Bukod sa kailanan at kasarian ng pangngalan, ang pangngalan ay mayroon ding uri. Tatalakayin natin at matutunan ninyo sa pahinang ito ang dalawang uri ng pangngalan. Sa bawat uri ay gumawa rin kami ng mga halimbawa upang mas lalo mong maunawaan ang araling ito.
Dalawang Uri ng Pangngalan
Mayroong dalawang uri ng pangngalan. Ito ay ang pangngalang pantangi at pangngalang pambalana.

1. Pangngalang Pantangi
Ang pangngalang pantangi o proper noun sa wikang Ingles ay isang uri ng pangngalan na tumutukoy sa tiyak na ngalan ng tao, hayop, bagay, lugar o pook, o pangyayari. Nagsisimula ito sa malaking titik o letra.
Mga Halimbawa ng Pangngalang Pantangi
Narito ang ilan sa mga halimbawa ng pangngalang pantangi.
- Bb. Reyes
- Mang Gibo
- Lola Basyang
- Laguna
- Pilipinas
- Manila Cathedral
- SM
- Rolex
- Nike
- Jollibee

Mga Halimbawa ng Pangngalang Pantangi sa Pangungusap
Narito ang sampung halimbawa ng pangngalang pantangi sa pangungusap.
- Si Bb. Reyes ay mahusay magturo.
- Maaasahang hardinero si Mang Gibo.
- Ang mga kwento ni Lola Basyang ay maganda.
- Umuwi ako sa Laguna kahapon.
- Ako ay nakatira sa Pilipinas.
- Sa Manila Cathedral nagsisimba si Melai.
- Pupunta kami sa SM bukas.
- Ang mahal ng Rolex.
- Bibili ako ng sapatos na Nike.
- Kakain kami sa Jollibee.

2. Pangngalang Pambalana
Ang pangngalang pambalana o common noun sa wikang Ingles ay isang uri ng pangngalan na tumutukoy sa pangkalahatang ngalan ng tao, pook, hayop, bagay, pangyayari, at iba pa. Ito ay karaniwang nagsisimula sa maliit na titik o letra.
Mga Halimbawa ng Pangngalang Pambalana
Narito ang ilan sa mga halimbawa ng pangngalang pambalana.
- guro
- magulang
- laruan
- lobo
- plato
- probinsya
- simbahan
- paaralan
- aso
- kuya

Mga Halimbawa ng Pangngalang Pambalana sa pangungusap
Narito ang ilan sa mga halimbawa ng pangngalang pambalana sa pangungusap.
- Ang aking guro ay mabait.
- Mapagmahal ang mga magulang.
- Akin ang laruan na ito.
- Bibili ako ng lobo.
- Paki-abot po ng plato.
- Uuwi kami sa probinsya.
- Sa simbahan na tayo magkita.
- Malawak ang aming paaralan.
- Ako ay may alagang aso.
- Si kuya ay maalalahanin.

At ‘yan ang dalawang uri ng pangngalan at mga halimbawa nito. Kung ang araling ito ay naging kapaki-pakinabang sa’yo, mangyaring ibahagi din sa iyong mga kaklase at kaibigan para sila rin ay matuto.
Maaari mo din itong i-share sa iyong mga social media account. I-click lamang ang share button na makikita sa screen. Maraming salamat!
Mga kaugnay na aralin
- Kasarian ng Pangngalan at mga Halimbawa nito
- Kailanan ng Pangngalan at mga Halimbawa nito
- Konkreto at Di-Konkretong Pangngalan
- PANG-URI: Halimbawa ng Pang-uri, Uri ng Pang-uri, Antas, Atbp.
- PANDIWA: Halimbawa ng Pandiwa, Aspekto ng Pandiwa, Pokus, Uri, Atbp.
- PANG-ABAY: Halimbawa ng Pang-abay, Uri ng Pang-abay, Atbp.