Ang mga pang-uri o adjectives sa wikang Ingles ay salitang nagbibigay turing o naglalarawan sa isang pangngalan o panghalip. Ito ay nagsasaad ng uri o katangian ng tao, bagay, hayop, pook, o pangyayari.
Bukod sa kayarian, kailanan, kaantasan, at gamit ng pang-uri, ang pang-uri ay mayroon ding uri.
Sa pahinang ito ay tatalakayin natin at matututunan mo kung anu-ano ang tatlong uri ng pang-uri. Gumawa rin kami ng mga halimbawa sa bawat uri ng pang-uri upang mas lalo mong maintindihan ang araling ito.
Mga Nilalaman
- Tatlong Uri ng Pang-uri
- Mga kaugnay na aralin
Tatlong Uri ng Pang-uri
Ang pang-uri ay may tatlong uri. Ito ay ang panlarawan, pantangi, at pamilang.

1. Pang-uring Panlarawan
Ang pang-uring panlarawan o descriptive adjective sa wikang Ingles ay nagpapakilala ng uri o kabagayan ng isang pangngalan o panghalip. Nagsasaad ito ng laki, kulay, anyo, amoy, tunog, yari, lasa, o hugis.
Mga Halimbawa ng Pang-uring Panlarawan sa Pangungusap
- Mahaba ang buhok ni Almira.
- Si Bb. Hernandez ay mahusay magsalita.
- Pula ang paboritong kulay ni Sandy.
- Ang basura ay mabaho.
- Mapait ang ampalayang niluto mo.

2. Pang-uring Pantangi
Sinasabi ng pang-uring pantangi ang tiyak na pangngalan. Binubuo ito ng isang pangngalang pambalana at isang pangngalang pantangi.
Ang pangngalang pantangi o proper adjective na nagsisimula sa malaking titik ay naglalarawan o tumutukoy sa uri ng pangngalang pambalana.
Mga Halimbawa ng Pang-uring Pantangi sa Pangungusap
- Ang nais ni Kiko na pasalubong ay pansit Malabon.
- Sa Bicol matatagpuan ang bulkang Mayon.
- Bukod sa pizza, nais ko rin makatikim ng iba pang pagkaing Italyano.
- Paborito ni Ema ang suhang Davao.
- Si Mateo ay mahusay magsalita sa wikang Ingles.

3. Pang-uring Pamilang
Ang pang-uring pamilang o numeral adjective sa wikang Ingles ay nagsasabi ng bilang, dami, o posisyon sa pagkakasunod-sunod ng pangngalan o panghalip.

Mayroong anim (6) na uri ang pang-uring pamilang: ang patakaran, panunuran, pamahagi, pahalaga, palansak, at patakda.
A. Patakaran o Kardinal
Ito ang mga likas na bilang na pinagbabatayan ng pagbibilang. Nagsasaad ito ng aktuwal na bilang ng tao o bagay.
Mga Halimbawa ng Pang-uring Pamilang sa Pangungusap (Patakaran)
- Isa ang melon sa basket.
- Walo ang alagang pusa ni Rica.
- Labing isa ang bata sa lansangan.
- May apat na bulaklak sa plorera.
- Ang manika ko ay dalawampu.
B. Panunuran o Ordinal
Nagsasaad ito ng pagkakasunod-sunod ng pangngalan o posisyon ng tao o bagay. Sinasabi din nito kung pang-ilan ang tao o bagay sa pangungusap.
Mga Halimbawa ng Pang-uring Pamilang sa Pangungusap (Panunuran)
- Si Cali ay pangatlo sa magkakapatid.
- Ang Boracay ang nangunguna sa may pinakamagandang beach sa Pilipinas.
- Ikalawa sana si Dan sa klase kung siya lumiban at nagkasakit.
- Si Browni ang ika-apat na alaga kong aso.
- Mula sa gusaling ito ay pang-pito ang bahay namin.
C. Pahalaga
Ito ay tumutukoy sa pera o salapi. Nagsasaad ito ng halaga ng bagay o anumang binili o bibilhin.
Mga Halimbawa ng Pang-uring Pamilang sa Pangungusap (Pahalaga)
- Pabili nga po ng sampung pisong mani.
- Nasasabik na si Baldo sa sampung libong pisong bonus na ipinangako ng kanyang amo ngayong pasko.
- Kumita ako ng anim na daang piso ngayong araw.
- Hiniram ni Lani ang aking isang libong piso.
- Si Janice ay bumili ng halagang tatlong daang pisong bangus.
D. Pamahagi
Ginagamiti ito sa pagbabahagi o pagbubuklod ng ilang hati sa kabuuan.
Kung minsan ay ginagamitan ito ng unlaping tig- para sa pantay na pamamahagi o kapag ang bilang ng bagay na ibinigay o natanggap ay pare-pareho.
Mayroong anyong bahagimbilang o hating-bilang din ang pamahaging pamilang. Maaaring gamitin ang mga salitang bahagdan, persentahe, o porsiyento.
Mga Halimbawa ng Pang-uring Pamilang sa Pangungusap (Pamahagi)
- Kumuha kayo ng tig-dalawang tinapay ng kapatid mo.
- Kalahating kilo ang bilhin mong bigas.
- Nakakuha ako ng sampung porsentong bawas sa bag na binili ko.
- Nakakuha ng tig-isang bahay sa Bulacan sina Sussy at Susan.
- May tig-limang tsokolate kayo ni Pam galing kay Mimi.
E. Palansak
Tinutukoy nito ang bilang na bumubuo ng isang pangkat ng tao o bagay na pinagsama-sama. Ito’y grupo o maramihan at inuulit ang unang salita nito o kaya ay nilalagyan ng panlaping han/an.
Mga Halimbawa ng Pang-uring Pamilang sa Pangungusap (Palansak)
- Dosehan ang laman ng van.
- Bente-bente na ang tumpok ng gulay ngayon.
- Kaunting siksik pa po dahil animan ‘yan.
- Dose-dosena kung mangitlog ang manok ni Isko.
- Isa-isa lang ang kuha ng pritong manok.
F. Patakda o Tiyak na Bilang
Nagsasaad ito ng tiyak na bilang ng pangngalan. Ang bilang na ito ay hindi na madadagdagan o mababawasan pa.
Ang pag-uulit sa unang pantig ng salitang bilang ang palatandaan nito.
Mga Halimbawa ng Pang-uring Pamilang sa Pangungusap (Patakda)
- Iisa lang ang anak ni Mang Karding.
- Dadalawa ang dala kong tinapay.
- Tatatlo ang nabili kong pato.
- Aapat ang lang ang aking kaibigan.
- Lilima ang dadalo sa pagpupulong mamaya sa school.
Upang ibahagi ito sa iyong mga social media account, i-click ang share button na makikita sa screen. Maraming salamat!
Kung natagpuan mong kapaki-pakinabang ang araling ito, mangyaring ibahagi ito sa iyong mga kaklase at kaibigan para matuto rin sila.
Mga kaugnay na aralin
Konkreto at Di-Konkretong Pangngalan
Gamit ng Pangngalan: Anim na Gamit ng Pangngalan at mga Halimbawa nito
Kaantasan ng Pang-uri: 3 Kaantasan ng Pang-uri at mga Halimbawa nito
PANG-URI: Halimbawa ng Pang-uri, Uri ng Pang-uri, Antas, Atbp.
PANG-ABAY: Halimbawa ng Pang-abay, Uri ng Pang-abay, Atbp.
PANDIWA: Halimbawa ng Pandiwa, Aspekto ng Pandiwa, Pokus, Uri, Atbp.