio na dumalo sa pagtitipon. Si Donya Victorina ay kilala sa kanyang pagpapanggap bilang isang tunay na Espanyol.

Padre Hernando De La Sibyla

Kura paroko ng Binundok, isang pari na naging panauhin sa pagtitipon. Siya ay nagpakalma kay Padre Damaso sa kanilang diskusyon tungkol sa pagkakaalis nito sa parokya.

Padre Damaso Vardolagas

Isang mataas na pari na dating kura paroko ng San Diego. Kilala siya sa pagiging magaslaw at mapangmataas, lalo na sa mga Indio. Ipinahayag niya ang kanyang pagkagalit at pangungutya sa mga Pilipino sa pagtitipon.

Dalawang Paisano

Mga panauhin din sa pagtitipon.

Tinyente Guevarra

Tinyente ng gwardya sibil na dumalo sa pagtitipon. Siya ang nagtanggol sa desisyon ng Kapitan Heneral sa pagkakaalis ni Padre Damaso sa parokya.

Read more: Noli Me Tangere Tauhan at mga Katangian ng Bawat Isa

Tagpuan sa Noli Me Tangere Kabanata 1

Ang tagpuan ng kabanata ay sa bahay ni Don Santiago de los Santos o Kapitan Tiago na matatagpuan sa Kalye Anluwage.

Mahahalagang Pangyayari sa Noli Me Tangere Kabanata 1

  • Nagsimula ang marangyang handaan sa bahay ni Kapitan Tiyago upang salubungin ang isang binatang kagagaling lamang sa Europa.
  • Dumalo sa pagtitipon ang mga prominenteng tao, kabilang ang mga pari na sina Padre Sibyla at Padre Damaso, pati na rin sina Dr. de Espadaña at Donya Victorina, ang tinyente, at marami pang iba.
  • Nagkaroon ng diskusyon ang mga bisita tungkol sa mga Pilipino o Indio, kung saan ipinahayag ni Padre Damaso ang kanyang mababang pagtingin sa kanila.
  • Lumabas ang usapin tungkol sa pagkakaalis ni Padre Damaso sa parokya ng San Diego, na ipinagtanggol ni Tinyente Guevarra ang desisyon ng Kapitan Heneral.
  • Lalong nagalit si Padre Damaso ngunit muling pinakalma ni Padre Sibyla upang mapanatili ang kaayusan sa pagtitipon.

Talasalitaan sa Noli Me Tangere Kabanata 1

  • Pagtitipon – isang okasyon kung saan nagtitipon-tipon ang mga tao, karaniwang para sa isang espesipikong dahilan.
  • Alkade – ang pinuno o lider ng isang munisipyo o bayan.
  • Karpeta – isang malaking telang karaniwang ginagamit para takpan o protektahan ang sahig.
  • Bulwagan – isang malaking silid o kuwarto na ginagamit para sa mga malalaking pagtitipon.
  • Baluktok – hindi tuwid o hindi maayos.
  • Umpukan – isang grupo o kumpulan ng mga tao.
  • Marangya – Magarbo o magastos, karaniwang tumutukoy sa mga engrandeng pagtitipon o handaan.
  • Kura Paroko – Pari na namumuno sa isang parokya o simbahan.
  • Monopolyo – Pagtutok ng kontrol sa isang produkto o serbisyo sa iisang tao o grupo lamang; monopoly sa wikang Ingles.
  • Paisano – Tumutukoy sa isang taong hindi kabilang sa militar o simbahan, karaniwang ginagamit upang tukuyin ang mga sibilyan.
  • Erehe – Taong lumalabag sa mga turo o aral ng simbahan, madalas na itinuturing na kalaban ng simbahan.
  • Indio – Tawag ng mga Espanyol sa mga Pilipino noong panahon ng kolonyalismo, kadalasang ginagamit sa mapanirang paraan.
  • Hamak – Mababang uri ng tao; palamura at ginagamit upang mangutya.
  • Salubong – Pagtanggap o pagdiriwang para sa pagdating ng isang tao.
  • Tagisan ng kuro-kuro – Palitan ng opinyon o ideya, kadalasang sa paraan ng diskusyon o argumento.
  • Pagkumpisal – Sakramento sa simbahan kung saan ang isang tao ay nagpapahayag ng kanyang mga kasalanan sa isang pari upang humingi ng kapatawaran.

Mga Aral, Mensahe, at Implikasyon sa Noli Me Tangere Kabanata 1

Ito naman ang mga aral sa Noli Me Tangere Kabanata 1 – Ang Pagtitipon.

  • Ang pagtatangi o diskriminasyon laban sa mga Pilipino (Indio) noong panahon ng kolonyalismo ay isang manipestasyon ng maling kaisipan ng mga Espanyol na sila’y nakatataas sa ibang lahi.
  • Ang kapangyarihan ng simbahan ay hindi palaging ginamit sa tama at makatarungang paraan, tulad ng ipinakita sa ginawa ni Padre Damaso sa bangkay ng isang erehe.
  • Ang mga taong may mataas na posisyon sa lipunan ay madalas gamitin ang kanilang impluwensya upang patahimikin ang mga hindi nila kasundo, gaya ng ginawa ni Padre Sibyla kay Padre Damaso.
  • Ang malalim na paggalang sa batas at sa kapwa ay mahalaga upang mapanatili ang kaayusan sa lipunan, tulad ng ipinakita ni Tinyente Guevarra sa kanyang pagtanggol sa desisyon ng Kapitan Heneral.
  • Ang kalagayan ng isang lipunan ay kadalasang nasasalamin sa mga opinyon at diskusyon ng mga nasa kapangyarihan, at ang mga ito ay maaaring magdulot ng pagbabago o patuloy na pang-aabuso, depende sa kanilang direksyon at layunin.

At dito nagtatapos ang Noli Me Tangere Kabanata 1 Buod, mga Tauhan, tagpuan, talasalitaan, at Aral. Kung naging kapaki-pakinabang sa iyo ang araling ito, mangyaring ibahagi din sa iba upang sila din ay matuto.

Maaari mo din itong i-share sa iyong mga social media accounts. I-click lamang ang share button na makikita sa iyong screen. Para sa karagdagang mga tanong tungkol sa ating aralin, mangyaring mag-iwan ng komento sa ibaba.

See also: Noli Me Tangere Kabanata 2 Buod, mga Tauhan, Tagpuan, Mahahalagang Pangyayari, Talasalitaan, at Aral

Share this: