Noli Me Tangere Kabanata 2 Buod, mga Tauhan, at Aral

Sa pahinang ito ay tatalakayin natin ang buod ng Noli Me Tangere Kabanata 2 – Si Crisostomo Ibarra. Bukod dito, malalaman mo din kung sinu-sino ang mga tauhang nabanggit sa kabanatang ito, ang tagpuan, mga mahahalagang pangyayari, talasalitaan, pati na rin ang aral na mapupulot mo dito.

Related: Noli Me Tangere Buod ng Buong Kwento (Maikling Buod)

See also: Noli Me Tangere Kabanata 1 Buod, mga Tauhan, Tagpuan, Mahahalagang Pangyayari, Talasalitaan, at Aral

Buod ng Noli Me Tangere Kabanata 2 – Si Crisostomo Ibarra

Sa kabanatang ito ay ipinakilala si Juan Crisostomo Ibarra y Magsalin o si Crisostomo Ibarra. Siya ang nag-iisang anak ng yumaong si Don Rafael Ibarra.

Halatang nagluluksa pa ang binata nang dumating siya sa bahay ni Kapitan Tiago dahil sa kulay ng kanyang kasuotan. Siyang galing sa Europa at pitong taong nag-aral doon.

Nagpakilala siya sa mga panauhin at kinamayan ang mga ito bilang ito ang kaugaliang natutunan niya sa bansang Alemanya.

Ngunit namumukod-tangi si Padre Damaso sa ibang mga panauhin. Tinalikuran niya ito sa halip na makipag-kamay sa binata.

Samantala, lumapit naman si Tinyente Guevarra kay Ibarra at nagpasalamat sa ligtas niyang pagdating. Napanatag ang kalooban ng binata ng purihin nito ang kanyang ama.

Dahil dito’y palihim na tiningnan ni Padre Damaso ang Tinyente na tila ba nagbabanta kaya naman tinapos na ng Tinyente ang pakikipag-usap nito kay Ibarra.

Nang malapit nang maghapunan, inanyayahan naman ni Kapitan Tinong si Ibarra sa pananghalian kinabukasan. Dahil may pupuntahan daw sa San Diego ang binata, ito ay magalang na tumanggi sa paanyaya ni Kapitan Tinong.

Si Kapitan Tinong ay malapit na kaibigan ni Kapitan Tiago at kaibigan din ng ama ni Ibarra.

See also: Noli Me Tangere Buod ng Bawat Kabanata 1-64 with Talasalitaan

Mga Tauhan sa Noli Me Tangere Kabanata 2

Narito ang mga tauhang nabanggit sa kabanata 2 ng nobelang Noli Me Tangere na isinulat ng ating pambansang bayani na si Jose Rizal.

Padre Sibyla

Ang prayle na nagulat sa pagdating ng kasamang panauhin ni Kapitan Tiago.

Padre Damaso

Isang pari na kilalang mataas ang tingin sa sarili. Siya ay nabigla nang makilala si Ibarra at tinanggihan ang pakikipagkamay ng binata, sa halip ay tinalikuran ito.

Kapitan Tiago

Siya ang nagpakilala kay Crisostomo Ibarra sa mga panauhin bilang anak ng kanyang nasirang kaibigan na si Don Rafael Ibarra. Siya rin ang nagdala kay Ibarra sa pagtitipon.

Crisostomo Ibarra

Ang pangunahing tauhan sa kabanata, anak ni Don Rafael Ibarra. Bagong dating mula sa pitong taong pag-aaral sa Europa, siya ay nagpakilala sa mga panauhin bilang Juan Crisostomo Ibarra y Magsalin. Ipinakita niya ang kanyang pagiging edukado at ang kanyang natutunan sa Alemanya sa pamamagitan ng pakikipagkamay, ngunit tinanggihan ito ni Padre Damaso.

Tinyente Guevarra

Isang tenyente ng gwardya sibil na nagpahayag ng kanyang pasasalamat sa ligtas na pagdating ni Ibarra. Pinuri rin niya ang kabaitan ng ama ni Ibarra, na nagpanatag sa damdamin ng binata.

Mga Kababaihan

Nakilala ni Ibarra matapos niyang kausapin si Tinyente Guevarra.

Mga Kalalakihan

Ang sumunod na grupo na nilapitan ni Ibarra matapos niyang makausap ang mga kababaihan.

Kapitan Tinong

Malapit na kaibigan ni Kapitan Tiago at ng ama ni Ibarra. Inanyayahan niya si Ibarra sa pananghalian kinabukasan, ngunit magalang na tumanggi si Ibarra dahil pupunta siya sa San Diego.

Read more: Noli Me Tangere Tauhan at mga Katangian ng Bawat Isa

Tagpuan sa Noli Me Tangere Kabanata 2

Ang tagpuan ng kabanatang ito ay sa bahay ni Kapitan Tiago.

Mahahalagang Pangyayari sa Noli Me Tangere Kabanata 2

  1. Dumating si Crisostomo Ibarra sa handaan ni Kapitan Tiago at ipinakilala bilang anak ng nasirang kaibigan ng Kapitan, si Don Rafael Ibarra.
  2. Nagpakilala si Ibarra at nagpakita ng kaugaliang natutunan mula sa Europa, tulad ng pakikipagkamay, ngunit tinanggihan siya ni Padre Damaso.
  3. Lumapit si Tinyente Guevarra kay Ibarra, nagpahayag ng pasasalamat sa kanyang ligtas na pagdating, at pinuri ang kabaitan ng ama ni Ibarra, na nagbigay ng kapanatagan sa binata.
  4. Palihim na tiningnan ni Padre Damaso ang Tinyente, tila may banta, kaya’t tinapos na ng Tinyente ang pakikipag-usap kay Ibarra.
  5. Inanyayahan ni Kapitan Tinong si Ibarra sa isang pananghalian kinabukasan, ngunit tumanggi si Ibarra dahil pupunta siya sa San Diego.

Talasalitaan sa Noli Me Tangere Kabanata 2

  • Panauhin – Bisita o taong imbitado sa isang okasyon
  • Luksang kasuotan – Isang uri ng kasuotan na itim bilang simbolo ng pagdadalamhati
  • Ikinaila – Tinanggihan o hindi tinanggap
  • Pag-aalinlangan – Pag-aatubili, pagdududa, o kawalang katiyakan
  • Bulwagan – Isang malaking silid na karaniwang ginagamit para sa mga pagtitipon
  • Hiyas – Mahahalagang gamit o bagay
  • Kaugalian – Mga pamantayan, tradisyon, o gawi ng isang grupo ng mga tao
  • Dyamante – Isang mahalagang bato na karaniwang ginagamit sa mga alahas

Mga Aral, Mensahe, at Implikasyon sa Noli Me Tangere Kabanata 2

Ito naman ang mga aral sa Noli Me Tangere Kabanata 2 – Si Crisostomo Ibarra.

  1. Ang pagbabalik ni Ibarra sa Pilipinas pagkatapos ng pitong taon ay nagpapakita ng kahalagahan ng pagtanggap sa katotohanan, kahit gaano ito kasakit. Sa kanyang pagbabalik, kinailangan niyang harapin ang mga alitan at isyu na naiwan niya, kabilang na ang hindi magandang relasyon ng kanyang pamilya sa ilang taong makapangyarihan.
  2. Ang insidente ng pakikipagkamay ni Ibarra na tinanggihan ni Padre Damaso ay nagpapakita ng pagkakaiba-iba ng kultura at kaugalian. Ito ay nagtuturo na hindi lahat ng kaugalian sa ibang bansa ay agad na tatanggapin o magiging angkop sa lokal na konteksto.
  3. Ang pagtanggap ni Ibarra ng mabuting reputasyon ng kanyang yumaong ama mula kay Tinyente Guevarra ay nagpapakita ng kahalagahan ng mabuting pangalan at karangalan ng pamilya. Mahalaga ang pagpapamana ng mabuting asal at pangalan sa mga susunod na henerasyon.
  4. Ang pagtanggi ni Padre Damaso na makipagkamay kay Ibarra at ang palihim na tingin sa Tinyente ay nagpapakita ng mga personal na alitan at pagkiling sa kapangyarihan. Ito ay nagiging babala na ang personal na galit at pagtutunggali ay maaaring magdala ng mas malalim na hidwaan.
  5. Sa kabila ng hindi magandang pagtanggap ni Padre Damaso, nanatiling magalang si Ibarra. Ito ay isang paalala na ang dignidad at respeto ay hindi dapat mawala kahit sa harap ng paghamak o kawalang-galang mula sa iba.

At ‘yan ang Noli Me Tangere Kabanata 2 Buod, mga Tauhan, tagpuan, talasalitaan, at Aral. Kung naging kapaki-pakinabang sa iyo ang araling ito, ibahagi mo din ito sa iba para sila din ay matuto.

Samantala, maaari mo din itong i-share sa iyong mga social media profile. I-click lamang ang share button na makikita sa iyong screen. Para sa karagdagang mga tanong tungkol sa ating aralin, mangyaring mag-iwan ng komento sa ibaba.

See also: Noli Me Tangere Kabanata 3 Buod, mga Tauhan, Tagpuan, Mahahalagang Pangyayari, Talasalitaan, at Aral

Share this: