TAYUTAY: Halimbawa ng Tayutay, mga Uri ng Tayutay, Atbp.

Ang sining ng panitikan ay hindi lamang nakasentro sa simpleng pagsasabi ng mga salita, kundi ito rin ay naglalaman ng iba’t ibang elemento na nagpapalalim at nagpapayaman sa ating pagkaunawa. Sa artikulong ito, ating tatalakayin ang isa sa mga mahahalagang elemento ng panitikan – ang tayutay. Ating pag-uusapan kung ano nga ba ang tayutay, mga halimbawa nito, at iba’t ibang uri ng tayutay.

Mga Nilalaman

Ano ang Tayutay?

Ang tayutay o mas kilala bilang figure of speech sa wikang Ingles ay mga salita o isang pahayag na ginagamit upang bigyan diin ang isang kaisipan o damdamin.

Ito ay sinasadyang gamitan ng mga talinghaga o di-karaniwang salita upang gawing mabisa, makulay at kaakit-akit ang pagpapahayag.

Ano ang Tayutay? Image

Mga Halimbawa ng Tayutay

Ang mga sumusunod ay ang sampung (10) halimbawa ng tayutay:

Mga Halimbawa ng Tayutay Image
  1. Ang ama ni Solomon ay leon sa bagsik.
  2. Kaya kong sungkitin ang mga bituin mapasagot lamang kita.
  3. May anim na mga matang nakatingin sa iyo.
  4. Ang buhay ay parang gulong ng palad.
  5. Para kang tala na nagniningning sa gabing madilim.
  6. Napangiti ang langit sa iyong pagdating.
  7. Hulog ng langit ang batang si Kendra.
  8. Wala nang hihigit pa sa aming ilaw ng tahanan.
  9. Ang iyong mga mata ay tila bituing maningning.
  10. Sa Perlas ng Silangan ako isinilang.

Uri ng Tayutay

Mayroong dalawampung (20) uri ng tayutay. Ito ay ang mga sumusunod:

Mga Uri ng Tayutay Image

Pagtutulad o Simili

Ito ang di-tiyak na paghahambing ng dalawang magkaibang tao, bagay, o pangyayari. Tinatawag din itong simile sa Ingles.

Maaari itong gamitan ng mga salitang tulad ng, paris ng, kawangis ng, tila, sing-, sim-, magkasing-, at magkasim-.

Pagtutulad na Tayutay Image

Mga Halimbawa ng Pagtutulad o Simili na Tayutay sa Pangungusap

  • Paris ng malamig na kape ang pakikitungo niya sa akin.
  • Tila may daga sa dibdib si Alison habang umaawit sa entablado.
  • Si Mang Mario ay kawangis ng aming ama ng tahanan.
  • Tila kalapating mababa ang lipad kung manamit itong si Elsa.
  • Magkasing-amo tulad ng kordero itong si Victor at Romeo.

Pagwawangis o Metapora

Ito naman ang tiyak o tuwirang paghahambing ngunit hindi na kailangang gamitan ng pangatnig sa pangungusap. Nagpapahayag ito ng paghahambing na nakalapat sa mga pangalan, gawain, tawag o katangian ng bagay na inihahambing.

Tinatawag din itong metaphor sa wikang Ingles.

Pagwawangis na Tayutay Image

Mga Halimbawa ng Pagwawangis o Metapora na Tayutay sa Pangungusap

  • Si Elena ang may pinakamaamong mukha sa kanilang magkakapatid.
  • Kinatatakutan ni Melchor ang kamay na bakal ng kanyang ama.
  • Siya ang ahas sa kanilang magkakaibigan.
  • Ikaw ang ilaw sa madilim kong buhay.
  • Binigyan mo ng kulay ang mundo kong matamlay.

Pagtatao, Pagbibigay Katauhan o Personipikasyon

Ito ay ginagamit upang pagtaglayin ng mga katangiang pantao (talino, gawi, kilos) at bigyang buhay ang mga bagay na walang buhay sa pamamagitan ng mga pananalitang nagsasaad ng kilos.

Ginagamitan ito ng pandiwa sa pangungusap. Kilala rin ito bilang personification sa wikang Ingles.

Pagtatao na Tayutay Image

Mga Halimbawa ng Pagtatao o Personipikasyon na Tayutay sa Pangungusap

  • Niyakap ako ng malamig na hangin.
  • Pansinin ninyo ang galit ng kalikasan.
  • Ang buwan ay nagtago sa likod ng makapal na ulap.
  • Huwag kang magpatangay sa malakas na bagyong iyong nararanasan.
  • Ang mga bulaklak ay sumasayaw sa pag-ihip ng hangin.

Pagtawag, Panawagan o Apostrope

Ito ay isang panawagan o pakiusap sa isang bagay na tila ito ay isang tao. Kilala ito bilang apostrophe sa wikang Ingles.

Pagtawag na Tayutay Image

Mga Halimbawa ng Apostrope na Tayutay sa Pangungusap

  • Pag-asa, nasaan ka na?
  • Lungkot, bakit lagi mo akong binabalot?
  • Kamatayan, bakit di pa wakasan yaring buhay?
  • Ulan, bumuhos ka’t aking mundo’y lunuring tuluyan!
  • O araw, sumikat ka at bigyang liwanag ang aking daraanan.

Pag-uulit

Mayroong anim na uri ng pag-uulit sa uri ng tayutay na pag-uulit. Ito ay ang mga sumusunod:

Mga uri ng Tayutay na Pag-uulit Image

Aliterasyon

Ito ang pag-uulit ng unang titik o unang pantig sa inisyal na bahagi ng salita.

Halimbawa ng Aliterasyon na Tayutay sa Pangungusap
  • Makikita mo sa mga mata ni Madel ang maarubdob na pagnanais na mawakasan ang mahirap nilang pamumuhay.

Anapora

Ito ang pag-uulit ng isang salitang nasa unahan ng isang pahayag o ng isang sugnay.

Halimbawa ng Anapora na Tayutay sa Pangungusap
  • Ang Pilipinas ay para sa iyo, para sa akin, at para sa lahat ng Pilipino.

Anadiplosis

Ito pag-uulit sa una at huling bahagi ng pahayag o sugnay.

Halimbawa ng Anadiplosis na Tayutay sa Pangungusap

Ikaw lang ang aking mahal,
Mahal na aking kailangan,
Kailangan sa aking buhay,
Buhay ko’y ikaw lamang.

Epipora

Ito ang pag-uulit ng isang salita sa hulihan ng sunud-sunod na taludtod.

Halimbawa ng Epipora na Tayutay sa Pangungusap
  • Ang batas sa Pilipinas ay igalang mo, sundin mo, at isapamuhay mo.

Empanodos o Pabalik na Pag-uulit

Ito ang pag-uulit nang pagbaliktad ng mga pahayag.

Katapora

Ito ay paggamit ng isang salita na kadalasang panghalip at tumutukoy sa isang salita o parirala na binanggit sa hulihan.

Pagmamalabis o Hayperbol

Masidhing kalabisan o kakulangan ng isang tao, bagay, pangyayari, kaisipan, damdamin at iba pang katangian, kalagayan o katayuan ang ipinapakita dito.

Maaaring lagpas sa katotohanan o eksaherado ang mga pahayag kung iyong susuriin. Tinatawag din itong hyperbole sa wikang Ingles.

Pagmamalabis na Tayutay Image

Mga Halimbawa ng Pagmamalabis o Hyperbol na Tayutay sa Pangungusap

  • Namuti na ang mga mata ni Johny kahihintay kay Myla.
  • Wala akong tulak kabigin sa abot-langit niyang pagmamahal sa akin.
  • Pagbalik ko ay bumabaha na ng dugo sa kapitbahay.
  • Kitang-kita ko kung paanong umusok ang ilong ng kanyang ina sa galit.
  • Handa kong kunin ang buwan at mga bituin mapasagot lang kita.

Panghihimig o Onomatopeya

Ito ang paggamit ng mga salita kung saan ang tunog o himig ay nagagawang maihatid ang kahulugan nito.

Tinatawag din itong onomatopoeia sa wikang Ingles.

Panghihimig na Tayutay Image

Mga Halimbawa ng Panghihimig o Onomatopeya na Tayutay sa Pangungusap

  • Labis na takot ang nadama ko matapos kong marinig ang dagundong ng kulog.
  • Ang tik-tak ng relo ay tila nagsasabing ikaw ay parating na.
  • Napalingon ako sa lakas ng pot-pot ng trak.
  • Ang twit-twit ng ibon ay kaysarap sa tenga.
  • Alam kong gutom na ang pusa dahil sa sunud-sunod na pagngiyaw nito.

Pag-uyam

Isang pagpapahayag na may layuning makasakit ng damdamin o mangutya ngunit ito’y itinatago sa paraang waring nagbibigay-puri.

Tinatawag din itong irony sa Ingles.

Pag-uyam na Tayutay Image

Mga Halimbawa ng Pag-uyam na Tayutay sa Pangungusap

  • Ikaw ang pinakamaganda sa lahat kapag nakatalikod.
  • Ang ganda ng kamay mo, parang aspalto.
  • Sa sobrang talino ni Sandra ay wala nang nakakaintindi sa pinagsasasabi niya.
  • Wala nang mas babait pa sa kaibigan kong kasingbait ni Hudas.
  • Ang galing mong kumanta. Kaboses mo si Matutina.

Pagpapalit-saklaw o Senekdoke

Ito ay pagbabanggit sa bahagi ng isang bagay o ideya bilang pagtukoy ng kabuuan. Tinatawag din itong synecdoche sa wikang Ingles.

Pagpapalit-saklaw na Tayutay Image

Mga Halimbawa ng Pagpapalit-saklaw na Tayutay sa Pangungusap

  • Ayoko nang makita ang pagmumukha mo kahit kailan!
  • Huwag mong itutungtong ang iyong mga paa sa aking bahay.
  • Nang dahil sa sampung mga kamay ay natapos ng mabilis ang aming gawain.
  • Maaari mo nang hingiin ang kamay ni Lita sa kanyang mga magulang.
  • May walong mata na nakatitig kay Myra.

Paglilipat-wika

Ito ay tulad ng pagbibigay-katauhan na pinagsasabay ang mga katangiang pantao na ginagamit ang pang-uri. Tinatawag din itong transferred epithet sa wikang Ingles.

Paglilipat-wika na Tayutay Image

Mga Halimbawa ng Paglilipat-wika na Tayutay sa Pangungusap

  • Ang silid na ulila ay naging masaya sa pagdating ni Mercy.
  • Ang mapagkalingang kumot ay maingat ng itinupi ni Leo.
  • Ang kaawa-awang puruntong ni Juan ay nanghihingi na ng kapalit.
  • Siya ay nag-alay ng mga bulaklak sa libingan ng kanyang ama.
  • Masaya ang kulay ng palda ni Nina.

Pagpapalit-tawag

Ito ang pagpapalit ng katawagan o pangalan sa bagay na tinutukoy. Maaaring ito’y sa pamamagitan ng paggamit ng sagisag para sa sinasagisag, paggamit sa lalagyan para sa bagay na inilalagay, o pagbanggit ng simula para sa wakas o wakas para sa simula.

Kilala rin ito sa tawag na metonymy sa wikang Ingles.

Pagpapalit-tawag na Tayutay Image

Mga Halimbawa ng Pagpapalit-tawag na Tayutay sa Pangungusap

  • Ang palasyo ay nagsabing hulihin ang naninigarilyo sa pampublikong lugar.
  • Si Prinsipe William ang susunod na magmamana ng korona.
  • Ang bagong anghel nina Arnel at Melisa ay malusog.
  • Sila ang aking ikalawang tahanan.
  • Mas makapangyarihan ang panulat kaysa baril o espada.

Pasukdol

Ito ang pataas na paghahanay ng mga salita o kaisipan ayon sa kahalagahan nito mula sa pinakamababa patungo sa pinakamataas na antas. Kilala rin ito bilang climax sa wikang Ingles.

Pasukdol na Tayutay Image

Mga Halimbawa ng Pasukdol na Tayutay sa Pangungusap

  • Nakita ko ang pagdilim ng paligid at paglakas ng ihip ng hangin na tila nagbabadya ng isang malakas na bagyong paparating.
  • Ang malamig na simoy na hangin kasabay ng mga batang nangangaroling ay nagsasabing ang pasko ay malapit na.
  • Humagis na sa pagkakabagsak ang takipsilim.

Antiklaymaks

Ito ang paggamit ng mga inihanay na pahayag ng damdamin o kaisipan na may maliwanag na impresyon ng pagbaba ng tindi ng kahulugan o ng ideya.

Ito ay tinatawag na anticlimax sa wikang Ingles.

Antiklaymaks na Tayutay Image

Mga Halimbawa ng Antiklaymaks na Tayutay sa Pangungusap

  • Ang pagmamahal niya sa akin ay tila lumayo, nawala, at napawi.
  • Napagod na siya kakalaban hanggang nawalan na ng pag-asa.
  • Ang pagsisikap ni Lita ay nasayang dahil sa pariwarang anak.

Pagtanggi

Ito ay gumagamit ng salitang ‘hindi’ na nagbabadya ng pagsalungat o hindi pagsang-ayon. Ito’y pakunwari lamang kung saan ang nais ng nagpapahayag ay kabaligtaran ng ibig sabihin.

Tinatawag ding litotes sa wikang Ingles.

Pagtanggi na Tayutay Image

Mga Halimbawa ng Pagtanggi na Tayutay sa Pangungusap

  • Hindi siya isang magnanakaw. Ibabalik niya naman daw ang kinuha niya.
  • Hindi niya kayang kumapit sa patalim sa oras ng kagipitan pero himdi niya asawa yung kasama niyang lalaki kagabi.
  • Hindi naman mahangin sa labas pero nagulo ang buhok ko.
  • Hindi naman siya nangongopya, tinitingnan niya lang ang notebook sa bag niya.
  • Hindi ka talaga masarap magluto, napadami tuloy ako ng kain.

Retorika na Tanong

Ito ay hindi naghihintay ng kasagutan at hindi rin nagpapahayag ng pag-aalinlangan. Wala itong inaasahang sagot kung saan ang layunin ay maikintal sa isipan ng nakikinig ang mensahe.

Ito ay tinatawag ding rhetorical question sa wikang Ingles.

Retorika na Tanong na Tayutay Image

Mga Halimbawa ng Retorika na Tanong na Tayutay sa Pangungusap

  • Saan matatagpuan ang pag-asa?
  • Nasaan ang tunay na pag-ibig?
  • Natutulog ba ang Diyos?
  • Bakit maitim ang iyong budhi?
  • Saan ako nagkulang sa pagpapalaki sa’yo?

Paralelismo

Sa pamamagitan ng halos iisang istruktura, itatag dito ang mga ideya sa isang pahayag. Tinatawag din itong parallelism sa wikang Ingles.

Paralelismo na Tayutay Image

Mga Halimbawa ng Paralelismo na Tayutay sa Pangungusap

  • Ang sabi ni Rina ay mapanglaw at matamlay raw siya.
  • Ang nais namin ay disiplinang militar: sama-samang lulusob sa kaaway, sama-sama ring mamamatay o magtatagumpay.

Paglumanay o Eupemismo

Ito ang pagpapalit ng salitang mas magandang pakinggan kaysa sa salitang masyadong matalim, bulgar o bastos. Ginagamitan ito ng mga piling salita upang pagandahin ang isang di-kagandahang pahayag.

Tinatawag din itong euphemism sa wikang Ingles.

Paglumanay na Tayutay Image

Mga Halimbawa ng Pagalumanay o eupemismo na Tayutay sa Pangungusap

  • Isama mo ang ating kasambahay sa parke.
  • Sumakabilang-buhay na ang pusa ni Carla.
  • Ang pamilya ni Randy ay kapos sa buhay.
  • Ako’y tinatawag ng kalikasan.
  • Pagdating ko ay pantay na ang kanyang mga paa.

Paghahalintulad

Ito ay ang paghahambing na nagpapakita ng ugnayan ng kaisipan sa kapwa kaisipan. Tinatawag din itong analogy sa Ingles.

Paghahalintulad na Tayutay Image

Mga Halimbawa ng Paghahalintulad na Tayutay sa Pangungusap

  • Ang pagsikat ng araw sa umaga ay parang pag-asang sumisikat.
  • Ikaw ang tala at ako ang buwan na gusto ko laging kasama.
  • Ang paghalimuyak ng bulaklak ay katulad ng pag-ibig ni Baldo kay Marta.
  • Ang mga dalaga ang bulaklak at kaming kabinataan ang mga bubuyog.

Pagtatambis

Ito ay ang paglalahad ng mga bagay na magkasalungat upang higit na mapatingkad ang bisa ng pagpapahayag. Tinatawag din itong oxymoron sa Ingles.

Pagtatambis na Tayutay Image

Mga Halimbawa ng Pagtatambis na Tayutay sa Pangungusap

  • Gaano kadalas ang minsan?
  • Ano ba’t paroo’t parito ka?
  • Kung ikaw ay lalakad-hihinto ay siguradong aabutin ka ng siyam-siyam sa pupuntahan mo.
  • Ang buhay ng tao ay parang gulong; minsan nasa ibabaw, minsan ay nasa ilalim.
  • Sa buhay, pareho mong mararanasan ang liwanag at dilim, ang tagumpay at kabiguan.

Pangitain

Ito ay naglalarawan sa mga laman ng isip na animo’y tunay na kaharap o nakikita ang nagsasalita. Kilala rin ito sa tawag na vision imagery sa Ingles.

Pangitain na Tayutay Image

Mga Halimbawa ng Pangitain na Tayutay sa Pangungusap

  • Sa aking gunita ay natanaw ko ang aking sinisinta.
  • Sa sinapupunan ng aking ina ay hinugis mo akong bata.
  • Bukas ay luluhod ang mga tala.
  • Ang tubig at langis balang araw ay magsasama rin.

Konklusyon

Sa ating talakayan, malinaw na naipahayag kung gaano kaimportante ang tayutay sa panitikan. Ito ay hindi lamang basta-basta paggamit ng mga salita na magpapabago sa takbo ng isang kwento, tula, o anumang uri ng panitikan. Ang tayutay ay nagbibigay buhay sa ating wika, nagbibigay lalim sa mga kahulugan, at nagpapayaman sa ating pagkaunawa at pagpapahalaga sa panitikan. Sa pag-aral natin ng iba’t ibang halimbawa at uri ng tayutay, nakita natin ang kalakasan ng ating wika na maaring gamitin sa iba’t ibang paraan upang magbigay diin o pahalagahan ang isang kaisipan o ideya.

Nawa’y natuto ka sa paksang ating tinalakay. Inaanyayahan ka namin na ibahagi din ito sa iyong mga kaibigan at mga kakalase upang sila din ay matuto sa araling ito.

Maaari mo din itong i-share sa iyong mga social media profile. I-click lamang ang share button na makikita sa iyong screen.

Download the PDF version of this post by clicking this link.

Mga Kaugnay na Aralin

SANAYSAY: Ano ang Sanaysay, Paano Gumawa, Mga Halimbawa, Uri, Atbp.

TULA: Kahulugan, Elemento, Uri, at mga Halimbawa ng Tula

PANGUNGUSAP: Mga Halimbawa, Bahagi, Kayarian, Ayos, Uri, Atbp.

Alpabetong Filipino: Ang Kabuuang Gabay sa mga Letra ng ating Wika

PANTIG: Ano ang Pantig, Kayarian, at Mga Halimbawa Nito

SIMUNO AT PANAGURI: Kahulugan at Mga Halimbawa

Share this: