Noli Me Tangere Kabanata 4 Buod, mga Tauhan, at Aral

Tatalakayin natin sa pahinang ito ang buod ng Noli Me Tangere Kabanata 4 – Erehe at Pilibustero. Bukod pa d’yan, malalaman mo din kung sinu-sino ang mga tauhang nabanggit sa kabanatang ito, ang tagpuan, mga talasalitaan, pati na rin ang aral na mapupulot mo dito.

Related: Noli Me Tangere Buod ng Buong Kwento (Maikling Buod)

See also: Noli Me Tangere Kabanata 3 Buod, mga Tauhan, Tagpuan, Mahahalagang Pangyayari, Talasalitaan, at Aral

Buod ng Noli Me Tangere Kabanata 4 – Erehe at Pilibustero

Binabaybay ni Ibarra ang daan patungo sa plasa ng Binondo. Napansin niya na wala pa ring pinagbago sa lugar kahit na pitong taon siyang nawala sa Pilipinas.

Nakita siya ni Tinyente Guevarra, tinapik sa balikat, at sinabayan sa paglakad ang binata.

Tinanong ni Ibarra kung alam ba ng Tinyente ang dahilan ng pagkamatay ng kanyang ama. Sa daan ay ikinuwento ng Tinyente ang nangyari kay Don Rafael Ibarra.

Ayon sa Tinyente, bukod sa pagiging pinakamayaman sa buong lalawigan ay likas na matulungin ang ama ni Ibarra. Dahil dito ay marami ang nagmamahal sa kanya.

Ngunit sa kabila ng pagiging mabait ni Don Rafael, marami rin ang naiinggit sa kanya. Kabilang na dito ang mga prayle sa pangunguna ni Padre Damaso.

Ilang buwan pa lang bago umalis ang binata patungong Europa ay naging mainit sa isa’t-isa sina Don Rafael at Padre Damaso.

Dahil dito ay minabuti ng Don na ‘wag nang mangumpisal. Ito’y lalong ikinainis ng mga pari.

Nang panahong ‘yon ay may isang artilyerong Kastila na naging tampulan ng tukso dahil sa pagiging mangmang.

Isang araw, binigyan ng isang dokumento ang artilyero. Nagdunung-dunungan ito sa pagbasa kaya pinagtatawanan siya ng isang grupo ng mga bata.

Sa galit ng kastila ay hinabol niya ang mga ito. Nang hindi niya mahabol ang mga nang-aasar na bata ay binato niya ang mga ito ng baston.

May tinamaang isang bata at nang matumba ay pinagsisipa ito ng Kastila.

Nakita ni Don Rafael ang ginawa ng Kastila sa bata kaya ito ay umawat.

Ayon sa mga sabi-sabi, sinaktan daw ng Don ang Kastila hanggang sa tumama ang ulo nito sa malaking bato.

Dahil dito’y sumuka ng dugo hanggang sa tuluyang mamatay ang Kastila.

Nag-imbestiga ang mga gwardya sibil sa pangyayari at si Don Rafael ay kanilang dinakip at kinulong.

Naglabasan din ang mga lihim niyang kaaway. Pinaratangan nila ng pagiging erehe at pilibustero ang Don.

Inakusahan din siya ng pangangamkam ng lupain at iba pang ilegal na paraan sa pagpapayaman.

Ilan pa sa mga paratang sa kaawa-awang si Don Rafael ay ang pagbabasa ng El Correo de Ultramar at iba pang ipinagbabawal na babasahin, pagtatago ng mga sulat at larawan mula sa isang binitay na pari, pakikipagkaibigan at pagkupkop sa mga tulisan, at ang pagsusuot ng Barong Tagalog.

Tanging si Tinyente Guevarra lamang ang naging kakampi ng Don. Nakiusap siya sa Tinyente na kung maaari ay ihanap siya ng abogadong Kastila upang matulungan siya sa kanyang kaso.

Nagkasakit din si Don Rafael habang nakakulong at doo’y binawian ng buhay. Wala ni isang kamag-anak o kaibigan ang dumamay sa kanya.

Nakapanghihinayang dahil kung kailan nalagutan ng hiniga si Don Rafael, saka palang napatunayan na siya ay walang sala.

See also: Noli Me Tangere Buod ng Bawat Kabanata 1-64 with Talasalitaan

Mga Tauhan sa Noli Me Tangere Kabanata 4

Narito ang mga tauhang nabanggit sa kabanata 4 ng nobelang Noli Me Tangere na isinulat ng ating pambansang bayani na si Jose Rizal.

Crisostomo Ibarra

Ang pangunahing tauhan na bagong dating mula sa Europa. Naglakad-lakad siya sa plasa ng Binondo at natuklasan ang kalunos-lunos na sinapit ng kanyang ama, si Don Rafael Ibarra. Naging palaisipan sa kanya kung bakit nagkaroon ng malupit na kapalaran ang kanyang ama.

Tinyente Guevarra

Isang tenyente ng gwardya sibil na nagkuwento kay Ibarra tungkol sa tunay na nangyari sa kanyang ama. Siya ang tanging kaibigan at tagapagtanggol ni Don Rafael sa kabila ng lahat ng paratang laban dito.

Don Rafael Ibarra

Ama ni Crisostomo Ibarra, isa sa pinakamayamang tao sa San Diego. Kilala siya sa pagiging matulungin at mabait, ngunit naparatangan siya ng pagiging erehe at pilibustero. Nakulong siya at namatay sa loob ng bilangguan dahil sa mga maling paratang laban sa kanya.

Padre Damaso

Isang pari na may malalim na galit kay Don Rafael. Siya at ang iba pang pari ang nagtulak sa mga paratang laban kay Don Rafael, kabilang ang pagiging erehe at pilibustero.

Kastilang Artilyero

Isang Kastila na naging dahilan ng pagkakakulong ni Don Rafael. Sinaktan niya ang isang bata, at nang awatin siya ni Don Rafael, natuluyan siyang mamatay, na naging dahilan ng mga paratang laban kay Don Rafael.

Read more: Noli Me Tangere Tauhan at mga Katangian ng Bawat Isa

Tagpuan sa Noli Me Tangere Kabanata 4

Ang tagpuan ng kabanata ay sa Binondo.

Mahahalagang Pangyayari sa Noli Me Tangere Kabanata 4

  1. Naglakad-lakad si Crisostomo Ibarra sa plasa ng Binondo at napansin na walang ipinagbago ang kanyang bayan sa kabila ng matagal na panahon.
  2. Sinundan ni Tinyente Guevarra si Ibarra at ikinuwento ang tunay na nangyari sa kanyang ama, si Don Rafael Ibarra.
  3. Nalaman ni Ibarra na si Don Rafael ay naparatangan bilang erehe at pilibustero dahil sa isang insidente na kinasangkutan ng isang Kastilang kolektor.
  4. Dahil sa impluwensya ng mga kaaway ni Don Rafael, lalo na ang mga pari, nagkaroon ng masalimuot na paglilitis na nagdala sa pagkakakulong at pagkamatay ni Don Rafael sa bilangguan.
  5. Sa kabila ng lahat ng paratang at pagtalikod ng mga kaibigan ni Don Rafael, tanging si Tinyente Guevarra ang nanatiling tapat na kaibigan hanggang sa kamatayan ng ama ni Crisostomo.

Talasalitaan sa Noli Me Tangere Kabanata 4

  • Binaybay – Sinundan o tinahak
  • Pag-unlad – Pag-asenso o pagbabago patungo sa mas mabuti
  • Tampulan – Sentro o pokus ng atensyon
  • Nagdunung-dunungan – Nagkukunwari na marunong o matalino
  • Paslit – Maliit na bata; child sa wikang Ingles
  • Artilyero – Tawag sa isang sundalong may hawak na kanyon o armas na pangmalayuan
  • Erehe – Isang taong itinuturing na lumalabag sa mga turo ng simbahan at itinuturing na kalaban ng relihiyon.
  • Pilibustero – Isang taong lumalaban sa pamahalaan, karaniwang itinuturing na subersibo o rebelde.
  • Huwad – Hindi totoo o peke
  • Nalagutan ng hininga – Namatay

Mga Aral, Mensahe, at Implikasyon sa Noli Me Tangere Kabanata 4

Ito naman ang mga aral sa Noli Me Tangere Kabanata 4 – Erehe at Pilibustero.

  1. Ang inggit at poot ay maaaring magdala ng malalim na galit at kasamaan, na maaaring magbunga ng maling paratang at kawalan ng katarungan, tulad ng nangyari kay Don Rafael.
  2. Ang labis na kapangyarihan ng simbahan noong panahon ng kolonyalismo ay nagamit sa maling paraan upang apihin at pabagsakin ang mga taong hindi nila nagugustuhan, gaya ng naranasan ni Don Rafael.
  3. Sa kabila ng lahat ng pagsubok at pagdurusa, ang tunay na pagkakaibigan, tulad ng ipinakita ni Tinyente Guevarra, ay hindi natitinag ng anumang hamon o tukso.
  4. Ang hustisya ay madalas na napapasailalim sa impluwensya ng mga makapangyarihan, na nagiging sanhi ng kawalan ng katarungan para sa mga inosente.
  5. Ang mga paratang ng erehe at pilibustero ay naging mabisang sandata ng mga paring nais patahimikin ang sinumang kumakalaban sa kanilang kapangyarihan, na nagdulot ng malaking pinsala sa mga inosente tulad ni Don Rafael.

At ‘yan ang Noli Me Tangere Kabanata 4 Buod, mga Tauhan, tagpuan, talasalitaan, at Aral. Kung naging kapaki-pakinabang sa iyo ang araling ito, ibahagi mo din ito sa iba para sila din ay matuto.

Maaari mo din itong i-share sa iyong mga social media profile. I-click lamang ang share button na makikita sa iyong screen. Para sa karagdagang mga tanong tungkol sa ating aralin, mangyaring mag-iwan ng komento sa ibaba.

See also: Noli Me Tangere Kabanata 5 Buod, mga Tauhan, Tagpuan, Mahahalagang Pangyayari, Talasalitaan, at Aral

Share this: