PANG-URI: Halimbawa ng Pang-uri, Uri ng Pang-uri, Antas, Atbp.

Sa artikulong ito, ating tatalakayin ang iba’t ibang aspeto ng isa sa mga mahahalagang bahagi ng pananalita – ang pang-uri. Ito ay isang salitang ginagamit upang ilarawan ang mga pangngalan o panghalip. Tatalakayin natin ang kahulugan ng pang-uri, ang mga halimbawa nito, ang iba’t ibang uri at kaantasan, pati na rin ang kayarian, gamit, at kailanan ng pang-uri. Sa pamamagitan ng artikulong ito, matututunan ninyo ang kahalagahan ng pang-uri sa pang-araw-araw nating komunikasyon at paano ito ginagamit sa iba’t ibang konteksto.

Mga Nilalaman

Related: PANDIWA: Halimbawa ng Pandiwa, Aspekto ng Pandiwa, Pokus, Uri, Atbp.

Ano ang Pang-uri?

Ang mga pang-uri o adjectives sa Ingles ay salitang nagbibigay turing o naglalarawan sa isang pangngalan o panghalip. Ito ay nagsasaad ng uri o katangian ng tao, bagay, hayop, pook, o pangyayari.

Ano ang Pang-uri? Image

Mga Halimbawa ng Pang-uri

Narito ang ilang mga halimbawa ng pang-uri na naglalarawan sa isang pangngalan:

PangngalanPang-uri
AsongMalaki
IlawMalinaw
SapatosBagong-bago
BahayMaganda
ArawMainit
LangitBughaw
BulaklakMabango
KotseMabilis
LibroMakapal
BundokMataas

Narito naman ang ilang mga halimbawa ng pang-uri na naglalarawan sa isang panghalip:

PanghalipPang-uri
SiyaMatalino
AkoMasipag
KamiMatatapang
TayoMagkakasama
SilaMagagaling
IkawMaganda
KaMaabilidad
KayoMalakas
ItoMakulay
AminMalinis

Mga Halimbawa ng Pang-uri sa Pangungusap

Narito ang mga halimbawa ng pang-uri sa pangungusap.

(Note: Naka-bold ang pang-uri at may underline ang pangngalan o panghalip na inilalarawan nito.)

Mga Halimbawa ng Pang-uri sa Pangungusap Image
  • Ang ilog sa amin ay madumi.
  • Masaya ang mga bata habang naglalaro ng taguan.
  • Ang matandang lalaki ay nagtitinda ng balot.
  • Mataas ang puno ng mangga na inakyat ko.
  • Ang rosas ay kulay pula.
  • Mapait ang ampalaya.
  • Si Janice ay matalino.
  • Maputi ang balat ni Anne.
  • Si Lovely ay mataba.
  • Siya ay masipag na bata.
  • Ang bunga ng mansanas ay masarap.
  • Siya ay isang mahusay na manggagamot.
  • Ang kulay ng langit ay bughaw .
  • Nagtayo kami ng isang matibay na bahay na gawa sa bato.
  • Binili ko ang bagong kotse na modelong Toyota.
  • Ang araw ay mainit at nagbibigay ng liwanag sa mundo.
  • Ang aming guro ay matalino at mapagmahal sa kanyang mga estudyante.
  • Naglakbay kami sa isang malawak na kagubatan na puno ng iba’t ibang uri ng halaman at hayop.
  • Ang pagsusulat ay isang mahalagang kasanayan na kinakailangan sa lahat ng mga propesyon.
  • Ang bata ay masaya dahil nakakuha siya ng regalo.

Uri ng Pang-uri

May tatlong (3) uri ng pang-uri: ang panlarawan, pantangi, at pamilang.

Uri ng Pang-uri Image

Pang-uring Panlarawan (Descriptive Adjective)

Ito ay nagpapakilala ng uri o kabagayan ng isang pangngalan o panghalip. Nagsasaad ito ng laki, kulay, anyo, amoy, tunog, yari, lasa, o hugis.

Mga Halimbawa ng Pang-uring Panlarawan

  • Matangkad
  • Maikli
  • Mataba
  • Payat
  • Matalino
  • Maganda
  • Maputi
  • Mahusay
  • Matapang
  • Makulay
  • Malamig
  • Mainit
  • Masipag
  • Mabagal
  • Mabilis

Mga Halimbawa sa Pangungusap ng Pang-uring Panlarawan

(Note: Naka-bold ang pang-uri at may underline ang pangngalan o panghalip na inilalarawan nito.)

  • Malaki ang katawan ni Arnold.
  • Itim ang kulay ng buhok ni Pinky.
  • Ang dagat ay malawak.
  • Malinis ang ilog sa Bicol.
  • Ang tambakan ng basura ay mabaho.
  • Si John ay matangkad na tao.
  • Ang damit na ito ay maikli para sa akin.
  • Mataba na ang aming pusa.
  • Payat na masyado ang aso namin.
  • Matalino ang aking kapatid.
  • Maganda ang tanawin sa bundok.
  • Maputi ang buhok ng aking lola.
  • Matapang ang sundalong iyon.
  • Malamig ang klima sa Baguio.
  • Mainit ang araw ngayon.
  • Masipag ang aking tatay.

Pang-uring Pantangi (Proper Adjective)

Sinasabi ng pang-uring pantangi ang tiyak na pangngalan. Binubuo ito ng isang pangngalang pambalana at isang pangngalang pantangi.

Ang pangngalang pantangi na nagsisimula sa malaking titik ay naglalarawan o tumutukoy sa uri ng pangngalang pambalana.

Mga Halimbawa sa Pangungusap ng Pang-uring Pantangi

  • Niyakap na natin ang wikang Ingles.
  • Ipagmalaki natin ang kulturang Pilipino.
  • Ang pagkaing Bikolano ay dapat matikman mo.
  • May kaibigan akong lalaking Amerikano.
  • Bumili ka ng sukang Ilocos.
  • Naglakbay kami sa bulubunduking Cordillera para makakita ng mga natatanging tanawin.
  • Ang relihiyong Katoliko ay may malaking impluwensya sa ating kultura.
  • Isang malaking karangalan para sa kanya ang imbitahan ng pangulong Duterte.

Pang-uring Pamilang (Numeral Adjective)

Nagsasabi ito ng bilang, dami, o posisyon sa pagkakasunod-sunod ng pangngalan o panghalip.

Mga Uri ng Pang-uring Pamilang Image

Uri ng Pang-Uring Pamilang

Mayroon itong anim (6) na uri ang pang-uring pamilang: ang patakaran, panunuran, pamahagi, pahalaga, palansak, at patakda.

Patakaran o Kardinal

Ito ang mga likas na bilang na pinagbabatayan ng pagbibilang. Nagsasaad ito ng aktuwal na bilang ng tao o bagay.

Mga Halimbawa ng Pang-uring Pamilang sa Pangungusap (Patakarang Pamilang)

(Note: Naka-bold ang patakarang pamilang at may underline ang pangngalan o panghalip na inilalarawan nito.)

  • Isa ang pinya sa lamesa.
  • Walo ang aso ni Rudy.
  • Labing isa ang mag-aaral na pumasok ngayon.
  • May apat na lalaking sumusunod kay Adelle.
  • Ang bola ko ay dalawampu.
  • Ang klaseng ito ay may sampung estudyante lamang.
  • May dalawang mansion ang negosyante sa Forbes Park.
  • Ang tatlong libro sa istante ang aking pinakapaborito.
  • Bumili ako ng sampung tulip.
  • Nakita ko ang sampung dalaga sa parke.
Panunuran o Ordinal

Ang panunurang pamilang o ordinal ay nagsasaad ng pagkakasunod-sunod ng pangngalan o posisyon ng tao o bagay. Sinasabi din nito kung pang-ilan ang tao o bagay sa pangungusap.

Mga Halimbawa ng Pang-uring Pamilang sa Pangungusap (Panunurang Pamilang)

(Note: Naka-bold ang panunurang pamilang at may underline ang salitang inilalarawan nito.)

  • Si Raymond ang pangatlo sa pila.
  • Ang Pilipinas ang una sa may pinakamagandang dagat sa Asya.
  • Ako sana ang ikalawa sa klase kung hindi ako lumiban at nagkasakit.
  • Si Browni ang ika-apat kong aso.
  • Mula dito ay panglima ang bahay namin.
  • Si Ferdinand Marcos Jr. ang ika-labing pitong pangulo ng Pilipinas.
  • Ikatlo si Sisa sa mga napiling huwarang bata ng taon.
Pahalaga

Pera ang tinutukoy dito. Nagsasaad ito ng halaga ng bagay o anumang binili o bibilhin.

Mga Halimbawa ng Pang-uring Pamilang sa Pangungusap (Pahalagang Pamilang)

(Note: Naka-bold ang pahalagang pamilang at may underline ang salitang inilalarawan nito.)

  • Pabili po ng sampung pisong kendi.
  • Nakatanggap ako ng sampung libong pisong bonus ngayong pasko.
  • Nay, pahingi po ng limang pisong barya.
  • Ibinigay Gerald ang pisong kendi sa kanyang pinsan.
  • Binenta ko ng isang milyon ang bahay namin sa Davao.
  • Nagbayad ako ng tatlumpung pisong load kagabi.
  • Bilhin mo na ang limang libong pisong kwintas.
Pamahagi

Ginagamit ito sa pagbabahagi o pagbubuklod ng ilang hati sa kabuuan.

Kung minsan ay ginagamitan ito ng unlaping tig- para sa pantay na pamamahagi o kapag ang bilang ng bagay na ibinigay o natanggap ay pare-pareho.

  • Halimbawa:
    • tig-isa
    • tig-tatlo
    • tig-lilima
    • tig-sampu
    • tig-kalahati

Mayroong anyong bahagimbilang o hating-bilang din ang pamahaging pamilang. Maaaring gamitin ang mga salitang bahagdan, persentahe, o porsiyento.

  • Halimbawa:
    • labing-limang porsento (15%)
    • sampung bahagdan (10%)
    • kalahati (half, 1⁄2)
    • katlo (one-third, 1⁄3)
    • kapat (one-fourth, 1⁄4)
    • sangkapat (1⁄4)
Mga Halimbawa ng Pang-uring Pamilang sa Pangungusap (Pamahagi)

(Note: Naka-bold ang pamahaging pamilang at naka-underline ang salitang inilalarawan nito.)

  • Kumuha kayo ng tig-dalawang tinapay ng kapatid mo.
  • Kalahating kilo ang bilhin mong bigas.
  • Nakakuha ako ng sampung porsentong bawas sa bag na binili ko.
  • Nakakuha ng tig-isang bahay sa Bulacan sina Sussy at Susan.
  • May tig-limang tsokolate kayo ni Pam galing kay Mimi.
Palansak

Tinutukoy nito ang bilang na bumubuo ng isang pangkat ng tao o bagay na pinagsama-sama. Ito’y grupo o maramihan at inuulit ang unang salita nito o kaya ay nilalagyan ng panlaping han/an.

Mga Halimbawa ng Pang-uring Pamilang sa Pangungusap (Palansak)
  • Dosehan ang laman ng van.
  • Sampu-sampu lang ang tumpok ng kamatis.
  • Kaunting siksik pa po dahil animan ‘yan.
  • Dose-dosena kung mangitlog ang pato ni Kiko.
  • Isa-isa lang ang kuha sa lumpia.
Patakda o Tiyak na Bilang

Nagsasaad ito ng tiyak na bilang ng pangngalan. Ang bilang na ito ay hindi na madadagdagan o mababawasan pa.

Ang pag-uulit sa unang pantig ng salitang bilang ang palatandaan nito.

Mga Halimbawa ng Pang-uring Pamilang sa Pangungusap (Patakda)
  • Iisa lang ang ating lahi at lipi.
  • Dadalawa ang dala kong panyo.
  • Tatatlo ang binili kong itlog.
  • Aapat ang kasama sa piknik.
  • Lilima ang pupunta sa pulong.

Kaantasan ng Pang-uri

May tatlong (3) antas o kaantasan ng pang-uri: ang lantay, pahambing, at pasukdol.

Kaantasan ng Pang-uri Image

Lantay na Pang-uri

Naglalarawan ito ng isa o payak na pangngalan o panghalip na walang pinaghahambingan.

Mga Halimbawa ng Lantay na Pang-uri sa Pangungusap

(Note: Naka-bold ang lantay na pang-uri at naka-underline ang salitang inilalarawan nito.)

  • Ang lapis ay maliit.
  • Maganda ang lugar na pinuntahan namin.
  • Mataba ang batang si Baste.
  • Si Faith ay maputi.
  • Ang damit na suot mo ay kupas na.
  • Ang malalim na karunungan ni Jose ay hinahangaan ng lahat.
  • Malamig ang tubig sa lawa.
  • Si Ana ay isang magaling na manunulat.
  • Masaya si Pedro tuwing Biyernes.
  • Makulay ang damit ni Maria.
  • Matamis ang mansanas na kanyang kinain.
  • Mahirap ang pagsusulit na iyon.
  • Matigas ang kama na aking ginagamit.
  • Maputi ang buhok ng aking lola.
  • Masarap ang pagkain sa kusina.
  • Malungkot ang mukha ni Maria nang mawala ang kanyang paboritong aso.
  • Mahaba ang buhok ni Jasmine.

Pahambing na Pang-uri

Ginagamit ito sa pagtutulad ng dalawang pangngalan o panghalip.

Pahambing na Magkatulad

Ipinakikilala nito ang magkapantay na katangian ng dalawang bagay na pinaghahambingan. Ginagamitan ito ng mga panlaping ka-, ga-, sing-/kasing-, magsing-/magkasing-.

Mga Halimbawa ng Pahambing na Pang-uri sa Pangungusap (Magkatulad)
  • Magsinglaki kayo ni Joan.
  • Kasinggwapo mo si Enrique Gil.
  • Magkasingbait kayo ni Remy.
  • Singlakas ni Jeric si Samson.
  • Magsinghaba ang lapis ko at lapis mo.
  • Magsing-init ang panahon noong Mayo at Hunyo.
  • Si Enrique ay kasingtangkad ni Rico.
  • Ang mga lalake sa kumpanya ay magkasing-sipag.
  • Ka-edad ni Jane si Mark.
  • Kasimbilis ng kabayo ang takbo ng mabilis na atleta.
  • Magsingganda si Sandra at si Sara.
  • Magkasing-tibay ang dalawang brand ng sapatos na iyon.
  • Si Maria at Monica ay magkasing-kulay ng balat.
  • Kasing-asim ng dayap ang lasa ng ibang klaseng citrus fruits.
  • Ga-bundok ang taas ng bagong gusaling ito.
  • Magsingtigas ang mga muscles ni Arnie at Arnold.
  • Kasing-aliwalas ng umaga ang kanyang ngiti.

Pahambing na Di-Magkatulad

Ipinakikilala nito ang di-magkapantay o di-patas na paghahambing. Maaari itong nagbibigay ng diwa ng pagkakait, pagtanggi o pagsalungat.

  • Pahambing na Palamang – Ito ay may katangiang nakahihigit sa pinaghahambingan. Ginagamitan ito ng mga salitang higit, mas, di-hamak, at lalo. Tinutulungan din ito ng mga salitang kaysa o kaysa kay.
  • Pahambing na Pasahol – Ito ay may katangiang kulang o kapos sa pinaghahambingan. Tinutulungan ito ng mga salitang di-gaano, di-tulad ni o di-tulad ng, di-gasino, di-masyado, at marami pang iba.
Mga Halimbawa ng Pahambing na Pang-uri sa Pangungusap (Di-Magkatulad)
  • Si Laura ay di-hamak na mas maganda kaysa kay Leonora.
  • Ang buhok ni Charity ay mas mahaba kaysa kay Angel.
  • Ang baon mo ay higit na masarap kaysa akin.
  • Di-gaanong mataas ang gusali sa Laguna kaysa Makati.
  • Ang bahay namin ay di-masyadong makulay kumpara sa bahay ni Sandy.

Pasukdol na Pang-uri

May katangian itong namumukod o nagngingibabaw sa lahat ng pinaghahambingan. Maaari itong negatibo o positibo. Masidhi ang paglalarawan dito kaya maaaring gumagamit ng mga salitang sobra, ubod, pinaka, tunay, talaga, saksakan, at kung minsa’y pag-uulit ng pang-uri.

Mga Halimbawa ng Pasukdol na Pang-uri sa Pangungusap

  • Sobrang talino ng batang ito.
  • Ang laki-laki ng pakwan na binili ko.
  • Si Terry ang pinakamalakas kumain sa amin.
  • Ubod ng ganda ang dalagang si Ara.
  • Pinakamabait sa magkakapatid si Bitoy.

Kayarian ng Pang-uri

Mayroong apat (4) na kayarian ng pang-uri: ang payak, maylapi, inuulit, at tambalan.

Kayarian ng Pang-uri Image

Payak

Ito ang pinakasimpleng anyo ng pang-uri. Binubuo ito ng salitang-ugat lamang.

Mga Halimbawa ng Payak na Pang-uri sa Pangungusap

  • Ang bunga ng atis ay hinog na.
  • Kunin mo ang basang basahan sa labas.
  • Ang taas ng gusaling ito.
  • Si Mila ay payat.
  • Ang tigas ng ulo mo.
  • Kita ang saya sa kanyang mukha matapos makatanggap ng regalo.
  • Ang laki ng bahay na tinirhan namin sa probinsya.
  • Ang bango ng amoy ng bagong lutong adobo.
  • Ramdam na ang lamig ng simoy ng hangin.
  • Itim ang kulay ng kanyang buhok.
  • Ang dumi ng kanilang bakuran dahil sa mga nagkalat na basura.
  • Ang lambot ng kama kaya maganda ang kanyang tulog.
  • Ang ganda ng kanyang boses kaya siya ang napiling kumanta sa program.

Maylapi

Ang mga pang-uri ay binubuo ng salitang ugat at panlapi.

Mga Halimbawa ng Maylapi na Pang-uri sa Pangungusap

  • Ang bata ay mataba.
  • Si Julie ay mabait.
  • Siya ay may malaking pamilya.
  • Masarap ang sopas na niluto ni Nanay.
  • Ang damit ni Rita ay mabango.
  • Matalino si Tano at lagi siyang nakakakuha ng mataas na marka.
  • Malamig ang simoy ng hangin tuwing Disyembre.
  • Mabango ang amoy ng bagong lutong kare-kare.
  • Malakas ang ulan kagabi.
  • Maitim ang kulay ng kanyang kilay.
  • Maliit ang kanyang apartment.
  • Mainit ang kanyang kape kaya hindi pa niya ito nauubos.
  • Mabilis siyang tumakbo kaya siya ang nanalo sa karera.
  • Mabait ang kanyang pusa.
  • Makulay ang kanyang suot na damit sa fiesta.
  • Marumi ang kanilang bakuran dahil sa mga nagkalat na basura.
  • Malambot ang kama kaya maganda ang kanyang tulog.
  • Maganda ang kanyang boses kaya siya ang napiling kumanta sa program.

Inuulit

Binubuo ito sa pamamagitan ng pag-ulit ng buong salita o bahagi ng salita.

Mga Halimbawa ng Inuulit na Pang-uri sa Pangungusap

  • Ang liliit ng aso na bigay ni Dexter.
  • Malaking-malaki ang bahay na gusto ko.
  • Ang puti-puti ng ngipin ni Marian.
  • Kaakit-akit ang lugar nila.
  • Araw-araw kami maligo sa sapa.

Tambalan

Binubuo ito ng dalawang magkaibang salitang pinagsama o pinagtambal na maaaring magkaroon ng pangalawang kahulugan.

Mga Halimbawa ng Tambalan na Pang-uri sa Pangungusap

  • Si Minda ay kapit-tuko sa kanyang nobyo.
  • Lakad-pagong naman ‘yang si Badong.
  • Si Nicole ay boses-ipis.
  • Ang kaibigan ko ay balat-sibuyas.
  • Si Cardo ay parang utak-matsing.

Gamit ng Pang-uri

May apat (4) na gamit ng pang-uri: bilang panuring ng pangngalan, bilang panuring sa panghalip, pang-uring pangngalan, at bilang kaganapang pansimuno o panaguri.

Gamit ng Pang-uri Image

Bilang Panuring ng Pangngalan

Binibigyang paglalarawan sa pangungusap ang simuno o paksa nito.

Bilang Panuring sa Panghalip

Ang mga salitang ipinampalit sa pangngalan o mga panghalip ang binibigyang paglalarawan sa loob ng pangungusap.

Pang-uring Pangngalan

Ang paksa o simunong pinag-uusapan ay siyang pang-uring ginamit sa pangungusap.

Bilang Kaganapang Pansimuno o Panaguri

Dito ay binibigyang paglalarawan ang paksa o simuno upang maging ganap ito.

Kailanan ng Pang-uri

May tatlong (3) kailanan ang pang-uri: ang isahan, dalawahan, at maramihan.

Kailanan ng Pang-uri Image

Isahan

Ito ay tumutukoy sa iisang inilalarawan. Nagpapakilala ito sa tulong ng mga panghalip na isahan at maaaring gamitan ng panandang ang o si.

Mga Halimbawa ng Pang-uring Isahan sa Pangungusap

  • Ang bola ay bilog.
  • Si Mikay ay mahinhin.
  • Ang papaya ay matamis.
  • Si Len-Len ay mabait.
  • Ang luto ko ay masarap.

Dalawahan

Ito ay tumutukoy sa higit sa isang inilalarawan. Maaari rin itong gamitan ng panlaping magsing, magka, magkasing, at marami pang iba.

Mga Halimbawa ng Pang-uring Dalawahan sa Pangungusap

  • Parehong maganda sina Vicky at Vilma.
  • Magsingputi sina Mark at Marco.
  • Magkasingtaas sina Jacky at Jamie.
  • Kapwa matalino sina Rudy at Nestor.
  • Magkasinggaling sumayaw sina Mori at Sara.

Maramihan

Ito ay ginagamitan ng panandang pangmaramihan tulad ng mga. Ginagamitan din ito ng ng pang-uring pamilang na maramihan tulad ng tatlo, sampu, sandaan, at marami pang iba pa.

Maaari rin itong gamitan ng pang-uring inuulit ang unang pantig ng salitang ugat tulad ng magaganda, ang yayaman, at kung anu-ano pa.

Mga Halimbawa ng Pang-uring Maramihan sa Pangungusap

  • Ang dami-daming dahilan ni Nina.
  • Magaganda ang mga anak ni Lita.
  • Malalakas ang mga kapatid ko.
  • Tatlong dosena ba ang ilog na hawak mo?
  • Ang mga bata ay malulusog.

100 Halimbawa ng Pang-Uri

Narito ang 100 halimbawa ng Pang-uri na maaari mong gamitin sa pangungusap:

  • Malaki
  • Maganda
  • Maliit
  • Matangkad
  • Pandak
  • Mabait
  • Masama
  • Mabango
  • Maasim
  • Maalat
  • Matamis
  • Maanghang
  • Matapang
  • Mahina
  • Masipag
  • Malas
  • Mabilis
  • Mabagal
  • Maputi
  • Itim
  • Mainit
  • Malamig
  • Malinis
  • Marumi
  • Malusog
  • Payat
  • Mataba
  • Matalino
  • Mahinhin
  • Maingay
  • Tahimik
  • Masaya
  • Malungkot
  • Marunong
  • Ignorante
  • Mahal
  • Mura
  • Masarap
  • Mapanghi
  • Mabaho
  • Maunlad
  • Madilaw
  • Berde
  • Pula
  • Asul
  • Kayumanggi
  • Maarte
  • Seryoso
  • Nakakatawa
  • Nakakatakot
  • Mapakla
  • Mabuti
  • Maginoo
  • Makinis
  • Balbon
  • Matangos
  • Pango
  • Malambing
  • Magalang
  • Bastos
  • Makulay
  • Palangiti
  • Palaban
  • Duwag
  • Manhid
  • Sensitibo
  • Dumi
  • Madamot
  • Maabilidad
  • Matiyaga
  • Marahas
  • Malambot
  • Matigas
  • Maamo
  • Malupit
  • Makati
  • Malayo
  • Malapit
  • Tama
  • Mali
  • Mayaman
  • Mahirap
  • Siksik
  • Madilim
  • Gabi
  • Bago
  • Luma
  • Matarik
  • Patag
  • Bilog
  • Parisukat
  • Makintab
  • Makitid
  • Maluwag
  • Mataas
  • Mababa
  • Magaspang
  • Malago
  • Tuyo
  • Maaruga

Sa pagwawakas ng ating talakayan, buong puso nating naibahagi ang kahalagahan at yaman ng pang-uri sa ating wika. Ang pang-uri, sa kanyang iba’t ibang uri, kaantasan, kayarian, gamit, at kailanan, ay hindi lamang isang sangkap sa ating pananalita, ngunit isang mahalagang elemento na nagpapayaman at nagbibigay buhay sa ating mga pangungusap. Sa pag-intindi at paggamit nito, hindi lamang natin napapahusay ang ating kakayahang magpahayag, ngunit nagiging instrumento rin tayo sa pagpapalaganap at pagpapatibay ng ating natatanging wika.

Samantala, umaasa kami na naging kapaki-pakinanbang sa iyo ang paksang ating tinalakay. Mangyaring ibahagi ito sa iyong mga kaibigan at kaklase upang sila rin ay matuto sa araling ito.

Maaari mo din itong i-share sa iyong mga social media account. I-click lamang ang share button na makikita sa iyong screen. Para sa karagdagang mga tanong tungkol sa ating aralin, maaari kang mag-iwan ng komento sa ibaba.

Download the PDF version of this post by clicking this link.

Mga Kaugnay na Aralin

PANG-ABAY: Halimbawa ng Pang-abay, Uri ng Pang-abay, Atbp.

PANGATNIG: Ano ang Pangatnig, Halimbawa ng Pangatnig, Uri, Atbp.

PANG-UKOL: Kahulugan, Layon, at Mga Halimbawa ng Pang-Ukol

PANG-UGNAY: Kahulugan, Uri, at Mga Halimbawa ng Pang-Ugnay

PANGUNGUSAP: Mga Halimbawa, Bahagi, Kayarian, Ayos, Uri, Atbp.

SIMUNO AT PANAGURI: Kahulugan at Mga Halimbawa sa Pangungusap

Alpabetong Filipino: Ang Kabuuang Gabay sa mga Letra ng ating Wika

TAYUTAY: Halimbawa ng Tayutay, mga Uri ng Tayutay, Atbp.

TALATA: Ano ang Talata, Paano Gumawa, at mga Halimbawa

Share this: