Ibong Adarna Kabanata 42 – Buod, Mga Tauhan, Aral, atbp.

Tatalakayin natin sa post na ito ang maikling buod ng Ibong Adarna Kabanata 42: Ang Dula-Dulaan. Bukod pa d’yan, malalaman mo din kung sinu-sino ang mga tauhang nabanggit sa kabanatang ito pati na rin ang aral at mahahalagang kaisipan na mapupulot mo rito.

Buod ng Ibong Adarna Kabanata 42: Ang Dula-Dulaan

Ang kabanatang ito ay may tampok na dalawang mag-asawang ita na lumabas mula sa prasko. Ang asawang negrita ay hinahampas ng pamalo ang negrito sa tuwing hindi naaalala ng kaniyang mister ang mga pangyayari.

Humingi sila ng tugtog sa musiko para masimulan na ang dula-dulaan. Sa pamamagitan ng kanilang dula, ibinabahagi ng mag-asawa ang mga pagsubok na pinagdaanan ni Don Juan sa kamay ni Haring Salermo. Kabilang dito ang utos na pagpapatag at pagtibag ng bundok, pagtatanim at pag-aani ng trigo para gawing tinapay, ang paglipat ng bundok sa harap ng bintana ng Palacio Real, ang pagtatayo ng isang kastilyo sa gitna ng karagatan, ang paghahanap sa nawawalang singsing ng hari kung saan tumalsik ang daliri ni Maria Blanca, ang pagpapaamo sa isang kabayo na si Haring Salermo din pala, at ang pagkapili ni Don Juan kay Maria Blanca kung saan naging palatandaan niya ang nawawalang hintuturo ng prinsesa.

Kapag pinapalo ng negrita ang asawa tuwing hindi maalala ang kanyang salaysay ay si Don Juan ang siyang nasasaktan.

See also: Ibong Adarna Buod ng Bawat Kabanata 1-46 with Talasalitaan

Mga Mahahalagang Pangyayari

  1. Nagsimula ang dula-dulaan ng dalawang mag-asawang ita, kung saan ginamit ang kanilang pagganap upang isalaysay ang mga pagsubok ni Don Juan.
  2. Ipinapakita sa dula ang utos ni Haring Salermo kay Don Juan tulad ng pagpapatag at pagtibag ng bundok, at pagtatanim ng trigo upang gawing tinapay.
  3. Kabilang din ang utos na paglipat ng bundok sa harap ng Palacio Real at pagtatayo ng kastilyo sa gitna ng karagatan.
  4. Nahanap ni Don Juan ang nawawalang hintuturo ni Maria Blanca, na siyang naging palatandaan upang piliin siya ni Don Juan.
  5. Ang Negrita ay hinahampas ang kanyang asawang Negrito tuwing hindi nito naalala ang mga pangyayari, at si Don Juan ang nasasaktan tuwing ito’y nagkakamali.

Mga Tauhan sa Ibong Adarna Kabanata 42

  • Don Juan – Ang bida ng kwento na nakalimot sa kanyang mga pinagdaanan sa kamay ni Haring Salermo makamit lamang si Maria Blanca.
  • Maria Blanca – Ang prinsesang kasama ni Don Juan sa kanyang mga pagsubok at nawalan ng hintuturo na naging tanda upang siya’y makilala at piliin noon ni Don Juan.
  • Haring Salermo – Ang hari at ama ni Maria Blanca na nagbigay ng mga imposibleng utos kay Don Juan upang subukin siya.
  • Negrita – Asawa ng Negrito na humahampas sa kanyang asawa tuwing hindi nito maalala ang kwento.
  • Negrito – Asawa ng Negrita na nagsasalaysay ng mga pagsubok ni Don Juan ngunit nakatanggap ng palo tuwing nakakamali.

See also: Ibong Adarna Tauhan at mga Katangian ng Bawat Isa

Tagpuan

Ang kabanata ay naganap sa palasyo ng Berbanya kung saan ginanap ang dula-dulaan ng mag-asawang ita na nagsasalaysay ng mga pagsubok ni Don Juan na inutos ni Haring Salermo.

Talasalitaan

  • Gunitain – Alalahanin.
  • Hudyat – Senyas o palatandaan.
  • Ipatibag – Ipagiba o ipasira.
  • Kasalo – Kasama o kapiling sa pagkain.
  • Lumibad – Pag-ikot o pagpihit ng magkapareha kapag nagsasayaw.
  • Maturol – Maipakita o maipahayag nang tiyak at maikli, madaling maintindihan.
  • Suplina – Pamalo o panghampas gaya ng latigo o lubid.
  • Umindak – Sumayaw o gumalaw nang may ritmo.
  • Walang lubay – Walang tigil, tuluy-tuloy.

Mga Aral at Mensahe sa Ibong Adarna Kabanata 42

  1. Sa kabila ng mahihirap at tila imposibleng hamon na hinarap ni Don Juan, napatunayan ng kanyang pagmamahal kay Maria Blanca na handa siyang gawin ang lahat upang makamtan ang tagumpay at mapanatili ang kanilang pag-iibigan. Ipinapakita nito na ang matinding pagsubok ay nagiging mas magaan kapag ginagawa ito para sa isang minamahal.
  2. Ipinapaalala ng kabanatang ito na ang pagharap sa mga hamon ay hindi natatapos sa tapang, kundi sa talino at tiyaga sa bawat hakbang ng paglalakbay.
  3. Ang kahalagahan ng pag-alala sa mga aral ng nakaraan ay nagbibigay sa atin ng kalakasan at karunungan sa pagharap sa hinaharap.

See also: Kaligirang Pangkasaysayan ng Ibong Adarna

At dito nagtatapos ang Ibong Adarna Kabanata 42 Buod, mga Tauhan, at Aral. Naging kapaki-pakinabang ba sa iyo ang araling ito? Kung oo ang iyong sagot, ibahagi mo din ito sa iyong mga kaklase at kaibigan para sila din ay matuto sa kabanatang ito ng korido.

Maaari mo din itong i-share sa iyong mga social media profile. I-click lamang ang share button na makikita sa iyong screen.

Share this: 

Leave a Comment