LIHAM: Paano Gumawa, Bahagi, Uri, at Mga Halimbawa

Sa modernong panahon, ang teknolohiya ay may malaking papel sa komunikasyon at mabilis na nagbabago. Gayunpaman, ang tradisyonal na paraan ng pagsusulat ng liham ay patuloy na ginagamit at itinuturo sa mga paaralan bilang isang mahalagang kasangkapan sa pakikipag-ugnayan.

Ang artikulong ito ay tatalakay sa iba’t ibang aspekto ng liham, mula sa kahulugan, sa proseso ng paggawa, mga bahagi, uri, hanggang sa mga halimbawa nito. Samahan ninyo kami na tuklasin ang kahalagahan ng liham sa ating lipunan.

Mga Nilalaman

Ano ang Liham

Ang liham ay isang paraan ng komunikasyon na ginagamit upang maipahayag ang iba’t ibang damdamin, impormasyon, o mensahe sa pamamagitan ng sulat. Ito ay maaaring para sa isang indibidwal, grupo, institusyon, o kahit na para sa sarili. Isa itong dokumento na nagpapahayag ng mensahe mula sa nagpadala patungo sa tatanggap.

Paano Gumawa ng Liham

Sa paggawa ng liham, sundin ang mga sumusunod na hakbang:

Tiyakin ang Layunin ng Liham

Magplano. Ano ang gusto mong maabot sa iyong liham? Ang layunin nito ay magiging gabay sa iyong pagsusulat.

Kilalanin ang iyong Susulatan

Alamin kung sino ang tatanggap ng iyong liham. Ang kanilang background at interes ay makakatulong sa iyo na magsulat nang mas epektibo.

Isulat ang Liham

Simulan ang iyong liham sa pamamagitan ng pagbati, kasunod ang mga detalye ng iyong mensahe, at tapusin ito sa isang maayos na pamamaalam.

I-review at I-edit

Siguraduhing walang mali at malinaw ang inyong mensahe.

Mga Bahagi ng Liham

Mayroong limang bahagi ng liham. Ito ay ang mga sumusunod:

Pamuhatan

Ang pamuhatan ay binubuo ng tirahan ng sumulat o yung adres ng pinagmulan ng liham. Nakasulat din dito ang petsa kung kailan ginawa ang liham.

Halimbawa ng Pamuhatan

456 Brgy. Matapang
Kawit, Cavite
Hunyo 12, 1898

Bating Panimula

Ito ang bahagi kung saan makikita ang pagbati ng taong sumulat sa kanyang sinusulatan. Iba-iba nag maaaring gamitin bilang pambating panimula. Depende sa uri ng liham kung ito ay pormal o di-pormal.

Mga Halimbawa ng Bating Panimula

Sa di-pormal na liham, tandaan na ang bantas na gagamitin sa dulo ng bating panimula ay kuwit o comma (,). Narito ang ilan sa mga halimbawa:

Mahal kong kaibigan,
Mahal kong anak,
Mahal kong pinsan,
Mahal kong Nanay,
Mahal kong Lolo,
Minamahal kong Linda,
Mahal kong Kuya Buboy,
Mahal kong Lola Gina,
Minamahal kong Diego,

Kung para naman sa pormal na liham, ang bantas na gagamitin sa dulo ng bating panimula ay tutuldok o colon (:). Ito naman ang ilan sa mga halimbawa:

Mahal na Ginoong Penitente:
Mahal na Gng. Magsalin:
Mahal na Bb. Batumbakal:
Mahal na Mayor Hidalgo:
Mahal na Kapitan Gatdula:
Mahal na Gobernador Magat:
Mahal na Kalihim Tiongson:
Mahal na Pangulong Marcos:

Katawan ng Liham

Sa bahaging ito isinasaad ng sumulat ang dahilan ng kanyang pagsulat. Dito makikita ang pinaka paksa, mensahe, o layunin ng liham.

Katangian ng Maayos na Katawan ng Liham

  1. Malinaw at Tumpak na Nilalaman
    • Kailangang malinaw na nakasaad ang lahat ng mga detalye at impormasyon sa liham. Huwag pumayag na mag-iwan ng anumang alinlangan sa isip ng mambabasa. Ang mga pahayag dapat ay tumpak at hindi nagbibigay ng maling impormasyon.
  2. Maayos na Pagkakasunod-sunod
    • Dapat ay organisado ang pagkakasunod-sunod ng mga pangungusap, talata, at bahagi ng liham. Kailangan mong magbigay ng lohikal na daloy ng impormasyon sa mambabasa.
  3. Madaling Basahin at Unawain
    • Dapat ay gamitin ang mga salitang madaling maunawaan at hindi magpakomplikado. Siguraduhing mayroong maayos na banghay at tamang bantas.
  4. Magalang na Tono
    • Kailangang ang tono ng sulat ay magalang, lalo na kung ang layunin nito ay opisyal o propesyonal. Dapat na igalang ang mambabasa at hindi gumamit ng salitang maaring makasakit ng damdamin.
  5. Wastong Gramatika at Pagbabaybay
    • Siguraduhing walang maling gramatika o pagbabaybay sa iyong sulat. Ang mga maling gramatika at pagbabaybay ay maaaring makagulo sa mensahe na nais mong ipahayag.
  6. Kawastuhan ng Impormasyon
    • Lahat ng mga datos at impormasyon na ibinibigay sa liham ay dapat na tama at kapani-paniwala. Hindi dapat maglaman ng mga hindi totoong pahayag.
  7. Pagiging Epektibo
    • Ang sulat ay dapat na makamit ang layunin nito, kung ito man ay upang magbigay impormasyon, humiling, o manghikayat. Sa huli, ang mambabasa ay dapat na maunawaan at maaksyunan ang iyong mensahe.

Halimbawa ng Katawan ng Liham

Magandang araw po!

Nais ko po sanang humingi ng kopya ng aking Transcript of Records sa inyong tanggapan. Ako po ay nagtapos ng kursong Bachelor of Science in Accountancy noong Mayo 2022.

Alam ko po na sa kasalukuyan, mayroon tayong mga patakaran at proseso na dapat sundin sa pagkuha ng mga dokumento na tulad nito. Kaya naman po, ako ay nagpapakumbaba at nagtatanong sa inyo ng mga hakbang na dapat kong sundin para makuha ang aking mga dokumento. Ako rin po ay nagtatanong kung magkano ang babayaran para dito.

Maghihintay po ako ng inyong kasagutan sa lalong madaling panahon para ako ay makapagpatuloy sa aking mga plano. Maaring n'yo po akong kontakin sa aking email na juandelacruz@halimbawa.com o sa aking numero na 0919-123-4567.

Maraming salamat po sa inyong oras at pag-unawa. Umaasa po akong matutugunan ang aking kahilingan.

Bating Pangwakas

Ito ay nagsasaad ng pagtatapos na bati. Nagsisimula ito sa malaking titik at nagtatapos sa kuwit.

Mga Halimbawa ng Bating Pangwakas

Gumagalang,
Ang iyong kaibigan,
Nagmamahal,
Lubos na gumagalang,
Umaasa sa inyong pagdating,
Sumasainyo,
Nagpapasalamat,

Lagda

Dito nakasulat ang lagda o pangalan ng sumulat. Kung ang sulat ay para sa kaibigan, ang lagda ay hindi na kailangan lagyan ng apelyido.

Mga Halimbawa ng Lagda

Mika
George
Tina Mondragon
G. Reynaldo Pagaspas
Bb. Laarni Manalili

Uri ng Liham

Mayroon itong dalawang uri: ang di-pormal at pormal.

Di-Pormal na Liham

Ito ay karaniwang isinusulat para sa ating mga kaibigan, kamag-anak, at iba pang malalapit sa atin. Sa uri ng sulatin na ito, ginagamit natin ang mga salitang nagpapahiwatig ng ating pagiging palakaibigan, pagiging mapagmahal, at pagiging maalalahanin. Hindi ito strikto sa porma. Sa halip na sumunod sa mga mahigpit na patakaran sa pagsulat, nagbibigay ito ng kalayaan sa manunulat na ipahayag ang kanilang saloobin ng maluwag.

Mga Uri ng Di-Pormal na Liham

Pangkaibigan

Naglalaman ito ng personal na mensahe para sa isang kaibigan. Sa sulat na ito, pinahahayag natin ang ating damdamin at saloobin.

Paanyaya

Nagpapahayag ito ng imbitasyon para sa isang partikular na kaganapan. Sa ganitong uri, inaanyayahan ang isa o grupo ng indibidwal na maging bahagi ng okasyon.

Pasasalamat

Ipinapahayag nito ang pasasalamat sa isang tao o kaganapan. Nagpapakita ito ng kasiyahan at pagkilala sa nagawa nila.

Paghingi ng Payo

Naglalaman ito ng pangangailangan sa gabay o payo. Sa sulat na ito, humihingi tayo ng tulong mula sa iba para sa ating sitwasyon.

Pagbati

Nagpapahayag ito ng kasiyahan at pagbati sa isang okasyon. Ito ay isang paraan ng pagkilala sa tagumpay o kasiyahan ng iba.

Pangangamusta

Layunin nito na malaman ang kalagayan o sitwasyon ng isang tao. Sa pamamagitan nito, ipinapakita natin ang ating pakialam at malasakit.

Pakikiramay

Nagpapahayag ito ng simpatya o pakikiramay sa isang taong nagdaranas ng kalungkutan. Ito’y isang paraan ng pagpapakita ng suporta at pagmamahal.

Paghingi ng Paumanhin

Ipinapahayag nito ang ating pagnanais na humingi ng tawad o paumanhin. Nagpapakita ito ng pagsisisi sa nagawang kamalian.

Patanggi

Ipinapahayag nito ang hindi pagsang-ayon o pagtanggi sa isang alok. Sa ganitong paraan, nagiging malinaw ang kagustuhan at desisyon ng sumulat.

Pagtanggap

Nagpapahayag ito ng pagsang-ayon o pagtanggap sa isang alok o imbitasyon. Ipinapakita nito ang kahandaan na tanggapin ang inaalok.

Pormal na Liham

Ito ay isang uri ng sulat na may malubhang layunin, kadalasang pang-opisyal o pangangalakal. Ang porma nito ay strikto at direkta na naglalahad ng layunin ng manunulat, walang mga salitang magiliw tulad ng sa pangkaibigan. Sa pangkalahatan, ito ay tinutukoy bilang Liham Pangangalakal o Pang Negosyo, ngunit kahit hindi ito ukol sa negosyo, kung ang porma at laman nito ay maingat na sinusunod, maaari itong ituring na isang pormal na sulat.

Mga Uri ng Pormal na Liham

Pang Negosyo

Naglalaman ito ng impormasyon na may kinalaman sa mga transaksyon o usapin sa negosyo. Ang tono at nilalaman ng sulat na ito ay opisyal at propesyunal.

Aplikasyon

Ito ay isang sulat na naglalayong ipahayag ang interes ng isang tao sa isang trabaho o posisyon. Naglalaman ito ng impormasyon tungkol sa kakayahan at kwalipikasyon ng isang aplikante.

Pagtatanong

Naglalaman ito ng mga katanungan o paghahanap ng impormasyon. Layunin nitong makuha ang mga sagot o impormasyon mula sa tatanggap.

Paanyaya

Ito ay isang opisyal na paraan ng pag-imbita sa isang tao para sa isang kaganapan. Naglalaman ito ng mga detalye tulad ng petsa, oras, at lugar ng kaganapan.

Pasasalamat

Isang paraan ito ng pagpapakita ng pasasalamat o pagkilala. Karaniwang ginagamit ito upang magpasalamat sa isang tao o organisasyon sa tulong o serbisyo na kanilang ibinigay.

Pagbati

Ito ay isang paraan ng pagpapahayag ng kasiyahan o pagbati sa isang tao. Maaari itong gamitin upang batiin ang isang tao sa kanyang tagumpay o mahalagang pangyayari.

Pagtanggap

Ito ay nagpapahayag ng pagtanggap o pagsang-ayon sa isang alok o proposisyon. Naglalaman ito ng mga detalye ng pagtanggap at mga susunod na hakbang.

Paumanhin

Ito ay isang sulat na nagpapahayag ng paghingi ng tawad o paumanhin. Ginagamit ito para ipahayag ang pagsisisi sa nagawang kamalian o pagkukulang.

Mga Halimbawa ng Liham

Narito ang limang halimbawa ng liham tungkol sa iba’t ibang paksa:

Liham Pasasalamat

123 Sampaguita St.
Tondo, Maynila
Oktubre 21, 2022


Mahal kong Guro,

Magandang araw po!

Nais ko pong ipahayag ang aking taos-pusong pasasalamat sa inyo dahil sa inyong walang sawang pagsuporta at pagtuturo sa akin. Salamat po sa lahat ng oras, pagod, at dedikasyon na inialay ninyo upang makamit ko ang aking mga pangarap.

Bilang aking guro, hindi lamang po kayo nagturo ng mga aklat at leksyon, kundi binigyan ninyo rin ako ng inspirasyon at lakas ng loob na harapin ang mga hamon ng buhay. Ang inyong mga payo at gabay ay hindi lamang nagamit sa paaralan kundi maging sa mga personal kong buhay.

Ang mga aral na aking natutunan mula sa inyo ay magsisilbing aking gabay sa aking landas. Sa lahat po ng ito, maraming salamat po. Asahan po ninyo na ang lahat ng inyong mga tinuro sa akin ay aking dadalhin at ipapasa rin sa iba saanman ako makarating.

Muli, maraming salamat po sa inyo.


Lubos na gumagalang,
Tonio Masigasig

See also: LIHAM PASASALAMAT: Ano, Paano Gumawa, at mga Halimbawa

Liham para sa Kaibigan

456 Brgy. Pitogo
Consolacion, Cebu
Enero 28, 2020


Mahal kong Wendy,

Kumusta ka na? Matagal na tayong hindi nagkakausap at miss na miss na kita. Sana ay maayos ka at ang iyong pamilya sa kabila ng mga nangyayari ngayon.

Gusto ko lang ipahayag na sobrang saya kong malaman na nakapasa ka at makakapag-aral na sa University of the Philippines. Alam kong matagal mo na itong ninanais at palaging idinudulog sa panalangin. Salamat sa Diyos at dininig Niya ang ating mga dalangin. Nagbunga na rin ang iyong paghihirap. Alam kong ito ay simula pa lamang sa malayo pang lakbayin ng iyong buhay.

Kahit na medyo malayo na tayo sa isa't isa, lagi mong tatandaan na nandito lang ako para sa'yo. Sa oras ng iyong mga pangangailangan, huwag kang mag-alinlangan na lumapit sa akin.

Nawa'y malayo ang marating mo at matupad mo ang iyong mga pangarap sa buhay. Marami pang magandang bagay ang darating sayo, Wendy, dahil alam kong deserve mo iyon. Palagi kitang isinasama sa aking mga dasal pati na rin ang iyong pamilya.

Hanggang sa muli nating pagkikita. Ingat ka palagi!


Ang iyong kaibigan,
Kathy

Liham para sa Magulang

789 Brgy. Central
Diliman, Quezon City
Marso 30, 2021


Mahal kong Mama at Papa,

Kumusta na po kayo? Sana ay nasa mabuti kayong kalagayan. Gusto ko lang pong malaman n'yo na miss na miss ko na po kayo. Mabuti naman po ang kalagayan ko dito. Inaalagaan po akong mabuti nina Tito Greg at Tita Lisa at nag-aaral din po akong mabuti. Pakiabot na rin po ng aking pangungumusta kina ate at bunso. Miss na miss ko na din po sila.

Gusto ko rin po palang kunin ang pagkakataong ito para magpasalamat sa inyong walang sawang pagmamahal at suporta sa akin. Sa bawat tagumpay at pagsubok na aking kinahaharap, lagi ko pong naaalala ang inyong mga payo at gabay. Maraming salamat po sa lahat ng sakripisyo na inyong ginawa para sa amin.

Lagi rin po akong nagpapasalamat sa Diyos dahil sa pagkakaroon ko ng mga magulang na tulad ninyo. Ang inyong mga halimbawa ng katatagan, kagitingan, at kabutihan ang aking gabay sa aking paglalakbay sa buhay.

Habang patuloy po akong lumalago at namumulat sa mundo, laging kasama ang inyong pagmamahal at gabay sa aking puso at isipan. Maraming salamat po sa lahat, Mama at Papa.

Lagi po kayong mag-iingat at manatiling malusog. Umaasa po akong sa susunod nating pagkikita, magkakasama na po tayong muli. Hanggang sa muli po, mahal na mahal ko po kayo.


Nagmamahal,
Jelly

Liham Paanyaya

121 Brgy. Bucana
Talomo, Davao City
Agosto 17, 2022


Mahal kong Daniel,

Magandang araw sayo! Kami ng aking pamilya ay nagpaplano ng isang munting salu-salo para sa aking nalalapit na ika-16 na kaarawan. Ikaw, bilang isang mahalagang kaibigan sa aking buhay, ay malugod kong iniimbitahan na dumalo sa aking selebrasyon.

Ito'y gaganapin sa aming bahay, sa susunod na Sabado, alas-6 ng gabi. Magkakaroon lang ng maikling programa, masasalu-salo sa ihahanda naming pagkain, magkakantahan, at syempre, masasayang kwentuhan. Ang iyong presensya ay magdudulot ng malaking kasiyahan sa aking kaarawan.

Sana ay maipagbigay-alam mo sa akin ang iyong pagdalo sa lalong madaling panahon upang maisama ka namin sa bilang ng mga dadalo. Nakakamiss na rin ang iyong mga tawa at mga kwento, kaya't malaking bagay na makasama ka sa aking espesyal na araw.

Abangan ko ang iyong tugon, Daniel. Salamat at umaasa akong magkita tayo sa susunod na Sabado.


Umaasa sa iyong pagdating,
Becka

Liham Pang Negosyo o Liham Pangangalakal

Juan Dela Cruz
88 Sampaguita Street
Quezon City, 1100
juan.delacruz@email.com
+63 912 345 6789
Hunyo 1, 2023


Gng. Maria Santos
CEO
Santos Manufacturing
123 Rizal Avenue
Makati City, 1226


Mahal na Gng. Santos:

Magandang araw! Ako po ay sumusulat bilang kinatawan ng Dela Cruz Trading, at kami ay may interes na makipagtulungan sa inyong kumpanya.

Nakita namin na ang inyong kumpanya, Santos Manufacturing, ay kilala sa industriya ng paggawa ng mga kagamitan sa bahay at kami ay naniniwala na ang isang partnership sa pagitan ng ating mga organisasyon ay magdudulot ng malaking benepisyo sa atin pareho.

Kami po ay nag-aalok ng malawak na hanay ng mga high-quality na kahoy na aming inaasahang magbibigay ng positibong epekto sa inyong produksyon. Kami ay naniniwala na ang aming alok ay magbibigay ng malaking tulong sa inyong mga pangangailangan at makakapagpabuti ng kalidad ng inyong mga produkto.

Inaasahan po namin ang inyong mabilis na tugon sa aming alok. Kami ay handang magbigay ng karagdagang impormasyon kung kinakailangan at bukas para sa mga pag-uusap ukol sa detalye ng aming proposal.

Maraming salamat po sa inyong oras at sana ay makakabuo tayo ng matagumpay na relasyon sa hinaharap.


Lubos na gumagalang,

Juan Dela Cruz
CEO
Dela Cruz Trading

See also: LIHAM PANGANGALAKAL: Kahulugan, Bahagi, Uri, at Mga Halimbawa

Sa kabuuan, ang liham ay isang makapangyarihang instrumento ng komunikasyon na nagbibigay-daan para sa personal na pagsasalita. Sa kabila ng pagsibol ng mga bagong teknolohiya, ito ay mananatiling mahalaga sa lipunan dahil sa kanyang kakayahang makipag-ugnay at magpahayag ng iba’t ibang damdamin at impormasyon. Sana’y ang artikulong ito ay naging gabay sa iyo sa pag-unawa at paggawa ng iyong sariling liham.

Inaanyayahan ka namin na ibahagi ito sa iyong mga kaibigan at kaklase upang sila rin ay matuto sa araling ito. I-click lang ang share button na makikita sa screen para i-share ito sa iyong mga social media accounts.

Share this: