Kaantasan ng Pang-uri: 3 Kaantasan ng Pang-uri at mga Halimbawa nito

Bukod sa uri, kayarian, kailanan, at gamit ng pang-uri, ang pang-uri ay mayroon ding kaantasan. Sa post na ito ay tatalakayin natin at matutunan ninyo ang tatlong kaantasan ng pang-uri. Gumawa rin kami ng iba’t ibang halimbawa ng pang-uri ayon sa antas nito.

Ano ang Tatlong Kaantasan ng Pang-uri?

Ang mga pang-uri o adjectives sa Ingles ay salitang nagbibigay turing o naglalarawan sa isang pangngalan o panghalip. Ito ay nagsasaad ng uri o katangian ng tao, bagay, hayop, pook, o pangyayari.

Mayroong tatlong kaantasan ang pang-uri: ang lantay, pahambing, at pasukdol.

1. Lantay na Pang-uri

Ito ay naglalarawan ng isa o payak na pangngalan (tao, hayop, bagay, lugar) o panghalip na walang pinaghahambingan.

Mga Halimbawa ng Lantay na Pang-uri sa Pangungusap

Narito ang sampung halimbawa ng lantay na pang-uri sa pangungusap.

  • Si Kat ay matangkad.
  • Masarap ang adobo ni nanay.
  • Uminom ako ng mainit na kape.
  • Maitim ang ilalim ng kawali.
  • Bibili ako ng mapulang mansanas.
  • Malinamnam ang niluto mong gulay.
  • Ang puno ay mataas.
  • Maaliwalas ang panahon ngayon.
  • Sumalok ka ng malamig na tubig sa banga.
  • Ang manika ni Mona ay maganda.
Mga Halimbawa ng Lantay na Pang-uri sa Pangungusap

2. Pahambing na Pang-uri

Ginagamit ito sa pagtutulad ng dalawang pangngalan (tao, hayop, bagay, lugar) o panghalip.

Mayroong dalawang uri ng pahambing na pang-uri: ang pahambing na magkatulad at pahambing na hindi magkatulad.

A. Pahambing na Magkatulad

Ipinakikilala sa pahambing na magkatulad ang magkapantay na katangian ng dalawang bagay na pinaghahambingan. Ginagamitan ito ng mga panlaping ka-, ga-, sing-/kasing-, magsing-/magkasing-.

Mga Halimbawa ng Pahambing na Pang-uri sa Pangungusap (Magkatulad)

Narito ang sampung halimbawa ng pahambing na magkatulad sa pangungusap.

  • Si Kat ay singtangkad ni Catriona.
  • Magkasingsarap ang adobo ni nanay at ate.
  • Kasing-init ng kape ang ulo mo.
  • Magkasing-itim ang ilalim ng kawali at ng uling.
  • Kasingpula ng binili mong mansanas ang hawak kong rosas.
  • Magsinglinamnam ang niluto mo at niluto kong gulay.
  • Kasingtaas ng puno ng niyog ang punong kawayan.
  • Magkasing-aliwalas ang panahon ngayon at kahapon.
  • Sinlamig ng tubig sa banga ang tubig sa ref.
  • Ang manika ni Mona ay kasingganda ng manika ni Anika.
Mga Halimbawa ng Pahambing na Pang-uri sa Pangungusap (Magkatulad)

B. Pahambing na Di-Magkatulad

Ipinakikilala nito ang di-magkapantay o di-patas na paghahambing. Maaari itong nagbibigay ng diwa ng pagkakait, pagtanggi o pagsalungat.

  • Pahambing na Palamang – Ito ay may katangiang nakahihigit sa pinaghahambingan. Ginagamitan ito ng mga salitang higit, mas, di-hamak, at lalo. Tinutulungan din ito ng mga salitang kaysa o kaysa kay.
  • Pahambing na Pasahol – Ito ay may katangiang kulang o kapos sa pinaghahambingan. Tinutulungan ito ng mga salitang di-gaano, di-tulad ni o di-tulad ng, di-gasino, di-masyado, at marami pang iba.
Mga Halimbawa ng Pahambing na Pang-uri sa Pangungusap (Di-Magkatulad)

Narito ang sampung halimbawa ng pahambing na di-magkatulad sa pangungusap.

  • Si Kat ay di-hamak na matangkad kaysa kay Catriona.
  • Higit na masarap ang adobo ni nanay kaysa kay ate.
  • Mas mainit pa ang ulo mo kaysa kape.
  • Di-masyadong maitim ang ilalim ng kawali kaysa sa uling.
  • Mas mapula ang binili mong mansanas kaysa hawak kong rosas.
  • Higit na malinamnam ang niluto mo kaysa niluto kong gulay.
  • Di-masyadong mataas ang puno ng niyog sa punong kawayan.
  • Mas maaliwalas ang panahon ngayon kaysa kahapon.
  • Higit na malamig ng tubig sa banga kaysa tubig sa ref.
  • Ang manika ni Mona ay di-hamak na maganda kaysa manika ni Anika.
Mga Halimbawa ng Pahambing na Pang-uri sa Pangungusap (Di-Magkatulad)

3. Pasukdol na Pang-uri

Ang pasukdol na pang-uri ay may katangiang namumukod o nagngingibabaw sa lahat ng pinaghahambingan. Maaari itong negatibo o positibo. Masidhi ang paglalarawan dito kaya maaaring gumagamit ng mga salitang sobra, ubod, pinaka, tunay, talaga, saksakan, at kung minsa’y pag-uulit ng pang-uri.

Mga Halimbawa ng Pasukdol na Pang-uri sa Pangungusap

  • Si Kat ang pinakamatangkad sa klase.
  • Saksakan ng sarap ang adobo ni nanay.
  • Ininom ko ang ubod ng init na kape.
  • Talagang maitim ang ilalim ng kawali.
  • Bibili ako ng sobrang pulang mansanas.
  • Pinakamalinamnam ang niluto mong gulay.
  • Ang punong iyon ay ubod ng taas.
  • Talagang maaliwalas ang panahon ngayon.
  • Sumalok ka ng pinakamalamig na tubig sa banga.
  • Ang manika ni Mona ay saksakan ng ganda.
Mga Halimbawa ng Pasukdol na Pang-uri sa Pangungusap

Kung natagpuan mong kapaki-pakinabang ang araling ito, mangyaring ibahagi ito sa iyong mga kaklase at kaibigan upang sila rin ay matuto.

Upang ibahagi ito sa iyong mga social media account, i-click ang share button na makikita sa screen. Maraming salamat!

Mga kaugnay na aralin

Gamit ng Pangngalan: Anim na Gamit ng Pangngalan at mga Halimbawa nito

PANG-URI: Halimbawa ng Pang-uri, Uri ng Pang-uri, Antas, Atbp.

PANGHALIP: Uri ng Panghalip, Halimbawa ng Panghalip, Gamit, Atbp.

PANG-ABAY: Halimbawa ng Pang-abay, Uri ng Pang-abay, Atbp.

PANDIWA: Halimbawa ng Pandiwa, Aspekto ng Pandiwa, Pokus, Uri, Atbp.

PANGATNIG: Ano ang Pangatnig, Halimbawa ng Pangatnig, Uri, Atbp.

Share this: