Kaligirang Pangkasaysayan ng Noli Me Tangere

Ang artikulong ito ay naglalayong maipakilala ang kaligirang pangkasaysayan ng Noli Me Tangere, ang obra ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal. Malalaman natin kung paano ito nagsimula, ang mga pangyayari sa panahon ng kaniyang pagsulat, at ang epekto nito sa kasaysayan ng Pilipinas.

Kaligirang Pangkasaysayan ng Noli Me Tangere

Pagpapakilala sa may Akda

Ang “Noli Me Tangere” ay ang kauna-unahang nobela ni Dr. Jose Rizal na ang buong pangalan ay Jose Protasio Rizal Mercado y Alonso Realonda. Siya ay anak nina Francisco Rizal Mercado y Alejandro at Teodora Alonso Realonda y Quintos. Ipinanganak siya noong Hunyo 19, 1861 sa Calamba Laguna.

Siya ay nag-aral ng medisina sa Maynila at noong Mayo 1882 ay ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral sa Espanya, sa Universidad Central de Madrid. Sa bansa ring iyon niya isinulat ang kanyang unang nobela na Noli Me Tangere.

Si Rizal ay magda-dalawampu’t apat na taong gulang ng kanyang sinimulang isulat ang nobelang ito. Inihahandog niya ito sa Inang-Bayan at inilalarawan nito ang kanser ng lipunan sa ilalim ng pamamahala ng mga Espanyol.

Ang pamagat na “Noli Me Tangere” ay isang salitang Latin na nangangahulugang “Huwag mo akong salingin,” mula sa Ebanghelyo ni San Juan (20:13-17). Ang bersong ito ay tumutukoy sa pahayag ni Hesu-kristo kay Maria Magdalena na huwag siyang hawakan sapagkat hindi pa siya nakaaakyat sa kanyang Ama.

Pagkakaimpluwensya at Inspirasyon sa Pagsusulat

Nagkaroon ng inspirasyon si Rizal na sumulat ng “Noli Me Tangere” matapos mabasa ang tatlong aklat: “The Wandering Jew” ni Eugene Sue, “Uncle Tom’s Cabin” ni Harriet Beecher Stowe, at ang Bibliya. Ang “The Wandering Jew” ay kwento ng isang lalaking kinutya si Hesus habang papunta sa Golgota at pinarusahan upang maglakad nang walang tigil sa buong mundo. Samantala, ang “Uncle Tom’s Cabin” ay tungkol sa pagmamalupit ng mga puting Amerikano sa mga aliping Negro. Ang mga aklat na ito ay nagbigay kay Rizal ng ideya na lumikha ng isang nobelang maglalarawan sa pang-aapi ng mga Kastila sa mga Pilipino at gigising sa damdaming makabayan ng kanyang mga kababayan.

Pagsisimula at Pagbuo ng Nobela

Bago matapos ang taong 1884, sinimulan ni Rizal ang pagsusulat ng “Noli Me Tangere” sa Madrid. Sa simula, binalak niyang makipagtulungan sa kanyang mga kaibigang Pilipinong manunulat na nasa Madrid tulad nina Pedro, Maximo, at Antonio Paterno; Graciano Lopez Jaena, Evaristo Aguirre, Eduardo de Lete, Julio Lorente, at Valentin Ventura. Ngunit dahil hindi sila nagbigay ng kontribusyon sa nobela, napagpasyahan ni Rizal na tapusin itong mag-isa.

Pagkatapos ng kanyang pag-aaral sa Universidad Central de Madrid, nagtungo siya sa Paris noong 1885, kung saan ipinagpatuloy niya ang pagsusulat at natapos ang malaking bahagi ng nobela. Natapos naman niya ang huling bahagi ng “Noli Me Tangere” sa Wilhelmsfeld, Germany sa pagitan ng Abril hanggang Hunyo 1886. Ginawa niya ang huling rebisyon sa Berlin at natapos ito noong Pebrero 21, 1887.

Mga Pagsubok sa Pagpapalimbag

Naging malaking pagsubok para kay Rizal ang pagpapalimbag ng kanyang nobela dahil sa kakulangan sa pondo. Dahil madalas na hindi kaagad dumating ang ipinapadalang pera ng kanyang kapatid na si Paciano, nagtitiis siya sa gutom at minsan ay kumakain lamang ng dalawang beses sa isang araw upang makatipid. Ang kakulangan ng salapi ay muntik nang maging dahilan ng hindi pagkakalimbag ng nobela. Sa kabutihang-palad, tinulungan siya ng kanyang kaibigang si Dr. Maximo Viola na nagpahiram ng 300 piso para sa pagpapalimbag ng 2,000 sipi sa Berliner Buchdruckrei-Action-Gesselschaft sa Berlin, Alemanya. Natapos ang pag-imprenta at lumabas ang nobela noong Marso 21, 1887.

Pagsusuri at Pagtanggap sa Nobela

Matapos mailimbag, ang “Noli Me Tangere” ay hinangaan ng maraming tao, kabilang na si Dr. Ferdinand Blumentritt na nagsabing ang nobela ay isinulat sa dugo ng puso. Subalit, hindi lahat ay natuwa; marami ring nagalit sa nobela, lalo na ang mga pari. Nanguna si Padre Salvador Font sa pagsusuri ng nobela at noong Disyembre 28, 1887, ay ipinagbawal ang pagpapakalat nito sa Pilipinas dahil umano sa subersibong nilalaman nito.

Mga Dahilan ng Pagsulat at Mensahe ng Nobela

Sa kanyang liham kay Dr. Ferdinand Blumentritt, ipinaliwanag ni Rizal ang mga layunin sa pagsulat ng “Noli Me Tangere”:

  • Ipagtanggol ang mga Pilipino laban sa paninirang-puri ng mga Kastila.
  • Ilahad ang tunay na kalagayang panlipunan, pamumuhay, at mga paniniwala ng mga Pilipino.
  • Ilantad ang maling paggamit ng relihiyon para sa pansariling kapakinabangan ng mga namumuno.
  • Ilahad ang pagkakaiba ng tunay at huwad na relihiyon.
  • Mailantad ang kasamaan at pagpapaimbabaw na itinatago sa likod ng kapangyarihan ng pamahalaan.
  • Mailarawan ang mga kamalian, masasamang gawi, at kahirapan ng buhay ng mga Pilipino.

Pagbalik ni Rizal sa Pilipinas at Paglisan Muli

Sa kabila ng babala ng kanyang mga kaibigan at pamilya, bumalik si Rizal sa Pilipinas upang alamin ang epekto ng kanyang nobela, upang maoperahan ang kanyang ina sa lumalalang katarata, at upang malaman ang dahilan ng kawalan ng komunikasyon kay Leonor Rivera. Ikinatuwa ng kanyang pamilya ang pagbabalik niya, subalit puno rin ng pangamba dahil sa posibleng panganib na dala ng kanyang mga kaaway. Nang ipatawag siya ni Gobernador Heneral Emilio Terrero sa Malacañang, tinanong siya tungkol sa subersibong nilalaman ng kanyang nobela, ngunit ipinahayag ni Rizal na tanging katotohanan lamang ang inilahad niya sa kanyang akda.

Dahil sa lumalaking banta sa kanyang kaligtasan at sa kanyang pamilya, pinaalalahanan si Rizal na lisanin muli ang Pilipinas. Umalis siya noong Pebrero 3, 1888, at sa kanyang paglalakbay sa ibang bansa, ipinagtanggol niya ang “Noli Me Tangere” laban sa mga kritiko sa pamamagitan ng mga akdang “La Vision del Fray Rodriguez” at “Por Telefono,” na tumutuligsa sa mga pari na sina Padre Jose Rodriguez at Padre Salvador Font.

Konklusyon

Ang “Noli Me Tangere” ay hindi lamang isang nobela kundi isang makasaysayang akda na nagmulat sa mga Pilipino tungkol sa pagmamalupit ng mga Kastila. Naging daan ito upang ipakita ang katotohanan, ilantad ang kanser ng lipunan, at isulong ang damdaming makabayan. Ang akdang ito ni Rizal ay isang malaking kontribusyon sa paggising ng diwa ng kalayaan at pagmamahal sa bayan ng mga Pilipino.

At d’yan nagtatapos ang kaligirang pangkasaysayan ng Noli Me Tangere. Kung nakatulog sa iyo ang araling ito, inaanyayahan ka namin sa ibahagi mo ito sa iyong mga kaibigan at mga kamag-aaral upang sila rin ay matuto.

Mga kaugnay na aralin

Noli Me Tangere Buod ng Buong Kwento (Maikling Buod)

Noli Me Tangere Buod ng Bawat Kabanata 1-64 w/ Talasalitaan

Noli Me Tangere Tauhan at mga Katangian ng Bawat Isa

Noli Me Tangere Summary of the Entire Novel

Noli Me Tangere Characters and their Traits

Share this: