Tatalakayin natin sa post na ito ang maikling buod ng Noli Me Tangere Kabanata 63 – Noche Buena. Bukod pa d’yan, malalaman mo din kung sinu-sino ang mga tauhang nabanggit sa kabanatang ito pati na rin ang aral at mahahalagang kaisipan na mapupulot mo rito.
Related: Noli Me Tangere Buod ng Buong Kwento (Maikling Buod)
Mga Nilalaman
Buod ng Noli Me Tangere Kabanata 63 – Noche Buena
Sa isang dampa sa bundok, nakatira ang isang pamilyang Tagalog na nabubuhay sa pangangaso at pangangahoy. Nandito sina Basilio at isang batang babae. Inalagaan ng matanda si Basilio noong natagpuan niyang sugatan. Nagkwento si Basilio tungkol sa kanyang buhay at pinayagan siyang umuwi ng matanda. Pinagbaunan pa siya ng pindang na usa para sa kanyang ina na si Sisa.
Noche Buena na sa bayan ng San Diego, ngunit malungkot ang mga tao. Malungkot din sa bahay ni Kapitan Basilio kung saan kausap niya si Don Filipo. Napawalang-sala si Don Filipo sa mga bintang laban sa kanya. Nakita nila si Sisa pero hindi siya nanakit ng kapwa.
Nakatanggap ng sulat si Sinang mula kay Maria Clara ngunit ayaw niyang buksan ito. Kumakalat ang balita na si Linares ang dahilan kung bakit nakaligtas si Kapitan Tiago sa parusang bitay.
Nakarating na si Basilio sa kanyang bahay ngunit wala si Sisa. Nakita niya si Sisa sa bahay ng alperes na umaawit. Tumakbo si Sisa pagkakita niya sa mga tanod at sumunod si Basilio sa kanya. Sa pagtakbo, binato si Basilio ng alilang babae sa ulo. Tuloy pa rin siya sa pagtakbo hanggang sa makarating sila sa gubat.
Pumasok si Sisa sa libingan ng matandang Kastila na nasa tabi ng punong balite. Niyakap ni Basilio si Sisa at napatigil sa pagtakbo. Pagkatapos ay nakilala ni Sisa ang kanyang anak at biglang bumagsak sa kanya. Nang magising si Basilio, natuklasan niyang patay na si Sisa.
Niyakap ni Basilio ang kanyang ina at napaiyak. Pagtunghay ni Basilio ay may nakita siyang sugatang lalaki na nakasamasid sa kanila at sila ay nag-usap. Ang lalaki ay si Elias. Dalawang araw na siyang hindi kumakain at tila hindi na rin magtatagal ang buhay.
Hindi kayang tulungan ni Elias si Basilio sa paglibing sa kanyang ina kaya pinapunta niya ito sa punong balite para kumuha ng panggatong. Bilin ni Elias na silaban ang bangkay nila ni Sisa.
Dagdag pa ng lalaki, may malaking kayamanan na nakabaon sa may puno ng balite at kung wala raw ibang taong dumating ay gamitin niya ang kayamanan sa kanyang pag-aaral.
Nagdadasal si Elias at nagwika na mamamatay siyang hindi nakikita ang pagbubukang-liwayway ng bayang minamahal niya. Nang tumanaw siya sa langit, unti-unti siyang nabuwal sa lupa.
Nasaksihan ng buong bayan ng San Diego ang malaking siga sa lugar na kinamatayan ni Sisa at Elias. Dahil dito, sinisi ni Manang Rufa ang gumawa ng siga dahil di daw ito marunong mangilin sa kapanganakan ng Panginoong Hesus.
See also: Noli Me Tangere Buod ng Bawat Kabanata 1-64 with Talasalitaan
Mga Tauhan sa Noli Me Tangere Kabanata 63
Ito ang mga tauhang nabanggit sa ika-63 Kabanata ng Noli Me Tangere:
Basilio
Isang batang lalaki na sugatan at natagpuan ng isang matanda sa bundok. Siya ay nagdesisyon na umuwi upang makita ang kanyang ina, si Sisa. Sa huli, nakita niya ang kanyang ina na namatay, at nakasama si Elias sa kanyang huling sandali.
Matanda
Isang matanda na kumupkop kay Basilio nang ito’y sugatan. Siya ang nagbigay ng pahintulot kay Basilio na umuwi at binigyan pa siya ng baon para sa kanyang ina.
Sisa
Ina ni Basilio, na naging baliw dahil sa mga pangyayari sa kanyang buhay. Sa kabanatang ito, siya ay natagpuan ni Basilio sa gubat ngunit agad ding namatay matapos makilala ang kanyang anak.
Kapitan Basilio
Isang pinuno sa San Diego na malungkot dahil sa mga nangyari sa kanilang bayan. Kausap niya si Don Filipo sa panahon ng Noche Buena.
Don Filipo
Nakaligtas sa mga bintang laban sa kanya at muling bumalik sa San Diego. Siya ay kasamang nagdalamhati kay Kapitan Basilio sa malungkot na Pasko ng kanilang bayan.
Sinang
Kaibigan ni Maria Clara na nakatanggap ng liham mula sa kanya ngunit natatakot itong basahin dahil sa posibleng malungkot na nilalaman.
Linares
Ang dahilan umano kung bakit nakaligtas si Kapitan Tiago sa parusang bitay.
Elias
Isang sugatang lalaki na nakasamasid at nakausap ni Basilio. Sinabi niyang gamitin ni Basilio ang kayamanang nakabaon sa ilalim ng puno ng balite para sa kanyang pag-aaral. Si Elias ay namatay sa tabi ni Basilio matapos sabihin ang kanyang huling habilin.
Manang Rufa
Ang nanisi na di raw marunong mangilin sa kapanganakan ng Panginoong Hesus ang taong gumawa ng malaking siga sa lugar ng kinamatayan nina Sisa at Elias.
Read more: Noli Me Tangere Tauhan at mga Katangian ng Bawat Isa
Tagpuan sa Noli Me Tangere Kabanata 63
Ang mga pangyayari sa kabanatang ito ay naganap sa iba’t ibang lugar: sa isang dampa sa bundok kung saan nakatira ang kumupkop kay Basilio, sa bayan ng San Diego, at sa gubat kung saan naroon ang libingan ng isang matandang Kastila katabi ng punong balite.
Mahahalagang Pangyayari sa Noli Me Tangere Kabanata 63
- Nalaman ni Basilio ang kalagayan ng kanyang ina, si Sisa, at nagdesisyon siyang umuwi upang makita ito.
- Tumakbo si Sisa papunta sa gubat matapos makita ang mga tanod na papalapit, at si Basilio ay sumunod sa kanya.
- Natagpuan ni Basilio ang kanyang ina sa tabi ng isang libingan, subalit nalaman niyang patay na ito.
- Nakilala ni Basilio si Elias, isang sugatang lalaki na nagbigay ng huling habilin at sinabi sa kanya na gamitin ang kayamanang nakabaon para sa kanyang pag-aaral.
- Namataang nasusunog ang lugar kung saan namatay sina Sisa at Elias, na sinisi ni Manang Rufa dahil sa hindi paggalang sa araw ng Pasko.
Talasalitaan sa Noli Me Tangere Kabanata 63
- Dampa – Isang maliit at pansamantalang tirahan
- Pindang – Karne ng hayop na pinreserba sa asin at iba pang sangkap
- Bintang – Akusasyon o sisi
- Sulat – Liham
- Alilang babae – Katulong na babae
- Libingan – Lugar kung saan nililibing ang patay
- Punong balite – Isang uri ng punong malaki at matanda
- Kayamanan – Mga bagay na may mataas na halaga
- Pagbubukang-liwayway – Simula o unang liwanag ng araw
- Siga – Apoy o sunog
Mga Aral, Mensahe, at Implikasyon sa Noli Me Tangere Kabanata 63
Narito ang mga aral at mahahalagang kaisipan na maaaring mapulot sa Kabanata 63 ng Noli Me Tangere:
- Ang pagkakaroon ng pag-asa sa kabila ng mga trahedya ay nagbibigay ng lakas upang magpatuloy sa buhay, tulad ng ginawang paghihikayat ni Elias kay Basilio.
- Ang kalungkutan at pagkawala ng mahal sa buhay ay hindi maiiwasan, ngunit mahalaga ang pagkilala sa kanilang alaala at ang pagpapatuloy ng kanilang mga pangarap.
- Ang pagkakaibigan at pagtitiwala ay mahalaga sa oras ng kagipitan, gaya ng ipinakita ni Elias kay Basilio sa kanyang huling sandali.
- Ang pag-aalaga sa kapwa at pagtulong sa mga nangangailangan, kahit sa huling sandali ng buhay, ay nagpapakita ng tunay na kabutihan.
- Minsan, ang mga paghuhusga ng lipunan, tulad ng ginawa ni Manang Rufa, ay nagpapakita ng kakulangan ng pag-unawa at empatiya sa tunay na nangyari.
At ‘yan ang Noli Me Tangere Kabanata 63 Buod, mga Tauhan, Tagpuan, Talasalitaan, at Aral. Kung naging kapaki-pakinabang sa iyo ang araling ito, ibahagi mo ito sa iyong mga kaklase at kaibigan upang sila din ay matuto sa bahaging ito ng nobela.
Maaari mo din itong i-share sa iyong mga social media profile. I-click lamang ang share button na makikita sa iyong screen. Para sa karagdagang mga tanong tungkol sa ating aralin, mangyaring mag-iwan ng komento sa ibaba.